Iginagalang ba Ninyo ang Dako ng Inyong Pagsamba?
“Sa mismong pagpapasimula pa lamang ng ebanghelyo, ang mga Kristiyano ay mayroon ng kanilang tatag at tiyak na dako ng banal na pagsamba.”—“Primitive Christianity,” ni William Cave.
ANG bayan ng Diyos sa tuwina ay nalulugod na magkatipon nang sama-sama para sa pagsamba. Ito’y totoo noong unang siglo gaya rin ngayon. Ang sinaunang mga awtor at mga teologo, tulad nina Lucian, Clement, Justin Martyr, at Tertullian, ay pawang sumasang-ayon na ang mga Kristiyano ay may espesipikong mga dako na doon sila nagtitipon upang sama-samang sumamba nang palagian.
Itinatatag ng Bibliya ang punto ring iyan, anupat maraming tinutukoy na palagiang mga pagpupulong na ginaganap ng mga grupo ng mga Kristiyano. Ang mga grupong ito ay kilala bilang mga kongregasyon. Ito’y angkop naman sapagkat ang salitang “kongregasyon” sa orihinal na mga wika ng Bibliya ay tumutukoy sa isang grupo ng mga taong nagtipon nang sama-sama para sa isang partikular na layunin o gawain.
Sinaunang mga Dako ng Pagsambang Kristiyano
Ano ba ang ginagawa ng mga Kristiyano noong unang siglo pagka sila’y nagtitipong sama-sama? Inilalarawan ng Bibliya ang ilan sa gayong mga pagpupulong at ipinakikita na ang pagtuturo ay isang mahalagang bahagi niyaon. (Gawa 2:42; 11:26; 1 Corinto 14:19, 26) Nagsaayos ng mga kaayusan sa pagtuturo, may mga diskurso, paglalahad ng nakapagpapatibay na mga karanasan, at maingat na pagtalakay sa mga liham na tinanggap buhat sa lupong tagapamahala sa Jerusalem o buhat sa isang apostol.
Sa Gawa 15:22-35, ating mababasa na pagkatapos na basahin ang gayong uri ng liham sa isang grupo ng mga Kristiyano sa Antioquia, ang ginawa ni Judas at ni Silas ay “pinatibay ang mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.” Isa pang paglalahad ang nagsasabi na nang sina Pablo at Bernabe ay dumating sa Antioquia “at matipon nang sama-sama ang kongregasyon, sila ay nagpatuloy na ilahad ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.” Ang pananalangin kay Jehova ay isa ring mahalagang bahagi ng mga pulong Kristiyano.—Gawa 14:27.
Ang mga dakong pinagtitipunan noong unang siglo para sa pagsamba ay hindi magagarang gusali na katulad ng marami sa mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Para sa karamihan, ang sinaunang mga Kristiyano ay nagtitipon sa pribadong mga tahanan. (Roma 16:5; 1 Corinto 16:19; Colosas 4:15; Filemon 2) Malimit na ang silid sa may bubong o ang silid sa itaas ng isang pribadong tahanan ang ginagamit. Sa isang silid sa itaas ginanap ang Hapunan ng Panginoon. Doon din sa isang silid sa itaas pinahiran ng banal na espiritu noong Pentecostes ang 120 alagad.—Lucas 22:11, 12, 19, 20; Gawa 1:13, 14; 2:1-4; 20:7, 9.
Sa ngayon sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang parisan na itinatag ng mga apostol. Sila’y gumagamit ng mga dakong pinagtitipunan na kilalá sa tawag na mga Kingdom Hall. Doon sila’y sinasanay bilang mga mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Sa Kingdom Hall, sila’y nag-aaral din ng Kasulatan, nananalangin, at nagpapatibayan sa isa’t isa. Ito ay kasuwato ng payo ng Bibliya sa Hebreo 10:24, 25: “Ating sikaping mapukaw ang bawat isa sa pag-iibigan at mabubuting gawa, na huwag nating kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakaugalian ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa’t isa, at lalo na habang nakikita ninyong palapit nang palapit ang araw.”
Ang Paggamit Nang Wasto sa Dako ng Ating Pagsamba
Natatandaan mo ba ang sinabi ni apostol Pablo: “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan” at, “Hayaang maganap ang lahat ng bagay sa maayos na paraan at sa pamamagitan ng kaayusan”? Kung susuriin mo ang konteksto ng mga salitang ito, makikita mo na ang tinatalakay ni Pablo ay ang paraan ng pagsasagawa ng mga pulong Kristiyano. Tulad noong panahon ng mga apostol, tinitiyak ng mga Kristiyano sa ngayon na ang kanilang mga pulong ay maayos at organisadong mainam.—1 Corinto 14:26-40.
