Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Papaano Tayo Makagaganti kay Jehova?
    Ang Bantayan—1991 | Disyembre 1
    • Papaano Tayo Makagaganti kay Jehova?

      ANG Diyos na Jehova ang pinakamabuting halimbawa ng pagbibigay. Kaniyang pinagkalooban ang lahat ng tao ng “buhay at hininga at lahat ng bagay.” (Gawa 17:25) Ang kaniyang araw ay pinasisikat ng Diyos sa balakyot at sa matuwid na mga tao. (Mateo 5:45) Oo, ‘binibigyan tayo ni Jehova ng ulan buhat sa langit at ng mabungang panahon, lubusang pinasasagana ang ating mga puso sa pagkain at kasayahan.’ (Gawa 14:15-17) Talaga naman, “bawat mabuting kaloob at bawat sakdal na handog ay galing sa itaas, sapagkat nagmumula sa Ama ng makalangit na liwanag”!​—Santiago 1:17.

      Bukod sa lahat ng materyal na mga kaloob ng Diyos, siya’y nagbibigay ng espirituwal na liwanag at katotohanan. (Awit 43:3) Ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay saganang pinagpapala ng espirituwal na pagkain na kaniyang ipinadadala sa tamang panahon sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Tayo’y maaaring makinabang sa espirituwal na mga paglalaan ng Diyos sapagkat kaniyang pinapangyayaring ito’y makamit ng makasalanan at namamatay na mga tao para mapasauli sa kaugnayan sa kaniya. Papaano? Sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, na nagbigay ng kaniyang buhay bilang pantubos para sa marami. (Mateo 20:28; Roma 5:8-12) Anong pagkadaki-dakilang kaloob buhat sa mapagmahal na Diyos, si Jehova!​—Juan 3:16.

      Posible ba na Mabayaran?

      Daan-daang taon bago ibinigay ang pantubos, isang kinasihang salmista ang lubhang nagpahalaga sa bigay-Diyos na awa, pagliligtas, at tulong kung kaya’t kaniyang sinabi: “Ano ang aking igaganti kay Jehova dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin? Aking kukunin ang saro ng dakilang kaligtasan at tatawag ako sa pangalan ni Jehova. Aking tutupdin ang mga panata ko kay Jehova, oo, sa harapan ng kaniyang buong bayan.”​—Awit 116:12-14.

      Kung tayo’y buong-pusong nag-alay kay Jehova, makatatawag tayo sa kaniyang pangalan nang may pananampalataya at matutupad natin ang ating mga panata sa kaniya. Bilang mga Saksi ni Jehova, tayo’y makapupuri sa Diyos sa pamamagitan ng pagsasalita ng kabutihan tungkol sa kaniya sa lahat ng panahon at pagpapahayag ng balita ng kaniyang Kaharian. (Awit 145:1, 2, 10-13; Mateo 24:14) Ngunit hindi natin mapayayaman si Jehova, na may-ari ng lahat ng bagay, ni makagaganti man sa kaniya sa lahat ng kaniyang pagpapala sa atin.​—1 Cronica 29:14-17.

      Ang pag-aabuloy sa ikasusulong ng mga kapakanan ng Kaharian ay hindi isang paraan ng pagganti o pagpapayaman kay Jehova. Gayunman, ang ganiyang pagbibigay ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na ipakita ang ating pag-ibig sa Diyos. Ang mga abuloy na ibinigay, hindi dahil sa masamang motibo o para mapatanyag at purihin ang isang nagbigay, kundi taglay ang espiritu ng pagkabukas-palad at upang maitaguyod ang tunay na pagsamba, ay nagdudulot ng kaligayahan at pagpapala ni Jehova sa nagbigay. (Mateo 6:1-4; Gawa 20:35) Ang isang tao ay makatitiyak ng pagkakaroon ng bahagi sa gayong pagbibigay at ng bungang kaligayahan sa pamamagitan ng regular na pagtatabi ng isang halaga buhat sa kaniyang materyal na mga ari-arian upang sumuporta sa tunay na pagsamba at matulungan ang mga karapat-dapat. (1 Corinto 16:1, 2) Ito ba’y dapat gawin sa pamamagitan ng pag-aabuloy ng ikapu?

      Ikaw ba’y Dapat Mag-abuloy ng Ikapu?

      Sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Malakias: “Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig, upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay; at pakisuyong subukin ninyo ako sa bagay na ito, . . . kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga dungawan ng langit at aktuwal na ihuhulog ko sa inyo ang isang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan.” (Malakias 3:10) Isa pang salin ang ganito ang mababasa: “Dalhin ninyo ang buong ikapu sa kamalig.”​—An American Translation.

      Ang ikapu ay ikasampung bahagi ng isang bagay. Ito ay 10 porsiyento na ibinibigay o ibinabayad bilang isang buwis. Ang pagbibigay ng ikapu ay lalung-lalo nang ginagawa para sa mga layuning relihiyoso. Ito’y nangangahulugan ng pagbibigay ng ikasampung bahagi ng kinikita ng isang tao upang mapalaganap ang pagsamba.

      Ang patriarkang si Abraham (Abram) ay nagbigay sa haring-saserdoteng si Melquisedek ng Salem ng isang ikapu ng mga samsam sa pagtatagumpay kay Chedorlaomer at sa kaniyang mga kaalyada. (Genesis 14:18-20; Hebreo 7:4-10) Nang magtagal, nagpanata si Jacob na ibibigay sa Diyos ang isang ikapu ng kaniyang mga ari-arian. (Genesis 28:20-22) Sa bawat kaso, ang pagbibigay ng ikapu ay kusang-loob, sapagkat ang sinaunang mga Hebreong iyon ay walang mga batas na umuobliga sa kanila na magbigay ng ikapu.

      Pag-aabuloy ng Ikapu sa Ilalim ng Kautusan

      Bilang bayan ni Jehova, ang mga Israelita ay binigyan ng mga batas tungkol sa pagbibigay ng ikapu. Marahil tungkol iyon sa paggamit ng dalawang ikapu ng taunang kinikita, bagaman may mga iskolar na naniniwalang iisa lamang ang taunang pag-aabuloy ng ikapu. Walang ikapung ibinibigay sa taon ng Sabbath, yamang walang kita na inaasahang papasok. (Levitico 25:1-12) Nagbibigay ng mga ikapu bukod sa mga unang bunga na inihahandog sa Diyos.​—Exodo 23:19.

      Ang ikapu ng ani sa lupain at sa mga bungangkahoy at waring sa pagdami ng mga hayupan at mga kawan ang dinadala sa santuwaryo at ibinibigay sa mga Levita, na walang tinatanggap na mana sa lupain. Pagkatapos, sila naman ay nagbibigay ng ikapu ng kanilang tinatanggap upang sumuporta sa mga saserdoteng Aaroniko. Marahil ang mga butil ay ginigiik at ang bunga ng ubas at ng punong olibo ay ginagawang alak at langis bago ibigay ang ikapu. Kung nais ng isang Israelita na magbigay ng salapi sa halip na produkto, magagawa niya ang gayon, ngunit kailangang dagdagan niya ng ikalimang bahagi ng halaga niyaon.​—Levitico 27:30-33; Bilang 18:21-30.

      Isa pang ikapu ang waring itinatabi. Sa pangkaraniwan, ito ay ginagamit ng isang pamilya pagka may pagtitipon na mga kapistahan. Ngunit kumusta kung ang paroroonan ay napakalayo sa Jerusalem para kombinyenteng madala ang ikapung ito? Ang butil, bagong alak, langis, at mga hayop ay ikinukumberte sa pera na madaling dalhin. (Deuteronomio 12:4-18; 14:22-27) Sa katapusan ng bawat ikatlo at ikaanim na taon ng pitong-taóng siklo ng Sabbath, ang ikapu ay itinatabi para sa mga Levita, mga dayuhang nakikipamayan doon, mga biyuda, at mga batang lalaking ulila sa ama.​—Deuteronomio 14:28, 29; 26:12.

      Sa ilalim ng Kautusan, hindi pinagmumulta ang hindi nagbibigay ng ikapu. Bagkus, ang bayan ay isinailalim ni Jehova sa isang matibay na obligasyong moral na magbigay ng ikapu. Kung minsan sila ay kailangang magpahayag sa harap niya na nabayaran nang ganap ang ikapu. (Deuteronomio 26:13-15) Anumang ipinagkait na labag sa ipinanata ay itinuturing na ninakaw sa Diyos.​—Malakias 3:7-9.

