-
Pagpapaunlad ng Asal Kristiyano sa Daigdig ng mga Pangit ang AsalAng Bantayan—1989 | Hunyo 15
-
-
Pagpapaunlad ng Asal Kristiyano sa Daigdig ng mga Pangit ang Asal
“Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang mga magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!”—AWIT 133:1.
1. Ano ba ang nangyayari sa magandang asal?
ANG asal ay natatalo nitong nakalipas na 25 taon,” sabi ng kolumnistang si Ann Landers. “Hindi sa bagay na ang mga lalaki’y hindi nagbubukas ng mga pinto ng auto para sa mga babae o nagbibigay sa kanila ng mga upuan sa mga subway o mga bus. Iyan ay mas malawak kaysa riyan.” Totoo naman, saanman tayo magmasid, ating makikita na may katunayan na tayo’y namumuhay sa isang patuloy na pumapangit ang asal na daigdig. Ang mga tao’y sisibat na lamang ng pagpapauna sa mga pilahan, naninigarilyo sa siksikang mga elevator, nagpapatugtog ng malalakas na tugtugin sa mga lugar na pampubliko, at iba pa. Ang araw-araw na karanasan ay nagpapakita sa atin na sa kabila ng sumulong na mga pagkakataon sa edukasyon at pamantayan sa pamumuhay, sa pangkalahatan ito ay panahon na naging banyaga ang mga salitang Salamat Po at Pakisuyo, at ang karaniwang pagkamagalang at pagkamapitagan ay nakalimutan na sa kalakhang bahagi.
2. Bakit ang kawalan ng magandang asal sa ngayon ay hindi nakapagtataka?
2 Ang lahat bang ito ay nakapagtataka? Talaga namang hindi. Sumasaisip lamang natin ang kinasihang si apostol Pablo nang sabihin ang tungkol sa igagawi ng mga tao sa “mga huling araw” na darating ang ‘mga panahong mahirap pakitunguhan.’ Bukod sa mga iba pang bagay, inihula ni Pablo na ang mga tao’y magiging “maibigin sa kanilang sarili, . . . mapagpakunwari, mapagmataas, . . . walang utang na loob, . . . walang katutubong pagmamahal, . . . walang pagpipigil sa sarili.” (2 Timoteo 3:1-3) Kahit na ang isang pahapyaw na pagmamasid ay magsisiwalat na ang ganiyang paggawi’y umiiral ngayon sa gitna ng mga tao sa bawat edad, uri ng pamumuhay, at bansang pinagmulan. Bakit nga gayon? Ano ba ang mga dahilan ng pangkalahatang kawalan ng mabuting asal?
Dahilan ng Pangit na Asal
3. Paanong ang “hangin” ng sistemang ito ay isang dahilan ng masamang asal?
3 Ang pananalitang “maibigin sa kanilang sarili” ay mainam ang paglalarawan sa “lahi ni ako,” at ito’y tumutukoy sa mga taong pinalaki sa hilig na maka-ako, maka-sarili, at mapaggiit ng sarili. Ang espiritung ito, na nakalaganap sa “hangin” na nasa palibot natin, ay tuwirang salungat sa payo ng Bibliya na ang mga Kristiyano’y dapat “tinitingnan, hindi lamang ang [kanilang] sariling kapakanan, kundi pati ang sariling kapakanan ng iba.” (Efeso 2:2, 3; Filipos 2:4) Ang resulta? Ang isang salinlahi na lumaki sa ideya na ‘gawin mo ang gusto mo’ ay tiyak na walang malasakit kung paano maaapektuhan ang iba ng kanilang iginagawi.
4. Paano itinuturing sa ngayon ang mga taong lumalabag sa sinasang-ayunang mga pamantayan, at ano ang dapat maging pangmalas ng Kristiyano sa bagay na iyan?
4 Ang isang dating pangunahing nagtutulak sa mga tao na maging magalang sa paano man ay ang pag-iwas na mapaiba sa karamihan. Iniisip nila kung ano kaya ang iisipin ng iba at ito ang nakapipigil sa kanila. Subalit sa ngayon, mientras lalong nakagigitla at marahas ang pagkilos, malamang na maging lalong popular iyon sa maraming mga tao. Yaong mga hindi sumusunod sa sinasang-ayunang mga pamantayan ay hindi na itinuturing na may pangit na asal o magagaspang kundi makikisig o makamoderno (sophisticated), karapatdapat hangaan. Datapuwat, tandaan na ang ibig sabihin (dito) ng “makamoderno” ay “wala sa kalagayang natural, puro, o orihinal.” Ito’y galing sa kaparehong salitang-ugat sa Griego na isinaling “magaling ang pagkakatha” sa 2 Pedro 1:16. Tunay nga, makabubuti sa mga tunay na Kristiyano na iwasan ang ganiyang saloobin.
5. Ano ang isa pang dahilan ng pagkawala ng magandang asal?
5 “Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi isinasagawa agad, kaya’t ang puso ng mga anak ng mga tao ay lubos na nagagalak sa paggawa ng kasamaan,” ang sabi ng Eclesiastes 8:11. Narito ang isa pang dahilan ng pagkawala ng magandang asal sa madla. Dahilan sa ang mga tao’y napakadaling makalusot sa anuman, sila’y nagiging manhid tungkol sa paglabag sa sinasang-ayunang mga pamantayan ng paggawi. “Ang mga mamamayan na lubusang magigitla kung makikilala sila ng madla bilang bahagi ng elementong kriminal ay buong-laya na lumalabag sa lahat ng klase ng batas sa publiko—mga batas sa trapiko, sa ibinabawal na mga gamot, sa pagkakalat ng basura,” ang sabi ng isang editoryal ng New York Times. Kaya naman ang resulta, “ang kaguluhan, bandalismo at pagsulat ng kung anu-ano sa mga hayag na lugar” ay naging isang di-maiiwasang karanasan natin sa araw-araw. Sa gayon, ang pagkamagalang, pati ang respeto sa mga karapatan ng mga ibang tao, sa kanilang ari-arian, at pagsasarili, ay nagkakaroon ng higit pang sagabal.