Ang Abril 1, 1970, na labas ng Ang Bantayan ay nagsabi: “Ang espirituwal na kapaligiran sa Kingdom Hall ay tunay, bunga ng isang tunay na interes sa dalisay na pagsamba at pagtuturo ng Bibliya. At ang maliwanag, natural na kapaligiran sa bulwagan ay gumaganyak sa naroroong mga tao na maging masaya at palakaibigan sa lahat, hindi parang mga banal na banal na napipigilang makipag-usap sa isa’t isa.” Mangyari pa, laging nag-iingat upang sa paggamit ng Kingdom Hall ay laging masalamin ang paggalang at karangalan.
Ang Sangkakristiyanuhan ay nagpakita ng malaking kawalang-galang sa ganitong dako. Ilang organisasyon ng relihiyon ang gumagamit sa kanilang mga dakong sambahan bilang mga sentro ng libangan sa komunidad. Sila’y may mga konsiyerto ng relihiyosong tugtuging rock, mga silid para sa buhatan, mga mesa sa bilyar, mga alagaan ng mga bata, at mga sinehan sa loob. Isang simbahan ang may paligsahan sa bunô bilang bahagi ng kanilang programa. Malayung-malayo ito sa halimbawang ipinakita ng mga apostol.
Kung may kongregasyon noong unang siglo na kumilos nang di-wasto, kailangan ang pagtutuwid. Halimbawa, ang ilan sa kongregasyong Kristiyano sa Corinto ay gumagamit ng pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon bilang okasyon sa pagkain at pag-inom. Dala nila ang kanilang mga baon upang kanin bago o sa panahon ng pulong, ang ilan ay nagpapakalabis pa nga ng pagkain at pag-inom. Tunay na ito’y hindi nararapat. Sila’y sinulatan ni apostol Pablo: “Tiyak naman na kayo’y may mga bahay na mapagkakainan at mapag-iinuman, hindi ba?”—1 Corinto 11:20-29.
Kasuwato ng payo ni Pablo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na sa kanilang tahanan o sa ibang lugar asikasuhin ang personal na mga bagay sa halip na sa Kingdom Hall. Totoo, ang ating regular na mga pulong ay nagbibigay ng mainam na pagkakataon na makipagkita sa ating mga kaibigan. Subalit, ang Kingdom Hall ay nakaalay kay Jehova, kaya ito ay dapat na gamitin para lamang sa pagsamba sa kaniya. Hindi natin sinasamantala ang pagdalo roon upang maghanapbuhay o asikasuhin ang ating personal na mga transaksiyon.
Isa pa, ang mga Kingdom Hall ay hindi ginagamit ng kongregasyon para sa mga programa sa paglilibang, sa mga gawain na paglikom ng mga pondo, o sa panlipunang mga paglilingkod, gaya ng pag-aalaga ng bata. May ibang mga lugar na kung saan maaaring doon asikasuhin ang gayong mga bagay na personal at may kinalaman sa hanapbuhay.
Napansin ng matatanda sa isang Kingdom Hall na naging kaugalian na ng mga kaanib sa kongregasyon na sa mga pulong humiram o magsauli ng mga bagay-bagay. At, sa Kingdom Hall ay naging kaugalian na nila na magpalitan ng mga pelikula sa videocassette. Bagaman ang ganitong mga gawain ay hindi naman maka-komersiyo, sila’y tinulungan ng matatanda na makitang isang kapantasan na kung maaari sa tahanan asikasuhin ang mga bagay na ito.
Upang maiwasan ang mga kalagayan na makapagbibigay ng maling impresyon at upang matiyak na ang Kingdom Hall ay ginagamit nang wasto, bawat isa ay dapat magtanong sa kaniyang sarili: ‘Mayroon bang anumang personal na mga bagay na inaasikaso ko sa Kingdom Hall na maaaring asikasuhin sa tahanan?’ Halimbawa, pagka nag-oorganisa ng mga pagliliwaliw o iba pang sosyal na pagtitipon, hindi ba mas mabuting sa tahanan talakayin ang gayong mga kaayusan? Magagamit ba natin ang telepono o madadalaw ang mga tahanan ng mga ibig nating makausap? Hiramin natin ang mga salita ni Pablo, upang masabi natin: ‘Tunay na mayroon tayong mga bahay para sa pag-aasikaso sa gayong mga bagay, hindi ba?’
Isang Takdang Panahon at Dako sa Pagsamba Kay Jehova
Sinasabi ng Bibliya sa Eclesiastes 3:1: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, samakatuwid isang panahon para sa bawat gawa sa silong ng langit.” Sa pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, maaari tayong lubusang magtutok ng ating pansin sa mga gawain na may kaugnayan sa ministeryong Kristiyano. Iyon ay isang takdang panahon sa pagsamba kay Jehova.
