-
Aklat ng Bibliya Bilang 25—Mga Panaghoy“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
12. Anong mapagpakumbabang pagsamo ang ipinapahayag sa ikalimang tula?
12 Ang ikalimang tula ay nagbubukas sa pagsamo kay Jehova na alalahanin ang kaniyang naulilang bayan. Mga taga-Jerusalem ang nagsasalita. Mga ninuno nila ang nagkasala, at sila ngayon ang nagdurusa. Mga alipin ang nagpupunò sa kanila, at sila’y sinasalot ng matinding gutom. Naglaho ang kanilang kagalakan at ang pagsayaw ay napalitan ng pagdadalamhati. Nanlulupaypay ang kanilang puso. Buong-pagpapakumbaba nilang kinilala: “Ikaw, O Jehova, ay luluklok magpakailanman. Ang iyong paghahari ay sa sali’t-saling lahi.” Tumatangis sila: “Pabalikin mo kami, O Jehova, at kami’y manunumbalik sa iyo. Baguhin mo ang aming mga araw na gaya noong una. Ngunit lubusan mo na kaming itinakwil. Napakatindi ng iyong galit.”—5:19-22.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
13. Anong pagtitiwala ang ipinapahayag ng Mga Panaghoy, gayunman bakit kapaki-pakinabang ito sa pagpapakita ng kahigpitan ng Diyos?
13 Ipinapahayag ng Mga Panaghoy ang lubos na pagtitiwala ni Jeremias sa Diyos. Sa sukdulang dalamhati at matinding kabiguan, na walang inaasahang kaaliwan mula sa tao, siya ay naghihintay ng kaligtasan sa kamay ng dakilang Diyos ng sansinukob, si Jehova. Ang Mga Panaghoy ay dapat magpasigla sa pagtalima at katapatan ng lahat ng tunay na mananamba, at maging babala sa lahat ng nagwawalang-bahala sa pinakadakilang pangalan at sa isinasagisag nito. Sa kasaysayan ay wala pang nagibang lungsod na tinaghuyan sa ganitong napakalungkot at makabagbag-damdaming pangungusap. Tiyak na kapaki-pakinabang ito sa paglalarawan sa kahigpitan ng Diyos sa mga mapaghimagsik, matitigas-ang-ulo, at walang-pagsisisi.
14. Anong natupad na mga babala at hula mula sa Diyos ang ipinakikita ng Mga Panaghoy, at papaano nakakasuwato ng aklat ang ibang kinasihang sulat?
14 Kapaki-pakinabang din ang Mga Panaghoy sa pagpapakita ng katuparan ng maraming babala at hula mula sa Diyos. (Pan. 1:2—Jer. 30:14; Pan. 2:15—Jer. 18:16; Pan. 2:17—Lev. 26:17; Pan. 2:20—Deut. 28:53) Pansinin na ang Mga Panaghoy ay naglalaan din ng mariing patotoo sa katuparan ng Deuteronomio 28:63-65. Isa pa, ang aklat ay maraming ginagawang pagtukoy sa ibang bahagi ng banal na Kasulatan. (Pan. 2:15—Awit 48:2; Pan. 3:24—Awit 119:57) Pinatutunayan ng Daniel 9:5-14 ang Panaghoy 1:5 at 3:42 upang ipakita na dumating ang kapahamakan dahil sa pagkakasala ng bayan.
15. Sa anong “mga bagong araw” umaakay ng pag-asa ang Mga Panaghoy?
15 Makabagbag-puso ang kasawiang sinapit ng Jerusalem! Sa kabila nito, ang Mga Panaghoy ay nagpapahayag ng tiwala na si Jehova ay magpapamalas ng kagandahang-loob at awa at na kaniyang aalalahanin at isasauli ang Sion. (Pan. 3:31, 32; 4:22) Nagpapahayag ito ng pag-asa sa “mga bagong araw” na gaya noong una nang sina David at Solomon ay naghahari pa sa Jerusalem. Nariyan din ang tipan ni Jehova kay David ukol sa walang-hanggang kaharian! “Ang mga kaawaan niya ay hindi magwawakas. Ang mga ito’y bago tuwing umaga.” At magpapatuloy ito alang-alang sa lahat ng umiibig kay Jehova hanggang sa ang bawat nilalang, sa ilalim ng matuwid na Kaharian, ay mapapabulalas sa pasasalamat: “Si Jehova ang aking bahagi.”—5:21; 3:22-24.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 26—Ezekiel“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 26—Ezekiel
Manunulat: Si Ezekiel
Saan Isinulat: Sa Babilonya
Natapos Isulat: c. 591 B.C.E.