6. Paanong ang asal ng mga tao ay apektado ng kanilang magawaing pamumuhay, at paanong naiiba si Jesus sa bagay na ito?
6 Yamang ang magandang asal ay karaniwang itinuturing na kabilang sa mga pinong bahagi ng buhay, ang mga ito ay madaling nakakalimutan pagka ang mga tao’y nagmamadali—at karamihan ng tao’y waring malimit na nagmamadalian sa ngayon. Kaya naman, kanilang nilalampasan ang isa’t isa na hindi man lamang nag-iimikan o makikitaan ng pagbabago ang kanilang mukha. Sila’y naggigitgitan at nagtutulakan sa kanilang pila, o dili kaya’y panay ang kanilang overtaking upang makatipid lamang ng mga ilang minuto o segundo. Malimit, ang mga tao ay walang inaatupag kundi ang kanilang sariling pamumuhay, o kung di man ay punung-puno ang kanilang mga iskedyul ng napakaraming bagay na dapat gawin, kung kaya’t ang pagdating ng anumang di-inaasahang pangyayari o bisita ay kinayayamutan o itinuturing na panghihimasok. Pag-isipan kung paano naiiba si Jesus sa kaniyang paraan ng pagtugon sa mga tao na nagsiparoon sa kaniya kahit na sa mga sandaling di-kumbinyente.—Marcos 7:24-30; Lucas 9:10, 11; 18:15, 16; Juan 4:5-26.
7. Sa ano kailangang pakaingat ang mga tunay na Kristiyano kung tungkol sa asal?
7 Bagaman tayo’y namumuhay sa isang daigdig na kung saan madalian ang pagkilos, at patuloy na lumalaki ang panggigipit sa atin sa ating panahon at lakas, kung papayagan nating tayo’y mahila ng gayong kagipitan upang kumilos nang may kagaspangan ang gayon ay hindi magpapabuti ng mga bagay-bagay. Bagkus, ang gayon ay humahantong sa karamihan ng walang-saysay na karahasan na ating nababalitaan—pagtatalo, pag-aaway, matatagal nang alitan, at maging patayan man—dahilan sa sinusuklian ng mga tao ng kagaspangan ang kagaspangan. Lahat ng ito ay bahagi ng espiritu ng sanlibutan na hindi dapat maging bahagi ang mga tunay na Kristiyano.—Juan 17:14; Santiago 3:14-16.
Magagaling na Halimbawa ng Magandang Asal
8. Bagaman napalilibutan ng mga taong pangit ang asal, ano ang ipinapayo sa mga Kristiyano na gawin?
8 Palibhasa’y pinalilibutan tayo ng mga taong walang gaanong pagpapakundangan sa iba, kaydali na padala sa mga kagipitan at huwag bigyang-daan ang magandang asal. Gayunman, kung tatandaan natin ang payo ng Bibliya na “huwag na kayong lumakad na kaayon ng sistemang ito ng mga bagay,” tayo’y maaaring tumingin sa maraming litaw na mga halimbawa sa Bibliya at pagsikapan na itaguyod ang matataas na pamantayan ng mga asal Kristiyano sa kasalukuyang sanlibutan na pangit ang asal. (Roma 12:2, 21; Mateo 5:16) Ang ating mga kilos ay dapat magpakita na tayo’y buong pusong sumasang-ayon sa salmista na nagpahayag: “Masdan ninyo! Anong pagkabuti-buti at pagkaliga-ligaya na ang mga magkakapatid ay magsitahang magkakasama sa pagkakaisa!”—Awit 133:1.
9. Ano ang ipinakikita ng Kasulatan tungkol sa paraan ni Jehova ng pakikitungo sa tao?
9 Ang pangunahing halimbawa sa pagpapakita ng magandang asal ay ang Maylikha at Ama ng lahat, si Jehovang Diyos mismo. Karaniwan na para sa mga nasa matataas na puwesto o maykapangyarihan sa iba na ‘mag-abuso ng kapangyarihan’ at iutos na sundin ang kanilang mga kagustuhan. Subalit, ang pinakamataas na Persona sa sansinukob, si Jehovang Diyos, ay sa tuwina may magandang asal kung nakikitungo sa mga nakabababa sa kaniya. Nang ipagkaloob sa kaniyang kaibigang si Abraham ang isang pagpapala, sinabi niya: “Pakisuyong itingala mo ang iyong mga mata at tumingin ka buhat sa dakong kinaroroonan mo.” At muli na naman: “Pakisuyong tumingala ka sa langit at bilangin ang mga bituin.” (Genesis 13:14; 15:5) Nang binibigyan si Moises ng isang tanda ng Kaniyang kapangyarihan, sinabi ng Diyos: “Pakisuyong ipasok mo ang iyong kamay sa itaas ng tupi ng iyong kasuotan.” (Exodo 4:6) Makalipas ang maraming taon, sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Mikas, ay sinabi ni Jehova kahit na sa kaniyang masuwaying bayan: “Pakisuyong makinig kayo, kayong mga pangulo ng Jacob at kayong mga pinuno ng sambahayan ni Israel. . . . Pakisuyong, pakinggan ninyo ito, kayong mga pangulo.” (Mikas 3:1, 9) Sa ganitong paraan, tayo ba’y “naging mga tagatulad sa Diyos” sa pagsasabi ng “Pakisuyo” pagka nakikitungo tayo sa iba?—Efeso 5:1.
10, 11. (a) Ano ang masasabi tungkol sa mga paraan at sa asal ni Jesus? (b) Paano natin matutularan si Jesus sa pagiging magandang-asal sa pakikitungo sa lahat ng tao?