Ang kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ay nagpayo laban sa paboritismo sa loob ng kongregasyong Kristiyano. (Santiago 2:1-9) Papaano natin maikakapit ang payong ito sa ating mga Kingdom Hall? Ang paboritismo ay maaaring mapansin pagka doon ginagawa ang kapuna-punang pagpapasa ng nakalimbag na mga imbitasyon para sa mga kasayahan. Sa isang kongregasyon ang kaugalian ay ilagay ang gayong mga imbitasyon sa bag ng aklat o sa Bibliya ng mga naroroon. Totoo, ito ay higit na maginhawa kaysa pagpapadala ng mga imbitasyon sa pamamagitan ng koreo o sa paghahatid nito sa bawat tahanan. Subalit, ano naman ang madarama niyaong hindi nagsitanggap ng imbitasyon pagkatapos na makita nilang ang mga imbitasyon ay ipinamamahagi sa mga iba? Hindi ba ito parang isang paboritismo?
Mangyari pa, hindi naman kailangan ang isang istriktong alituntunin na nagsasabing walang makapag-aabot sa iba ng isang personal na mensahe o balutan pagka naroroon sila sa Kingdom Hall; hindi rin masama na mag-usap sa Kingdom Hall tungkol sa araw-araw na gawain o pangyayari, anyayahan ang iba sa iyong tahanan, o isama ang isa sa isang paglilibang. Subalit ang mga ito ay pagka nagkataon lamang at ginawa sa paraan na maingat at hindi tumatawag ng pansin. Ang personal na mga kaayusan ay hindi dapat makaabala sa tunay na layunin ng ating pagsasama-sama sa Kingdom Hall, samakatuwid nga, upang magpatibayan sa espirituwal.—Mateo 6:33; Filipos 1:10.
Mga Lalaki na Nagsisilbing Halimbawa
Ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay nagsisilbing mga halimbawa sa pagpapakita ng paggalang sa Kingdom Hall. Pangkaraniwan ay may isa o dalawang matanda at ministeryal na lingkod na inaatasang mag-asikaso ng mga bagay na nauukol sa pangangalaga sa Kingdom Hall. Pagka higit sa isa ang kongregasyon na gumagamit ng iisang bulwagan, isang komite ng matatanda ang nangangasiwa sa mga bagay na ito.
Samantalang may mga inaatasang mag-asikaso ng gayong mga tungkulin, lahat ng ministeryal na lingkod at matatanda ay dapat makitaan ng tunay na interes sa bulwagan. Kinikilala nila na ang Kingdom Hall ay nakaalay kay Jehova at ginagamit para sa pagsamba sa kaniya.
Hindi dapat magpaliban ang matatanda kung kinakailangan ang pagpapakumpuni. (2 Cronica 24:5, 13; 29:3; 34:8; Nehemias 10:39; 13:11) Sa ilang kongregasyon ay may regular na pag-iinspeksiyon sa Kingdom Hall upang maasikaso agad kung nangangailangan ng anumang pagkumpuni. May mga imbentaryo upang tiyakin na mayroon ng kinakailangang mga gamit at makakukuha nito. Kung may isang takdang lugar para paglagyan ng mga suplay, kasangkapan, at gamit sa paglilinis, lahat ng matatanda at ministeryal na mga lingkod ay dapat magpakita ng interes sa kalagayang ito, tinitiyak na ito’y maayos. Ang mga nag-aasikaso ng literature at magazine counter ay makapagpapakita na sila’y interesado sa pamamagitan ng agad na pag-sasaayos ng mga basyong karton upang hindi magsilbing kalat sa bulwagan.
Sa pagpapakita ng halimbawa, ang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay makatutulong sa mga iba pa sa kongregasyon upang magpakita ng sigasig ukol sa Kingdom Hall. (Hebreo 13:7) Lahat ay makapagpapakita ng tumpak na paggalang sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bahagi sa paglilinis ng bulwagan at sa pamamagitan ng pagpapakita ng tunay na interes sa pangkalahatang kalagayan nito.
Sinabi ni Jesus sa Mateo 18:20: “Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, naroroon ako sa gitna nila.” Oo, interesado si Jesus sa ating ginagawa pagka sama-sama tayong nagtitipon upang sumamba kay Jehova. Kasali na rito ang anumang mga pagpupulong na ginaganap sa pribadong mga tahanan at ang malalaking pagtitipon na ginaganap gaya ng mga kombensiyon o mga asamblea.
Para sa angaw-angaw na mga Saksi ni Jehova, wala nang dako na malapit sa kanilang puso kaysa kanilang regular na dako ng pagsamba, ang Kingdom Hall. Nagpapakita sila ng wastong paggalang sa lugar na iyon. Makikitaan sila ng kasipagan sa pag-aasikaso nito, at sila’y nagsusumikap lagi na gamitin ito sa tamang paraan. Harinawang ikaw man ay makinig sa payo na ibinibigay mismo ni Jehova: “Ingatan mo ang iyong mga paa kailanma’t pumaparoon ka sa bahay ng tunay na Diyos.”—Eclesiastes 5:1.