Sumusunod Ka ba sa mga Tagubilin?
ANG isang mapagmahal na ama ay nagtuturo sa kaniyang mga anak upang sila’y magtagumpay sa buhay at lumigaya pagka sila’y sumapit sa hustong edad. At ang mga anak naman na umiibig at gumagalang sa kanilang mga magulang ay tatanggap ng gayong turo sapagkat batid nila na iyon ay sa kanilang sariling ikabubuti. Sa katulad na paraan, ang ating maibiging makalangit na Ama, si Jehova, ay nagbibigay sa kaniyang mga lingkod ng patnubay na nagdadala sa kanila ng tagumpay at kagalakan sa kanilang buhay. Samakatuwid, mahalaga na sundin natin ang mga tagubilin na ibinibigay sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at ng kaniyang makalupang organisasyon.
Sa Loob ng Pamilya
May iba’t ibang pitak na kung saan tayo’y binibigyan ng mga tagubilin. Ang isa’y sa loob ng sambahayan. Ang pag-aasawa at ang pamilya ay kaayusan ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya na ikinasal ng Diyos ang unang mag-asawang tao at sinabihan sila na mag-anak. (Genesis 1:27, 28; 2:22-24) Ang Maylikha ay nagbigay ng mga tagubilin sa lahat ng miyembro ng pamilya tungkol sa kani-kanilang mga tungkulin. Halimbawa, ang asawang lalaki at ama ang siyang ulo ng sambahayan, na nangangahulugang siya ang may pananagutan sa pagtuturo, pagpapakain, pagpaparamit, pagpapabahay, proteksiyon, at pagdisiplina. Siya rin ang gumagawa ng mahalagang mga desisyon sa pamilya. Bilang asawang lalaki, siya’y dapat maging makonsiderasyon sa kaniyang kabiyak at pakitunguhan siya nang magalang bilang marupok na sisidlan. (Efeso 5:22, 23; 1 Timoteo 5:8; 1 Pedro 3:7) Ang babae ay dapat pasakop sa kaniyang asawa, magpakita sa kaniya ng malaking paggalang at maging kaniyang katulong at kapupunan. At sinasabi ng Kasulatan na ang mga anak ay kailangang maging masunurin sa kanilang mga magulang.—Genesis 2:18; Efeso 6:1-3; 1 Pedro 3:1, 2.
Ano ba ang nangyayari kung ang mga tagubiling ito ay kinaliligtaan? Di-pagkakasuwato at mga pagtatalo ang nagaganap pagka ang mga lalaki‘y kulang ng konsiderasyon sa kani-kanilang asawa, at ang mga asawang babae ay di-gaanong gumagalang sa pagka-ulo ng asawang lalaki. Sa katunayan, ang gayong mga bagay ang naging sanhi ng pagkakawatak-watak ng maraming pag-aasawa. Ang pagsuway at paghihimagsik ng anak ay nagdulot ng malaking kalungkutan sa maraming magulang. Malimit, ang mga magulang ang nasisisi sa hindi pagpapalaki sa kanilang mga anak ayon sa tamang disiplina, sa gayo’y ibinubuyo sila sa pagkagalit.—Efeso 6:4.
Bagaman ang mga manggagawa sa lipunan, mga sikologo, at iba pa ay nag-alok ng sarisaring mungkahi tungkol sa kung papaano makikitungo sa mga suliranin ng pamilya, walang payo na higit na mabisa kaysa mga tagubilin na ibinibigay ng Bibliya na inilaan ng Maylikha ng pamilya. Ang pagsunod sa mga ito ay nagdadala ng tunay na kaligayahan at kasiyahan.—Awit 19:7-9.
