Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 24—Jeremias
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Jehova sa Israel at Juda, na “sa mga araw na yaon [si Jehova] ay magpapalabas kay David ng isang matuwid na sanga,” upang paramihin ang kaniyang binhi at upang magkaroon ng “anak na maghahari sa kaniyang lulukan.” (33:15, 21) Kung papaanong nagbalik ang isang nalabi mula sa Babilonya, gayon pararatingin ng matuwid na “sanga” ang katarungan at katuwiran sa buong lupa.​—Luc. 1:32.

  • Aklat ng Bibliya Bilang 25—Mga Panaghoy
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 25​—Mga Panaghoy

      Manunulat: Si Jeremias

      Saan Isinulat: Malapit sa Jerusalem

      Natapos Isulat: 607 B.C.E.

      1. Bakit angkop ang pagkapangalan sa aklat ng Mga Panaghoy?

      ANGKOP-NA-ANGKOP ang pangalan ng aklat na ito ng kinasihang Kasulatan. Ito’y panaghoy na nagpapahayag ng matinding dalamhati sa kapahamakang naganap sa piling bayan ng Diyos, ang pagwasak ni Nabukodonosor, hari ng Babilonya, sa Jerusalem noong 607 B.C.E. Sa Hebreo pinanganlan ito sa unang salita sa aklat, ʼEh·khahʹ!, ibig sabihin ay “Ano!” Ang tawag dito ng mga tagapagsalin ng Griyegong Septuagint ay Threʹnoi, o, “Mga Panambitan; Mga Panaghoy.” Ginagamit ng Babilonikong Talmud ang Qi·nohthʹ, o “Mga Panambitan; Mga Punebre.” Si Jerome, na sumulat sa Latin, ang nagpangalan dito ng Lamentationes, na pinagmulan ng pamagat sa Ingles.

      2. Sa Bibliya, sa anong mga grupo napasama at napalagay ang Mga Panaghoy?

      2 Sa Bibliyang Ingles, ang Mga Panaghoy ay isinusunod sa Jeremias, ngunit sa Hebreong kanon, ito’y nasa Hagiographa, o Mga Kasulatan, kasama ng Awit ni Solomon, Ruth, Eclesiastes, at Esther​—sa kabuuan ay tinatawag na limang Meghil·lohthʹ (Mga Balumbon). Sa ilang makabagong Bibliyang Hebreo, ito’y nasa pagitan ng Ruth o Esther at ng Eclesiastes, ngunit sa sinaunang mga kopya ito di-umano ay kasunod ng Jeremias, gaya sa ating Bibliya ngayon.

      3, 4. Ano ang ebidensiya ng pagsulat ni Jeremias?

      3 Wala sa aklat ang pangalan ng sumulat. Ngunit babahagya ang alinlangan na yao’y si Jeremias. Sa Griyegong Septuagint, ganito ang paunang-salita ng aklat: “At nangyari, matapos bihagin ang Israel at wasakin ang Jerusalem, na si Jeremias ay naupong nananangis at nananaghoy sa Jerusalem at sinabi.” Ang mga salitang ito ay itinuring ni Jerome na huwad, kaya wala ito sa kaniyang salin. Gayunman, ang Mga Panaghoy ay iniuukol ng tradisyong Judio kay Jeremias at pinatutunayan ng saling Siryako, ng Latin Vulgate, ng Targum ni Jonathan, at ng Babilonikong Talmud, bukod pa sa iba.

      4 Sinikap ng mga kritiko na pabulaanan na si Jeremias ang sumulat ng Mga Panaghoy. Ngunit bilang katibayan, sinisipi ng A Commentary on the Holy Bible “ang matitingkad na paglalarawan ng Jerusalem sa kab. 2 at 4, na maliwanag na mga larawang-guhit ng isa na mismong nakasaksi; gayundin ang mariing damdamin at makahulang espiritu ng mga tula sa kabuuan, pati na ang estilo, pananalita, at kahulugan, ay tiyak na kay Jeremias.”a Maraming magkakatulad na pangungusap sa Mga Panaghoy at Jeremias, gaya ng malabis na dalamhati ng ‘mga matang inaagusan ng tubig (mga luha)’ (Pan. 1:16; 2:11; 3:48, 49; Jer. 9:1; 13:17; 14:17) at ng pagkasuklam sa katiwalian ng mga propeta at saserdote. (Pan. 2:14; 4:13, 14; Jer. 2:34; 5:30, 31; 14:13, 14) Makikita sa Jeremias 8:18-22 at Jer 14:17, 18 na kayang isulat ni Jeremias ang malungkot na estilo ng Mga Panaghoy.

