-
Aklat ng Bibliya Bilang 16—Nehemias“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
18. Ang madasaling pangunguna ni Nehemias ay dapat magdiin ng anong aral sa lahat ng tagapangasiwa?
18 Ang lubos na pagtitiwala kay Jehova at ang mapakumbabang pagsamo ni Nehemias ay dapat magpasigla sa atin na linangin ang madasaling saloobin ng pananalig sa Diyos. Pansinin na ang kaniyang mga panalangin ay lumuwalhati sa Diyos, kumilala sa pagkakasala ng bayan, at humiling na pakabanalin ang pangalan ni Jehova. (1:4-11; 4:14; 6:14; 13:14, 29, 31) Ang pagkukusa ng bayan na sumunod sa kaniyang matalinong patnubay at ang kagalakan na nasumpungan nila sa pagganap ng kalooban ng Diyos ay patotoo na ang masigasig na tagapangasiwang ito ay moog ng kalakasan para sa kanila. Tunay na isang halimbawang nakapagpapatibay. Gayunman, kapag walang pantas na tagapangasiwa, madaling mag-ugat ang materyalismo, katiwalian at apostasya! Idiniriin nito sa lahat ng tagapangasiwa ng bayan ng Diyos ngayon na dapat silang maging gising, listo, at masigasig sa kapakanan ng kanilang mga kapatid na Kristiyano, maging maunawain at matatag sa pag-akay sa kanila sa tunay na pagsamba.
19. (a) Papaano ginamit ni Nehemias ang Salita ng Diyos upang patatagin ang tiwala sa mga pangako ng Kaharian? (b) Papaano pinasisigla ng pag-asa ng Kaharian ang mga lingkod ng Diyos ngayon?
19 Nagpakita si Nehemias ng lubos na tiwala sa Salita ng Diyos. Hindi lamang siya naging masigasig na guro ng mga Kasulatan kundi ginamit din niya ito sa pagtiyak sa mana ng mga angkan at sa paglilingkod ng mga saserdote at Levita sa naisauling bayan ng Diyos. (Neh. 1:8; 11:1–12:26; Jos. 14:1–21:45) Tiyak na naging malaking pampatibay-loob ito sa Judiong nalabi. Pinatatag nito ang kanilang pagtitiwala sa dakilang mga pangako na patiunang naibigay tungkol sa Binhi at sa lalong-dakilang pagsasauli na magaganap sa ilalim ng Kaniyang Kaharian. Ang pag-asa sa pagsasauli na gagawin ng Kaharian ay nagpapasigla sa mga lingkod ng Diyos upang buong-tapang na ipagtanggol ang mga kapakanan ng Kaharian at maging abala sa pagtatayo ng tunay na pagsamba sa buong lupa.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 17—Esther“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 17—Esther
Manunulat: Si Mardokeo
Saan Isinulat: Sa Susan, Elam
Natapos Isulat: c. 475 B.C.E.
Panahong Saklaw: 493–c. 475 B.C.E.
1. Ano ang isinasalaysay sa aklat ng Esther?
ITO’Y payak na salaysay tungkol kay Ahasuero, hari ng Persya, inaakalang si Jerjes I, na ang masuwaying asawang si Vashti ay hinalinhan ng Judiong si Esther, pinsan ni Mardokeo. Binalak ng Agagitang si Haman na patayin si Mardokeo at lahat ng Judio, ngunit siya ang nabitay sa sarili niyang tulos, at si Mardokeo ay nataas bilang punong ministro at ang mga Judio ay nailigtas.
2. (a) Bakit alinlangan ang iba sa pagiging-kinasihan ng aklat ng Esther? (b) Sa anong anyo lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa aklat ng Esther?
2 Totoo, may nagsasabi na ang aklat ng Esther ay hindi kinasihan at hindi kapaki-pakinabang kundi isa lamang magandang alamat. Di-umano hindi binabanggit ng aklat ang pangalan ng Diyos. Bagaman totoo na ang Diyos ay hindi tuwirang binabanggit, nasa tekstong Hebreo ang apat na hiwalay na akrostiko ng Tetragramaton, unang mga titik ng apat na sunud-sunod na salita, YHWH (Hebreo, יהוה), o Jehova. Ang mga initial na ito ay itinatampok ng di-kukulangin sa tatlong sinaunang manuskritong Hebreo at minamarkahan din sa Masora sa mga pulang titik. At sa Esther 7:5 waring umiiral din ang isang akrostiko sa banal na kapahayagang “Aking patutunayan.”—Tingnan ang mga talababa sa Esther 1:20; 5:4, 13; 7:7, gayundin ang 7:5.
