Tularan ang Awa ng Diyos Ngayon
“Mahulog sana tayo, pakisuyo, sa kamay ni Jehova, sapagkat sagana ang kaniyang mga kaawaan.”—2 SAMUEL 24:14.
1. Ano ang nadama ni David tungkol sa awa ng Diyos, at bakit?
BATID ni Haring David buhat sa karanasan na si Jehova’y higit na maawain kaysa mga tao. Sa pagtitiwala na ang mga daan, o landas, ng Diyos ang pinakamagaling, si David ay nagnasa na matutuhan ang Kaniyang mga daan at lumakad sa Kaniyang katotohanan. (1 Cronica 21:13; Awit 25:4, 5) Gaya ba ng nadama ni David ang iyong nadarama?
2. Anong payo ang ibinigay ni Jesus sa Mateo 18:15-17 tungkol sa pakikitungo sa malubhang pagkakasala?
2 Ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng matalinong-unawa sa kaisipan ng Diyos, kahit na sa mga bagay na dapat nating gawin, kung ang sinuman ay nagkakasala laban sa atin. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol, na sa bandang huli’y magiging mga tagapangasiwang Kristiyano: “Kung magkasala ang iyong kapatid, pumaroon ka at ipakilala ang kaniyang pagkakamali nang ikaw at siya lamang. Kung pakinggan ka, nahikayat mo ang iyong kapatid.” Ang kasalanan na nagawa rito ay hindi lamang isang basta personal na di-pagpansin sa kaninuman kundi isang seryosong pagkakasala, tulad baga ng pandaraya o paninirang-puri. Sinabi ni Jesus na kung ang hakbang na ito ay hindi lumulutas sa bagay na iyon at kung may mga testigong makukuha, ang mga ito’y dapat iharap ng taong pinagkasalahan upang patunayan na may nagawa ngang pagkakasala. Ito ba ang pinakahuling hakbangin na magagawa? Hindi. “Kung [ang nagkasala] ay hindi nakinig sa kanila, magsalita ka na sa kongregasyon. Kung hindi niya pakinggan kahit ang kongregasyon, ituring mo siyang basta isang tao ng mga bansa at isang maniningil ng buwis.”—Mateo 18:15-17.
3. Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa pagsasabing ang isang di-nagsisising nagkasala ay kailangang ituring na “isang tao ng mga bansa at isang maniningil ng buwis”?
3 Palibhasa’y mga Judio, maiintindihan ng mga apostol kung ano baga ang ibig sabihin ng pakikitungo sa isang nagkasala ng “basta isang tao ng mga bansa at isang maniningil ng buwis.” Ang mga Judio ay umiiwas ng pakikisama sa mga tao ng mga bansa, at kanilang hinahamak-hamak ang mga Judio na nagtatrabaho bilang mga maniningil ng buwis para sa mga Romano.a (Juan 4:9; Gawa 10:28) Samakatuwid, pinapayuhan ni Jesus ang mga alagad na kung ang isang makasalanan ay tinanggihan ng kongregasyon, sila’y hindi na makikisama sa kaniya. Gayunman, papaano naaayon iyan sa kung minsan ay pakikisalamuha ni Jesus sa mga maniningil ng buwis?
4. Sa kabila ng kaniyang pananalita sa Mateo 18:17, bakit nagawa ni Jesus na makitungo sa ilan sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?