      Ang pag-aabuloy ng ikapu ay hindi isang kaayusan na mabigat. Ang totoo, pagka sinusunod ng mga Israelita ang mga kautusang ito, sila’y nagiging lalong maunlad. Ang ikapu ay nagpapaunlad ng tunay na pagsamba nang hindi labis na idiniriin kung papaano maglalaan para rito ng materyal na mga bagay. Sa gayon, ang kaayusan ng ikapu ay nakabuti sa lahat sa Israel. Subalit ang ikapu ba ay para sa mga Kristiyano?

      Kailangan Bang Mag-abuloy ng Ikapu ang mga Kristiyano?

      Sa loob ng ilang panahon, ang pag-aabuloy ng ikapu ay pangkaraniwan na sa Sangkakristiyanuhan. Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Ito . . . ay unti-unting naging pangkaraniwan noong ika-6 na siglo. Ang Council of Tours noong 567 at ang ikalawang Council of Macon noong 585 ay nagtaguyod ng pagbibigay ng ikapu. . . . Naging palasak ang mga pag-aabuso, lalo na nang ang karapatang kumulekta ng ikapu ay kalimitang ibinibigay o ipinagbibili sa lego. Pasimula kay Papa Gregorio VII ang ganitong kaugalian ay ipinahayag na labag sa batas. Maraming lego noon ang nagharap ng kanilang mga karapatan sa mga monasteryo at sa mga klerigo sa katedral. Hindi winakasan ng Repormasyon ang ikapu, at ang kaugalian ay ipinagpatuloy sa Iglesiya Katolika Romana at sa mga bansang Protestante.” Ang pagbibigay ng ikapu ay inihinto o unti-unting hinalinhan sa iba’t ibang bansa, at ilang mga relihiyon na lamang ngayon ang sumusunod dito.

      Kaya, ngayon, ang mga Kristiyano ba ay hinihilingan na magbigay ng ikapu? Sa kaniyang konkordansiya ng Bibliya, sinabi ni Alexander Cruden: “Ang ating Manunubos, ni ang kaniyang mga apostol man ay hindi nag-utos ng anuman tungkol sa bagay na ito ng ikapu.” Tunay nga, ang mga Kristiyano ay hindi hinihingan ng ikapu. Ang Diyos mismo ang tumapos sa Kautusang Mosaiko, na may mga kaayusan sa ikapu, ipinako iyon sa pahirapang tulos ni Jesus. (Roma 6:14; Colosas 2:13, 14) Sa halip na sila’y hilingan na magbigay ng isang tiyak na halaga upang tumustos sa mga gastos sa kongregasyon, samakatuwid, ang mga Kristiyano ay kusang nag-aabuloy.

      Parangalan si Jehova ng Inyong Mahalagang Ari-arian

      Mangyari pa, kung kusang minamagaling ng isang Kristiyano na ibigay ang ikapu ng kaniyang kita upang mapasulong ang tunay na pagsamba, hindi siya hinahadlangan ng Kasulatan sa gayong pag-aabuloy. Sa isang liham na kasama ang kaniyang abuloy, isang 15-taóng-gulang na binatilyo sa Papua New Guinea ang sumulat: “Nang ako’y maliit pa, sinasabihan ako ng aking itay, ‘Kapag nagsimula ka nang magtrabaho, ang mga unang bunga ay ibibigay mo kay Jehova.’ Natatandaan ko pa ang mga salita ng Kawikaan 3:1, 9, na nagsasabing ibigay natin ang mga unang bunga kay Jehova upang parangalan siya. Ako’y nangakong gagawin ko ito, at ngayon kailangang tupdin ko ang aking pangako. Tuwang-tuwa ako na ipadala ang salaping ito upang makatulong sa gawaing pang-Kaharian.” Ang Bibliya ay hindi naman nananawagan sa mga Kristiyano na gumawa ng ganiyang pangako. Gayunman, ang bukás-palad na pagbibigay ay isang mainam na paraan ng pagpapakita ng matinding interes sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba.