10 Si Jesu-Kristo, na “nasa sinapupunan ng Ama,” ay isa pang litaw na halimbawa na karapatdapat tularan. (Juan 1:18) Sa pakikitungo sa mga tao, siya’y malumanay at mahabagin sa isang banda, mapuwersa naman at matatag sa kabilang banda; gayunman ay hindi siya naging magaspang o malupit sa kaninuman. Sa pagkukomento tungkol sa “kaniyang pambihirang katangian na pagiging maalwan sa pakikitungo sa lahat ng uri ng tao,” ang aklat na The Man From Nazareth ay nagsasabi: “Kapuwa sa publiko at sa pribado ay nakisalamuha siya sa mga lalaki at mga babae nang walang itinatangi. Siya’y palagay-loob pagka kapiling ang maliliit na mga bata sa kanilang kawalang-malay at ang nakapagtataka nga ay palagay-loob din siya pagka ang kapiling ay ang mga inuusig ng kanilang budhi na mga gumagawa ng katiwalian na katulad ni Zakeo. Ang respetableng mga babaing tagapag-asikaso ng tahanan, gaya baga ni Maria at ni Marta ay naaring kumausap sa kaniya nang may natural na pagkaprangka, ngunit ang mga patutot ay lumalapit din sa kaniya na para bagang natitiyak nila na kaniyang mauunawaan sila at magiging kaibigan nila . . . Ang kaniyang pambihirang katangian na pagkawalang-itinatangi kung kaya’t nakalapit sa kaniya ang mga karaniwang tao ay isa sa kaniyang pinakalitaw na katangian.”
11 Ang pakikitungo sa lahat nang may kaukulang paggalang at konsiderasyon ang tanda ng isang taong tunay na may magandang asal, at makabubuting si Jesu-Kristo ang tularan natin sa bagay na ito. Oo, karamihan ng tao’y nagagawa ang maging magalang sa ilang mga tao, lalo na sa mga nasa matataas na puwesto kaysa kanila. Subalit yaong mga taong kanilang itinuturing na mabababa o kapantay lamang nila, kadalasa’y kanilang hinihiwalayan, nilalayuan, at magaspang ang kanilang trato. Waring iyan ay nagbibigay sa kanila ng damdamin na sila’y nakahihigit at may kapangyarihan. Subalit naging kasabihan na “ang kagaspangan ay isang pakunwaring lakas ng isang taong mahina.” Kaya naman, ang Bibliya ay nagpapayo: “Sa paggalang sa isa’t isa ay manguna kayo.” (Roma 12:10) Kung gagawin natin ang pinakamagaling nating magagawa upang sundin ang payong iyan, hindi malayong tayo ay maging magandang-asal sa lahat ng tao gaya ni Jesus.
12. Ano ang pinakadiwa ng turo ni Jesus tungkol sa relasyon ng mga tao sa isa’t isa?
12 Ang positibong katangiang ito na tumatagos hanggang sa labas ay makikita ang halimbawa sa mga turo ni Jesus, lalo na sa tinatawag na ang Ginintuang Alituntunin: “Lahat ng bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12) Kapansin-pansin, sa Analects, isa sa Four Books ni Confucius—na matagal nang itinuturing na siyang pinakasukdulan ng moral na paggawi sa Silangan—ang maestro ay tinanong ng isa sa kaniyang mga alagad kung mayroong isang nag-iisang salita na makapagsisilbing isang prinsipyo ng asal na panghabang-buhay. “Marahil ang salitang ‘pálitan’ (shu) ay pupuwede,” ang tugon ng guro, at saka isinusog niya: “Huwag mong gawin sa iba ang hindi mo ibig gawin sa iyo ng iba.” Bilang pagkakaiba, dagling makikita natin ang mas magaling na turo ni Jesus. Sapagkat ang mainit, kaaya-aya, at magiliw na relasyon ay resulta lamang pagka ang isa’y nagkusa ng pagpapauna ng ‘paggawa sa iba’ ng mabuti.
Ang mga Asal Kristiyano ay Nakasalig sa Pag-ibig Kristiyano
13, 14. (a) Ano ang naobserbahan kamakailan tungkol sa pangmadlang mga asal? (b) Ano ang motibong nasa likod ng kasalukuyang interes sa asal at sa etiketa?
13 Dahilan sa pagkamalaganap ng pangit na asal, mayroong mga usap-usapan sa ngayon tungkol sa panunumbalik sa wastong paggawi. “Tayo’y nagkaroon na ng pagbabangon laban sa mga asal noong mga taon ng ’60s,” ang sabi ni Marjabelle Stewart, isang popular na manunulat at guro sa paksang iyan, “subalit isang bagong rebolusyon ang nagsasauli na naman sa mga iyan. Ipinakilala ng mga tao ang kanilang importansiya at ibig nilang mabatid kung ano ang mga pamantayang panlipunan.” Ang muling pananariwang ito ng interes sa asal ay makikita sa dumaraming mga aklat, manual, mga tudling sa pagpapayo, at mga talakayan sa TV ng lahat ng bagay tulad baga ng kung aling tinidor ang gagamitin sa isang pormal na handaan at kung ano ang itatawag sa kaninuman sa kasalukuyang masalimuot at mabilis na nagbabagong mga relasyong panlipunan at pampamilya.
14 Datapuwat, bakit nga ba ang ilang mga tao ay nagiging higit na palapuna sa asal? “Sa kasalukuyang lipunan ng kompitensiya,” ang paliwanag ni Stewart, “ang pananatiling buháy ay nakasalalay sa asal.” Sa ibang pananalita, ang magandang asal ay itinuturing na isang paraan na tutulong sa isang tao upang magtagumpay at umasenso. Kaya ang mga tao ay nagbabasa ng mga aklat at dumadalo sa mga klase tungkol sa etiketa upang matutuhan kung paano mananamit para magtagumpay, kung paano sila makagagawa ng mabuting impresyon sa paningin ng iba, kung paano sila tatanggapin sa board room, (pinagpupulungan ng lupon), at iba pa.a Ang isang problema sa lahat ng ito ay yaong bagay na ang asal ay ginagamit upang kamtin ang isang pakinabang, mistulang isang maskara na isinusuot ng isang tao sa mga sandali ng isang pagtatanghal at pagkatapos ay hinuhubad pagka tapos na ang pagtatanghal na iyon. Kaya naman, hindi katakataka na kadalasan tayo’y nakababalita tungkol sa totoong nakagigitlang mga krimen na kagagawan ng mga taong may pinakamatataas na ‘pinag-aralan’ at ‘de-klas.’
