Ang mga Pagbabawal ba ay Nagpapahina ng Loob Mo?
MGA pagbabawal! Walang sinuman ang talagang nagnanais ng mga ito; ngunit lahat tayo ay kailangang magtiis ng mga ito sa papaano man. Subalit, kung minsan ba’y nanghihina ang loob mo dahil sa ang iyong buhay ay waring totoong kulang? Marahil ay bubuti ang pakiramdam mo kung babaguhin mo ang iyong punto de vista. Sa halip na mabahala tungkol sa hindi mo magagawa, bakit hindi lubusang samantalahin ang anumang kalayaang tinatamasa mo?
Halimbawa, marami sa atin na kapos sa kabuhayan ang nagnanais na sila’y yumaman. Gayunman, samantalang nililimitahan ng kahirapan ang maaari nating gawin sa sistemang ito ng mga bagay, maaari namang makamit ng lahat ang mahahalagang bagay sa buhay. Ang mahihirap gayundin ang mayayaman ay umiibig, nag-aasawa, nagkakaanak, may mabubuting kaibigan, at iba pa. Lalong mahalaga, ang mga mahihirap gayundin ang mayayaman ay nakakakilala kay Jehova at inaasam ang ipinangakong bagong sanlibutan. Ang mga dukha gayundin ang mayayaman ay sumusulong sa karunungan at kaalamang Kristiyano, na mas mainam kaysa mga kayamanan. (Kawikaan 2:1-9; Eclesiastes 7:12) Lahat—mayayaman at mahihirap—ay makagagawa ng isang magaling na pangalan para sa kanilang sarili sa harap ni Jehova. (Eclesiastes 7:1) Noong kaarawan ni Pablo ang kalakhang bahagi ng kongregasyong Kristiyano ay binubuo ng mga taong mabababa ang katayuan sa lipunan—ang ilan sa kanila ay mga alipin—na matalinong ginamit ang anumang kalayaang ipinahintulot ng kanilang kalagayan.—1 Corinto 1:26-29.
Maka-Kasulatang Pagkaulo
Sa isang mag-asawang Kristiyano, ang asawang babae ay napasasakop sa kaniyang asawa—isang kaayusan na nilayong pakinabangan ng buong pamilya. (Efeso 5:22-24) Dapat bang makadama ng pagiging mababa ang asawang babae dahil dito? Tunay na hindi. Ang mag-asawa ay isang tambalan. Ang pagkaulo ng lalaki, kapag isinasagawa sa isang tulad-Kristong paraan, ay naglalagay ng iilang pagbabawal sa kaniyang asawa at nagbibigay sa kaniya ng maraming pagkakataon na makilala ang kaniyang mga kakayahan at katangian. (Efeso 5:25, 31) Ang “may kakayahang asawang babae” sa Kawikaan kabanata 31 ay okupado ng maraming gawaing kawili-wili at nangangailangan ng kasanayan at determinasyon. Maliwanag, ang pagpapasakop sa kaniyang asawa ay hindi nakasisiphayo para sa kaniya.—Kawikaan 31:10-29.
Gayundin naman, walang paglalaan para sa isang babae na manguna sa kuwalipikadong mga lalaki sa kongregasyong Kristiyano. (1 Corinto 14:34; 1 Timoteo 2:11, 12) Dapat bang mayamot ang mga babaing Kristiyano sa ilalim ng pagbabawal na iyan? Hindi. Karamihan ay napasasalamat na makitang ang pitak na iyan ng Kristiyanong paglilingkod ay inaasikaso sa teokratikong paraan. Sila ay maligaya na makinabang buhat sa pagpapastol at pagtuturo ng hinirang na matatanda at ibinubuhos ang kanilang pagkabahala sa mahalagang gawaing pangangaral at paggawa ng mga alagad. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Malaki ang nagagawa ng mga babaing Kristiyano sa larangang ito, at ito’y nagdudulot sa kanila ng karangalan sa paningin ng Diyos na Jehova.—Awit 68:11; Kawikaan 3:35.