      Ang isang Kristiyano ay maaaring hindi naglalagay ng takdang limitasyon sa kaniyang iaabuloy sa ikasusulong ng pagsamba sa Diyos na Jehova. Bilang halimbawa: Samantalang nasa isang asamblea ng mga Saksi ni Jehova, dalawang may-edad nang mga kapatid na babae ang nag-uusap tungkol sa donasyon na maaaring ibigay para sa gawaing pang-Kaharian. Tungkol sa pagkuha ng pagkain doon sa asamblea, isa sa mga sister, na 87 taóng gulang, ang nagtanong kung gaano ang halaga niyaon upang maiabuloy niya ang halagang iyon. Ang isang sister, na 90 taon, ay nagsabi: ‘Basta magbigay ka kung ano ang inaakala mong nararapat​—at dagdagan mo pa rin nang kaunti.’ Anong inam na saloobin ang ipinakita ng nakatatandang sister na ito!

      Yamang ang mga lingkod ni Jehova ay nag-alay ng lahat na taglay nila, sila’y buong kagalakang nag-aabuloy ng salapi at ng iba pang mga kontribusyon upang sumuporta sa tunay na pagsamba. (Ihambing ang 2 Corinto 8:12.) Sa katunayan, ang Kristiyanong paraan ng pagbibigay ay naglalaan ng pagkakataon upang maipakita ang matinding pagpapahalaga sa pagsamba kay Jehova. Ang ganiyang pagbibigay ay hindi lamang hanggang sa ikapu, o sa ikasampung bahagi, at maaaring may pagkakataon na ang isang tao ay napupukaw na magbigay nang higit pa upang mapasulong ang mga kapakanan ng Kaharian.​—Mateo 6:33.

      Sinabi ni apostol Pablo: “Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso, huwag mabigat sa loob o parang pinipilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.” (2 Corinto 9:7) Kung ikaw ay nagbibigay nang masaya at bukás-palad sa pagsuporta sa tunay na pagsamba, ikaw ay gumagawa ng mabuti, sapagkat isang pantas na kawikaan ang nagsasabi: “Parangalan mo si Jehova ng iyong ari-arian at ng mga unang bunga ng lahat mong ani. Kung magkagayo’y mapupunô nang sagana ang iyong mga kamalig; at ang iyong alilisan ay aapawan ng bagong alak.”​—Kawikaan 3:9, 10.

      Hindi natin mapayayaman ang Kataas-taasan. Siya ang may-ari ng lahat ng ginto at pilak, ang mga hayop sa isang libong mga bundok, at ng mahahalagang bagay na hindi mabilang. (Awit 50:10-12) Kailanman ay hindi natin kayang gantihin ang Diyos sa lahat ng kaniyang pagpapala sa atin. Subalit maipakikita natin ang ating matinding pagpapahalaga sa kaniya at sa pribilehiyong siya’y pag-ukulan ng banal na paglilingkod sa kaniyang ikapupuri. Matitiyak natin na mayayamang pagpapala ang aagos sa mga taong liberal na nagbibigay upang itaguyod ang dalisay na pagsamba at parangalan ang maibigin at bukás-palad na Diyos, si Jehova.​—2 Corinto 9:11.

      [Kahon sa pahina 29]

      KUNG PAPAANONG ANG IBA’Y NAG-AABULOY SA GAWAING PANGKAHARIAN

      ◻ PAG-AABULOY SA GAWAING PANDAIGDIG: Marami ang nagtatabi o nagbabadyet ng halaga na kanilang inilalagay sa mga kahong abuluyan na may markang: “Abuloy Para sa Gawaing Pandaigdig ng Samahan​—Mateo 24:14.” Bawat buwan ang mga kongregasyon ay nagpapadala ng mga halagang ito sa pandaigdig na punong-tanggapan sa Brooklyn, New York, o sa pinakamalapit na tanggapang sangay.

      ◻ KALOOB: Kusang-loob na mga donasyon ng salapi ang maaaring tuwirang ipadala sa Watch Tower Society of Pennsylvania, 25 Columbia Heights, Brooklyn, New York 11201, o sa lokal na tanggapang sangay ng Samahan sa inyong bansa. Mga alahas o iba pang mahahalagang bagay ay maaari ring ibigay bilang donasyon. Isang maikling liham na nagsasabing ang gayon ay isang tuwirang donasyon ang dapat kasama ng mga abuloy na ito.

      ◻ KAAYUSAN NG KONDISYONAL NA DONASYON: maaaring magkaloob ng salapi sa Watch Tower Society upang ito ang maghawak niyaon hanggang sa kamatayan ng nagkaloob, kasama ng probisyon na sakaling magkaroon ng personal na pangangailangan, ito’y ibabalik sa nagkaloob.