15, 16. (a) Ano ba ang sinasabi ng isang autoridad sa asal tungkol sa “pinakamaiinam na alituntunin sa paggawi”? (b) Paanong ang 1 Corinto 13:4-7 ay may kaugnayan sa tunay na mga asal Kristiyano?
15 Iyan ay malayo sa dapat na maging kahulugan ng magandang asal. Si Amy Vanderbilt, isang iginagalang na autoridad sa paksa, ay sumulat sa kaniyang New Complete Book of Etiquette: “Ang pinakamainam na alituntunin sa paggawi ay masusumpungan sa Kabanata 13 ng Unang Corinto, ang magandang pormalang pagtalakay ni San Pablo tungkol sa pag-ibig. Ang mga alituntuning ito ay walang kinalaman sa maiinam na punto ng pananamit ni sa mga asal man na panlabas lamang. Ang mga ito ay may kaugnayan sa mga damdamin at saloobin, kabaitan, at konsiderasyon sa iba.”
16 Mangyari pa, ang tinutukoy ni Amy Vanderbilt ay yaong mga talata sa 1 Corinto 13:4-7 na kung saan tinatalakay ni Pablo nang detalyado ang sari-saring pitak ng pag-ibig Kristiyano. Isaalang-alang ang mga resulta ng ilang punto na iniharap niya. Halimbawa, ang taong “matiisin at magandang-loob” ay tiyak na magiging matiyaga at magalang sa pakikitungo sa iba. “Hindi nag-uugaling mahalay” ang isa pang paraan ng pagsasabing ‘gumawi nang disente,’ at ang “pagkadisente” ay may kahulugan na “pagsunod sa mga pamantayan ng panlasa, kagandahang-asal, o kalidad.” Kung gayon, gaya ng pagkasalin sa pariralang ito ng New Testament in Modern English ni J. B. Phillips, “Ang pag-ibig ay may magandang asal.” Mahirap gunigunihin na ang sinumang nagpapakita ng gayong pag-ibig ay ituturing na may pangit na asal.
17. Ano ang ipinakikilala ng ating asal?
17 Maliwanag, kung gayon, na ang mga asal Kristiyano ay tuwirang may kaugnayan sa pag-ibig Kristiyano. Ang mga ito ay hindi lamang isang paraan upang matupad ang isang layunin o makamit ang isang bagay kung iyon ay magdadala ng kapakinabangan sa isang tao. Bagkus, ang ating asal—ang paraan ng ating pakikitungo sa iba, ang ating tindig, kilos, at kinaugaliang paggawi—ay isang pagpapakilala ng kung gaano ang ating pagtingin sa mga ibang tao at ng ating pag-ibig sa kanila. Bata man o matanda, pagsikapan natin na sundin ang payo ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa kaniyang kapuwa.” (1 Corinto 10:24) Samakatuwid, bilang isang bahagi ng pag-ibig Kristiyano, ang asal Kristiyano ay isang nagpapakilalang tanda ng tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo.—Juan 13:35.
Magandang-Asal sa Lahat ng Panahon
18. Ano ang dapat na disidido tayong gawin sa kabila ng mga nakikita natin sa ating palibot?
18 Tungkol sa ating salinlahi, inihula ni Jesus na “dahilan sa pagsagana ng katampalasanan ang pag-ibig ng lalong marami ay manlalamig.” (Mateo 24:12) Ang panlalamig na ito ng pag-ibig ay malinaw na makikita sa walang-pagtingin at makasariling saloobin ng napakarami sa mga tao ngayon. Gayunman, imbis na mahila tayo na kumilos na gaya ng mga taong walang pagtingin sa iba, ang patuloy na isaisip natin ay ang payo ni Pablo: “Huwag gumanti sa kaninuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harap ng lahat ng tao. Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:17, 18) Ipasiya natin na tayo’y maging magandang-asal sa tuwina, pinahahalagahan man o hindi ang ating mga pagsisikap.—Mateo 5:43-47.
19. Paanong ang ating asal ay may epekto sa lahat ng pitak ng buhay?
19 Oo, ang asal Kristiyano ang natural at panlabas na pagpapahayag ng pag-ibig at pagmamalasakit sa iba na taglay natin sa ating puso. Kung paanong ipinakikilala ng ating pagsasalita kung ano tayo sa ating kalooban, ganoon din na sa ating asal ay ipinakikita natin kung paano tayo may pagmamalasakit sa iba o kung tayo ay walang pagtingin sa iba. (Mateo 12:34, 35) Kaya nga, ang asal ay dapat gumanap ng mahalagang bahagi sa lahat ng pitak ng ating buhay. Ito’y dapat na maging isang paraan ng buhay. Paanong lalong higit na maikakapit ang mga ito? Paanong higit na mapasusulong ang mabubuting asal Kristiyano? Ating tatalakayin ito sa susunod na artikulo.
-
-
“Gumawi Kayo Ayon sa Asal na Karapatdapat sa Mabuting Balita”Ang Bantayan—1989 | Hunyo 15
-
-
“Gumawi Kayo Ayon sa Asal na Karapatdapat sa Mabuting Balita”
“Lamang ay gumawi kayo ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita tungkol sa Kristo.”—FILIPOS 1:27.