Mga Pagbabawal sa Kabataan
Ang mga kabataan din kung minsan ay nagrereklamo na ang kanilang buhay ay lubhang hinihigpitan, kadalasan sapagkat sila’y nasa ilalim ng kapamahalaan ng kani-kanilang mga magulang. Ngunit ito ay maka-Kasulatan din. (Efeso 6:1) Sa halip na mayamot dahilan sa paghihigpit sa kanila ng kanilang mga magulang, ang pantas na mga kabataang kristiyano ay nagtutuon ng pansin sa pagtatamasa ng mga kalayaang taglay nila—kasali, pangkaraniwan na, ang kalayaan buhat sa mabibigat na pananagutan. Sa gayon ay nasasamantala nila ang kanilang lakas ng kabataan at ang mga pagkakataon na ihanda ang kanilang sarili para sa buhay bilang mga adulto.
Nagugunita pa ng isang dating tagapangasiwa ng sirkito sa Brazil ang isang 12-taóng-gulang na batang lalaki sa isang maliit na grupong nakabukod na may mga limitasyon sa mga bagay na maaari niyang gawin. Yaong nangangasiwa sa mga rekord ay abala sa kaniyang sekular na trabaho at hindi makapagbigay ng malaking atensiyon sa grupo, subalit isinaayos niya na makatulong sa kaniya ang kabataang ito. Natutuhan niya kung saan naroroon ang lahat ng porma at siya’y laging naroroon upang tumulong. Nakapagpapatibay ang kaniyang interes, at siya’y isang tapat na kasama sa paglilingkuran sa larangan. Ang kabataang iyon ay isa nang hinirang na matanda sa ngayon.
Marami pang kalagayan na maaaring maglagay ng mga limitasyon sa kalayaan ng isang tao. Ang ilan ay nararatay dahil sa sakit. Ang ilan naman ay namumuhay sa nababahaging sambahayan at limitado ang kanilang kalayaan dahilan sa mga hinihiling ng isang asawang di-sumasampalataya. Bagaman yaong namumuhay na nasa ilalim ng mga pagbabawal ay maaaring naghahangad na huwag magkagayon, sila ay makapamumuhay pa rin nang kasiya-siya. Naglalathala ang magasing ito ng mga salaysay ng gayong mga tao na nakapagpapatibay-loob sa iba sapagkat umasa sila kay Jehova at sinamantala ang kanilang mga kalagayan.
Tungkol sa isang pangkaraniwang situwasyon noong kaniyang kaarawan, sinabi ni apostol Pablo: “Tinawag ka ba habang isang alipin? Huwag mo itong ikabahala; ngunit kung maaari ka ring maging malaya, sunggaban mo nga ang pagkakataon.” (1 Corinto 7:21) Anong timbang na pangmalas! Nagbabago ang ilang kalagayan. Nagsisilaki ang mga kabataan. Kung minsan tumatanggap ng katotohanan ang sumasalungat na mga kabiyak. Ang mga kalagayan ng kabuhayan ay bumubuti. Maaaring bumuti ang kalagayan ng mga taong may sakit. Sa ibang mga kaso, maaaring hindi magbago ang mga bagay kundi hanggang sa dumating ang bagong sanlibutan ni Jehova. Gayunpaman, ano ang mapapala kung ang isa ay nababahala dahil hindi niya magawa ang nagagawa ng iba?
Napagmasdan mo na ba ang mga ibon na pumapaimbulog sa himpapawid sa ibabaw ng lupa at hinangaan mo ang kagandahan at kalayaan ng kanilang paggalaw? Marahil ay hinangad mong makalipad na gaya niyan. Buweno, hindi mo magagawa at kailanman ay hindi ka makalilipad na gaya ng mga ibon! Subalit malamang na hindi ka naman nagrereklamo. Bagkus, nagagalak ka sa iyong bigay-Diyos na mga kakayahan. Nakapamumuhay ka naman nang matagumpay bagaman naglalakad sa ibabaw ng lupa. Sa katulad na paraan, anuman ang kalagayan natin sa buhay, kung ipapako natin ang ating kaisipan sa maaari nating magawa sa halip na mabahala tungkol sa ating hindi maaaring magawa, ang buhay ay magiging kasiya-siya, at tayo’y makasusumpong ng kagalakan sa paglilingkod kay Jehova.—Awit 126:5, 6.
[Larawan sa pahina 28]
Nadarama mo ba na waring kinukulong ka ng iyong mga magulang?