4 Ang Lucas 15:1 ay nagsasabi: “Lahat ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan ay patuloy na nagsilapit sa kaniya upang makinig sa kaniya.” Hindi bawat maniningil ng buwis o makasalanan ay naroon kundi “lahat” sa diwa na sila’y marami. (Ihambing ang Lucas 4:40.) Alin-alin ba? Yaong mga interesado na ang kanilang mga kasalanan ay patawarin. Ang iba sa kanila ay maagang nagsilapit kay Juan Bautista sa mensahe ng pagsisisi. (Lucas 3:12; 7:29) Kaya nang ang iba’y lumapit kay Jesus, ang kaniyang pangangaral sa kanila ay hindi lumabag sa kaniyang payo sa Mateo 18:17. Mapapansin na “maraming mga maniningil ng buwis at mga makasalanan [ang nakarinig kay Jesus] at sila’y nagsimulang sumunod sa kaniya. (Marcos 2:15) Ang mga ito ay hindi yaong mga nagnanasang magpatuloy sa isang masamang paraan ng pamumuhay, na tumatangging tumanggap ng anumang tulong. Bagkus, kanilang pinakinggan ang mensahe ni Jesus at napukaw ang kanilang mga puso. Kahit na kung sila’y nagkakasala pa noon, bagaman malamang na nagsisikap na gumawa ng mga pagbabago, “ang mabuting pastol” sa pamamagitan ng kaniyang pangangaral sa kanila ay tumutulad sa kaniyang maawaing Ama.—Juan 10:14.
Pagpapatawad, Isang Obligasyong Kristiyano
5. Ano ang mahalagang paninindigan ng Diyos tungkol sa pagpapatawad?
5 Taglay natin itong mainit na mga katiyakang ibinigay tungkol sa ating Ama na handang magpatawad: “Kung ipagtatapat natin ang ating mga kasalanan, tapat at matuwid siya upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo sa lahat ng kalikuan.” “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang huwag kayong magkasala. Gayunman, kung magkasala ang sinuman, tayo’y may isang katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isang matuwid.” (1 Juan 1:9; 2:1) Posible ba na patawarin ang isang taong itiniwalag?
6. Papaanong ang isang taong tiwalag ay mapatatawad at makababalik?
6 Oo. Sa panahon ng pagtitiwalag sa sinuman dahil sa di-pinagsisihang kasalanan, ang matatanda na kumakatawan sa kongregasyon ay nagpapaliwanag sa kaniya na posible na siya’y magsisi at tumanggap ng kapatawaran ng Diyos. Siya’y maaaring dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall, na kung saan makaririnig siya ng mga turo sa Bibliya na maaaring tumulong sa kaniya na magsisi. (Ihambing ang 1 Corinto 14:23-25.) Pagka sumapit na ang panahon baka maghangad siya na muling mapabalik sa malinis na kongregasyon. Kung gayon pagka pinulong siya ng matatanda, kanilang sisikaping matiyak kung siya’y nagsisi na nga at tinalikdan na ang kaniyang makasalanang lakad. (Mateo 18:18) Kung ganiyan ang kaniyang kaso, siya’y maaaring tanggapin muli, kasuwato ng kaayusan sa 2 Corinto 2:5-8. Sakaling siya’y itiniwalag sa loob ng maraming taon, kakailanganing siya’y gumawa ng puspusang pagsisikap na sumulong. Baka mangailangan din siya ng malaki-laking tulong pagkatapos upang itayo ang kaniyang kaalaman at pagpapahalaga sa Bibliya upang siya’y maging isang Kristiyanong may matatag na espirituwalidad.
Panunumbalik kay Jehova
7, 8. Anong parisán ang isinaayos ng Diyos kaugnay ng kaniyang bayang naging bihag?
7 Subalit maaari bang ang matatanda mismo ang unang gagawa ng hakbang sa paglapit sa isang taong tiwalag? Oo, ipinakikita ng Bibliya na ang awa ay ipinahahayag hindi lamang sa pamamagitan ng isang negatibong pagpipigil ng pagpaparusa kundi kadalasan sa pamamagitan ng positibong mga kilos. Nariyan ang halimbawa ni Jehova. Bago ang kaniyang di-tapat na bayan ay pahintulutan niyang maging mga bihag, kaniyang pinapangyaring maihula na sila’y may pag-asang makabalik: “Alalahanin mo ang mga bagay na ito, Oh Jacob, at ikaw, Oh Israel, sapagkat ikaw ay aking lingkod. . . . Aking papawiin ang iyong mga pagsalansang gaya sa ulap, at ang iyong mga kasalanan gaya sa isang bunton ng ulap. Manumbalik ka sa akin, sapagkat tutubusin kita.”—Isaias 44:21, 22.