      5. Anong pangangatuwiran ang ginagamit sa pagtantiya sa panahon ng pagsulat?

      5 Karamihan ay sang-ayon na ito ay isinulat karaka-rakang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Sariwa pa kay Jeremias ang malagim na pagkubkob at pagsunog sa lungsod, at matingkad na nahahayag ang kaniyang dalamhati. Ayon sa isang komentarista walang isang aspeto ng dalamhati ang lubusang tinatalakay sa iisang dako, kundi bawat aspeto ay paulit-ulit na lumilitaw sa mga tula. Sabi pa niya: “Ang ganitong magulong kaisipan . . . ay matibay na ebidensiya na ang pagkasulat ay napakalapit sa mga kaganapan at damdamin na sinisikap nitong ipahayag.”b

      6. Ano ang nakawiwili hinggil sa estilo at balangkas ng Mga Panaghoy?

      6 Ang balangkas ng Mga Panaghoy ay lubhang makawiwili sa iskolar ng Bibliya. May limang kabanata, o malambing na tula. Ang unang apat ay mga acrostic, na bawat talata ay nagsisimula nang sunud-sunod ayon sa 22 titik ng abakadang Hebreo. Gayunman, ang ikatlong kabanata ay may 66 talata, kaya 3 sunud-sunod na talata ang nagsisimula sa iisang titik bago lumipat sa susunod na titik. Ang ikalimang tula ay hindi acrostic, bagaman ito ay may 22 talata.

      7. Anong dalamhati ang ipinapahayag ni Jeremias, subalit anong pag-asa ang nananatili?

      7 Ipinapahayag ng aklat ang nag-uumaapaw na kalungkutan sa pagkubkob, pagkabihag, at pagkawasak sa Jerusalem, at ang tingkad at damdamin nito ay walang kapantay sa panitikan. Ang manunulat ay nagpapahayag ng marubdob na dalamhati sa kagibaan, kalungkutan, at kalituhan na kaniyang nasasaksihan. Ang taggutom, ang tabak, at iba pang kalagiman ay naghatid ng kakila-kilabot na paghihirap sa lungsod​—na tuwirang parusa mula sa Diyos dahil sa pagkakasala ng bayan, ng mga propeta, at ng mga saserdote. Gayunman, nananatili ang pag-asa at pananampalataya kay Jehova, at sa kaniya ipinatutungkol ang mga panalangin sa pagsasauli.

      NILALAMAN NG MGA PANAGHOY

      8. Anong pagkatiwangwang ang inilalarawan sa unang tula, at papaano nagpapahayag ang personipikasyon ng Jerusalem?

      8 “Ano’t siya’y nakaupong mag-isa, lungsod na dating matao!” Ganito nagsisimula ang panaghoy ng unang tula. Ang anak ng Sion ay dating prinsesa, ngunit tinalikdan siya ng mga mangingibig niya at ang mamamayan ay nadalang bihag. Nakatiwangwang ang mga pintuan. Pinarusahan siya ni Jehova sa kasaganaan ng kaniyang pagsalansang. Naglaho ang kaniyang karilagan. Nagtatawa ang mga kaaway. Kataka-taka ang kaniyang pagbagsak at walang umaaliw sa kaniya, at nagugutom ang mga nalabing mamamayan. Siya (ang personipikasyon ng Jerusalem) ay nagtatanong: “May papantay kaya sa aking pagdurusa?” Iniuunat niya ang kaniyang mga kamay at nagsasabi: “Matuwid si Jehova, pagkat ako’y naghimagsik laban sa kaniyang salita.” (1:1, 12, 18) Tinatawagan niya si Jehova na ipahamak ang nagbubunying mga kaaway, gaya ng ginawa Niya sa kaniya.

      9. (a) Kanino nagmula ang kapahamakang sumapit sa Jerusalem? (b) Papaano inilalarawan ni Jeremias ang pagtuyang tinanggap nito at ng kakila-kilabot na kalagayan ng lungsod?

