Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Natatandaan Mo Ba?
    Ang Bantayan—1991 | Agosto 15
    • ◻ Papaano magagawa ng mga magulang at mga kabataang Kristiyano na patibayin ang posibilidad na ang pagtutol ng isang menor de edad sa pagsasalin ng dugo ay igagalang?

      Bagaman hindi legal na isa nang adulto, ang isang kabataang Kristiyano ay dapat na makapagpaliwanag nang malinaw at matatag kung ano ang kaniyang matibay na makarelihiyong pagtutol sa pagpapasalin ng dugo. Ang mga magulang ay maaaring magdaos ng mga pag-eensayo kasama ng mga anak upang ang mga ito ay magkaroon ng karanasan sa pagpapaliwanag ng kanilang sariling mga paniwala.​—6/15, pahina 18.

      ◻ Papaanong ang mga babae ay lubhang pinagpala noong panahon ng makalupang ministeryo ni Jesus?

      Si Jesus ay nagsimula ng isang gawain na nagdala ng kaaliwan, pag-asa, at isang bagong karangalan sa mga babae sa lahat ng lahi. Kaniyang tinuruan ang mga babae ng malalalim na espirituwal na katotohanan. (Juan 4:7, 24-26) Sa panahon ng kaniyang ministeryo, kaniyang tinanggap ang paglilingkod ng mga babae sa kaniyang paglalakbay sa buong lupain. (Marcos 15:40, 41)​—7/1, pahina 14-15.

      ◻ Anong mga pamamaraan ng pagtuturo ni Jesus ang napatunayan ng mga magulang na epektibo sa kanilang mga anak?

      Makabubuting gumamit ang mga magulang ng mga ilustrasyon upang ang mga katotohanang Kristiyano ay makaakit sa mga puso ng kanilang kabataang mga anak, at sila’y makagagamit ng pinag-isipang-mabuting mga katanungan upang alamin kung ano ang talagang iniisip ng kanilang nakatatandang mga anak. (Ihambing ang Mateo 17:24-27.)​—7/1, pahina 26.

      ◻ Bakit dapat na itaguyod natin ang kagandahang-loob?

      Ang katangian na kagandahang-loob ay nagpapamahal sa atin sa Diyos at sa iba. Ginagawa tayo nito na mapagpatuloy at higit na makonsiderasyon. Pinatitibay nito ang buklod sa loob ng pamilya at ng kongregasyong Kristiyano. Higit sa lahat, ang kagandahang-loob ay nagdadala ng kaluwalhatian kay Jehova.​—7/15, pahina 22.

      ◻ Bakit posible na ang mga Kristiyano’y mailigaw kung tungkol sa mga kasama? (1 Corinto 15:33)

      Ang isang tao ay maaaring tinging palakaibigan at kalugud-lugod, ngunit kung siya’y hindi naman isang Kristiyanong naglilingkod kay Jehova o naniniwala man lamang sa Bibliya, siya’y isang masamang kasama. Bakit? Sapagkat ang kaniyang buhay ay salig sa naiibang mga simulain, at ang mga bagay na importante sa isang Kristiyano ay baka walang gaanong kabuluhan sa kaniya.​—7/15, pahina 23.

      ◻ Bakit ang Araw ng Paghuhukom ay isang panahon ng pag-asa?

      Ang Araw ng Paghuhukom ay isang yugto ng panahon na may isang libong taon. Ang Diyos mismo ang mangangasiwa kasama ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, na hinirang ng Diyos upang magsilbing Hukom. Ito’y isang panahon ng pagsasauli sa sangkatauhan sa sakdal na buhay-tao na iniwala ni Adan para sa kaniyang mga supling. (1 Corinto 15:21, 22)​—8/1, pahina 5-7.

  • Itinatatuwa Mo ba ang Makasalanang mga Hilig?
    Ang Bantayan—1991 | Agosto 15
    • Itinatatuwa Mo ba ang Makasalanang mga Hilig?

      “KAYA nga, nasumpungan ko ang isang batas na: kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin. Talaga namang nagagalak ako sa batas ng Diyos ayon sa aking panloob na pagkatao, ngunit nakikita ko ang ibang batas sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa batas ng aking isip at dinadala akong bihag sa ilalim ng batas ng kasalanan.”​—Roma 7:21-23.

      Upang aminin ang nabanggit na sa unahan si apostol Pablo ay kinailangan na magpakumbaba. Subalit, sa kaniyang paggawa ng gayon, siya’y nakatulong na mahadlangan ang kaniyang di-sakdal na mga hilig upang huwag siyang madaig niyaon.