8 Pagkatapos, sa panahon ng pagkabihag, si Jehova’y gumawa ng iba pang mga hakbangin, kumilos sa isang positibong paraan. Siya’y nagsugo ng mga propeta, na kaniyang mga kinatawan, upang anyayahan ang Israel na ‘hanapin siya at masumpungan siya.’ (Jeremias 29:1, 10-14) Sa Ezekiel 34:16, ang kaniyang sarili’y inihalintulad niya sa isang pastol at ang mga mamamayan ng bansang Israel ay sa nawalang mga tupa: “Ang nawala ay aking hahanapin, at ang nangalat ay aking ibabalik.” Sa Jeremias 31:10, ginamit din ni Jehova ang paglalarawan sa kaniya bilang isang pastol ng mga Israelita. Hindi, hindi niya inilarawan ang kaniyang sarili na isang pastol sa kulungan ng mga tupa na naghihintay na ang isang nawala ang magbalik; bagkus, kaniyang ipinakita na siya’y isang pastol na naghahanap sa mga nangawala. Pansinin na kahit na ang karamihan ng mga tao ay hindi nagsisi at nasa pagkabihag, ang Diyos ay nagsimula ng mga pagsisikap na sila’y maibalik. At naaayon sa Malakias 3:6, hindi babaguhin ng Diyos ang kaniyang paraan ng pakikitungo sa kaayusang Kristiyano.
9. Papaanong ang halimbawa ng Diyos ang tinularan sa kongregasyong Kristiyano?
9 Hindi ba ito nagpapahiwatig na maaaring may dahilan sa pagsisimula ng mga hakbang may kaugnayan sa iba na nangatiwalag at ngayon marahil ay nagsisisi na? Tandaan na si apostol Pablo ay nagbigay ng tagubilin na alisin ang taong balakyot sa kongregasyon sa Corinto. Nang maglaon kaniyang pinayuhan ang kongregasyon na patunayan ang kanilang pag-ibig sa taong iyon dahilan sa kaniyang pagsisisi, na pagkatapos ay humantong sa kaniyang pagkabalik sa kongregasyon.—1 Corinto 5:9-13; 2 Corinto 2:5-11.
10. (a) Anong motibo ang dapat mag-udyok sa anumang pagsisikap na makipag-ugnayan sa ibang mga taong natiwalag? (b) Bakit hindi ang mga kamag-anak na Kristiyano ang unang gagawa ng hakbang sa pag-uugnayan?
10 Ang ensayklopedia na sinipi sa unahan ay nagsasabi: ‘Ang mahalagang rason para sa pagtitiwalag ay upang maingatan ang mga pamantayan ng grupo: “ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak” (1 Cor. 5:6). Ang motibong ito ay malinaw sa karamihan ng talatang Biblikal at ekstrakanonikal, subalit ang pagmamalasakit sa indibiduwal, kahit na pagkatapos na itiwalag, ang saligan ng payo ni Pablo sa 2 Cor. 2:7-10.’ (Amin ang italiko.) Kung gayon, ang ganitong uri ng pagmamalasakit ang matuwid lamang na ipakita sa ngayon ng mga pastol ng kawan. (Gawa 20:28; 1 Pedro 5:2) Ang dating mga kaibigan at mga kamag-anak ay marahil umaasa na magbabalik ang isang natiwalag; subalit dahil sa paggalang sa utos na nasa 1 Corinto 5:11, sila’y hindi nakikisama sa isang taong itiniwalag.b Kanilang ipinauubaya sa hinirang na mga pastol ang paggawa ng unang hakbang upang alamin kung ang gayong tao ay interesado sa pagbabalik.
