Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Gaano katindi ang dapat gawing pagtanggi ng isang Kristiyano sa pagsasalin ng dugo na iniutos o autorisado ng isang hukuman?
Bawat situwasyon ay walang katulad, kaya walang iisang alituntunin na kapit sa lahat ng kaso. Ang mga Kristiyano ay kilala sa magalang na ‘pagbibigay kay Cesar ng mga bagay na kay Cesar,’ bilang pagsunod sa mga batas ng makasanlibutang pamahalaan. Gayunman, batid nila na ang kanilang higit na obligasyon ay “Ibigay sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos,” na hindi nilalabag ang kaniyang batas.—Marcos 12:17.
Sa Roma 13:1-7 ay tinatalakay ang kaugnayan ng mga Kristiyano sa pamahalaan ng “nakatataas na mga autoridad.” Ang gayong mga pamahalaan ay may autoridad na gumawa ng mga batas o maglabas ng mga ordinansa, karaniwan na upang maisakatuparan ang pangkalahatang ikabubuti ng mga mamamayan. At ang mga pamahalaan ang ‘may taglay ng tabak’ upang ipatupad ang kanilang mga batas at ‘upang magpahayag ng poot sa gumagawa ng masama ayon sa kanilang mga batas.’ Palibhasa’y napasasakop sa nakatataas na mga autoridad, nais ng mga Kristiyano na sumunod sa mga batas at sa mga utos ng hukuman, ngunit ang ganitong pagpapasakop ay kailangang may pasubali. Kung ang isang Kristiyano ay hinihilingan na sumunod sa isang bagay na magiging paglabag naman sa nakatataas na kautusan ng Diyos, ang banal na kautusan ang inuuna; ito ang dapat na unahin.
Ang ilang modernong mga batas na nakasalig sa kabutihan ay baka maling ikapit upang magkaroon ng karapatan na ipilit ang pagsasalin ng dugo sa isang Kristiyano. Sa kasong ito ang mga Kristiyano ay kailangang gumawa ng paninindigan na katulad niyaong kay apostol Pedro: “Kailangang sundin muna namin ang Diyos bilang pinuno bago ang mga tao.”—Gawa 5:29.
Ipinag-utos ni Jehova sa mga Israelita: “Pagtibayin mo na hindi mo kakanin ang dugo, sapagkat ang dugo ay siyang kaluluwa at huwag mong kakanin ang kaluluwa kasama ng laman.” (Deuteronomio 12:23) Ganito ang mababasa sa isang Judiong salin ng Bibliya noong 1917 Deu 12:23: “Lamang ay pagtibayin mo na huwag kakanin ang dugo.” At isinalin ni Isaac Leeser ang talata nang ganito Deu 12:23: “Lamang ay magpakatibay ka na huwag kumain ng dugo.” Ibig bang sabihin na pahapyaw lamang na sundin iyan ng mga lingkod ng Diyos o pasumpung-sumpong lamang na itaguyod ang kaniyang batas?
May mabuting dahilan ang mga Kristiyano sa lubusang determinasyon na sundin ang Diyos, kahit na kung sila’y pag-utusan ng isang pamahalaan na gawin ang kabaligtaran. Si Propesor Robert L. Wilken ay sumulat: “Ang mga Kristiyano ay hindi lamang tumatanggi sa pagseserbisyo sa hukbo [na Romano] kundi sila’y hindi tumatanggap ng tungkuling bayan ni ng pananagutan man sa pamamahala sa mga siyudad.” (The Christians as the Romans Saw Them) Ang pagtanggi ay nangangahulugan na sila’y itinuturing na manlalabag-batas o hinahatulan na mamatay sa Romanong arena.
Ang mga Kristiyano sa ngayon ay kailangan ding maging matatag, nagpapakatibay na huwag lumabag sa kautusan ng Diyos, kahit na iyan ay naghahantad sa kanila sa panganib sa makasanlibutang mga pamahalaan. Ang pinakamataas na batas ng sansinukob—ang batas ng Diyos—ay nag-uutos na ang mga Kristiyano’y dapat umiwas sa maling paggamit sa dugo, kung papaanong sila ay pinagbabawalan ng pakikiapid (seksuwal na imoralidad). Ang mga pagbabawal na ito ay tinatawag ng Bibliya na “kinakailangang mga bagay.” (Gawa 15:19-21, 28, 29) Ang ganiyang kautusan ng Diyos ay hindi dapat na biru-biruin lamang, na para bang isang bagay na susundin lamang kung iyon ay kumbinyente o hindi nagbabangon ng mga suliranin. Ang kautusan ng Diyos ay kailangang sundin!
Kung gayon, ating mauunawaan kung bakit ang batang Kristiyano na binanggit sa pahina 17 ay nagsabi sa hukuman na “kaniyang itinuturing ang pagsasalin na paglapastangan sa kaniyang katawan at inihambing iyon sa panggagahasa.” Ang sinuman bang babaing Kristiyano, bata man o matanda, ay papayag na siya’y gahasain, kahit na may legal na pahintulot na gawin ang pakikiapid sa pamamagitan ng seksuwal na panghahalay?
Sa gayunding paraan, ang 12-taóng-gulang na sinipi sa pahina ring iyon ay hindi nagbibigay ng bahagya mang duda na ‘kaniyang lalabanan nang kaniyang buong-lakas ang anumang autorisado ng hukumang pagsasalin, na siya’y titili at manlalaban, na ang nakatusok sa kaniyang braso na pang-iniksiyon ay tatanggalin niya at tatangkain niya na itapon ang dugo na nasa bag sa ibabaw ng kaniyang higaan.’ Siya’y matibay sa kaniyang pasiya na sundin ang batas ng Diyos.
Si Jesus ay umalis sa lugar na kinaroroonan niya nang ang karamihan ay maghangad na gawin siyang hari. Sa katulad na paraan, kung sakaling malamang na mangyari ang pagsasalin ng dugo na autorisado ng hukuman, maaaring mabutihin ng isang Kristiyano na umiwas upang huwag maganap sa kaniya ang gayong paglabag sa kautusan ng Diyos. (Mateo 10:16; Juan 6:15) Sa kabila nito, ang isang Kristiyano ay matalinong makahahanap ng panghaliling paraan ng paggamot, sa gayo’y tunay na nagsisikap na maitaguyod ang kaniyang buhay at makapanunumbalik sa kalusugan.
Kung ang isang Kristiyano’y gumawa ng matitinding pagsisikap na maiwasan ang paglabag sa kautusan ng Diyos sa dugo, baka siya’y ituring ng mga autoridad na isang manlalabag-batas o dili kaya’y ipagsakdal siya. Kung sakaling magbunga iyon ng kaparusahan, dapat tingnan iyon ng Kristiyano bilang isang pagdurusa alang-alang sa katuwiran. (Ihambing ang 1 Pedro 2:18-20.) Subalit sa karamihan ng kaso, ang mga Kristiyano ay umiwas sa pagsasalin at sa pamamagitan ng mahusay na paraan ng paggamot ay gumaling, kaya walang ibinungang nananatiling legal na mga suliranin. At mahalaga sa lahat, sila’y nakapanatili sa kanilang katapatan sa kanilang Banal na Tagapagbigay-Buhay at Hukom.