Magpasigla sa Pagtataguyod ng mga Espirituwal na Tunguhin
1 Kailan ma’y hindi nagkaroon ng ganitong karaming mga kabataan na nakikibahagi sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian! Sampu-sampung libo ang yumayakap sa payo ng Eclesiastes 12:1: “Alalahanin mo ngayon ang Dakilang Manlalalang sa panahon ng iyong kabataan.” Ano ang nagpakilos sa mga kabataang ito na makibahagi sa ministeryo, at bakit marami sa kanila ay nagpapayunir?
2 Walang alinlangan na marami ang tumutulad sa paggawi ng natatanging kabataang si Timoteo. Ang ina at lola niya ay nagbigay sa kaniya ng espirituwal na edukasyon mula sa pagkasanggol at hinimok siya na itaguyod ang mga espirituwal na tunguhin. (2 Tim. 3:14, 15) Kaya, nang ang pagkakataon ay dumating para sa higit pang pribilehiyo, siya’y naging kuwalipikado at handa para doon.—Gawa 16:1-3.
3 Papaanong marami pang mga kabataan ang mapasisigla na itaguyod ang mga espirituwal na tunguhin? Papaano mapatitibay ng mga magulang ang kanilang mga anak na magpahalaga sa katotohanan at tulungan silang magtakda ng mga tunguhin sa kanilang sarili?
4 Maglatag ng Maka-Kasulatang Pundasyon: Dapat tiyakin ng mga magulang na ang kanilang itinuturo sa kanilang mga anak ay mula kay Jehova upang ang kanilang mga anak ay “maging pantas sa ikaliligtas.” (2 Tim. 3:15) Puspusang linangin sa kanila ang malalim na pag-ibig sa Salita ng Diyos. Nangangailangan ito nang palagian, makahulugang pag-aaral ng Bibliya, kalakip nang palagiang pagdalo sa mga pagpupulong. Ang mga kabataan ay dapat na may sariling palatuntunan ng personal na pag-aaral at maglinang ng kanilang sariling kaugnayan kay Jehova.—1 Tes. 5:21; Heb. 11:1.
5 Ang mga kabataang Kristiyano ay mas madaling magtataguyod ng espirituwal na kapakanan kung ang kanilang mga magulang at iba pang maygulang sa loob ng kongregasyon ay magbibigay ng mainam na halimbawa at kamamalasan ng “kagalakan ni Jehova.” (Neh. 8:10) Sa ganitong paraan, maipapakita nating lahat sa mga kabataang ito na ang mga kahilingan ng tunay na pagka-Kristiyano ay hindi mabigat.—1 Juan 5:3.
6 Maraming mga kabataan ang naimpluwensiyahan nang malaki ng mga payunir, misyonero, at naglalakbay na tagapangasiwa na gumawang kasama nila sa larangan at nagpasigla sa kanila. Makakatulong ang mga magulang sa pag-aanyaya ng mga huwarang payunir upang kumain sa kanilang tahanan o para sa pagsasamahang Kristiyano. Si Jesu-Kristo ang naglaan ng mainam na huwaran sa pagbibigay ng timbang na atensiyon sa mga kabataan.—Mar. 10:13-16.
7 Pagtatakda ng Tunguhin: Taglay ang wastong pagsubaybay ng magulang, ang mga anak ay kadalasang naglalagay ng kanilang espirituwal na tunguhin maaga pa sa buhay. Minsang ang mga kabataan ay nagpasiya kung anong espirituwal na tunguhin ang nais nilang matamo, maging ito man ay pagpapayunir, paglilingkuran sa Bethel o pagmimisyonero, ang mga magulang at iba pang maygulang na mga kapatid ay makapagpapatibay sa kanila na abutin ang kanilang tunguhin, na naglalaan sa kanila ng praktikal na mga mungkahi para sa ikasisigla nila.
8 Bawat kongregasyon ay katulad ng isang pamilya. Kaya bawat isa sa atin ay dapat na maging interesado sa pagtulong sa mga kabataan na patuloy na lumakad sa katotohanan at gumawa ng espirituwal na pagsulong.