      Ganiyan din kung tungkol sa mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Pagka tayo’y nagkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan ng Bibliya, gumagawa tayo ng kinakailangang mga pagbabago sa ating istilo ng pamumuhay, umaayon sa mga pamantayan ni Jehova. Ngunit, nariyan pa rin ang makasalanang mga hilig, “sapagkat ang kinahihiligan ng puso ng tao ay masama mula pa sa kaniyang pagkabata.” (Genesis 8:21) Tayo ba’y may sapat na kataimtiman upang aminin sa ating sarili ang espesipikong mga tendensiya na nakaiimpluwensiya sa atin? O atin bang itinatatuwa na wala tayo niyaon, marahil nanghihinuha, ‘Ang mga ito’y baka problema na nga para sa iba pero para sa akin ay hindi’?

      Ang ganiyang panlilinlang sa sarili ay maaaring humantong sa kamatayan. Isang salig-Bibliyang ilustrasyon ang makatutulong sa atin na maunawaan ang pangangailangan na kilalanin ang ating makasalanang mga hilig at supilin iyon.

      Kung Bakit Maaaring Makamatay ang Pagtatatuwa

      Noong mga unang panahon sa Bibliya maraming lunsod ang protektado ng mga pader. Ang pintuang-bayan​—malimit na kahoy​—​ay isang bahagi ng panloob na pader ng isang lunsod na posibleng mapasok ng kalaban; kaya naman, ang mga ito ay mahigpitang ipinagtatanggol. Ang mga mamamayan ay nagtatayo ng sindaming mga pintuang-bayan na kinakailangan kung panahong mapayapa. Ang mga pintuang-bayan na kahoy ay malimit na nababalot ng metal, upang huwag mapinsala ng apoy. Nagtatayo ng mga tore sa mga pader upang matanaw ng nakadestino roong mga bantay kung may mga kaaway na nagbubuhat sa malayo at papalapit doon.

      Ngayon mag-isip: Ano ang mangyayari kung ang mga mamamayan ng isang lunsod ay itatatuwa na ang mga pintuang-bayan ay posibleng mapasok ng mga kaaway at sa gayo’y hindi nila iyon pinaglaanan ng sapat na proteksiyon? Ang kaaway na mga kawal ay madaling makapapasok sa lunsod, na hahantong sa pagkatalo niyaon.

      Ganiyan din naman kung tungkol sa atin. Alam ni Jehova kung saan tayo mahina. “Walang nilalang na hindi nahahayag sa kaniyang paningin, kundi lahat ng bagay ay hubad at nakalantad sa harapan ng mga mata niyaong ating pagsusulitan.” (Hebreo 4:13) Si Satanas man ay baka nakakakita ng ilang makasalanang hilig sa atin, iyon man ay ang pagpilipit sa katotohanan, pagkamadaling magalit, interes sa seksuwal na imoralidad, materyalismo, pagmamataas, o iba pa. Kung ating itinatatuwa na tayo’y may makasalanang mga hilig, ang ating sarili’y lalo pa nating pinahihina upang madaling maigupo ni Satanas sa pamamagitan ng pagsalakay sa ating pananampalataya. (1 Pedro 5:8) Baka tayo ay madaig samantalang umuunlad sa atin ang maling mga hangarin at imbes na maging mga hilig lamang ay nagbibigay-daan na pala sa pagkakasala. (Santiago 1:14, 15) Kailangang tularan natin si Pablo, na kilalaning baka tayo’y may ‘mga pintuang-bayan na kahoy.’

      Patibayin ang Iyong Sarili!

      Magiging walang-saysay din na makilala ang mga maling hilig ngunit pagkatapos ay pabayaan na lamang na gayon. Ito’y magiging katulad ng isang taong nananalamin, na nakapansin ng mga lugar na kailangang bigyang-pansin, at basta umalis na lamang at hindi na gumawa ng kinakailangang mga pagtutuwid. (Santiago 1:23-25) Oo, kailangang tayo’y gumawa ng pagkilos upang mabigyan ng proteksiyon ang ating sarili upang huwag madaig ng makasalanang mga hilig. Papaano natin magagawa ito?

