Kinuwenta Mo na ba ang Halaga?
“ANO! Tinatanggihan mo ang gayong kahanga-hangang alok?” Halos hindi mapaniwalaan ng superbisor ang kaniyang narinig. Ang isa sa kaniyang tauhan, isang babaing iginagalang dahil sa kaniyang kahusayang magtrabaho at magandang asal, ay katatanggi lamang sa isang alok na mag-aral sa ibang bansa sa loob ng dalawang taon sa gastos ng kompanya. Bakit siya tumanggi?
Kung tatanggapin ang alok, paliwanag ng babae, siya’y mapapahiwalay sa kaniyang asawang lalaki at dalawang anak sa loob ng dalawang taon. Hahanap-hanapin niya sila. Lalong mahalaga, mapapabayaan din niya ang bigay-Diyos na mga tungkulin niya bilang isang asawa at ina. Ang halaga ng damdamin at espirituwalidad ay di-kayang bayaran ng salapi. Kaya, pagkatapos tayahin ang halaga, ipinasiya niya na tanggihan ang alok.
Ano kaya ang iyong gagawin kung ikaw ang nasa lugar niya? Maliwanag, hindi lahat ay sasang-ayon sa pasiya ng Kristiyanong babaing ito. Ang iba, tulad halimbawa ng kaniyang mga kamanggagawa, ay mag-iisip na kaniyang tinanggihan ang isang magandang pagkakataon para sumulong sa kaniyang karera. Ang iba ay magpaparatang marahil sa kaniya na hindi niya iniisip ang kinabukasan ng kaniyang pamilya, sapagkat, sa papaano man, mabilis namang lilipas ang dalawang taon. Gayunman, hindi isang silakbo ng damdamin o sentimental na pasiya ang kaniyang ginawa. Iyon ay nakasalig sa matinong pangangatuwiran at mga simulain ng isang may malayong pananaw. Ano ba ang mga ito?
Higit Pa Kaysa Sentido Komun
Ang pinakamarunong na taong nabuhay sa lupa, si Jesu-Kristo, ay nagbigay ng alituntunin sa isa sa kaniyang mga talinghaga. “Sino ba sa inyo ang kung ibig magtayo ng isang moog ay hindi muna uupo at tatayahin ang halagang magugugol, upang alamin kung mayroon siyang sapat na magugugol hanggang sa matapos?” ang tanong ni Jesus. “Baka kung mailagay na niya ang patibayan ngunit hindi maipatatapos, lahat ng makakakita ay magpapasimulang libakin siya, at sabihin, ‘Ang taong ito ay nagpasimulang magtayo ngunit hindi naipatapos.’ ”—Lucas 14:28-30.
Sinuman ay sasang-ayon na isang karunungan na tayahin ang magagastos bago magpasiyang gawin ang anumang bagay na mahalaga. Halimbawa, kung ibig ng isang tao na bumili ng isang bahay, siya ba’y magmamadali na pipirma sa isang kontrata na hindi man lang inaalam ang halaga at tinitiyak na mayroon siyang salaping magugugol upang makatugon sa kahilingan? Siya’y ituturing na isang mangmang kung gagawin niya iyon. Oo, sentido komun iyon na tayahin ang halaga bago pasimulan ang isang gawain.
Subalit, ano bang talaga ang punto ni Jesus sa talinghagang iyan? Mismong bago umpisahan ang talinghaga, sinabi niya: “Sinumang hindi nagpapasan ng kaniyang pahirapang tulos at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:27) Samakatuwid, ipinakikita ng teksto na hindi lamang isang payo na nangangailangan ng sentido komun ang ibinibigay ni Jesus para sa pangkaraniwan, araw-araw na mga gawain. Bagkus, ang kaniyang tinutukoy ay ang pagkuwenta ng halaga may kaugnayan sa pagiging kaniyang alagad.
