“Sunding Maingat ang Kaniyang mga Hakbang”—Paano?
“TALAGANG hindi ako magiging sakdal na gaya ni Jesus, gaano mang taimtim ang panalangin ko o gaano mang pagsisikap ang gawin ko.” Sa mga sinurbey ng U.S. Catholic, 89 porsiyento ang sumang-ayon sa pangungusap na iyan. Oo, ang pag-iisip na lumakad ayon sa mga yapak ni Kristo ay maaaring waring imposible—lalo na kung iisipin mo ang pagkalarawan kay Kristo ng mga relihiyon. Sabi ng isang lalaking Katoliko: “Sa kabuuan, naiisip ko si Jesus na isang masigla, maibigin, mapag-aruga, mapagbigay na nilikha na walang gaanong hinahanap sa akin. Ngunit pagka ako’y nagsimba, si Jesus ay labis na dinidiyos at nadarama kong ako’y walang pag-asa at abang-aba dahil sa aking mga di-kasakdalan.”
Subalit, ang mga ulat ng Ebanghelyo ay hindi ‘labis na dumidiyos’ kay Kristo. Ipinakikita nito na si Jesus ay ipinanganak, hindi sa angkan ng mga aristokrata, kundi sa isang pamilyang anak-pawis. Ang kaniyang ama-amahan na si Jose ay isang alwagi. Bagama’t kaunti lamang ang nahahayag tungkol sa pagkabata ni Jesus, isang pangyayari ang malaki ang isinisiwalat. Nang si Jesus ay 12 anyos siya’y isinama ng kaniyang mga magulang sa kanilang taunang pagdalaw sa Jerusalem para sa Paskua. Nang okasyong ito siya ay nawili ng pakikipag-usap tungkol sa Kasulatan, at siya’y iniwanan na ng kaniyang pamilya. Tatlong araw ang nakalipas nang siya’y matagpuan ng may katuwirang mabahalang sina Jose at Maria sa templo, “nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” At, “lahat ng mga nakikinig sa kaniya ay palaging nanggigilalas sa kaniyang kaunawaan at sa kaniyang mga sagot.” Isip-isipin, sa edad na 12 anyos lamang siya’y hindi lamang nagtatanong ng mga bagay na palaisipan at nagpapakita ng espirituwalidad kundi nagbibigay rin siya ng matalinong mga kasagutan. Tiyak na ang pagkasanay sa kaniya ng kaniyang mga magulang ang nakatulong!—Lucas 2:41-50.
Kung isa kang bata, posible kaya na tumulad ka sa halimbawa ni Kristo? Posible nga! Sapagkat si Kristo mismo ang nag-iwan sa inyo ng “halimbawa upang kayo’y sumunod nang maingat sa kaniyang mga hakbang.”—1 Pedro 2:21.
Ang kabataan ay mabuting panahon upang makapagtamo ka ng saligang kaalaman sa Diyos at sa kaniyang Salita. Totoo, ang mga ibang kakilala mo ay maaaring nag-aaksaya ng maraming panahon sa mga komiks at TV. Subalit bakit hindi ka, sa halip, sumunod sa mga yapak ni Jesus, na bilang isang bata ay nalugod na matuto tungkol kay Jehova? Dahilan sa kaniyang pag-ibig sa espirituwal na mga bagay, “si Jesus ay patuloy na sumulong sa karunungan.” (Lucas 2:52) Ikaw man ay maaari.
Bilang halimbawa: Sa isang paaralan sa Timog Aprika, isang guro ang tinanong kung kaniyang mapatutunayan na ang Bibliya ay totoo. Kaniyang inamin na hindi niya magagawa iyon. Isang batang lalaki, na isa sa mga Saksi ni Jehova, ang lakas-loob na nagsabi: “Tiyakang mapatutunayan ko po na ang Bibliya ay totoo!” Paano? Naalaala niya ang kaniyang napag-aralan sa isang kamakailang isyu ng Ang Bantayan. Kaya’t pagkatapos humingi ng pahintulot na makapagsalita, ipinaliwanag niya ang kahulugan ng isang hula na nakasulat sa Daniel kabanatang 2. Ang klase ay nanggilalas habang ipinakikita niya kung paanong inihula ang pagbangon at pagbagsak ng sunud-sunod na mga gobyerno ng sanlibutan at ang sa wakas pagpuksa sa kanila ng Kaharian ng Diyos. Nagkaroon ng isang mainam na diskusyon at kaniyang sinagot doon ang maraming mga tanong.
Pagparito Upang Gawin ang Kalooban ng Diyos
Ang pundasyon ng kaalaman at kaunawaan sa Bibliya na inilatag ni Jesus nang siya’y nasa kabataan ang nang dakong huli’y nag-udyok sa kaniya na gumawa ng isang mahalagang hakbang. “Si Jesus ay naparoon . . . sa Jordan kay Juan, upang pabautismo sa kaniya.” Ang takdang panahon ay dumating na upang balikatin niya ang mga pananagutan bilang ministro ng Diyos. Ang kahulugan ng bautismo ay pagpiprisinta ng kaniyang sarili upang gawin ang kalooban ng Diyos.—Mateo 3:13-15.
