Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w85 8/15 p. 15-21
  • Ang “Ibang Tupa” at ang Hapunan ng Panginoon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Ibang Tupa” at ang Hapunan ng Panginoon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagbabago ng Paniwala
  • Ang Paskua at ang Memoryal
  • Kahalagahan ng Pagdalo sa Memoryal
  • Pagpapakita ng Maibiging Pagmamalasakit sa Lahat
  • Kailangan na Suriin ang Sarili
  • Pagdiriwang sa 1986
  • Kung Bakit Natin Inaalaala ang Hapunan ng Panginoon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2015
  • ‘Pagkakilala Kung Ano Tayo’—Sa Panahon ng Memoryal
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • ‘Gawin Ninyo Ito Bilang Pag-alaala sa Akin’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Bakit Kailangang Ipagdiwang ang Hapunan ng Panginoon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1985
w85 8/15 p. 15-21

Ang “Ibang Tupa” at ang Hapunan ng Panginoon

“Si [Jesus] ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan.”​—1 JUAN 2:2.

1. Ano ang tiyakang ibinunga ng ‘pangangaral ng mabuting balita ng kaharian’?

SINABI ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Mayroong mga kabilang sa saling-lahi ng 1914 na makakaligtas upang magpatotoo na ang mga Saksi ni Jehova ay buong katapatan na nagsagawa ng ipinag-uutos na ito. Kaya naman, daan-daang libong tapat-pusong mga tao, na diskompiyado na dahil sa mga kabiguan ng sanlibutang ito, ang tumugon nang tiyakan sa mabuting balita. Kanilang inialay ang kanilang sarili sa Diyos na Jehova at kanilang itinataguyod ang kaniyang Kaharian, at ipinakilala nila ang pag-aalay na ito sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Mayroong 179,421 na kumuha ng ganiyang hakbangin ng katalinuhan noong 1984. Ang totoo, ganito ang diwa ng kanilang sinabi sa bayan ng Diyos na may taglay ng kaniyang pangalan: “Kami’y sasama sa inyo na mga tao, sapagkat narinig namin na ang Diyos ay sumasa-inyo na mga tao.”​—Zacarias 8:23.

2. Ano ang masasabi tungkol sa panahon ng pagtitipon ni Jesus sa kaniyang “mga ibang tupa”?

2 Ang patuloy na dumaraming “malaking pulutong” na ito ng mga mananamba ay bahagi ng tinutukoy ni Jesus sa kaniyang “mga ibang tupa.” (Apocalipsis 7:9, 15; Juan 10:16) Sila’y may dakilang pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang makalupang paraiso. (Awit 37:29) Inihula ni Jesus na kaniyang titipunin ang mga tapat na tagasunod na ito pagkatapos muna ng kaniyang pagtitipon sa “munting kawan” ng tulad-tupang mga tao na inilalakip niya sa bagong tipan na siya ang tagapamagitan. (Lucas 12:32; Hebreo 9:15) Samantalang isinasaisip ang pagtitipong ito sa dalawang tulad-tupang uri ng mga tao upang makasama sa “isang kawan,” mauunawaan natin kung bakit sinabi ni apostol Juan na si Jesu-Kristo ay “pampapalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, ngunit hindi lamang para sa atin, kundi para rin sa buong sanlibutan.”​—1 Juan 2:1, 2.

Pagbabago ng Paniwala

3, 4. (a) Marami ang nagkaroon ng anong pagbabago ng paniwala tungkol sa Hapunan ng Panginoon? (b) Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa pagsasabi, “Sapagkat tuwing kakain kayo . . . at iinum”?