3. Anong mga kaganapan ang nagpapahiwatig ng pananampalataya at pananalangin sa Diyos, at ano ang nagpahiwatig na Diyos ang nagmamaneobra sa mga bagay-bagay?
3 Nililiwanag ng buong ulat ang pagtanggap at pagsunod ni Mardokeo sa kautusan ni Jehova. Tumanggi siyang yumukod bilang parangal sa isang tao na marahil ay isang Amalekita; ang mga ito ay itinakda ng Diyos sa pagkalipol. (Esther 3:1, 5; Deut. 25:19; 1 Sam. 15:3) Ipinahihiwatig ng mga salita ni Mardokeo sa Esther 4:14 na siya ay umasa sa pagliligtas ni Jehova at sumampalataya sa banal na patnubay sa lahat ng pangyayari. Ang tatlong araw na pag-aayuno ni Esther bago humarap sa hari, at ang katulad na pagkilos ng mga Judio, ay nagpapakita ng pananalig sa Diyos. (Esther 4:16) Ang pagmamaneobra ng Diyos sa mga bagay-bagay ay ipinakikita rin ng pagkalugod ni Hegai, tagapag-alaga ng mga babae, kay Esther, at ang di-pagkakatulóg ng hari nang gabing ipakuha niya ang opisyal na mga ulat at matuklasan na si Mardokeo ay hindi naparangalan sa nagawang kabutihan noong nakaraan. (Esther 2:8, 9; 6:1-3; ihambing ang Kawikaan 21:1.) Tiyak na tumutukoy sa panalangin ang mga salitang, “mga bagay ng pag-aayuno at ng kanilang pagdaing.”—Esther 9:31.
4. Papaano pinatutunayan ang pagiging-totoo at pagiging-makatotohanan ng aklat ng Esther?
4 Maraming patotoo sa pagiging-tunay at pagiging-makatotohanan ng ulat. Tinanggap ito ng mga Judio na tumukoy dito na Meghil·lahʹ, nangangahulugang “rolyo; balumbon.” Lumilitaw na ito ay inilakip ni Ezra sa Hebreong kanon, na tiyak na hindi niya gagawin kung ito’y alamat. Hanggang ngayon, ipinangingilin ng mga Judio ang kapistahan ng Purim, o Pagsasapalaran, bilang pagdiriwang sa dakilang pagliligtas noong panahon ni Esther. Buháy-na-buháy ang paghaharap ng mga ugali at kostumbreng Persyano kasuwato ng kasaysayan at arkeolohiya. Halimbawa, wastong inilalarawan ng Esther kung papaano pinararangalan ng mga Persyano ang isang tao. (6:8) Ipinakita ng mga arkeolohikal na pagdudukal na ang mga paglalarawan sa palasyo ng hari ay eksaktong-eksakto sa kaliit-liitang detalye.a—5:1, 2.
5. Anong pagka-eksakto ang nagpapatunay sa pagiging-totoo ng Esther, at sa anong yugto nakakasuwato ang wikang ginamit dito?
5 Ang pagka-eksaktong ito ay mapapansin sa ulat mismo, sa maingat na pagbanggit sa pangalan ng mga opisyal at lingkod sa korte, pati na ng sampung anak ni Haman. Ang hanay nina Mardokeo at Esther ay tinatalunton pabalik kay Kish sa tribo ni Benjamin. (2:5-7) May mga pagtukoy sa opisyal na ulat ng pamahalaan ng Persya. (2:23; 6:1; 10:2) Ang wikang ginamit sa aklat ay makabagong Hebreo na dinagdagan ng mga salita at kapahayagang Persyano at Aramaiko, isang estilo na gaya niyaong sa Mga Cronica, Ezra, at Nehemias, na lubhang nakakasuwato ng panahon ng pagkasulat nito.
