Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w94 10/1 p. 26-30
  • Tinutulungan ba Ninyo ang Inyong Anak Upang Piliin si Jehova?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Tinutulungan ba Ninyo ang Inyong Anak Upang Piliin si Jehova?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit ang Ilang Kabataan ay Humihiwalay kay Jehova
  • Magsimula Nang Maaga
  • Bigyan ng Panahon ang Inyong mga Anak
  • Mabubuting Kasama at Halimbawa
  • Kagalakan sa Pagkakitang si Jehova ang Pinipili ng mga Anak
  • Mga Magulang—Tulungan ang Inyong mga Anak na Mahalin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
  • Turuan ang Inyong mga Anak na Ibigin si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Mga Magulang—Maging Magandang Halimbawa sa Inyong mga Anak
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
w94 10/1 p. 26-30

Tinutulungan ba Ninyo ang Inyong Anak Upang Piliin si Jehova?

“NADAMA ko na ang pag-aaral ng Bibliya ay talagang nakababagot at nakapapagod. Palihim, ipinasiya ko sa aking puso na ako’y hindi magiging isa sa mga Saksi ni Jehova paglaki ko,” ang sabi ng isang kabataang lalaki. Bagaman inaasahan na ang karamihan ng anak sa mga tahanang Kristiyano ay sa wakas pipiliin ang manindigan sa panig ni Jehova, ang mga kabataang katulad niya ay maaaring dumaan sa isang mahirap na panahon sa pagpili kay Jehova bilang kanilang Diyos.

Kung minsan ay hindi nakatitiyak ang mga magulang kung papaano mabisang aakayin ang kanilang mga anak. Sila’y dumaraan sa maraming pagsusuri-sa-sarili, tulad ng isang nababalisang ama na minsan ay nagsabi: “Sasabihin ko ang totoo na may mga panahon kapag pinagmamasdan ko ang mga mukha ng aking mga anak na natutulog, na may mga luha pa ng kabiguan sa kanilang mga pisngi, at naiisip ko kung sana’y hindi ako naging gayong kaluwag.” Ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay nagsilaki at piniling maglingkod kay Jehova.

Subalit may mga kabataan na humihiwalay kay Jehova at umaalis sa kongregasyong Kristiyano tungo sa sanlibutan ni Satanas. Kaya papaano nga nagtatagumpay ang mga magulang sa pagtulong sa kanilang mga anak upang si Jehova ang piliin? Upang masagot ang tanong na iyan, alamin muna natin kung bakit may ilang kabataan na humihiwalay kay Jehova gayong ibig na ibig ng kanilang mga magulang na manatili sila sa kaniya.

Kung Bakit ang Ilang Kabataan ay Humihiwalay kay Jehova

Ang isa sa lalong karaniwang dahilan ay ang bagay na hindi talagang nakilala ng ilang kabataan si Jehova o ang kaniyang mga daan. Bagaman dumadalo sa mga pulong Kristiyano mula pa sa pagkasanggol, ginagawa nila iyon nang walang tunay na interes, at walang tunay na paghahanap kay Jehova. (Isaias 55:6; Gawa 17:27) Ang batang lalaking nabanggit sa itaas ay nabagot sa mga pulong Kristiyano dahil sa hindi niya nauunawaan ang sinasabi ng mga tagapagsalita sa plataporma.

Ang mga binhi ng katotohanan ay napatanim sa ilan, ngunit hinayaan nilang maakit ang kanilang puso ng nakikitang iresponsable, materyalistikong istilo ng pamumuhay ng sanlibutan ni Satanas. Ang ilan ay walang kakayahang harapin ang matinding pagnanais na makihalubilo at tumulad sa kanilang mga kaedad.​—1 Cronica 28:9; Lucas 8:12-14; 1 Corinto 15:33.

Gayunman, sa buong daigdig ay maraming anak sa mga tahanang Kristiyano ang pumili na manindigan sa panig ni Jehova. May matututuhan ba buhat sa positibong mga hakbang na ginawa ng kanilang mga magulang?