3 Maraming bagong mga katitipon na kasama ng “mga ibang tupa” ang dating nakikinig ng Misa o tumatanggap ng Komunyon, ang dalas at paraan ng pagtanggap nila nito ay depende sa mga paniwala ng kinabibilangan nilang organisasyon ng relihiyon. Subalit, ngayon ay natatalos na ng mga ito na ang Hapunan ng Panginoon ay dapat na ganapin nang minsan lamang sa isang taon. Bakit nga ganito? Bueno, ang Paskua ng mga Judio ay ginaganap nang minsan sa taun-taon, at ang Memoryal ay pinasimulan ni Jesus nang gabi ring iyon ng Paskua, Nisan 14. Pagkatapos ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Isinusog pa ni Pablo: “Sapagkat sindalas na kinakain ninyo ang tinapay na ito at iniinom ang alak sa kopang ito, inyong patuloy na inihahayag ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating siya.” (1 Corinto 11:24-26) Malinaw na ang ibig sabihin ni Jesus ay na dapat patuloy na ganapin ng kaniyang mga alagad ang alaala ng kaniyang kamatayan sa Araw ng Paskua, na dumarating nang minsan sa isang taon. Samakatuwid, ito’y ginaganap na ‘madalas’ tuwing selebrasyon nito samantalang umiiral ang kongregasyong Kristiyano. Sa katunayan, ang Memoryal ay naganap na nang 1,952 beses.

4 Nagkaroon ng isa pang mahalagang pagbabago ng paniwala ang mga nasa uring “ibang tupa.” Sa halip na makibahagi sa tinapay at alak na dating ginagawa ng marami sa kanila nang sila ay nasa mga ibang relihiyon, ang kanilang kalagayan ngayon ay “nagbago” tungo sa pagiging mga tagapagmasid. Bakit nga gayon, at mayroon ba tayong alalay buhat sa Kasulatan na nagpapahintulot na magkaroon ng mga tagapagmasid at gayundin ng mga nakikibahagi?​—2 Corinto 13:11; 2 Timoteo 3:16, 17.

5. (a) Banggitin ang mahalagang mga hakbang na kailangang gawin ng isang tao upang siya’y makinabang sa hain ni Jesus. (b) Bakit ang Diyos ay kumikilos sa natatanging paraan alang-alang sa 144,000 mga tagasunod ni Kristo Jesus?

5 Upang sinuman ay makinabang sa “pampalubag-loob na hain” ni Kristo Jesus, kailangang gumawa ng mga ilang hakbang, kahit ang isang iyon ay may pag-asang mabuhay sa langit o ang kaniyang pag-asa ay mabuhay sa lupa sa makalupang Paraiso. Ang mahalagang mga hakbang na ito ay ang sumusunod: (1) pagkuha ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos (Roma 10:13-15; (2) pagsasagawa ng pananampalataya (Hebreo 11:6); (3) pagsisisi (Mateo 4:17); (4) kombersiyon o pagbabalik-loob (Gawa 3:19); (5) pag-aalay (Lucas 9:23); at (6) bautismo (Mateo 28:19). Pagkatapos lamang ng mga hakbang na ito saka kikilos ang Diyos sa isang natatanging paraan tungkol sa isang taong kaniyang pinipili upang maging isa sa 144,000, o “munting kawan.” Sa anong layunin? Upang ang taong iyon ay maging espirituwal na anak ng Diyos na may pag-asang maging isang saserdote at isang hari kasama ni Kristo Jesus. (Apocalipsis 20:4, 6) Mayroon lamang isang nalabi ng ganiyang espirituwal na mga anak na nabubuhay ngayon, at sila ang talagang dapat na makibahagi sa mga emblema. Ito, kung gayon, ang nagpapaliwanag kung bakit ang lubhang karamihan ng mga Saksi ni Jehova ay mga tagapagmasid lamang at hindi mga nakikibahagi.

Ang Paskua at ang Memoryal

6. Bakit ikinakatuwiran ng iba na dapat daw makibahagi sa mga emblema ang “mga ibang tupa,” at anong tanong ang ibinabangon nito?