1. Dahil sa isang okasyon kamakailan sa New York City anong mga salitang paghanga ang nanggaling sa mayor? (Roma 13:3)
MAHIGIT na 1,000 Saksi” ang dumating sa City Hall sa timugang Manhattan noong Setyembre 29, 1988, ang pag-uulat ng The New York Times. Sila’y naparoon bilang pagsuporta sa isang panukalang pagtatayo na iniharap para sa isang pagdinig sa harap ng Board Estimate ng siyudad. Bagaman ang panukalang humingi ng permiso upang payagan ang pagtatayo ng isang bagong gusaling tirahan sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ay tinanggihan, “pinuri naman [ng mayor] ang mga Saksi bilang ‘labis na pagkalilinis’ at kaniyang sinabi na sila’y ‘talagang kahanga-hanga.’”
2. Sa paano naiiba ang asal ng mga Saksi, at bakit?
2 Karaniwan ngayon, pagka mahigit na isang libong katao ang nyagsama-sama upang ipakita ang pagsuporta sa isang kapakanang di-popular, ano ba ang maaasahan? Pagtutulakan, pagsisigawan, pagpapakita ng mismong lakas at malimit ay karahasan. Bakit nga naiiba ang mga Saksi? Ang dahilan ay sapagkat natatanto nila na sa lahat ng panahon sa kanilang paggawi ay nababanaag ang kanilang paniniwala. Kanilang tinatandaang mabuti ang payo ng Kasulatan: “Ingatan ninyong mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang, sa bagay na kanilang ipinaninira sa inyo na parang kayo’y mga manggagawa ng masama, dahilan sa inyong mabuting gawa na kanilang nakikita ay luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat.”—1 Pedro 2:12.
Ang Mainam na Asal ay Lumuluwalhati kay Jehova
3. Anong bahagi ang ginaganap ng ating asal sa pagpaparangal kay Jehova?
3 Ang pagluwalhati sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng mainam na paggawi ay maliwanag na bahagi ng ating pananagutang Kristiyano. (Mateo 5:16) Ang mainam na paggawi, mangyari pa, ay binubuo ng maraming bagay—halimbawa, ang pagiging mapagtapat, kasipagan, at mabuting moral. Gayunman, ang mga katangiang ito ay kadalasan pinahahalagahan lamang ng mga taong nakakakilala sa ating mainam o yaong mga palagiang pinakikitunguhan natin, tulad baga ng ating mga kaibigan, kamag-anak, among pinagtatrabahuhan, kamanggagawa, at mga guro. Kumusta naman yaong lubhang karamihan ng mga tao na paminsan-minsan lamang nating nakakaharap? Dito lalo nang napapatampok ang ating asal. Sapagkat tulad ng isang kaakit-akit na pambalot na nagpapagandang lalo sa isang mahalagang regalo, ang magandang asal ay lalong nagpapaganda sa ating nais ihandog. Anumang iba pang maiinam na mga katangiang Kristiyano ang taglay natin o gaano mang kapuri-puri ang ating mga layunin, walang gaanong kabutihan ang maidudulot nito kung ang atin namang asal ay pangit. Kaya’t paano nga ang ating asal ay makapagpaparangal kay Jehova?
4. Sa anong mga pitak ng ating buhay dapat tayong magbigay ng pansin sa ating asal?
4 “Lamang ay gumawi kayo ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita,” ang sabi ni Pablo. (Filipos 1:27) Mangyari pa, dito nasasangkot ang ating pangmadlang ministeryo. Subalit ang ating paggawi at asal sa ating dako ng pagsamba, sa ating pamayanan, sa trabaho, sa paaralan, oo, sa bawat pitak ng ating buhay, ay mayroon ding tuwirang kaugnayan sa pagkaepektibo ng ating ministeryo. “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang huwag mapulaan ang aming ministeryo,” ang isinulat ni Pablo. (2 Corinto 6:3) Paano natin matitiyak na ating ikinakapit ang payong iyan? Ano ang magagawa natin upang matulungan ang isa’t isa, lalo na ang mga kabataan natin, upang magpakita ng asal Kristiyano sa lahat ng panahon?
Sa Kingdom Hall
5. Ano ang dapat nating malaman pagka tayo’y nasa Kingdom Hall?
5 Ang Kingdom Hall ang dako ng ating pagsamba. Tayo’y naroroon sa paanyaya ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Sa diwang iyan, tayo’y mga panauhin sa bahay ni Jehova. (Awit 15:1; Mateo 18:20) Ikaw ba’y isang mabuting panauhin pagka naroroon ka sa Kingdom Hall? Upang maging gayon, tayo’y kailangang magpakita ng kaukulang konsiderasyon at paggalang hindi lamang sa nag-aanyaya sa atin kundi pati sa mga ibang panauhin. Ano ba ang kasangkot diyan?
6. (a) Ang pagiging palaging huli sa mga pulong ay nagpapakita ng kawalan ng ano? (b) Ano ang maaaring gawin upang malunasan ang suliranin?
6 Unang-una, nariyan ang pagdating natin na nasa oras. Aaminin natin na hindi laging madaling gawin iyan. Ang iba’y malayo ang tirahan; ang iba nama’y may pamilya at mga anak na dapat ihanda. Tunay na kapuri-puri ang pagsisikap na kanilang ginagawa upang makadalo nang palagian sa mga pulong Kristiyano. Gayunman, napansin na ang iba’y nahulog sa ugali na pagdating nang huli sa mga pulong. Ano ba ang magagawa nila upang malunasan ito? Dapat munang malaman ng isa na ang nakaugalian nang pagiging huli sa mga pulong Kristiyano ay hindi naman laging nagpapahiwatig ng kawalan ng pagpapahalaga sa mga pulong. Ang iba na malimit huli ay waring nasisiyahan naman sa mga pulong gaya rin ng sinuman—minsang sila’y naroroon na. Bagkus, ang suliranin ay baka dahil sa di-mabuting pagpaplano at kakulangan ng konsiderasyon sa mga kapuwa Kristiyano. Ang isa sa mga dahilan kung bakit sa ati’y ipinapayo na ‘huwag pabayaan ang ating pagkakatipong sama-sama’ ay upang ating “mapukaw ang bawa’t isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa.” (Hebreo 10:24, 25) Mahirap na ating magawa iyan kung, sa tuwina, tayo’y darating nang huli at sa gayo’y lilikha ng pagkaabala o pagkagambala. Upang huwag mahuli, ayon sa mungkahi ng mga sanay na, sikapin nating dumating nang mas maaga imbis na dumating tayo roon na tama lamang sa oras. Kailangan ba ninyong magsanay upang masunod ang mungkahing ito?