Panahong Saklaw: 613–c. 591 B.C.E.
1. Ano ang sitwasyon ng mga tapon sa Babilonya, at anong mga bagong pagsubok ang kanilang haharapin?
NOONG 617 B.C.E., ang Jerusalem ay isinuko ni Joiachin, hari ng Juda, kay Nabukodonosor, na nagdala sa Babilonya ng mga pangunahing tao at ng kayamanan ng bahay ni Jehova at ng hari. Kabilang sa mga bihag ay ang sambahayan ng hari at mga prinsipe; ang magigiting, makapangyarihang mga lalaki; mga anluwagi’t karpentero; at si Ezekiel na anak ni Buzi na saserdote. (2 Hari 24:11-17; Ezek. 1:1-3) Masamang-masama ang loob, dumating sila makaraan ang nakakahapong paglalakbay mula sa isang lupain ng mga burol, bukal, at libis tungo sa isang lupain ng malalawak na kapatagan. Nanirahan sila malapit sa ilog Chebar sa gitna ng isang makapangyarihang imperyo, napaliligiran ng mga taong may kakatwang ugali at pagsambang pagano. Pumayag si Nabukodonosor na sila’y magtayo ng sariling bahay, magkaroon ng mga alipin, at mangalakal. (Ezek. 8:1; Jer. 29:5-7; Ezra 2:65) Kung masipag sila, sila’y uunlad. Masisilo kaya sila ng materyalismo at ng relihiyon ng Babilonya? Patuloy ba silang maghihimagsik kay Jehova? Ituturing ba nilang disiplina ang pagkakatapon? Mapapaharap sila sa mga bagong pagsubok sa lupain ng kanilang pagkakatapon.
2. (a) Sinong tatlong propeta ang namukod-tangi noong mapanganib na mga taon bago nawasak ang Jerusalem? (b) Papaano tinutukoy si Ezekiel, at ano ang kahulugan ng pangalan niya? (c) Sa anong mga taon humula si Ezekiel, at ano ang nalalaman tungkol sa kaniyang buhay at kamatayan?
2 Sa kritikal na mga taon na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem, hindi nawalan si Jehova o ang Israel ng propeta. Si Jeremias ay nasa Jerusalem, si Daniel ay nasa palasyo ng Babilonya, at si Ezekiel ay propeta sa mga Judiong tapon sa Babilonia. Si Ezekiel ay kapuwa saserdote at propeta, isang tanging pribilehiyo na tinamasa rin ni Jeremias, at ni Zacarias nang maglaon. (Ezek. 1:3) Sa buong aklat, mahigit na 90 beses siyang tinutukoy na “anak ng tao,” isang makahulugang punto sapagkat sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego, si Jesus din ay halos 80 beses tinutukoy na “Anak ng tao.” (Ezek. 2:1; Mat. 8:20) Ang pangalang Ezekiel (Hebreo, Yechez·qeʼlʹ) ay nangangahulugang “Diyos ang Nagpapalakas.” Ikalimang taon ng pagkakatapon ni Joiachin, 613 B.C.E., nang si Ezekiel ay atasan bilang propeta. Mababasa natin na naglilingkod pa rin siya noong ika-27 taon ng pagkakatapon, o 22 taon matapos atasan. (Ezek. 1:1, 2; 29:17) Namatay ang asawa niya noong unang araw ng huling pagkubkob ni Nabukodonosor sa Jerusalem. (24:2, 18) Hindi batid ang petsa at paraan ng pagkamatay ni Ezekiel.
3. Ano ang masasabi tungkol sa pagkasulat ni Ezekiel, pati na sa pagiging-kanonikal at pagiging-tunay ng aklat ni Ezekiel?
3 Walang pagtatalo hinggil sa pagkasulat ni Ezekiel sa aklat na may pangalan niya at sa dako nito sa kanon ng Kasulatan. Kalakip ito sa kanon noong panahon ni Ezra at sa mga katalogo ng sinaunang panahong Kristiyano, lalo na sa kanon ni Origen. Ang pagiging-totoo nito ay pinatutunayan ng pagkakahawig ng mga simbolismo nito at niyaong sa Jeremias at Apocalipsis.—Ezek. 24:2-12—Jer. 1:13-15; Ezek. 23:1-49—Jer. 3:6-11; Ezek. 18:2-4—Jer. 31:29, 30; Ezek. 1:5, 10—Apoc. 4:6, 7; Ezek. 5:17—Apoc. 6:8; Ezek. 9:4—Apoc. 7:3; Ezek. 2:9; 3:1—Apoc. 10:2, 8-10; Ezek. 23:22, 25, 26—Apoc. 17:16; 18:8; Ezek. 27:30, 36—Apoc. 18:9, 17-19; Ezek. 37:27—Apoc. 21:3; Ezek. 48:30-34—Apoc. 21:12, 13; Ezek. 47:1, 7, 12—Apoc. 22:1, 2.