Ang mga Kristiyano ay kinakailangan din na tumulad kay Kristo sa pamamagitan ng pagpapabautismo. Ang bautismo ay isang banal na simbolo, isang panlabas na tanda ng pag-aalay. Pagka tayo’y sumang-ayon na magtrabaho para sa isang tao o sa isang kompaniya, una muna’y tinitiyak natin ang mga kahilingan at mga kondisyon at kadalasa’y humahantong iyon sa paglagda natin sa isang kontrata. Subalit kung walang lagda, ang kontrata ay walang bisa. Gayundin sa bautismo—ang ating pag-aalay sa Diyos ay binibigyang-bisa nito. Sa diwa, gaya ni Jesus ay ating sinasabi: ‘Narito! naparito ako upang gawin ang iyong kalooban, Oh Diyos.’ (Hebreo 10:7) Sa ganoo’y nagiging mga lingkod tayo ng Diyos, ang kaniyang mga ministro!—2 Corinto 3:5, 6.
Mangyari pa, gaya rin ni Jesus, kailangan ka munang magkaroon ng pinakasaligang kaalaman sa Diyos. Subalit ang mga Saksi ni Jehova ay makatutulong sa iyo—at sa iyong mga anak—na gawin ito sa pamamagitan ng isang sistematikong pag-aaral ng Bibliya.
Unahin ang Ministeryo
Pagkatapos na mabautismuhan, nagsimula kay Jesus ang yugto ng panahon ng pag-aayuno, pagbubulaybulay, at pananalangin. Tiyak na siya’y inihanda nito para sa kasunod na tukso na napaharap sa kaniya. Si Satanas na Diyablo ay nag-alok sa kaniya ng paghahari sa “lahat ng kaharian ng sanlibutan.” Anong pagkataas-taas na karera ang kaypala’y nakamit ni Jesus kung kaniyang tinanggap ang alok ng Diyablo! Datapuwat, natalos ni Kristo na ang gayong karera ay magiging pansandalian lamang. Agad-agad na tinanggihan niya ang alok ng Diyablo at sa halip “nagpasimulang nangaral na nagsasabi: ‘Mangagsisi kayo, kayong mga tao, sapagkat ang kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mateo 4:2, 8-10, 17) Sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay sa lupa, si Jesus ay naging isang buong-panahong ministro ng Kaharian ng Diyos.
Gayundin sa ngayon, hindi tutulutan ng isang Kristiyano ang sanlibutan ni Satanas na akitin siya at gawing layunin niya ang pumasok sa mga trabahong may matataas na suweldo at sa ganoon ding mga karera. Aba, nang tawagin ni Jesus ang kaniyang mga unang alagad, “kapagdaka’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.” (Marcos 1:17-21) Kaya isang katalinuhan baga na mahuli ka sa lambat ng mga gawaing makasanlibutan? Sa kaniyang mga tagasunod ngayon ay iniuutos ni Jesus na ‘mangaral ng mabuting balita ng kaharian.’ (Mateo 24:14) Totoo, marahil ay mayroon kang pamilya o iba pang mga responsabilidad na dapat asikasuhin. Marami sa mga Saksi ni Jehova nga ang mga gabi at mga dulo ng sanlinggo ang ginagamit upang gampanan ang kanilang pananagutang Kristiyano na mangaral. Ang iba ay nakagagawa pa nito nang buong-panahon!
Sa Timog Aprika isang lalaking nasa kabataan ang nagbalak na mag-aral sa unibersidad. Subalit, pagkatapos na sagisagan ng bautismo ang kaniyang pag-aalay kay Jehova, kaniyang nadama ang obligasyon na pumasok sa buong-panahong ministeryo. Ang kaniyang ama, na hindi isang Saksi, ay tumutol muna sa simula. Subalit pagkatapos ng matagal na diskusyon ay pumayag din siya na ang kaniyang anak ay maglingkod sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika.
Pagkaraan ng siyam na maliligayang taon doon, siya’y nag-asawa at pumasok sa buong-panahong pangangaral kasama ang kaniyang maybahay. Nang malaunan ay nagkaanak sila. Gayunman, kanilang hiniling kay Jehova na tulungan sila na magpatuloy bilang buong-panahong mga ministro. Kanilang nagunita ang pangako ni Jesus na kung uunahin ng isang tao ang Kaharian ng Diyos, “lahat ng iba pang mga bagay [materyal na mga pangangailangan] na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Ito’y napatunayang totoo nga. “Kami’y namuhay nang may katipiran sa nakalipas na mga taon,” ang sabi ng ama, “ngunit nabigyan namin ang aming anak ng isang kaaya-ayang tahanan at lahat ng kaniyang materyal na mga pangangailangan.”
“Maamo at Mapagpakumbabang Puso”
“Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha,” sabi ni Jesus, “at kayo’y pagpapahingahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”—Mateo 11:28-30.