7. Ipaliwanag kung ano ang kaugnayan ng pakikinig at ng magandang asal?
7 Kahilingan ng magandang asal na tayo’y makinig sa mga tao pagka sila’y nagsasalita sa atin. (Kawikaan 4:1, 20) Ito’y kapit din sa mga pulong Kristiyano, na kung saan mga ministro ng Diyos ang nagsasalita upang bigyan tayo ng ilang espirituwal na kaloob na magpapatibay-loob sa atin. Tunay na isang pagpapakita ng napakapangit na asal kung tayo’y maiidlip doon, paulit-ulit na makikipagbulungan sa ating katabi, ngunguya-nguya ng pepsin o kendi, magbabasa ng ibang materyal, o gagawa ng iba pang mga bagay sa panahon ng pulong. Ang kabataang si Elihu ay hindi lamang matiyagang nakaupo sa panahon ng mahabang pagpapahayag ni Job at ng tatlong kasamahan kundi “matamang nakinig” din sa kanilang sinasabi at “patuloy na nagbubuhos ng [kaniyang] pansin” sa kanila. (Job 32:11, 12) Ang magandang asal Kristiyano ay magtutulak sa atin na magpakita ng wastong paggalang sa tagapagsalita at sa kaniyang salig-Bibliyang mensahe sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng ating di-nababahaging pansin at pagtangkilik.
8. Paano natin ipinakikita na tayo’y magkakapuwa alagad ni Jesu-Kristo?
8 Bago at pagkatapos ng mga pulong, kasali sa asal Kristiyano ang ating pagpapakita na tayo’y interesado sa mga iba na naroroon sa Kingdom Hall. Napansin ni Pablo na ang pinahirang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano “ay hindi na mga banyaga at mga dayuhan, kundi . . . mga kaanib sa sambahayan ng Diyos.” (Efeso 2:19) Iyo bang tinatrato ang iyong mga kapuwa Saksi bilang mga banyaga at mga dayuhan o bilang mga miyembro ng iisang sambahayan? Isang palakaibigang pagbati, isang mainit na pagkamay, isang masayang ngiti—pawang maliliit na bagay, marahil nga, subalit ang mga ito’y bahagi ng katunayan na tayo’y mga magkakapuwa alagad ni Jesu-Kristo. Kung tayo’y gumagawa ng gayon pagka ating nakakaharap ang mga banyaga, hindi baga dapat nating gawin ang gayon “lalo na sa mga kapananampalataya natin”?—Galacia 6:10.
9. Paano matuturuan ang mga bata na magpakita ng interes sa mga tao bukod sa kanilang mga kaedad?
9 Ang mga bata ba ay matuturuan na magpakita ng ganitong uri ng interes sa mga tao bukod sa kanilang mga kaedad? May mga adulto na nag-aakalang dapat humayo ang mga bata at makipaglaro sa kanilang mga kababatang kaibigan pagkatapos na maupo nang isang oras o dalawa sa pakikinig kung nasa mga pulong. Subalit ang Kingdom Hall ay hindi dako para sa paglalaro. (Eclesiastes 3:1, 17) Nang isang apat-at-kalahating-taóng-gulang na batang lalaki ang tanungin ng kaniyang guro kung ilan ang kaniyang mga kapatid, siya’y tumugon: “Napakarami po kaya’t hindi ko mabilang na lahat.” Pagkatapos, nang tanungin siya ng kaniyang mga magulang tungkol dito, ganito ang sabi ng bata: “Hindi ko po alam kung ilan ang aking mga kapatid. Pag ako’y nasa Kingdom Hall sila’y napakarami.” Sa kaniya, lahat ng dumadalo ay kaniyang mga kapatid.
Sa Ating Pangmadlang Ministeryo
10. Anong tagubilin ni Jesus ang tutulong sa atin na ‘gumawi ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita’ samantalang tayo’y nagsasagawa ng ating ministeryo?
10 Sa ‘paggawi ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita’ ay natural na mapasangkot ang ating pangmadlang ministeryo. Isaisip natin na ang ating taglay ay isang mapayapang mensahe, at ito’y dapat mabanaag sa ating asal. (Efeso 6:15) Ang tagubilin ni Jesus ay: “Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ang sambahayan; at kung karapatdapat ang sambahayan, ang kapayapaang hiniling ninyong dumoon ay hayaang dumoon.” Sa pagiging masigla, palakaibigan, at magalang, ipinababatid natin sa maybahay na sumasapuso natin ang kaniyang tunay na kapakanan. Subalit, kung minsan, ang taong nakakaharap natin sa bahay-bahay ay marahil hindi palakaibigan, at marahas. Tayo ba’y dapat magambala at kumilos sa katulad ding paraan? Pansinin na nagpatuloy si Jesus na sabihin: “Ngunit kung hindi karapatdapat [ang maybahay], hayaang mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo.” (Mateo 10:12, 13) Ang ating iginagawi sa pagbabahay-bahay ay dapat sa tuwina nababagay sa “ministeryo ng pakikipagkasundo.”—2 Corinto 5:18.