Sa pamamagitan ng kaniyang talinghaga, binanggit ni Jesus na upang maging kaniyang alagad ay kailangan ang mga pagbabago at mga pagsasakripisyo. Bakit? Sapagkat ang kasalukuyang sistema ng mga bagay ay materyalistiko at pinakikilos ng sariling kapakanan. Karamihan ng tao ay walang iniisip kundi ang kasiyahan ng mga pita ng laman, na hindi gaanong binibigyang pansin o hindi iniintindi ang kanilang espirituwal na pangangailangan o ang kanilang kaugnayan sa Diyos. (2 Timoteo 3:1-4) Subalit, ang ganitong saloobin, o espiritu ay tuwirang naiiba sa ipinakita ni Jesu-Kristo. “Ang Anak ng tao ay naparito,” aniya, “hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” Ang lubhang pinahahalagahan niya ay ang espirituwal imbes na materyal na mga bagay nang kaniyang sabihin: “Ang espiritu nga ang nagbibigay-buhay; at sa laman ay walang anumang mapapakinabang.”—Mateo 20:28; Juan 6:63.
Kaya nga, nang payuhan ni Jesus ang taong ibig na maging kaniyang alagad na kuwentahin ang halaga, siya’y tumutukoy lalung-lalo na, hindi sa materyal na halaga, kundi sa espirituwal. Ano ba ang lalong mahalaga sa kanila, ang materyal na mga bentaha na iniaalok ng sanlibutan o ang espirituwal na mga kapakinabangan na iniaalok naman ng pagiging alagad? Ito nga ang dahilan kung bakit pagkatapos salitain ang talinghaga at ang isang may kaugnayan doon, siya’y nagtapos: “Kaya nga, matitiyak ninyo, sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang ari-arian ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:33) Ang tao bang nais maging alagad ay pumapayag at handa na gumawa ng gayong pagsasakripisyo, o iyon ba ay isang napakalaking halaga?
Isang Timbang na Pananaw
Kahit na kung ang materyal na mga bagay ay nagdadala ng mga kapakinabangan na lalong kapuna-puna at biglaan, ang mga kapakinabangan buhat sa espirituwal na mga bagay ay lalong tumatagal at kasiya-siya. Ganito ang pangangatuwiran ni Jesus: “Tumigil nga kayo ng pagtitipon para sa inyong sarili ng kayamanan sa lupa, na ito’y sinisira ng tangà at ng kalawang, at dito’y nakapapasok ang mga magnanakaw at nagnanakaw. Kundi, magtipon kayo ng kayamanan sa langit na kung saan hindi sumisira ang tangà o ang kalawang man, na kung saan hindi nakapapasok ang mga magnanakaw at nakapagnanakaw.” (Mateo 6:19, 20) Sa panahon natin, ang implasyon, at pagbagsak ng stock-market, pagkalugi ng mga bangko, at iba pa, ang nagpahamak sa marami na nagtitiwala tangi lamang sa kanilang mga kayamanan. Subalit tayo’y pinapayuhan ni apostol Pablo na “ipako ang atin mga mata hindi sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na di-nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay pansamantala, ngunit ang mga bagay na di-nakikita ay walang hanggan.” (2 Corinto 4:18) Papaano tayo makapagpapaunlad ng ganiyang pananaw?
Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pagtulad sa ating Modelo at Halimbawa, si Jesu-Kristo. Nang narito sa lupa, siya’y hindi isang ermitanyo, gaya ng pinatutunayan ng bagay na kung minsan siya’y dumadalo sa mga kasalan at mga bangkete. Gayunman, malinaw na ang espirituwal na mga bagay ang kaniyang inuna. Upang maganap ang kalooban ng kaniyang Ama, siya’y payag na ipagparaya kahit na ang mga bagay na itinuturing na pangangailangan. Minsan ay sinabi niya: “May mga lungga ang mga sorra at ang mga ibon sa langit ay may mga pugad, datapuwat ang Anak ng tao ay walang kahiligan ng kaniyang ulo.” (Lucas 9:58) Ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama ay kaniyang itinuring na napakahalaga at totoong kalugud-lugod kung kaya sinabi niya nang buong kataimtiman: “Ang aking pagkain ay gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain.”—Juan 4:34.