      9 “Ano’t tinakpan ni Jehova ang anak na babae ng Sion ng alapaap ng kaniyang galit!” (2:1) Ayon sa ikalawang tula si Jehova ang nagbagsak sa kagandahan ng Israel. Ipinalimot niya ang kapistahan at ang Sabbath, at iwinaksi niya ang kaniyang dambana at santwaryo. O, kahabag-abag na mga tanawin sa Jerusalem! Napabulalas si Jeremias: “Namumugto ang aking mga mata sa kaluluha. Naliligalig ang aking mga bituka. Ang aking atay ay ibinuhos sa lupa, dahil sa pagkabagsak ng anak na babae ng aking bayan.” (2:11) Sa ano niya itutulad ang anak na babae ng Jerusalem? Papaano niya aaliwin ang anak na babae ng Sion? Ang kaniyang mga propeta ay naging walang-kabuluhan at walang-silbi. Pinagtatawanan siya ng mga nagdaraan: “Ito ba ang lungsod na ‘Sakdal ganda, at kagalakan ng buong lupa’?” (2:15) Ibinuka ng mga kaaway ang kanilang bibig at sila’y pumapaswit at nagngingitngit ang kanilang ngipin, na nagsasabi, ‘Ito ang araw na aming pinakahihintay.’ Ang kaniyang mga anak ay nanlulupaypay sa gutom, at kinakain ng mga babae ang sarili nilang supling. Nagkalat ang mga bangkay sa lansangan. “Sa araw ng galit ni Jehova wala ni isa man ang nakatakas o nakaligtas.”​—2:16, 22.

      10. Bilang saligan ng pag-asa, anong mga katangian ng Diyos ang binabanggit ni Jeremias?

      10 Ang ikatlong tula, may 66 talata, ay nagdidiin ng pag-asa ng Sion sa habag ng Diyos. Sa tulong ng mga metapora (pagtutulad) ay ipinakikita ng propeta na si Jehova ang nagdulot ng pagkabihag at pagkawasak. Dahil sa sinapit nila, siya ay nagsumamo sa Diyos na alalahanin ang kaniyang pagdurusa at sinabing nananampalataya siya sa kagandahang-loob at habag ni Jehova. Tatlong sunud-sunod na talata ang nagsisimula sa salitang “Mabuti” at ipinakita na dapat maghintay ng kaligtasan mula kay Jehova. (3:25-27) Si Jehova ay nagdulot ng dalamhati, subalit magpapakita siya ng awa. Bagaman umamin sila sa paghihimagsik, hindi pa magpapatawad si Jehova; hinadlangan niya ang panalangin ng bayan at itinuring niya itong “pawang yagit at dumi.” (3:45) Lumuluhang naalaala ng propeta na siya’y parang ibong hinahabol ng mga kaaway. Gayunman, lumapit si Jehova at nagsabi: “Huwag kang matakot.” Hiniling niya na sagutin ni Jehova ang pag-upasala ng kaaway: “Hahabulin mo sila sa galit at lilipulin sila mula sa silong ng mga langit ni Jehova.”​—3:57, 66.

      11. Sa anu-anong paraan ibinuhos ni Jehova ang kaniyang nag-aalab na galit sa Sion, at bakit?

      11 “Ano’t lumabo ang ginto, ang dalisay na ginto!” (4:1) Itinataghoy ng ikaapat na tula ang naglahong kaluwalhatian ng templo ni Jehova, na ang mga bato’y nagkalat sa lansangan. Nawalan ng halaga ang mamahaling mga anak ng Sion, gaya ng mga sisidlang putik. Walang tubig ni tinapay, at ang mga nahirati sa luho “ay napilitang mahiga sa abuhan.” (4:5) Ang parusa ay mas mabigat kaysa Sodoma. Ang mga Nazareo, na ‘sindalisay ng niyebe at simputi ng gatas,’ ay naging “maitim pa sa uling” at nangaluoy. (4:7, 8) Maigi pang namatay sa tabak kaysa taggutom, pagkat iniluluto ng mga ina ang sariling mga anak! Ibinuhos ni Jehova ang maapoy niyang galit. Nangyari ang hindi inaasahan​—ang kaaway ay nasa mga pintuan na ng Jerusalem! Bakit? “Dahil sa kasalanan ng mga propeta at kasamaan ng mga saserdote” na nagbubo ng matuwid na dugo. (4:13) Ang mukha ni Jehova ay malayo sa kanila. Ngunit tapos na ang pagkakasala ng anak na babae ng Sion, hindi na siya muling dadalhing bihag. Ikaw naman, O anak na babae ng Edom, ang iinom ng mapait na saro ni Jehova!

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share