Sa Kongregasyon
Sundin natin ang mga tagubilin ng Ulo ng kongregasyong Kristiyano, si Jesu-Kristo, na ibinibigay sa pamamagitan ng “tapat at matalinong alipin,” ang inatasang alulod ng organisasyon ng Diyos dito sa lupa. (Mateo 24:45-47; Efeso 5:23) Upang magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon, lahat ng mga miyembro nito ay kailangang kumilos nang kasuwato ng patnubay na ibinigay. Halimbawa, ang mga nangunguna sa pagtuturo sa kongregasyon at sa pagtulong sa mga ibang tao ay nangangailangan na sumunod sa mga tagubilin na tinatanggap nila sa organisasyon ni Jehova. Ito’y tutulong upang maging mabisa ang kanilang gawain. Ang mga tagubilin ay marahil tungkol sa kung papaano makikibahagi sa pangangaral, papaano makikitungo sa mga suliranin sa kongregasyon, papaano magbibigay ng payo at pampatibay-loob, papaano aaliwin ang mga namimighati, at iba pa. Mayroon ding mga tagubilin tungkol sa kung papaano maghahanda ng nakapagtuturo at nakapagpapatibay na mga pagpupulong para sa lahat ng kaugnay sa kongregasyong Kristiyano.—Gawa 20:20; Roma 12:6-8; Galacia 6:1; 1 Tesalonica 3:1-3.
Ang matatanda sa kongregasyon, o mga tagapangasiwa, ang lalo nang dapat magpakita ng mabuting halimbawa sa bagay na ito. Ang Lupong Tagapamahala ay nagpapadala ng mga tagubilin na dapat maingat at tapat na sundin ng mga matatanda. Ang mga tagubilin ay dapat nilang ibagay at ikapit sa lokal na mga kalagayan. Laging isaisip natin na ang nangunguna sa kongregasyong Kristiyano ay si Jesu-Kristo. Kaniyang lubusang nalalaman ang pangangailangan ng lahat ng kongregasyon sa buong daigdig, at siya’y nagbibigay ng kinakailangang pampatibay-loob at tulong. Samakatuwid, ang matatanda ay hindi dapat mag-atubili na ikapit ang anumang tagubilin na tinatanggap nila buhat sa organisasyong teokratiko. Ito’y nagsisilbing isang mainam na halimbawa para sa lahat sa bawat kongregasyon at tutulong upang sila’y magkaisa-isa sa kanilang sarili at makaisa ng nalalabing bahagi ng kapatirang Kristiyano sa buong lupa.—Gawa 15:1-31; Hebreo 13:7; Apocalipsis 5:6.
Nakagagalak na mga Resulta
Pagka ang isang tagapagtayo ay nakapagtayo ng isang malaking gusali, maingat na sinusunod niya ang mga plano ng mga arkitekto upang ang kaniyang itinayo ay manatiling matagal. Noong mararahas na mga araw bago sumapit ang Baha, si Noe ay inutusan na magtayo ng isang daong. Siya’y pinagsabihan kung papaano itatayo iyon at aling mga tao at mga hayop ang isasakay roon upang makatawid sa napipintong Baha. Papaano tumugon si Noe? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ginawa ni Noe ang lahat ayon sa iniutos sa kaniya ng Diyos. Ganoong-ganoon niya ginawa.” Tanging si Noe at ang mga kasama niya sa daong ang nakaligtas sa Baha. (Genesis 6:5, 13-22; 7:23) Sa ngayon, tayo ay nabubuhay sa panahon na katulad na katulad ng kaarawan ni Noe, kaya lilipulin ng Diyos ang lahat ng mga taong balakyot. Sinasabi sa atin ng Bibliya kung anu-anong hakbang ang kailangan nating gawin kung ibig nating makabilang sa mga makaliligtas.—Mateo 24:37-39; 2 Pedro 3:5-7, 11.
Samakatuwid, tanggapin natin nang may pagpapahalaga at isagawa ang mga tagubilin na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita at ng kaniyang makalupang organisasyon. Ang paggawa nito ay magdadala sa atin ng tagumpay at kagalakan at magliligtas din sa ating buhay.