4. Anong madulang mga katuparan ang nakamit ng mga hula ni Ezekiel?
4 Ang karagdagang patotoo ng pagiging-tunay ay nasa madulang katuparan ng mga hula ni Ezekiel laban sa mga bansang nakapalibot, gaya ng Tiro, Ehipto, at Edom. Halimbawa, inihula ni Ezekiel na ang Tiro ay mawawasak, na bahagyang natupad nang ang lungsod ay sakupin ni Nabukodonosor pagkaraan ng 13-taóng pagkubkob. (Ezek. 26:2-21) Hindi ito nagbunga ng ganap na pagkawasak ng Tiro. Ngunit hinatulan ito ni Jehova ng lubusang pagkawasak. Inihula niya sa pamamagitan ni Ezekiel: “Kakayurin ko ang kaniyang alabok at siya’y magiging isang makinis at hubad na bato. . . . Ang iyong mga bato at kahoy at alabok ay itatambak nila sa gitna ng tubig.” (26:4, 12) Lahat ng ito ay natupad pagkaraan ng mahigit na 250 taon nang salakayin ni Alejandrong Dakila ang pulong-lungsod ng Tiro. Kinayod ng mga kawal niya ang labî ng lungsod na nasa kontinente at itinambak ito sa dagat upang maging isang 800-metrong tulay na lupa tungo sa pulong-lungsod. Sa tulong ng masalimuot na mga kasangkapang pangubkob, inakyat nila ang may 46-metrong-taas na mga pader upang agawin ang lungsod noong 332 B.C.E. Libu-libo ang napatay, at mas marami pa ang ipinagbili bilang alipin. Gaya ng inihula, ang Tiro ay naging isang ‘hubad na bato at bilaran ng mga lambat.’ (26:14)a Sa kabila pa roon ng Lupang Pangako, ang taksil na mga Edomita ay nilipol din bilang katuparan ng hula ni Ezekiel. (25:12, 13; 35:2-9)b At, sabihin pa, ang mga hula ni Ezekiel sa pagkawasak ng Jerusalem at ang pagsasauli sa Israel ay pawang nagkatotoo.—17:12-21; 36:7-14.
5. Papaano tumugon ang mga Judio sa unang mga hula ni Ezekiel?
5 Sa unang mga taon ng kaniyang panghuhula, ipinahayag ni Ezekiel ang tiyak na mga hatol ng Diyos laban sa di-tapat na Jerusalem at binalaan niya ang mga tapon laban sa idolatriya. (14:1-8; 17:12-21) Sila’y walang tanda ng tunay na pagsisisi. Ang mga pinuno ay laging sumasangguni kay Ezekiel, subalit hindi nila pinapansin ang mga mensahe ni Jehova na inihatid ni Ezekiel. Nagpatuloy sila sa idolatriya at materyalismo. Ang pagkawala ng kanilang templo, ng banal na lungsod, at ng dinastiya ng mga hari ay matinding dagok, subalit kakaunti ang talagang natauhan upang magpakumbaba at magsisi.—Awit 137:1-9.
6. Ano ang idiniriin ng mga nahuling hula ni Ezekiel, at papaano itinampok ang pagbanal sa pangalan ni Jehova?
6 Noong huling mga taon idiniin ng mga hula ni Ezekiel ang pag-asa ng pagsasauli. Sinaway din nito ang mga kalapit-bansa dahil sa pagbubunyi sa pagkabagsak ng Juda. Ang pagkapahiya nila, sampu ng pagsasauli ng Israel, ay magpapaging-banal kay Jehova sa kanilang paningin. Bilang suma, ang layunin ng pagkabihag at ng pagsasauli ay: ‘Kayo, mga Judio at taga-ibang bansa, ay makakakilala na ako’y si Jehova.’ (Ezek. 39:7, 22) Ang pagbanal sa pangalan ni Jehova ay itinatampok sa buong aklat, at mahigit na 60 beses lumilitaw ang mga salitang: “At inyong [o, kanilang] makikilala na ako’y si Jehova.”—6:7, talababa.
NILALAMAN NG EZEKIEL
7. Sa anong tatlong seksiyon likas na nahahati ang Ezekiel?
7 Ang aklat ay likas na nahahati sa tatlong seksiyon.
-