Magsimula Nang Maaga

Ang isang mahalagang susi sa pagtulong sa inyong mga anak upang piliin si Jehova ay ang magsimula nang maaga. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga naikintal at mga aral na natutuhan samantalang ang puso ay malambot pa at tumatanggap ay tatagal nang panghabang-buhay. (Kawikaan 22:6) Kaya magsimula nang maaga sa pagsasabi sa inyong mga anak ng tungkol sa kabutihan ni Jehova, sa kaniyang pag-ibig at pagiging kagila-gilalas, na sinisikap patibayin sa kanilang puso ang pag-ibig kay Jehova at ang pagpapahalaga sa ginawa ni Jehova para sa kanila. Upang magampanan ito, maraming magulang ang matagumpay na gumamit ng saganang mga artikulo tungkol sa mga paglalang ni Jehova na nasa mga publikasyon ng Samahang Watchtower.

Ang pagsunod at paggalang kay Jehova at sa pagsamba sa kaniya ay ilan sa iba pang mga katangian na kailangang ituro nang maaga pa sa buhay. Nakagagalak-pusong makita sa mga pulong Kristiyano ang mga anak na nasa kindergarten pa habang sila’y nagsisikap na kumuha ng simpleng mga nota at hanapin ang mga teksto sa kanilang sariling Bibliya o pumunta sa banyo kasama ng kanilang mga magulang upang maghilamos ng malamig na tubig kapag sila’y nag-aantok. Ang mga ito ay simpleng mga bagay, ngunit kaylaki ng halaga sa pagkikintal sa isip ng kabataan na kailangang magpakita ng paggalang at pagsunod kay Jehova!

Kailangan ding magsimula nang maaga ang seryosong personal na pagtuturo ng Bibliya. Nang ang kanilang mga anak na lalaki ay dalawang taóng gulang, sinimulan ng isang mag-asawa na basahin kasama nila ang aklat na Pakikinig sa Dakilang Guro.a Nang malaunan, nang magsimula nang mag-aral ang mga bata, sila’y gigising nang maaga at makikipag-aral sa kanilang ina tuwing umaga sa mga aklat na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya at Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.* Ito ay susundan ng pagtalakay sa teksto para sa araw na iyon na pinangungunahan ng ama bago mag-almusal. Saganang ginantimpalaan ang pagsisikap ng mga magulang nang kamakailan ay pinili ng kanilang mga anak na lalaki ang maglingkod kay Jehova, anupat sinagisagan ang kanilang pag-aalay sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig sa mga edad na 10 at 11.

Isang mahusay na binata na naglilingkod sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Hapón ang nakagunita pa na noong siya’y batang-bata pa, tinulungan siya ng kaniyang ina upang magpaunlad ng isang kaugnayan kay Jehova sa pamamagitan ng pag-upo sa tabi niya kung gabi, na tinutulungan siyang manalangin. Kailanman ay hindi niya nakalimutan ang natutuhang aral​—saanman siya pumaroon o anuman ang kaniyang ginagawa, si Jehova ay laging malapit at handang tumulong.

Ang matagumpay na mga magulang ay natututong kumilala ng maling mga hilig na likha ng minanang di-kasakdalan ng kanilang mga anak, at ang mga magulang ay nagsisimula nang maaga upang tulungan ang kanilang mga anak na maituwid ang mga ito. (Kawikaan 22:15) Ang mga hilig na maging mapag-imbot, matigas ang ulo, palalo, labis na mapintasin sa iba, ay kailangang harapin nang maaga. Kung hindi, ang gayong mga binhi ay lálakí tungo sa paghihimagsik laban sa Diyos at sa kaniyang mga daan sa bandang huli. Halimbawa, ang mga magulang na may mabuting hangarin ngunit labis na mapagpalayaw ay kalimitan hinahayaan ang kanilang mga anak na tubuan ng mga saloobing makasarili. Nahihirapan ang mga anak na ito na igalang ang kanilang mga magulang o si Jehova, anupat nagiging gaya ng ‘mga walang utang-na-loob’ na binanggit sa Bibliya. (Kawikaan 29:21) Sa kabilang panig, ang mga anak na binibigyan ng magagawa sa tahanan at tinuruang maging alisto sa mga pangangailangan ng iba ay may hilig na magpasalamat kapuwa sa kanilang mga magulang at kay Jehova.