11, 12. Sa anong uri ng mga itiniwalag hindi nais kahit ng matatanda na makipag-ugnayan, subalit anong uri ang maaari nilang dalawin?
11 Hindi magiging angkop maging sa mga matatanda man na gumawa ng unang hakbang sa pakikipag-ugnayan sa ilang mga itiniwalag, tulad baga ng mga apostata, na ‘nagsasalita ng mga bagay na kasinungalingan upang makaakit ng mga alagad.’ Ito ay mga ‘bulaang guro na sumusubok magpasok ng nagpapahamak na mga sekta at pagsamantalahan ang kongregasyon ng mga salitang pakunwari.’ (Gawa 20:30; 2 Pedro 2:1, 3) Ang Bibliya ay hindi rin naman nagbibigay ng anumang batayan para sa paghahanap sa mga itiniwalag na lumalaban o tahasang nanghihimok na gumawa ng masama.—2 Tesalonica 2:3; 1 Timoteo 4:1; 2 Juan 9-11; Judas 4, 11.
12 Gayunman, maraming mga natiwalag ang hindi ganiyan. Ang isa ay maaaring huminto na sa malubhang pagkakasala na siyang dahilan ng kaniyang pagkatiwalag. Ang isa naman ay maaaring dati’y gumagamit ng tabako, o noong nakalipas ay maaaring nagmamalabis sa pag-inom, subalit ngayon ay hindi na niya inaakay ang iba sa paggawa ng masama. Tandaan na kahit na noong bago bumaling sa Diyos ang Israel na nasa pagkabihag, siya’y nagsugo ng mga kinatawan na humihimok sa kanila na manumbalik. Kung si Pablo baga o ang matatanda sa kongregasyon sa Corinto ay gumawa ng ilang pang-unang hakbang upang alamin ang kalagayan ng taong tiwalag, iyan ay hindi sinasabi ng Bibliya. Nang ang taong iyon ay magsisi na at huminto na sa kaniyang paggawa ng imoralidad, itinagubilin ni Pablo na siya’y tanggapin sa kongregasyon.
13, 14. (a) Ano ang nagpapakita na may mga tiwalag na marahil tutugon sa maawaing pakikitungo sa kanila? (b) Papaanong ang lupon ng matatanda ay magsasaayos para makagawa ng pakikipag-ugnayan?
13 Sa nakalipas na mga panahon may mga kaso na kung saan nagkataong nagkita ang isang matanda at ang isang taong tiwalag.c Angkop naman, sa maikli ay ipinaliwanag ng pastol ang mga hakbang na dapat gawin upang ang isa’y maibalik. Ang iba sa mga taong katulad nito ay nagsisi at nakabalik. Ang ganiyang masayang resulta ay nagpapakita na marahil may mga natiwalag o mga disassociated (inihiwalay) na tutugon kung sila’y maawaing lalapitan ng mga pastol. Subalit papaano pakikitunguhan ng matatanda ang bagay na ito? Minsan sa isang taon sa pinakamatagal na, dapat pag-usapan ng lupon ng matatanda kung may gayong mga tao na naninirahan sa kanilang teritoryo.d Ang matatanda ay magtututok ng pansin sa mga taong natiwalag sa loob ng mahigit na isang taon. Ayon sa mga kalagayan, kung iyon ay angkop, kanilang aatasan ang dalawang matanda (inaasahang yaong mga may sapat na kaalaman sa situwasyon) upang dumalaw sa gayong tao. Hindi gagawa ng pagdalaw sa kaninuman na napatunayang may mapamintas, mapanganib na saloobin o nagpahayag na ayaw nila ng anumang tulong.—Roma 16:17, 18; 1 Timoteo 1:20; 2 Timoteo 2:16-18.