6 May mga nagmumungkahi na ang patuloy na dumaraming “mga ibang tupa” ay dapat makibahagi sa mga emblema. Ang kanilang pangangatuwiran ay ito: Yamang “ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating,” at yamang isa sa mga kahilingan ng Kautusan ay ang pagganap sa Paskua kapuwa ng mga Israelita at ng tinuling mga tagaibang bayan, ito’y nagpapahiwatig na ang dalawang uring iyan ng mga taong tulad-tupa sa “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol” ay nararapat na makibahagi sa mga emblema ng Memoryal. (Hebreo 10:1; Juan 10:16; Bilang 9:14) Ito’y nagbabangon ng isang mahalagang tanong: Ang Paskua ba ay tipo o larawan ng Memoryal?

7. Sa anong mga paraan “isang anino ng mabubuting bagay na darating” ang Paskua?

7 Totoo naman na ang mga ilang bahagi ng Paskua nang ganapin ito sa Ehipto ay natupad kay Jesus. Si Jesus ay inihalintulad ni Pablo sa kordero ng Paskua, na ang sabi, “Si Kristo na ating paskua ay naihain na.” (1 Corinto 5:7) Ang pagwiwisik ng dugo ng kordero ng Paskua sa mga haligi ng pintuan at sa ibabaw ay katiyakan ng kaligtasan para sa mga panganay sa bawat tahanang Israelita. Gayundin naman, sa pamamagitan ng pagwiwisik ng dugo ni Kristo kung kaya “ang kongregasyon ng mga panganay ay nakatala sa langit” at tumatanggap ng kanilang kaligtasan o “katubusan sa pamamagitan ng pantubos.” (Hebreo 12:23, 24; Efeso 1:3, 7) Isa pa, kahit isang buto ng kordero ng Paskua ay hindi nasira, at ito ay natupad din kay Kristo Jesus. (Exodo 12:46; Awit 34:20; Juan 19:36) Samakatuwid, masasabi na ang Paskua, sa mga ilang paraan, ay isa sa maraming bahagi ng Kautusan na nagsilbing “isang anino ng mabubuting bagay na darating.” Lahat ng mga bahaging ito ay lumarawan kay Kristo Jesus, “ang Kordero ng Diyos.”​—Juan 1:29.

8-10. (a) Tungkol sa dugo, paano nagkakaiba ang Paskua at ang Memoryal? (b) Paanong sa mga tipan na may kaugnayan sa Memoryal ay idiniriin ang isa pang pagkakaiba? (c) Sa anong konklusyon tayo inaakay nito?

8 Gayunpaman, ang Paskua ay hindi buong tipo ng Hapunan ng Panginoon. Bakit? Nang ang Paskua ay itatag sa Ehipto, ang laman ng inihaw na kordero ay kinain, subalit hindi kinain ang dugo ng kordero ng Paskua. Ngunit, ibang-iba nang itatag ni Jesus ang Memoryal o alaala ng kaniyang kamatayan sapagkat tiyakang itinagubilin niya sa mga naroroon na kainin ang kaniyang laman at inumin ang kaniyang dugo, na isinasagisag ng tinapay at ng alak. (Exodo 12:7, 8; Mateo 26:27, 28) Sa ganitong napakahalagang paraan​—ang dugo​—ang Paskua ay hindi isang tipo o larawan ng Hapunan ng Panginoon.

9 Mayroong isa pang bagay na hindi dapat kaligtaan. Sa pakikipag-usap ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay may binanggit siyang dalawang magkaugnay na tipan, ang bagong tipan, at ‘isang tipan ukol sa kaharian.’ (Lucas 22:20, 28-30) Ang dalawang tipang ito ay may kinalaman sa mga nakikibahagi may kaugnayan sa kanilang pag-asang makasama ni Kristo Jesus sa pagiging mga saserdote at mga hari. Subalit sa Israel walang tinuling sinumang dayuhan na maaaring maging isang saserdote o isang hari. Sa ganitong paraan, makikita natin ang pagkakaiba ng Paskua sa Israel at ng Hapunan ng Panginoon.