      ◻ SEGURO: Ang Watch Tower Society ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang polisa sa seguro-sa-buhay o sa isang plano tungkol sa pagreretiro/pensiyon. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.

      ◻ DEPOSITO SA BANGKO: Ang mga deposito sa bangko, sertipiko ng deposito, o indibiduwal na deposito sa pagretiro ay maaaring ilagay sa pangangalaga o bayaran sa Watch Tower Society pagkamatay ng may deposito, ayon sa lokal na mga kahilingan sa bangko. Dapat ipaalam sa Samahan ang alinman sa gayong mga kaayusan.

      ◻ MGA AKSIYON AT BONO: Ang mga aksiyon o bono ay maaari ring ibigay na donasyon sa Watch Tower Society bilang isang tuwirang kaloob o sa ilalim ng isang kaayusan na sa pamamagitan niyaon ang kita ay patuloy na ibinabayad sa nagkaloob ng donasyon.

      ◻ LUPA’T BAHAY: Maipagbibiling mga lupa’t bahay ay maaaring ibigay na donasyon sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng tuwirang pagkakaloob o ng pagrereserba ng isang bahagi niyaon para sa panghabang-buhay na tirahan ng nagkaloob, na makapagpapatuloy na manirahan doon nang habang-buhay. Dapat munang makipag-alam sa Samahan bago ilipat sa pangalan ng Samahan ang anumang ari-arian.

      ◻ TESTAMENTO AT IPINAGKATIWALA: Ang pag-aari o salapi ay maaaring ipamana sa Watch Tower Society sa pamamagitan ng isang testamento na isinaayos ayon sa legal na paraan, o ang Samahan ay maaaring gawing benepisyaryo ng isang kasunduan sa ipinagkatiwala. Ang isang ipinagkatiwala na pakikinabangan ng isang organisasyong relihiyoso ay maaaring bigyan ng ilang bentaha sa pagbubuwis. Isang kopya ng testamento o kasunduan sa ipinagkatiwala ay dapat ipadala sa Samahan.

      Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga bagay na ito, sumulat sa Treasurer’s Office, Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa pinakamalapit na tanggapang sangay ng Samahan.

  • Ginagawa Nila ang Kanilang Kaya
    Ang Bantayan—1991 | Disyembre 1
    • Ginagawa Nila ang Kanilang Kaya

      Bagaman hindi sila makaganti kay Jehova sa lahat ng kaniyang pagpapala sa kanila, marami ang gumagawa ng kaya nila upang suportahan ang pambuong-daigdig na pangangaral ng kaniyang mga Saksi. (Mateo 24:14; ihambing ang Marcos 14:3-9.) Nakawiwili ang liham na ito buhat sa isang pamilya sa Minnesota, E.U.A.:

      “Mahal na mga Kapatid,

      “Narito po ang isang donasyon sa halagang $​—​—. Pakisuyo pong gamitin ito sa pagtustos sa pandaigdig na gawain o isama sa Kingdom Hall Building Fund, o sa iba pang pangangailangan ng organisasyon. . . .

      “Kami’y nagtitiwala na ang salaping ito ay gagamitin na kasuwato ng kalooban [ni Jehova]. Nais naming samantalahin ang pagkakataong ito upang kayo’y patibaying-loob na magpatuloy sa mabuting gawain, at lalo na salamat po sa videotape ng Samahan [Watch Tower] sa pambuong-daigdig na kilusan nito. Ang tape na ito ang nagpadama sa amin ng lawak ng gawain, at aming nabatid na kailangan ang aming boluntaryong donasyon. Dati, hinayaan namin na ang kongregasyon, sirkito, at distrito ang mag-asikaso ng pagpapadala ng donasyon sa inyo, ngunit ngayon ay pinasasalamatan namin si Jehova sa pagiging matiisin sa amin sa kaiklian ng aming pananaw at maibiging ipinakita sa amin na kailangang kami ang personal na tumulong upang matustusan ang nagliligtas-buhay na gawaing ito, bukod sa mga iba pang uri ng donasyon. Kami’y nagpasiyang magpadala, bilang isang pamilya, ng sa pinakamaliit ay $​—​— bawat buwan . . . tuwiran sa New York.

      “Muli, salamat po sa mainam na paglilingkod na ibinigay ninyo sa amin at sa katapatan kay Jehova na inyong ipinakita.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share