14 Ang dalawang pastol ay makatetelepono upang itanong kung puwede silang dumalaw sandali o sila’y makadaraan doon sa isang angkop na panahon. Sa panahon ng pagdalaw, sila’y hindi kinakailangang maging istrikto o malamig sa pakikitungo kundi dapat na makita sa kanila ang kanilang maawaing pagmamalasakit. Sa halip na repasuhin ang nakalipas na kaso, maaaring talakayin nila ang mga teksto sa Bibliya na gaya baga ng Isaias 1:18 at 55:6, 7 at Santiago 5:20. Kung ang taong iyon ay interesado sa pagbabalik sa kawan ng Diyos, may kabaitang maipaliliwanag nila kung anong mga hakbang ang dapat niyang gawin, tulad baga ng pagbabasa ng Bibliya at mga lathalain ng Watch Tower Society at pagdalo sa mga pulong sa Kingdom Hall.
15. Ano ang dapat isaisip ng matatanda na nakikipag-ugnayan sa isang taong tiwalag?
15 Ang matatandang ito ay mangangailangan ng karunungan at pang-unawa upang matiyak kung may tanda ng pagsisisi at kung nararapat gumawa ng isa pang pagdalaw upang masubaybayan iyon. Kung sa bagay, dapat nilang isaisip na may mga taong tiwalag na hindi na ‘maaakay pa na magsisi.’ (Hebreo 6:4-6; 2 Pedro 2:20-22) Pagkatapos ng pagdalaw, ang dalawa ay magbibigay ng maikling bibigang report sa Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon. Sila naman, sa kabilang panig, ay magpapatalastas sa lupon ng matatanda sa kanilang susunod na pagpupulong. Ang maawaing pagpapauna ng matatanda na kumilos ay nagbabadya ng pangmalas ng Diyos: “ ‘Manumbalik kayo sa akin, at ako’y manunumbalik sa inyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—Malakias 3:7.
Iba Pang Maawaing Tulong
16, 17. Papaano natin dapat malasin ang mga kamag-anak na Kristiyano ng sinuman na natiwalag?
16 Kumusta naman yaong mga iba sa atin na hindi naman mga tagapangasiwa at hindi gagawa ng gayong paunang pagkilos kung tungkol sa mga taong tiwalag? Ano ba ang maaari nating gawin kasuwato ng kaayusang ito at bilang pagtulad kay Jehova?
17 Habang ang sinuman ay tiwalag o disassociated (inihiwalay), kailangang sundin natin ang tagubilin: “Huwag kayong makisama sa kaninumang tinatawag na kapatid kung siya’y mapakiapid o sakim o mananamba sa diyus-diyusan o mapagtungayaw o lasenggo o mangingikil, huwag man lamang kayong makisalo sa pagkain sa gayong tao.” (1 Corinto 5:11) Subalit ang tagubiling ito ng Bibliya ay hindi dapat makaapekto sa ating pangmalas sa mga Kristiyanong miyembro ng pamilya na namumuhay na kasama ang taong tiwalag. Ang sinaunang mga Judio ay naapektuhang mabuti ng mga maniningil ng buwis na anupa’t ang kanilang pagkapoot ay abot hanggang sa pamilya ng maniningil ng buwis. Si Jesus ay hindi sang-ayon diyan. Sinabi niya na ang isang makasalanan na tumatanggi sa tulong ay dapat pakitunguhan na “gaya ng isang tao ng mga bansa at ng isang maniningil ng buwis”; hindi niya sinabi na ang mga miyembro ng isang pamilyang Kristiyano ay dapat na tratuhin nang gayon.—Mateo 18:17.
18, 19. Ano ang ilan sa mga paraan na tayo’y makapagpapakita ng ating pagka-Kristiyano sa tapat na mga kamag-anak ng isang taong natiwalag?