Nang gumagawa ng mga himala, gaya baga ng pagpapalabas ng mga demonyo, ang kapurihan ay hindi inangkin ni Jesus para sa kaniyang sarili kundi hayagang inamin niya na nagawa niya ang gayong mga bagay “sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos.” (Mateo 12:28) At bagaman naaakit sa kaniya ang kaniyang mga tagapakinig sapagkat “sila’y nanggigilalas sa kaniyang paraan ng pagtuturo,” hindi niya hinangad ang kaluwalhatian para sa kaniyang sarili. (Lucas 4:32) Bagkus, kaniyang sinabi: “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin.”—Juan 7:16.
Ang mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay nagsisikap na magpakita ng ganiyan ding kababaang-loob. Halimbawa, pagka nagtuturo sa iba, hindi ang sarili nila ang kanilang itinatawag-pansin. Bagkus, si Jehova at ang kaniyang organisasyon ang binigyang-kapurihan nila ukol sa anumang katangian na mayroon sila sa paghahatid ng mensahe ng salita ng Diyos. “Ano mayroon ka na hindi mo tinanggap?” Ang tanong ng apostol Pablo.—1 Corinto 4:7.
Ang kapakumbabaan ni Jesus ay ipinakita rin sa pamamagitan ng paglalakbay sa layong libu-libong milya, hindi sakay ng isang karo, kundi naglalakad bilang isang mangangaral. Minsan siya at ang kaniyang mga alagad ay hapung-hapo kung kaya’t kailangan nilang “magpahinga nang bahagya.” Subalit nang dumating ang isang lubhang karamihan ng mga tao, na nagugutom sa espirituwal na pagkain, nakalimutan ni Jesus ang kaniyang pagkahapo at siya’y “nagsimula ng pagtuturo sa kanila ng maraming bagay.”—Marcos 6:31-34.
Sa Lesotho, Aprika, isang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova (tinatawag na tagapangasiwa ng sirkito) at dalawang kasama niya ang kamakailan nagpakita ng katulad na saloobin. Sila’y naglakad nang may 22 oras sa kabundukan upang dumalaw sa mga ilang kapuwa Kristiyano sa ilang na lugar. Nahapo sila ng paglalakbay kaya minabuti ng tagapangasiwa ng sirkito na magpahinga kinabukasan. Ngunit marami ang nagdatingan upang batiin siya at magtanong kaya, bagama’t hapung-hapo siya, siya’y tumindig at tinuruan sila ng mabuting balita ng Kaharian. Napakainam ang naging tugon kung kaya’t ang nahahapong mga manlalakbay ay nasiyahan nang husto sa kanilang pagpapagal.
Tularan Siya!
Tayo’y hinihimok ni apostol Pablo na “masidhing pagmasdan natin ang Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.” (Hebreo 12:2) Ito’y magagawa natin sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng Ebanghelyo at pagbubulaybulay sa mga paraan na doo’y matutularan natin si Kristo. Halimbawa, si Jesus ay nagpakita ng lakas ng loob nang kaniyang pagwikaan ang mga pinunong relihiyoso sa kanilang pagpapaimbabaw at pagkamatuwid sa sarili, bagama’t batid niya na sila’y napopoot sa kaniya at kanilang papatayin siya. (Mateo 23:1-36; 26:3, 4) Nanatili siyang mahinahon at mapagpigil sa sarili pagka siya’y inaatake. (1 Pedro 2:23) Sa kaniyang pagtuturo, nakitaan siya ng kaunawaan sa kalikasan ng tao at ng katangian na ipahayag sa simpleng pangungusap ang malalalim na katotohanan.
Ngunit ang pinakalitaw na katangian ni Jesus ay ang kaniyang pag-ibig. “Walang sinuman na may pag-ibig na lalong dakila kaysa rito, na isuko ng sinuman ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.” (Juan 15:13) Binigyan pa man din siya ng isang bagong pangangahulugan ang salitang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsasabi sa atin na ibigin natin ang ating mga kaaway.—Mateo 5:43-48.
Anong dakilang halimbawa nga si Jesus para sa atin! Ang pagtulad sa kaniya ay hindi madali, at tayo ay baka matisod paminsan-minsan. Ngunit huwag tayong susuko kailanman. (Galacia 6:9) Sapagkat angaw-angaw ang nagtatagumpay sa pagsisikap na sumunod kay Jesus. Aba, ang taong nagdala sa iyo ng magasing ito ay tiyak na isa sa kanila at galak na galak na tulungan ka, upang ikaw man ay makasunod sa mga yapak ni Jesus—NANG MAINGAT!
[Blurb sa pahina 5]
Kahit noong siya’y isang bata ay nagpakita si Jesus ng matinding interes sa espirituwal na mga bagay. Tinutularan mo ba siya sa bagay na ito?
[Blurb sa pahina 6]
Tinanggihan ni Kristo ang isang makasanlibutang karera at ang pinili’y ang ministeryo