Ipinamalas ni Jesus kung ano ang higit na mahalaga para sa kaniya sa paraan ng kaniyang pagtanggi sa mga tukso ni Satanas. Sinikap ng Diyablo na himukin si Jesus na gamitin ang Kaniyang bigay-Diyos na kapangyarihan upang pakinabangan Niya, upang matugunan ang Kaniyang pisikal na pangangailangan at upang magkamit ng makasanlibutang kabantugan at katanyagan. Alam na alam ni Jesus na ang gayong nakapag-aalinlangang kapakinabangan ay makakamit lamang sa napakataas na halaga—ang pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos—isang malaking halaga kaysa kaniyang handang bayaran, sapagkat ang kaniyang mabuting kaugnayan sa Kaniyang Ama ay kaniyang minamahalaga higit sa ano pa man. Kaya naman lubusang tinanggihan niya ang mga alok ni Satanas, na hindi nag-aatubili.—Mateo 4:1-10.
Bilang mga tagasunod ni Kristo, tiyak na ibig nating magkaroon din ng ganiyang pagpapahalaga gaya ng ating Panginoon. Sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na nasa ilalim ni Satanas, maraming mga bagay na waring naglalaan ng maiinam na kapakinabangan ngunit sa totoo ay pumipinsala sa ating kaugnayan sa Diyos. Ang gayong mga bagay na gaya ng patuloy na paghahangad na umasenso sa mataas na puwesto sa sekular na trabaho, pag-aaral sa pamantasan upang umasenso sa posisyon, panliligaw sa mga di-kapananampalataya, o pagkahulog sa nakapag-aalinlangang mga pamamaraan sa negosyo ay madaling aakay tungo sa pagkawala ng pananampalataya at sa wakas ay pagkawala sa pabor ni Jehova. Maingat na kuwentahin natin ang halaga pagka napaharap tayo sa gayong mga tukso.
Ang Tunay na Karunungan ay Isang Pananggalang
Mga ilang taon na ngayon, isang kabataang lalaki na Kristiyano sa isang malaking siyudad sa Dulong Silangan ang nagkaroon ng pagkakataon na mangibang-bayan upang mag-aral pa. Bagaman mayroon siyang mabuting sekular na edukasyon at isang trabaho na malaki ang suweldo, inakala niya na ito’y hindi pa sapat; ibig niyang mapasulong ang kaniyang kalagayan sa buhay. Ang kapananampalatayang mga Kristiyano ang nagsikap na makipagkatuwiranan sa kaniya kasuwato ng maka-Kasulatang mga punto na katatalakay lamang natin, subalit siya’y matigas at nagpatuloy sa kaniyang plano. Bagaman sinikap niya na kumapit sa kaniyang pananampalataya sa primero, unti-unting naiwala niya ang kaniyang pagpapahalaga sa katotohanan, at nagsimulang mag-alinlangan. Sa loob lamang ng isang taon humigit-kumulang, lubusang nawala ang kaniyang pananampalataya at inamin niya na pumanaw na ito sa kaniya. Ipagpalagay natin, ang promosyon sa pamamagitan ng mataas na edukasyon sa sanlibutan ay nagdulot sa kaniya ng bahagyang kasiyahan. Subalit para sa pansamantalang tagumpay, anong laki ang halaga na ibinayad niya—ang pagkapariwara ng kaniyang pananampalataya at ang panganib na maiwala ang buhay na walang hanggan!—1 Timoteo 1:19.
Sa kabilang panig, yaong mga tumatangging payagan ang anuman na isapanganib ang kanilang kaugnayan sa Diyos ay nagtamo kay Jehova ng maraming pagpapala.