18 Tayo’y nararapat na lalong higit na sumuporta sa mga miyembro ng pamilya na tapat na mga Kristiyano. Baka sila’y napaharap na sa mga kahirapan at mga balakid dahilan sa pamumuhay sa isang tahanang kasama roon ang isang taong tiwalag na baka aktuwal na nagsisikap sirain ang kanilang espirituwal na mga tunguhin. Baka mas gusto niya na huwag dumalaw sa tahanan ang mga Kristiyano; o kung sakaling sila’y dumadalaw upang makita ang tapat na mga miyembro ng pamilya, baka hindi niya maatim na huwag makisalamuha sa mga dumadalaw. Baka makahadlang din siya sa pagsisikap ng pamilya na madaluhan ang lahat ng mga pulong at mga asambleang Kristiyano. (Ihambing ang Mateo 23:13.) Ang mga Kristiyanong nasa gayong mahirap na kalagayan ay tunay na karapat-dapat nating kaawaan.—2 Corinto 1:3, 4.
19 Ang isang paraan na tayo’y makapagpapakita ng malumanay na awa ay sa pamamagitan ng ‘mga pananalitang pang-aliw’ at nagpapatibay-loob na pakikipag-usap sa gayong tapat na mga magkakasambahay. (1 Tesalonica 5:14) Mayroon din namang maiinam na pagkakataong magbigay ng pagsuporta bago at pagkatapos ng mga pulong, samantalang nasa paglilingkod sa larangan, o kung nagkakasama-sama sa mga ibang pagkakataon. Hindi naman kailangan na banggitin natin ang pagtitiwalag kundi maaari nating pag-usapan ang maraming mga bagay na nagpapatibay. (Kawikaan 25:11; Colosas 1:2-4) Samantalang nagpapatuloy ang matatanda na magpastol sa mga Kristiyano sa pamilya, marahil ating magagawa na tayo man ay makadalaw nang hindi naman nakikitungo sa taong tiwalag. Kung sakaling ang tiwalag ay nangyaring sumagot pagka tayo’y dumadalaw o tumitelepono, maaari nating basta itanong kung naroroon ang kamag-anak na Kristiyano na ating kailangan. Kung minsan ang mga miyembro ng pamilyang Kristiyano ay marahil magpapaunlak sa isang paanyaya natin sa kanila sa ating tahanan para sa isang pagsasalu-salo. Ang punto ay: Sila—bata at matanda—ay ating mga kapuwa lingkod, mahal na mga miyembro ng kongregasyon ng Diyos na hindi dapat mapabukod.—Awit 10:14.
20, 21. Ano ang dapat nating madama at ikilos kung ang isa ay napabalik na?
20 Ang isa pang pagkakataon para makapagpakita ng awa ay pagka ang isang natiwalag ay nakabalik. Sa mga ilustrasyon ni Jesus ay itinatampok ang kagalakan sa langit pagka ‘ang isang nagkasala ay nagsisi.’ (Lucas 15:7, 10) Si Pablo ay sumulat sa mga taga-Corinto tungkol sa lalaking itiniwalag: “Inyong may-kabaitang patawarin siya at aliwin siya, upang sa papaano man ang gayong tao ay huwag madaig ng kaniyang labis na kalumbayan. Kaya ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang inyong pag-ibig sa kaniya.” (2 Corinto 2:7, 8) Ating ikapit ang payong iyan nang may kataimtiman at pagmamahal sa mga araw at mga linggo pagkatapos na ang isang tao ay maibalik.
21 Ang ilustrasyon ni Jesus ng alibughang anak ay naghaharap ng isang panganib na kailangan nating iwasan. Ang nakatatandang kapatid ay hindi nagalak sa pagbabalik ng alibugha kundi siya’y may galit. Huwag sana tayong tumulad sa kaniya, na nagkikimkim ng galit sa isang nakalipas nang pagkakamali o ipinagtatanim ang isang tao dahil sa siya’y nakabalik na. Bagkus, ang ating tunguhin ay maging katulad ng ama, na halimbawa ng kung papaano ang tugon ni Jehova. Ikinagalak ng ama na ang kaniyang anak, na lumayas at waring patay na, ay natagpuan din, o muling nabuhay. (Lucas 15:25-32) Kung gayon, tayo’y malayang makikipag-usap sa napabalik na kapatid at siya’y palalakasin-loob. Oo, ipahalata natin na tayo’y nagpapakita ng awa, kagaya ng ating nagpapatawad at maawaing Ama sa langit.—Mateo 5:7.