6. (a) Anong yugto ng panahon ang ipinahihiwatig para sa aklat ng Esther? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng ebidensiya hinggil sa sumulat nito, pati na ang dako at panahon ng pagsulat?
6 Ang mga pangyayari sa Esther ay inaakalang naganap nang ang imperyo ng Persya ay nasa tugatog at sumasaklaw ito ng 18 taon sa paghahari ni Ahasuero (Jerjes I). Ang yugtong ito hanggang sa mga 475 B.C.E. ay inaalalayan ng mga reperensiyang Griyego, Persyano, at Babiloniko.b Si Mardokeo, aktuwal na nakasaksi at pangunahing tauhan sa aklat, ay malamang na siyang sumulat nito; ipinakikita ng matalik at detalyadong ulat na ang sumulat ay tiyak na nakaranas ng mga kaganapan sa palasyo sa Susan.c Bagaman hindi siya binabanggit sa ibang aklat ng Bibliya, tiyak na si Mardokeo ay isang taong makasaysayan. Kapansin-pansin, natuklasan ang isang walang-petsang tekstong cuneiform at ayon kay A. Ungnad ng Alemanya, tumutukoy ito kay Mardukâ (Mardokeo?) bilang mataas na opisyal sa korte ng Susa (Susan) noong naghahari si Jerjes I.d Tiyak na sa Susan tinapos ni Mardokeo ang mga pangyayari sa Esther karaka-rakang maganap ito, alalaong baga, noong mga 475 B.C.E.
NILALAMAN NG ESTHER
7. Anong kagipitan ang bumangon sa salu-salo ni Ahasuero, at ano ang ikinilos ng hari bunga nito?
7 Inalis si Reyna Vashti (1:1-22). Ikatlong taon na ng paghahari ni Ahasuero. Nagdaos siya ng 180-araw na piging para sa mga opisyal ng imperyo at ipinakita sa kanila ang kayamanan at kaluwalhatian ng kaharian. Sumunod ang pitong-araw na marangyang pista para sa mga taga-Susan. Kasabay nito ay ang salu-salo ni Reyna Vashti para sa mga babae. Ipinaghambog ng hari ang kaniyang kayamanan at, nang lasing na, ay tinawag si Vashti upang itanghal ang kagandahan niya sa harapan ng bayan at ng mga prinsipe. Paulit-ulit na tumanggi ang reyna. Sa payo ng mga opisyal sa korte na nagsabing mapapahiya ang hari dahil sa masamang halimbawang ito, si Vashti ay inalis ni Ahasuero bilang reyna at nagpadala ng mga liham upang manawagan sa lahat ng asawang-babae na “magbigay-karangalan sa kanilang asawa” at bawat lalaki ay “gumawi bilang pinunò sa sariling bahay.”—1:20, 22.
8. (a) Ano ang umakay sa pagiging reyna ni Esther? (b) Anong pakana ang natuklasan ni Mardokeo, at anong ulat ang ginawa tungkol dito?
8 Naging reyna si Esther (2:1-23). Nang maglaon, nagpahanap ang hari ng pinakamagagandang dalaga sa 127 lalawigan ng imperyo upang dalhin sa Susan, kung saan lalo silang pagagandahin bago iharap sa hari. Isa sa napili ay si Esther. Siya ay ulilang Judio, “maganda sa anyo at kabigha-bighani sa tingin,” na pinalaki ng pinsan niyang si Mardokeo, opisyal sa Susan. (2:7) Ang Judiong pangalan ni Esther, Hadassa, ay nangangahulugang “Mirto (Myrtle).” Si Hegai, tagapag-alaga ng mga babae, ay nalugod kay Esther at binigyan siya ng pantanging pag-aalaga. Walang nakakaalam na siya’y Judio, pagkat iniutos ni Mardokeo kay Esther na ilihim ito. Isa-isang humarap ang mga dalaga sa hari. Pinili si Esther na maging reyna, at nagdaos ng salu-salo upang ipagdiwang ang koronasyon. Di-nagtagal, nabalitaan ni Mardokeo na may sabwatan upang ipapatay ang hari, at nag-ulat siya sa hari sa pamamagitan ni Esther “sa pangalan ni Mardokeo.” (2:22) Nabunyag ang pakana, binitay ang mga magkakasabwat, at ito’y iniulat sa taunang-aklat ng hari.
-