Kung Saan Ipinakikita ang Pagkamapagpatuloy sa mga Estranghero
Noong Setyembre 1994, isang lalaki buhat sa Michigan, E.U.A., ang sumulat sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Lebanon, Tennessee. Sabi niya:
“Noong Linggo, Hunyo 6, 1993, ako’y dumalo sa inyong pahayag pangmadla at Pag-aaral ng Bantayan. Ito ang unang pagkakataon na ako kailanman ay nakapasok sa isang Kingdom Hall, at talagang humanga ako sa lahat ng mga mukhang nakangiti at taimtim na pag-ibig na ipinakita sa akin. Dumating ako mga ilang minuto na huli, at nang ako’y pumasok, naupo akong nag-iisa. Isang may kabataang mag-asawa na kahilera ko ang nagpahiram sa akin ng isang Bibliya at sa dakong huli ng isang kopya ng magasing Bantayan para sa pag-aaral.
“Pagkatapos ng pulong ang karamihan sa inyo ay nakipag-usap sa akin, nakipagkamay, at ginawang kaayaayang karanasan ang aking pananatili. Nang sa wakas ay lisanin ko ang inyong Kingdom Hall, kumuha ako ng tatlong libro—ang Bibliya, Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman, at Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Nang gabing iyon binasa ko ang karamihan sa aklat ng Mabuhay Magpakailanman, at nalaman ko ang isang bagong pangalan para sa aking Diyos, si Jehova. . . .
“Nais kong ipaalam sa inyong lahat kung gaano ko pinahahalagahan ang inyong kahanga-hangang pagkamapagpatuloy sa isang ganap na estranghero at lalo nang nais kong malaman ninyo na . . . ako’y nabautismuhan noong Hulyo 9, 1994, sa murang gulang na 70.”
Kung nais mong tumanggap ng mainit na pagkamapagpatuloy mula sa mga nasisiyahang maglingkod sa Diyos, pakisuyong sumulat sa Watch Tower, P.O. Box 2044, 1099 Manila, o sa angkop na direksiyon na nakatala sa pahina 5. Ituturo nila sa iyo ang Kingdom Hall na malapit sa iyong tahanan.