22. Ano ang kasangkot sa ating pagtulad sa Diyos na Jehova?
22 Walang pag-aalinlangan na kung ibig nating matularan ang ating Diyos, tayo’y kailangang magpakita ng awa kasuwato ng kaniyang mga utos at ng kaniyang katarungan. Ganito ang pagkalarawan sa kaniya ng salmista: “Si Jehova ay mapagbiyaya at mahabagin, mabagal sa pagkagalit at dakila sa maibiging-awa. Si Jehova ay mabuti sa lahat, at ang kaniyang mga kaawaan ay nasa lahat ng kaniyang mga gawa.” (Awit 145:8, 9) Anong mapagmahal na parisán na dapat tularan ng mga Kristiyano!
[Mga talababa]
a “Ang mga maniningil ng buwis ang lalung-lalo nang hinahamak ng mga mamamayang Judio ng Palestina sa mga ilang kadahilanan: (1) sila’y kumukulekta ng salapi para sa bansang banyaga na umuokupa sa lupain ng Israel, samakatuwid ay di-tuwirang nagbibigay ng suporta sa ganitong paglapastangan; (2) sila’y bantog sa pagiging magdaraya, na yumayaman sa ikapipinsala naman ng iba nilang mga kababayan; (3) ang kanilang gawain ay nagsangkot sa kanila sa palagiang pakikitungo sa mga Gentil, na anupa’t sila’y nagiging marumi sa rituwal. Ang paghamak sa mga maniningil ng buwis ay masusumpungan kapuwa sa B[agong] T[ipan] at sa literatura ng mga rabbi . . . Sang-ayon sa huling binanggit, ang pagkapoot ay dapat ipakita hanggang sa pamilya ng maniningil ng buwis.”—The International Standard Bible Encyclopedia.
b Kung sa isang sambahayang Kristiyano ay may natiwalag na kamag-anak, ang isang iyon ay bahagi pa rin ng normal, araw-araw na mga pakikitungo at mga gawain sa sambahayan. Kasali na rito ang pagiging naroroon pagka ang espirituwal na materyal ay isinaalang-alang bilang isang pamilya.—Tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1988, pahina 19-20.
c Tingnan ang 1991 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 53-4.
d Kung ang sinumang Saksi, sa pangangaral sa bahay-bahay o sa ibang paraan, ay nakabalita na may isang taong tiwalag na naninirahan sa teritoryo, ang impormasyong iyan ay dapat niyang ipaalám sa matatanda.
Napansin ba Ninyo ang mga Puntong Ito?
◻ Papaano pinakitunguhan ng mga Judio ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan, subalit bakit si Jesus ay nagkaroon ng mga pakikitungo sa ilan sa mga ito?
◻ Ano ang batayan sa Kasulatan para sa maawaing kusang paggawa ng unang hakbang may kaugnayan sa maraming mga nagkasala?
◻ Papaanong ang lupon ng matatanda ay makagagawa ng gayong kusang unang pagkilos, at may kaugnayan kanino magagawa ito?
◻ Papaano tayo makapagpapakita ng awa sa mga naibalik na at sa pami-pamilya ng mga natiwalag?
[Kahon sa pahina 23]
Sinuman na dating bahagi ng malinis at maligayang kongregasyon ng Diyos ngunit ngayo’y tiwalag o “disassociated” (inihiwalay) ay hindi naman kailangang manatili sa gayong kalagayan. Bagkus, ang isang iyon ay makapagsisisi at makagagawa ng unang hakbang upang makipagtalastasan sa matatanda ng kongregasyon. Ang daang pabalik ay bukás.
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Garo Nalbandian