      Malimit, noong mga unang panahon sa Bibliya, ang maliliit na mga bayan, o “nakadependeng mga bayan,” ay walang pader. (Bilang 21:25, 32; Hukom 1:27; 1 Cronica 18:1; Jeremias 49:2) Ang mga naninirahan sa mga bayang ito ay maaaring tumakas tungo sa isang napapaderang siyudad sakaling may mga kaaway na umaatake. Ang nakukutaang mga siyudad kung gayon ay nagsilbing isang takbuhan para panganlungan ng mga tao sa nakapalibot na mga lugar.

      Sa Bibliya ang Diyos na Jehova ay tinutukoy na isang moog, isang kanlungan, isang pader na maaari nating takbuhan para tayo magkaroon ng proteksiyon. (Kawikaan 18:10; Zacarias 2:4, 5) Kaya si Jehova ang pangunahing tagapagtanggol ng kaniyang mga lingkod. Ang walang-lubay na pananalangin sa kaniya ay lubhang kailangan. (1 Tesalonica 5:17) Ang isa pang tulong ay ang Bibliya. Sa paggamit ng Salita ng Diyos, makabubuting tayo’y gumawa ng pantanging pag-aaral ng mga lugar na doon ay mahina tayo. Maaari ring magtabi tayo para ulit at ulit na suriin ang salig-Bibliyang mga artikulo na may kinalaman sa atin-ating ‘mga pintuang-bayan na kahoy.’

      Gayundin, tulad ng mga bantay na nasa isang tore, ating maaaring makita ang mga kaaway buhat sa malayo, wika nga, at makakilos nang nararapat. Papaano? Sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga kalagayan na kung saan tayo’y maaaring mapaharap sa tukso o panggigipit. Halimbawa, ang isang taong nagsisikap na makainom ng katamtamang dami ng alak ay iiwas nang may katalinuhan sa mga lugar na kung saan karaniwan na ang mga inuming ito o hinihimok pa nga ang isa na magpakalabis.

      Lahat ng ito ay nangangailangan ng pagsisikap. Subalit, kung kinailangan ni apostol Pablo na ‘hampasin ang kaniyang katawan’ upang mapaglabanan ang di-sakdal na mga hilig, hindi ba tayo ay nangangailangan ding gumawa ng gayon? Ang ganiyang palaisip na pagbibigay-pansin sa ating makasalanang mga hilig ay nagpapakita na ating sinusunod ang tagubilin ni apostol Pedro: “Pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya.”​—1 Corinto 9:27; 2 Pedro 3:14.

      Kilalanin Iyon at Kumilos Ka

      Huwag kang masiraan ng loob kung, sa kabila ng iyong pagsisikap, lahat ng iyong di-sakdal na mga hilig ay hindi naman napaparam. Habang tayo ay di-sakdal, ang mga maling hilig ay hindi tuluyang mawawala, katulad din sa kaso ni Pablo. Ngunit kailangang patuloy na kumilos tayo upang masugpo ang mga ito, upang huwag nang manganak ng kasalanan.

      Gayunman, alamin ang pagkakaiba ng pagtanggap sa pagiging tunay ng di-kasakdalan at hindi pagsisikap na masugpo iyon. Iyan ay maipaghahalimbawa sa isang taong sa loob ng kaniyang dibdib ay may mahinang puso. Dapat na harapin niya ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pagsisikap na mapanatiling nasa mabuting kalagayan ang kaniyang puso ayon sa maaari niyang asahan. Siya’y hindi nangangatuwiran na yamang ang kaniyang literal na puso ay mahina, maaari na siyang magpasasa sa lahat ng bagay at mamuhay ayon sa kaniyang kagustuhan.

      Kung gayon, alamin na ang ating lakas ay wala sa may kabulagang pagtatatuwa sa makasalanang mga hilig kundi nasa pagkilala sa mga ito at pagkilos upang masugpo ito. Kaya huwag matakot na aminin sa iyong sarili at kay Jehova kung saan madali kang matukso at mapalagay sa kagipitan. Hindi naman nababawasan ang iyong pagkagusto sa iyong sarili sa paggawa ng gayon, ni nababawasan man ang pag-ibig sa iyo ni Jehova. Sa katunayan, habang ikaw ay lumalapit sa Diyos sa taimtim na paghahangad ng kaniyang pagsang-ayon, siya ay lalong mapapalapit sa iyo.​—Santiago 4:8.

      [Larawan sa pahina 31]

      Ang modelong ito ng Megiddo ay isang ilustrasyon ng may kutang mga pintuang-bayan at proteksiyong mga pader ng sinaunang mga lunsod

      [Credit Line]

      Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share