10 Kung gayon, sa anong konklusyon inaakay tayo nito? Ang bagay na kumain ang tinuling mga dayuhan ng tinapay na walang lebadura, ng mapapait na mga damo, at ng kordero ng Paskua ay hindi sumusuhay sa bagay na yaong mga “ibang tupa” ng Panginoon sa ngayon na dumadalo sa Memoryal ay dapat makibahagi sa tinapay at alak.

Kahalagahan ng Pagdalo sa Memoryal

11. Sa anong mahalagang mga dahilan dapat dumalo sa Memoryal ang “mga ibang tupa”?

11 Ang ibig bang sabihin nito ay na hindi mahalaga na ang mga kabilang sa uring “mga ibang tupa” ay dumalo sa selebrasyon ng Memoryal? Tunay na hindi naman! Ito’y isang okasyon para sa lahat ng tulad-tupang mga tagasunod ni Jesus na alalahanin si Jesus sa isang napakapantanging paraan. Ang “mga ibang tupa” sa okasyong iyan ay nagsasaisip na sila’y nakinabang na dahilan sa kanilang pananampalataya sa itinigis na dugo ni Kristo sapagkat sila ngayon ay itinuturing ni Jehova na “naglaba na ng kanilang mga kasuotan at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero.” Kaya naman sila ay nakapaghahandog ng “banal na paglilingkod, araw at gabi sa templo [ng Diyos].” (Apocalipsis 7:14, 15) Kanila ring isinasaalaala na kailangang patuloy na ‘hanapin nila si Jehova, ang katuwiran, pati kaamuan, lakip ang pag-asang sila’y makukubli sa panahon ng “araw ng galit ni Jehova,” at pagkatapos ay magkaroon ng kagalakan pagsapit nila sa kasakdalan bilang mga tao. Sa wakas ay maaari silang aktuwal na kilalanin ni Jehova bilang mga matuwid, at ito’y pagkatapos na isauli na ni Jesus ang Kaharian sa kaniyang Ama.​—Zefanias 2:2, 3; 1 Corinto 15:24; Apocalipsis 20:5.

12. Ano ang mga pakinabang buhat sa pahayag sa Memoryal?

12 Ang isa pang mahalagang dahilan sa pagdalo ay sapagkat ang mga katotohanang tinatalakay sa pahayag kung Memoryal ay “malalalim na bagay ng Diyos,” ‘matitigas na pagkain na ukol sa mga taong maygulang na,’ at hindi lamang gatas ng “unang simulain.” (1 Corinto 2:10; Hebreo 5:13–6:1) Ang pahayag na iyan buhat sa Kasulatan ay lalong magpapatindi ng pag-ibig na ipinakita ni Jehova sa paggawa ng gayong kahanga-hangang kaayusan sa Kaharian ukol sa pagpapala sa sangkatauhan. Isa rin itong pagkakataon upang ‘magmasid nang lalong puspusan sa Punong Ahente at Tagasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus.’ Kailanma’y huwag ipagwawalang-bahala ang pag-ibig na ipinamalas ni Jesus dahilan sa atin, ni ang mga pagdurusang dinanas niya. (Hebreo 12:2, 3) Isa pa, lahat tayo ay sasang-ayon na marami sa mga mahalagang kaisipan na tinalakay ni Jesus sa kaniyang mga apostol nang itatag niya ang Memoryal​—mga kaisipan tungkol sa pagkakaisa, pag-ibig at pagluwalhati sa pangalan ni Jehova​—ay maaaring pakinabangan ng “mga ibang tupa” at ng “munting kawan.”

Pagpapakita ng Maibiging Pagmamalasakit sa Lahat

13. Bakit mahalaga na ang mga emblema ay ipasa sa lahat ng naroroon sa pagdiriwang?

13 Mahalaga na ang lahat ng presente sa Hapunan ng Panginoon ay paalalahanan tungkol sa kaayusang ito na itinatag ni Jesus. Ang aktuwal na pagpapasa ng tinapay at ng alak ay tumutulong upang palawakin ang pagpapahalaga sa banal na mga bagay na tinalakay sa gabing iyon. Bawat isang naroroon ay nakapagpapahayag sa madla ng kaniyang pag-asa sa buhay​—kung makalangit baga o makalupa.a Sa pamamagitan ng pagsunod sa tumpak na kaayusan ang kongregasyon ay nakagagawa ng kagaya ng ginagawa rin sa buong lupa nang gabing iyon.​—1 Corinto 14:40.