Ang isa pang kailangan ay ang pagpapasimula nang maaga upang magtakda ng teokratikong mga tunguhin na makatuwirang maaabot ng anak. Kung ito’y hindi ginawa nang maaga at nang patuluyan, baka ang iba ay magpasok sa kanilang isip at puso ng naiibang mga tunguhin. Ang pagbabasa ng Bibliya mula sa pasimula hanggang sa katapusan, ang personal na pag-aaral ng isa sa mga publikasyon ng Samahang Watchtower, ang pagsali sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, ang pagiging isang tagapaghayag ng mabuting balita, at ang pagpapabautismo ay kailangang makasali sa mga tunguhing ito.

Naalaala pa ni Takafumi na ang kaniyang ina ang tumulong sa kaniya upang ugaliin ang pagbabasa ng mga magasing Bantayan at Gumising! sa pamamagitan ng pagbuo ng simpleng mga tanong at pag-iiwan sa mga iyon sa mesa sa kusina upang makita niya pag-uwi galing sa paaralan. Natatandaan pa ni Yuri na ang pakikisama nang ilang araw sa mga payunirb sa paglilingkod kung saan malaki ang pangangailangan para sa mga ministrong Kristiyano, ang paglabas kasama nila sa ministeryo, ang pagmamasid sa kanila sa pagluluto ng maiinam na pagkain, at ang pagkakita sa kanilang kagalakan at sigasig ay totoong nakaimpluwensiya sa kaniyang hangarin na maglingkod kay Jehova sa gayunding paraan. Maraming kabataan ang nagbibida na sila’y palagiang dinadala ng kanilang mga magulang sa Bethel, gaya ng tawag sa punung-tanggapan at mga sangay ng Samahang Watch Tower, na kung saan napagmamasdan nila ang iba pang kabataang lalaki at babae na maligayang naglilingkod kay Jehova. Marami sa mga dumalaw noong sila’y mga bata pa ay naglilingkod na ngayon sa mga Bethel sa palibot ng daigdig.

Bigyan ng Panahon ang Inyong mga Anak

Ang dami at uri ng panahon na ginugugol ninyo kasama ng inyong mga anak ay malamang na magkaroon ng tuwirang impluwensiya kung kanila ngang pipiliing maglingkod kay Jehova o hindi. Madali nilang nahahalata kung gaanong panahon at paghahanda ang ginugugol ninyo sa pag-aaral ng Bibliya na idinaraos ninyo sa kanila. Kung hindi ninyo matandaan kung saan kayo huminto sa inyong nakaraang pag-aaral o kinakansela ninyo ang pag-aaral sa mga dahilang di-gaanong mahalaga, inihahatid ninyo ang mensahe na ang pag-aaral ay hindi gayong kahalaga. Subalit, kapag nakikita nila na ang mga magulang ay nagsasakripisyo para sa pag-aaral, naghahandang mabuti para doon at regular na nagdaraos ng pag-aaral anuman ang dumating, isang lubhang naiibang mensahe ang naihahatid. Bagaman iyon ay hindi isang kahilingan, may mga ina na nagbibihis pa para sa pag-aaral ng kanilang mga anak, katulad din kung sila’y pumupunta sa mga pulong o nagdaraos ng pag-aaral ng Bibliya sa isang kapitbahay. Naikikintal na ang pagsamba kay Jehova ay mahalaga.

Malaking panahon at pagsisikap ang kakailanganin upang maging kasiya-siya ang pagtuturo ng Bibliya sa inyong mga anak, anupat naaabot ang kanilang puso. Ang maliliit na anak ay lalo nang humahanga kapag nakikita nilang itinatanghal sa harap nila ang mga bagay na kanilang natutuhan. Halimbawa, tinulungan ng isang ama ang kaniyang anak upang gunigunihin ang pagkabuhay-muli sa pamamagitan ng pagtatanghal ng ulat ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli ni Lazaro. Siya’y pumasok sa closet at saka lumabas bilang ang binuhay-muling si Lazaro.​—Juan 11:17-44.