11. Paanong ang ayos ng ating damit at personal na hitsura ay may epekto sa ating tungkulin bilang mga ministro ng Diyos?
11 Ang ating asal ay nangungusap tungkol sa atin sa mga iba pa ring paraan. Halimbawa, ang atin bagang personal na hitsura ay nababagay sa ating ginagampanang tungkulin bilang isang ministro ng Salita ng Diyos? Kumusta naman ang ating mga gamit—bag ng aklat, Bibliya, at literatura sa Bibliya? Isang kolumnista ng pahayagan ang nagbigay ng ganitong payo sa mga negosyante: “Manamit para sa negosyo, hindi para sa isang party, di-sinasadyang pagsasalu-salo o panonood ng isports.” Bakit? Sapagkat ang iyong damit at personal na hitsura “ay isang sosyal na shorthand na nagbibigay sa nakapalibot na populasyon ng impormasyon tungkol sa kung sino ka at kung ano ka at kung saan ka naaangkop sa kaayusan ng mga bagay-bagay.” Kaya naman pagka tayo’y gumaganap ng ating ministeryal na “trabaho,” ang ating damit at hitsura ay hindi dapat maging busalsal ni nanlilimahid, ni marangya man o maluho, kundi sa tuwina “karapatdapat sa mabuting balita.”—Ihambing ang 1 Timoteo 2:9, 10.
12. Paanong maipakikita ang magandang asal kung tungkol sa paggalang sa mga karapatan at ari-arian ng maybahay?
12 Bagaman tayo’y dapat na “laging handa na magtanggol” sa mabuting balita, ang magandang asal Kristiyano ay humihiling na gawin natin iyon “nang may kahinahunan at matinding paggalang.” (1 Pedro 3:15) Kasali na riyan ang paggalang sa mga karapatan at ari-arian ng maybahay. Atin bang isinasaplano ang ating aktibidad at dumadalaw tayo sa isang makatuwirang oras? Tayo ba’y listo upang mapansin kung tayo’y nakaiistorbo sa isang kinakailangang trabaho o gawaing-bahay? Tayo ba’y may magandang loob sa paggamit ng mga pangungusap na halimbawa’y “Puwede po ba?” “Pakisuyo,” at “Salamat po”? Atin bang kinakausap ang maybahay, o tayo’y dominante ng pakikipag-usap dahil sa nangangamba tayo na baka hindi natin matapos ang inihanda nating sasabihin?
13. Maglahad ng halimbawa kung paano ang magandang asal sa ministeryo ay kalimitan nagdadala ng mabubuting resulta?
13 Ang magandang asal, lakip na ang taimtim na pagmamalasakit sa iba, ay kalimitan nagbubukas ng daan para sa isang mainam na pagpapatotoo. Kaya naman ang magandang-asal na mga bata ay malimit nakatatawag ng pansin at interes ng mga maybahay na kung saan marahil ay hindi nagkakagayon kung para sa mga maygulang na. Isang 13-anyos na Saksi sa Mexico ang nakatagpo ng isang batang babae na ibig makipag-aral. Gayunman, sinabi ng batang babae na kaniyang gagawin iyon nang hindi nalalaman ng kaniyang ama. Subalit naisip ng kabataang mamamahayag na, sa ganitong kaso, dahil sa kailangang igalang ang ama, siya mismo’y dapat humingi ng pahintulot sa ama. Kaya’t siya’y nagmungkahi na makikipag-usap siya sa ama at nang magkagayo’y sinabi niya rito na ang kanilang pag-aaralan ay napakahalaga. Nang makita na totoong seryoso ang batang kapatid at dahil sa pagpapahalaga sa ginawa ng batang ito na tuwirang paglapit sa kaniya, sinabi ng ama: “Kung ang inyong pag-aaralan ay totoong mahalaga, kung gayo’y dapat mag-aral ang aking buong pamilya.” Ang resulta ay na nakapagsimula ng isang pakikipag-aral sa Bibliya sa buong pamilya ang 13-anyos na batang ito, at doo’y kasali pati ang isang anak na lalaki at pati ang kaniyang maybahay at lahat ng iba pang mga anak na malalaki na.
Ang Magandang Asal ay Nagsisimula sa Tahanan
14. Saan nagsisimula ang magandang asal, at anong salik ang gumaganap ng mahalagang bahagi?
14 Ang magandang asal ng mga kabataang Saksi ay malimit na isang mainam na patotoo sa pagsasanay na kanilang pinatutunayang tinanggap nila sa tahanan. Oo, sa ating asal ay maaaninag ang ating paraan ng pamumuhay. Sa dahilang ito, bagaman salungat sa maaaring iniisip ng iba, ang magandang asal ay dapat magkaroon ng mahalagang dako sa tahanan. Dito, gaya rin sa mga ibang pitak ng buhay pampamilya, ang halimbawa na ipinakikita ng mga magulang ang pangunahing mahalaga. (2 Timoteo 1:5) Ang pagsasabi sa mga anak na, “Gawin ninyo ang sinasabi ko sa inyo, hindi ang ginagawa ko” ay tunay na hindi siyang paraan ng pagtuturo sa kanila ng magandang asal. Ang di-mabilang na mga detalye ng magandang asal ay natututuhan, hindi lamang sa pamamagitan ng berbalang pagtuturo, kundi sa pamamagitan ng pagmamasid at panggagaya. “Ang mga magulang ay hindi lamang siyang ultimong mga tagapagturo; sila rin naman ang mga modelo, sapagkat ang ating mga anak ay natututo sa pamamagitan ng panggagaya sa ating mga paraan,” ito’y ayon sa obserbasyon ni Beverley Feldman, autor ng Kids Who Succeed. Ano bang asal ang nakikita sa inyo ng inyong mga anak?
15. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang mapaunlad ang habambuhay na kinaugaliang magandang asal?