14. Paanong ang matatanda ay makapagpapakita ng maibiging pagmamalasakit sa isa sa mga pinahiran na maysakit sa gabi ng Memoryal?

14 Ipagpalagay natin na isa sa mga pinahiran sa isang kongregasyon ay may sakit at hindi makadalo sa Memoryal. Ano ang dapat gawin kung gayon? Kailangan gumawa ng lahat ng pagsisikap upang ang isa sa mga hinirang na matatanda ay pumaroon sa maysakit na Kristiyanong iyon upang dalhin sa kaniya ang mga emblema at, kung kombenyente, ang matanda ay maaaring magbigay ng mga ilang angkop na komento bago iyalok ang mga emblema at sarhan ang pagkakataong iyon ng isang angkop na panalangin. Anong laking pampatibay-loob ito sa taong maysakit! Ang ganiyang pagmamalasakit ay nagpapasigla ng espiritu ng pag-ibig sa loob ng kongregasyon. (Tingnan din ang pahina 30.)​—Awit 133:1.

15. Ipaliwanag ang ilan sa mga paraan ng paggalang sa Hapunan ng Panginoon.

15 Mayroong iba pang interesanteng mga tanong na iniharap tungkol sa kaayusan at sa mga emblema na dapat gamitin sa Memoryal. Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay matatagpuan sa pahina 19 sa ilalim ng pamagat na “Ang Paggalang sa Hapunan ng Panginoon.” Ang may pananagutang mga matatanda ay dapat sumunod nang maingat sa mga puntong binanggit dito.

Kailangan na Suriin ang Sarili

16, 17. (a) Ano ang tanong ng iba tungkol sa pakikibahagi sa Memoryal, at sino lamang ang makasasagot nito? (b) Paano nagbibigay ang Diyos ng kapani-paniwalang ebidensiya para sa kaniyang mga espirituwal na anak?

16 Mayroong mga iba na binabagabag ng mga pag-aalinlangan sa kung sila nga ay may karapatan na makibahagi sa mga emblema. Ang tanong na ito ay bumabangon kung minsan kung mga ilang linggo pa bago ganapin ang Hapunan ng Panginoon. Malimit na ang ganiyang mga tanong ay inihaharap ng iba na bagu-bago lamang nakikisama sa mga Saksi ni Jehova. Ikaw ba’y isa sa mga may alinlangan na katulad niyan? Paano mo matitiyak kung ano ang dapat mong gawin?

17 Ipinayo ni Pablo tungkol sa Hapunan ng Panginoon: “Hayaan munang sang-ayunan ng isang tao ang kaniyang sarili pagkatapos na masuri niya, at saka kumain ng tinapay at uminom sa kopa.” (1 Corinto 11:28, 29) Hindi ba napansin mo ang sabi ni Pablo ay ikaw ang sa sarili mo’y ‘sasang-ayon pagkatapos ng pagsusuri’? Mangyari pa, hindi naman masama na ipakipag-usap mo ang ganiyang mahalagang bagay sa isang maygulang na Kristiyano, subalit ikaw lamang mag-isa ang magpapasiya tungkol sa iyong personal na kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang Anak. Hindi inilalagay ng Diyos sa pag-aalinlangan ang sinuman sa 144,000. Tayo’y binibigyan ng katiyakan: “Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.” Ang espiritu ng Diyos ang gumigising sa puso ng sinumang miyembro ng katawan ni Kristo ng matibay na paniniwala na siya ay isa sa mga espirituwal na anak ng Diyos. Ang piniling isang ito ang nakakaalam nito at hindi na kailangang tanungin pa niya ang iba sa kongregasyon para patunayan ito.​—Roma 8:15, 16.