Samantalang papalapit na sa pagiging adulto ang mga anak, lalo nang malaking panahon at kasanayan ang kailangan upang harapin ang bumabahang mga emosyon, pag-aalinlangan, at mga kabalisahang nakaharap sa kanila. Ang panahong inilalaan ng maibigin at nakauunawang mga magulang sa yugtong ito ay lubhang mahalaga upang mapaunlad ng mga bata ang pagtitiwala kay Jehova. Inilahad ng isang matagumpay na amang may apat na anak na noong mapaharap ang mga ito sa sari-saring suliranin, siya’y magsasaliksik at ipakikipag-usap sa kanila ang kaugnay na materyal sa mga publikasyon ng Watchtower araw-araw hanggang sa ang mga krisis na iyon ay lubusang mapagtagumpayan.

Isang magawaing payunir na ina ng dalawang bata ang nakapansin na ang kaniyang anak na babae ay laging nag-iisa at walang kagalakan sa teokratikong mga gawain. Kaya ang ina ay naging determinadong siya’y nasa tahanan pag-uwi ng bata galing sa paaralan tuwing hapon, nakikipag-usap sa anak samantalang umiinom ng tsa. Sa pamamagitan ng matalik na pakikipag-usap ng ina sa kaniyang anak na babae, tinanggap ng bata ang tulong na kailangan niya. Ngayon, nang siya’y makatapos sa hayskul, siya’y sumama sa kaniyang ina sa pagpapayunir.​—Kawikaan 20:5.

Mabubuting Kasama at Halimbawa

Bukod sa pagbibigay ng kanilang panahon, ang mga magulang ay kailangang maglaan ng mabubuting kasama para sa kanilang mga supling. Ang Kawikaan 13:20 ay nagsasabi: “Siyang lumalakad na kasama ng mga taong pantas ay magiging pantas, ngunit siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapapariwara.”

Kinikilala ng maraming matagumpay na mga magulang ang katotohanan ng kawikaang iyan. Ganito ang sabi ng isang ama na may apat na anak: “Kapag ginugunita ko ang nakalipas, naiisip ko na ang maraming kaibigan sa katotohanan ng aming mga anak ang nakatulong upang maudyukan silang maglingkod kay Jehova. Sila’y aking pinatibay-loob na magkaroon ng mga kaibigan sa ibang mga kongregasyon gayundin sa amin at pangalagaan ang mga pagkakaibigang iyon.” Isang Kristiyanong matanda na nakapaglingkod sa Bethel nang maraming taon ang nakaalaala pa: “Nang ako’y bata pa, nakatira kami sa isang munting bahay, ngunit laging iniaalok iyon bilang tuluyan para sa tagapangasiwa ng sirkito. Bukod diyan, regular na nakikisalo sa amin sa pagkain ang mga special pioneer sa aming kongregasyon. Sila’y naliligo sa aming bahay at nakikisama sa amin. Ang pagkarinig sa kanilang mga karanasan at pagkakita ng kanilang kagalakan ang tumulong sa akin na linangin ang pagpapahalaga sa buong-panahong paglilingkuran.”

Ang mabubuting kasama ay tumutulong sa mga dumaranas ng suliranin. Isang ina na ang anak na lalaki ay dumaranas ng panahon ng kabalisahan ang nakipag-usap ng suliraning iyon sa isang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Inirekomenda niya na isama ng babae ang bata sa paglilingkod sa larangan. “Kung gagawin mo iyan, ang kaniyang espirituwalidad at lahat ng iba pang bagay ay susulong,” ang sabi ng tagapangasiwa. Ganito ang kaniyang ibinalita: “Sa aming kongregasyon ay may kaayusan para sa panggabing pagpapatotoo, at maraming batang nasa edad ng pag-aaral, ilang nakatatandang mga regular pioneer, at di-kukulangin sa isang matanda ang nakikibahagi roon. Sa simula ay isang pakikipagpunyagi na pakilusing lumabas nang regular ang aking anak, subalit hindi iyon nagtagal palibhasa’y lagi siyang umuuwi na masaya at napatibay-loob ng mabubuting kasama. Samantalang siya’y isang estudyante sa hayskul, siya’y nagpabautismo at naglingkod bilang isang auxiliary pioneer bawat buwan, at nang siya’y magtapos, siya’y naging isang regular pioneer.” Ang mabubuting kasama lakip na ang paggawa ng kalooban ni Jehova ay nagdulot ng mabubuting resulta.