15 “Mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak” ang payo ng Bibliya. (Efeso 6:4) Nakapagpapagalit at nakasisiphayo sa mga anak na pagsabihang sila’y dapat magpakabait at maging makonsiderasyon, ngunit kanila namang nakikita na ang kanilang mga magulang ay nagtatalo, nagtsitsismis, kumikilos nang magaspang, o madaling mayamot. Sila ba’y masisisi kung sila’y kumikilos na katulad din nito? Sa kabilang dako, ang teksto ay nagsasabi pa: “Kundi patuloy na palakihin sila sa disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” At kasali riyan ang mga pinakatampok ng magandang asal, tulad halimbawa ng pagsasabing, “Hello,” “Pakisuyo,” “Salamat po,” at “Ikinalulungkot ko po,” na nagpapakita ng paggalang sa nakatatanda, at ibinabahagi mo sa iba ang mga bagay na mayroon ka. (Levitico 19:32; Roma 16:3-7) Ang mga katangiang ito na natutuhan sa tahanan sa panahon ng pagkabata ay pakikinabangan habambuhay.—Kawikaan 22:6.
16. Anong mga pagsisikap ang kailangan, at ano ang resulta?
16 Kaya’t ang mga magulang at mga anak ay parehong dapat sumunod sa magandang asal bilang bahagi ng kanilang araw-araw na rutina imbis na maghintay pa hanggang sa pagsapit ng isang natatanging okasyon. Sa paggawa ng gayon, ang mga magulang ay dapat na matiyaga at matiisin sa mga pagkakamali na marahil ay magagawa ng mga anak. Subalit ipaalam ninyo sa kanila na totoong pinahahalagahan mo ang kanilang mainam na paggawi, at dagling purihin ninyo sila sa pagsulong na nagawa nila. Mangyari pa, ito’y nangangailangan ng malaking pagsisikap ninyo. Subalit hindi ba sinasabi ng Kasulatan na ang pagtuturo ng maka-Diyos na mga simulain sa mga anak ay dapat na gawin “pagka kayo’y nauupo sa inyong bahay at pagka kayo’y lumalakad sa daan at pagka kayo’y nahihiga at pagka kayo’y bumabangon”? (Deuteronomio 6:7) Ang paggawa ng gayon ay lumilikha ng isang masaya at kapaki-pakinabang na pagsasamahan sa tahanan, na malaki ang nagagawa sa pagsasanay sa inyong mga anak habang sila’y lumalaki upang maging mga taong maygulang na matulungin, mapag-asikaso, at may magandang asal. Kung magkagayo’y kapurihan at karangalan ang idudulot nila sa inyo at sa kanilang Maylikha, ang Diyos na Jehova.
Isang Bayang Magandang-Asal
17. Ano ang napapansin sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova?
17 Ang “mahigit na 1,000 Saksi” na nagkakatipon doon sa labas ng City Hall sa New York City nang hapong iyon ng Setyembre ay nagpapakita lamang sa munting paraan ng kung paano gumagawi nang palagian ang mga Saksi ni Jehova. Sa isang lugar naman, unang-unang pagparoon ng isang lalaki sa isang Kingdom Hall at siya’y nagsabi pagkatapos: “Mas maraming mga taong tunay na nangagmamahalan, di-magkakakilala, ang nakilala ko sa isang araw kaysa mga nakilala ko sa simbahan na aking kinalakhan.” Ang resulta? “Maliwanag na natagpuan ko na ang katotohanan,” ang sabi niya. Binago ng lalaking ito ang takbo ng kaniyang buhay, at pitong buwan ang nakalipas siya ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at nabautismuhan.—Ihambing ang 1 Corinto 14:25.
18. Paano naaapektuhan ang mga tagalabas ng magandang asal ng mga Saksi ni Jehova?
18 Ang pamantayan ng asal at paggawi ng mga Saksi sa kanilang nasyonal at internasyonal na mga kombensiyon ay nagiging paksa ng maraming pangungusap na pumupuri sa kanila. Sa isa sa gayong okasyon kamakailan sa Hapon, isang giya sa isang bus sa pagliliwaliw ang nagsabi: “Habang kayo ay nagsisibaba sa bus, bawat isa sa inyo, kasali na ang mga bata, ay hindi nakakalimot ng pagsasabi sa akin, ‘Maraming-marami pong salamat.’ Iyan ay totoong nakapagpapaligaya sa akin!” Sa isa pang kombensiyon, ang attendant sa isang kalapit na istasyon ng tren ang nagsabi sa isang Saksi: “Isang napakagulong kapahamakan ang nangyari nang isang nakaraang pagtitipon ng 12,000 katao ang ginanap sa Osaka Castle Hall.” Subalit isinusog pa niya: “Kayo ay talagang maayos, at kami ay nagiginhawahan. Pakisuyong ihatid ang aming pasasalamat sa kung sinuman ang namamanihala.”
19. Ano ang dapat na ipasiyang gawin tungkol sa asal ng bawat isa sa atin?
19 Ano ba ang ipinakikita ng ganiyang mga komento? Na ang mga Saksi ni Jehova bilang isang kabuuan ay ‘gumagawi ayon sa asal na karapatdapat sa mabuting balita.’ Kumusta naman ang bawat isa sa atin? Bilang mga anak na umaasa sa isang maibiging ama, harinawang lahat tayo, bata at matanda, ay umasa sa ating makalangit na Ama, si Jehova, upang tayo’y maturuan na maging isang bayang may magandang asal, kahit na nasa daigdig ng mga pangit ang asal.—Deuteronomio 8:5; Kawikaan 3:11, 12.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit ang magandang asal ay kailangan bilang bahagi ng mainam na paggawi?
◻ Anong magandang asal ang angkop sa ating dako ng pagsamba?
◻ Paano maipakikita sa larangan ng ministeryo ang magandang asal?
◻ Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang mapaunlad ang magandang asal?
◻ Anong mataas na pamantayan ng asal ang dapat pagsikapang maitaguyod?
-