18. Sa anong mga pangyayari sa kasaysayan ng “mga ibang tupa” interesado tayo?

18 Ang makabagong kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova ay nagpapatunay na sapol noong 1931 higit na pansin ang sinimulang ibinigay sa “mga ibang tupa” sa pamamagitan ng mensahe ng Kaharian. Pagkatapos, noong Mayo 1, 1935, nang maibigay ang pahayag na “The Great Multitude,”b ang “malaking pulutong” na nakita ni apostol Juan sa pangitain ay malinaw na ipinakilalang siya ring “mga ibang tupa.” Ano ba ang idiniin nito? Tiyak na ang pagtitipon sa “munting kawan” ay malapit na noong matapos at sumapit na ang panahon upang, sa pamamagitan ng administrasyon o pamamanihala ng “tapat at maingat na alipin,” ibaling naman ni Jesus ang kaniyang pansin sa pagtitipon sa “mga ibang tupa.”​—Mateo 24:45-47.

19. Anong pagsusuri-sa-sarili ang makabubuti para sa mga baguhan na nag-aangking sila’y kabilang sa mga pinahiran?

19 Taglay ang ganiyang kaisipan, ating sinasabi sa lahat ng kamakailan lamang nakisama sa bayan ni Jehova at marahil ay nag-iisip na isa sila sa uring pinahiran: Suriing maingat ang inyong kaugnayan kay Jehova. Tanungin ang inyong sarili, ang taglay ko ba ngayong makalangit na pag-asa ay ang dati rin na ipinagpatuloy lamang na paniwala na lahat ng miyembro ng iglesia ay pupunta sa langit? Ang pag-asa ko ba ay may koneksiyon sa anumang mapag-imbot na hangarin o damdamin? Sinabi ni Pablo: “Hindi maaaring magsinungaling ang Diyos.” (Hebreo 6:18) Hindi rin naman maaaring magsinungaling ang banal na espiritu na umaampon. Samakatuwid, ang sinumang tunay na anak ng Diyos sa espiritu ay hindi patuloy na ginagambala ng mga pag-aalinlangan kundi taglay ang mabuting budhi ay nakapagpapatotoo siya na siya’y isa sa mga anak ng Diyos.

Pagdiriwang sa 1986

20. Ano ang kahalagahan ng Memoryal sa mga Saksi ni Jehova?

20 Tiyak iyan, ang Hapunan ng Panginoon ang pinakadakilang selebrasyon o pagdiriwang para sa lahat ng tunay na Kristiyano. Wala nang makakatulad ito kung tungkol sa kahalagahan, layunin o kaayusan. Kung gayon, samantalang umiikot ang mundo sa kaniyang palaikutan at sa buong lupa ay patuloy na lumulubog ang araw, bawat kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, malalaki at maliliit, at lahat ng nakabukod na mga grupo ay magtitipong sama-sama bilang pagsunod sa tagubilin ng Panginoon.

21. Ang Memoryal sa 1986 ay dapat na gumising ng anong saloobin at pagtitiwala sa puso ng mga lingkod ng Diyos?

21 Lahat ng mga alagad na tulad-tupa ay labis na nagagalak sa kanilang inaasam-asam na muling pakikibahagi sa pagdiriwang ng isa pang Memoryal. Harinawang ang okasyon sa taóng susunod ay maging isang panahon ng pampatibay-loob sa lahat ng mga lingkod ni Jehova. Harinawang sa pamamagitan nito’y taglayin nila ang katulad na pagtitiwala na gaya ng tinaglay ng kanilang uliran, si Jesu-Kristo, na nagsabi: “Kayo’y magpakatibay-loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”​—Juan 16:33.