Maaaring sa inyong lugar ay walang mga kabataan na magiging isang mabuting impluwensiya sa inyong anak, subalit ang paulit-ulit na napagmasdan ng mga kabataang piniling maglingkod kay Jehova ay may kinalaman sa mga halimbawa ng kanilang mga magulang. Maraming kabataan ang humanga sa kanilang mga magulang at ibig na tularan sila. Nagugunita ni Yuri ang pagiging mapagpatuloy ng kaniyang ina at kung papaano siya nagmalasakit sa iba, na tinatawagan sila sa telepono at nagluluto ng pagkain para sa mga maysakit. Ganito naman ang sabi ni Tatsuo, na buhat sa isang pamilyang may apat na anak, na pawang malalaki na ngayon at naglilingkod kay Jehova: “Si Inay ay hindi nakikipag-aral sa amin nang palagian sapagkat si Itay ay isang di-kapananampalataya at siya’y lubhang sinasalansang ng mga kamag-anak. Subalit ang pagkamasid sa kaniyang paninindigan ukol sa katotohanan at sa kaniyang kagalakan sa paglilingkod kay Jehova ang lubhang nakaimpluwensiya sa akin. Siya ay handa ring magpuyat hanggang sa mag-uumaga upang tulungan kami sa aming mga suliranin.” Ang mga salitang karunungan ng mga magulang ay mabisa kapag sinusuhayan ng tapat na mga gawa. Ganito ang sabi ni Yoichiro tungkol sa kaniyang mga magulang: “Wala akong natatandaan na sila’y nagpahayag ng negatibong mga kaisipan tungkol sa iba sa kongregasyon; ni kanilang pinayagan kaming mga anak na magtsismis tungkol sa mga kamalian ng iba.”​—Lucas 6:40-42.

Kagalakan sa Pagkakitang si Jehova ang Pinipili ng mga Anak

Walang simpleng pormula na tutulong sa inyong mga anak upang piliin si Jehova. Magkakaroon ng maraming maiigting na sandali. Subalit ang nababalisang ama na binanggit na ay nagsabi: “Bilang mga magulang ay lagi naming taimtim na sinisikap na sundin ang mga mungkahi ng nakikitang organisasyon ni Jehova. Ito ay isang malaking tulong sa pagdaig sa mga suliranin.” Ang kanilang mga pagsisikap ay nagtagumpay.

Oo, sa paggawa ng pinakamagaling na magagawa ninyo upang sundin ang mga alituntunin ng Bibliya, na binibigyan ang inyong mga anak ng makatuwirang mga dahilan upang ibigin si Jehova, sinusuhayan ng inyong tapat na halimbawa at taimtim na pagsisikap na makatulong, kayo man sa wakas ay makasusumpong na ang inyong mga pagsisikap ay magtatagumpay. Naaalaala ba ninyo ang batang lalaki na nabanggit sa simula, na minsan ay naging determinadong hindi maging isa sa mga Saksi ni Jehova? Buweno, pagkatapos na ang kaniyang ina ay matagumpay na tumulong sa kaniya sa mahihirap na mga taon, kaniyang sinabi: “Ako’y natutuwa na siya’y hindi nanghimagod kailanman!” Maaaring gayundin ang maging resulta sa inyong mga anak.​—Galacia 6:9.

[Mga talababa]

a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

b Ang buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova ay tinatawag na mga payunir. Ang isang auxiliary pioneer ay gumugugol ng di-kukulangin sa 60 oras sa ministeryo bawat buwan, ang isang regular pioneer ay 90 oras, at ang isang special payunir ay 140 oras.

[Larawan sa pahina 30]

Makalilingon ba kayo sa panahon ng pagpapalaki ng anak taglay ang maliligayang alaala?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share