Bilang halimbawa, nariyan ang isang binata na may-ari ng isang negosyo na pagpapaganda sa loob ng mga tahanan doon sa siyudad din na binanggit na. Mga ilang buwan lamang pagkatapos na magsimula siyang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, siya’y napaharap sa isang nakatutuksong alok—na baguhin ang isang tahanan sa halagang $30,000 [U.S.]. Subalit ito’y kinasasangkutan ng hindi pagsunod sa mga regulasyon tungkol sa pagtatayo at paggawa ng ilang kayarian na labag sa batas. Palibhasa’y natutuhan niya na kailangang sumunod sa batas ang mga Kristiyano, kaniyang natalos na ang pagtanggap sa trabahong iyon ay magdudulot ng pagkawala ng pagsang-ayon ng Diyos. (Roma 13:1, 2) Pagkatapos pagtimbang-timbangin nang buong ingat ang bagay na iyon, tinanggihan niya ang trabaho. Ang resulta? Ang ganitong gawa ng pananampalataya ay nagdulot ng napakalaking pagsulong sa kaniyang espirituwalidad. Sa loob ng isang taon, siya’y sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo. Ipinagbili niya ang kaniyang negosyo at humanap ng trabaho na nagbigay sa kaniya ng higit na panahon para sa espirituwal na mga bagay. Siya ngayon ay naglilingkod kay Jehova nang may kagalakan at kasigasigan.
Kinuwenta ng kapuwa mga lalaking ito ang halaga. Ano ba ang ipinagkaiba ng kanilang mga pasiya? Ang maka-Diyos na karunungan! Sa papaano nga? Ang karunungan ay katangian na gamitin ang kaalaman sa paraan na kadalasan nagdudulot ng walang hanggang kapakinabangan, at ang maka-Diyos na karunungan ay ang paggamit ng kaalaman kasuwato ng layunin ng Diyos para sa atin. Bagaman ang dalawang lalaki ay kapuwa may kaunting kaalaman sa Bibliya, ang kanilang pagkakapit niyaon ay humantong sa nagkakaibang mga resulta. Ang aklat ng Mga Kawikaan ay nagsasabi: “Pagka ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman mismo ay naging ligaya sa iyong kaluluwa, ang kaniyang isip mismo ay magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa mismo ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka sa daan ng kasamaan.”—Kawikaan 2:10-12.
Ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ang bukal ng tunay na karunungan na maaari mong pagkunan ng patnubay pagka kailangang gumawa ka ng mahalagang desisyon. Imbes na maging pantas sa iyong sariling mga mata, pakinggan ang payo: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga lakad.” (Kawikaan 3:5, 6) Tayo’y kailangang maging mapakumbaba at handang maturuan, iniiwasan ang mapagsariling-kalooban at malasariling espiritu ng sanlibutan na totoong laganap sa ngayon.
Oo, hindi natin maiiwasan na anihin ang ating itinanim, at makatuwiran lamang at makatarungan na tanggapin ang mga bunga ng desisyon at pagpapasiya na ating ginawa. (Galacia 6:7, 8) Kaya kuwentahin ang halaga bago gawin ang lahat ng bagay. Huwag tulutan ang anumang waring kapakinabangan na nakawan ka ng iyong espirituwalidad o ng iyong kaugnayan sa Diyos na Jehova. Manalangin na bigyan ka ng karunungan at mabuting kahatulan upang makapagpasiya nang tama, sapagkat ang mga pasiyang ginagawa mo ngayon ay maaaring mangahulugan ng pagkakaiba sa pagitan ng buhay at ng kamatayan—nang walang hanggan!—Ihambing ang Deuteronomio 30:19, 20.
[Mga larawan sa pahina 28]
Uunahin ba niya ang espirituwal na mga gawain o ang makasanlibutang karera sa buhay?