[Mga talababa]

a Sa isang malaking kongregasyon ang mga nagsisilbi ng mga emblema ay tumatayo sa bawat hilera ng mga upuan at nagbibigay ng senyas sa mga nasa hilerang iyon. Ang sinuman na ibig makibahagi ay kailangang magbigay-alam nito sa tagapagsilbi. Subalit, gaya ng ipinakita na sa itaas, ito ay hindi nararapat.

b Ang pahayag na ito ay binigkas sa Washington, D.C., ni J. F. Rutherford, pangulo noon ng Watch Tower Bible and Tract Society.

Natatandaan Mo Ba​—

◻ Bakit ang Memoryal ay hindi tipo o larawan ng Paskua?

◻ Anong anim na hakbang ang dapat gawin bago makinabang sa hain ni Jesus?

◻ Bakit napakahalaga na dumalo ka sa Memoryal?

◻ Bakit mabuting suriin mo ang iyong sarili bago ganapin ang Memoryal?

[Kahon sa pahina 19]

Ang Paggalang sa Hapunan ng Panginoon

Mga Emblema na Gagamitin

Tinapay na Walang Lebadura: Tinapay na ginamitan lamang ng harina ng trigo at tubig. Huwag haluan ng asin, asukal, malt, itlog o sibuyas. Makagagawa ka nito sa ganitong paraan: Ang isa at kalahating tasang harina ng trigo (kung wala nito ang gamitin ay harinang ginawa sa bigas, mais o sa iba pang binutil) ay haluan ng isang tasang tubig at gumawa ng namamasa-masang masa. Pagkatapos ay lulunin iyon at gumawa ng mga pirasong korting-biskuwit. Ilagay sa kawaling panghurno at tusukin ng tinidor upang magkaroon ng maliliit na butas. Lutuin ito sa hurno hanggang sa lumutong.

Alak: Gumamit ng purong pulang alak ng ubas tulad baga ng Chianti, Burgundy, o isang claret. Huwag gagamit ng panghimagas na mga alak na hinaluan ng brandy, na tulad ng sherry, port o muscatel. Huwag gagamit ng alak na hinaluan ng kung anu-anong palabok. Maaari ring gumamit ng gawang-bahay na pulang alak na hindi pinatamis o hindi hinaluan ng anupaman.

Paghahanda ng Kingdom Hall

Lamesa para sa mga emblema: Ang lamesa ay lagyan ng isang malinis na mantel at sapat na dami ng plato at mga baso ng alak. Maaaring pagpira-pirasuhin ang tinapay at isalin na sa mga sisidlan ang alak bago pasimulan ang pulong. Si Jesus ay hindi naman nagtatag ng anumang rituwal na maaaring tularan sa bagay na ito. Kung kinakailangan, ang mga emblema ay takpan ng malinis na tela para huwag dapuan ng mga insekto.

Mga tagapagsilbi: Magbigay na antimano ng mga tagubilin tungkol sa paraan na susundin para maiwasan ang anumang pagkabalam o hindi pagkakaunawaan sa pagsisilbi ng mga emblema sa lahat ng naroroon, kasali na ang tagapagpahayag at ang mga tagapagsilbi.

Mga attendant: Kailangang may sapat na attendant bago magsimula ang pulong upang ang lahat ay mabati pagdating nila at mabigyan ng upuan.

Mga gayak na bulaklak: Maaari naman na gumamit nito, ngunit dapat na simple lamang at hindi labag sa mabuting asal.

Ang Kaayusan sa Pulong

Oras ng pagdiriwang: Bagamat ang pahayag ay maaaring magpasimula nang mas maaga-aga, ang mga emblema ay hindi dapat ipasa hangga’t hindi lumulubog ang araw. Kailangang alamin na antimano kung kailan lulubog ang araw sa darating na Memoryal sa inyong sariling pook.

Pahayag sa Memoryal: Ang tagapagpahayag ay dapat na maghandang mabuti upang maiharap niya ang kaniyang pahayag sa panahon na takda rito. Kailangang malinaw na iharap at nakapagpapatibay sa lahat ng naroroon.

[Larawan sa pahina 17]

Pinatitingkad ng Memoryal ang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Anak

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share