-
Magturo sa Madla at sa Bahay-bahayAng Bantayan—1991 | Enero 15
-
-
Magturo sa Madla at sa Bahay-bahay
“Ako’y hindi umurong sa . . . pagtuturo sa inyo sa madla at sa bahay-bahay.”—GAWA 20:20, “Byington.”
1. Papaanong ang isang paring Katoliko ay nagkumento tungkol sa epektibong ministeryo sa pagbabahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova?
“ANG mga Katoliko ay Nagdadala ng Ebanghelyo sa Bahay-bahay.” Ganiyan ang isang paulo sa The Providence Sunday Journal ng Oktubre 4, 1987. Iniulat ng pahayagan na ang isang pangunahing layunin ng gawaing ito ay upang “anyayahan ang ilan sa kanilang di-aktibong parokyano na bumalik sa isang lalong aktibong buhay sa parokya.” Ang paring si John Allard, direktor ng Tanggapan ukol sa Ebanghelisasyon sa Diocese of Providence, ay sinipi na nagsasabi: “Sigurado, marami ang hindi maniniwala. Sasabihin ng mga tao, ‘Hayun, katulad sila ng mga Saksi ni Jehova.’ Subalit ang mga Saksi ay epektibo, di ba? Pupusta ako na pumunta ka sa alinmang Kingdom Hall sa estado [ng Rhode Island, E.U.A.,] at makikita mo ang mga kongregasyon na punô ng mga dating Katoliko.”
2. Anong tanong ang angkop na ibangon?
2 Oo, ang mga Saksi ni Jehova ay kilalang-kilala sa kanilang epektibong ministeryo sa pagbabahay-bahay. Ngunit bakit nga ba sila nagbabahay-bahay?
Ang Paraan ng mga Apostol
3. (a) Anong utos ang ibinigay ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad? (b) Sa anong pangunahing paraan ginanap ng mga unang tagasunod ni Kristo ang iniutos sa kanila?
3 Sa kaniyang mga tagasunod ay ibinigay ni Jesu-Kristo ang makahulugang utos na ito: “Humayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa, bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, turuan sila na ganapin ang lahat ng iniutos ko sa inyo. At, narito! ako’y sumasainyo lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:19, 20) Ang pangunahing paraan upang maganap ang gawaing iyan ay nahayag karakaraka pagkatapos ng araw ng Pentecostes 33 C.E. “Sa araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang-lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.” (Gawa 5:42) Mga 20 taon ang nakalipas, si apostol Pablo ay gumanap ng ministeryo ng pagbabahay-bahay, sapagkat kaniyang pinaalalahanan ang mga Kristiyanong matatanda buhat sa siyudad ng Efeso: “Hindi ko ipinagkait ang pagsasabi sa inyo ng anumang bagay na mapakikinabangan o ang pagtuturo sa inyo sa madla at sa bahay-bahay.”—Gawa 20:20.
4. Bakit natin masasabi na ang Gawa 5:42 at Gawa 20:20 ay nangangahulugan na ang ipinangaral ng mga tagasunod ni Jesus ay ipinamahagi sa bahay-bahay?
4 Sa Gawa 5:42 ang mga salitang “sa bahay-bahay” ay isinalin buhat sa kat’ oiʹkon. Dito ang ka·taʹ ay ginagamit na isang diwa na kaugnay ng “pamamahagi.” Samakatuwid, ang pangangaral ng mga alagad ay ipinamahagi sa bahay-bahay. Bilang komento sa Gawa 20:20, si Randolph O. Yeager ay sumulat na si Pablo’y nagturo “kapuwa sa pangmadlang mga asamblea [de·mo·siʹa] at sa bahay-bahay (pamamahagi [ka·taʹ] lakip ang accusative). Si Pablo ay gumugol ng tatlong taon sa Efeso. Kaniyang dinalaw ang bawat bahay, o kung di man ay nangaral siya sa lahat ng mga tao (Gawa 20 talatang 26). Narito ang maka-Kasulatang katibayan para sa bahay-bahay na ebanghelismo at gayundin sa pamamaraan na ginagamit sa mga miting publiko.”
5. Sa Gawa 20:20, bakit ang tinutukoy ni Pablo ay hindi lamang ang sosyal na mga pagdalaw sa matatanda o ang mga pagdalaw bilang pastol?
5 Ang isang nahahawig na paggamit sa ka·taʹ ay lumilitaw sa Lucas 8:1, na tumutukoy sa pangangaral ni Jesus “sa mga lunsod at sa mga nayon.” Ginamit ni Pablo ang pangmaramihang anyo ng kat’ oiʹkous sa Gawa 20:20. Dito ang ilan sa mga salin ng Bibliya ay kababasahan ng “sa inyong mga tahanan.” Subalit ang tinutukoy ng apostol ay hindi lamang ang sosyal na mga pagdalaw sa matatanda o ang mga pagdalaw bilang pastol sa mga tahanan ng mga kapananampalataya. Ang kaniyang sumunod na mga salita ay nagpapakita na ang tinutukoy niya ay ang ministeryo sa bahay-bahay sa mga di-kapananampalataya, sapagkat sinabi niya: “Kundi ako’y lubusan na nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at sa pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.” (Gawa 20:21) Ang mga kapananampalataya ay nangagsisi na at nanampalataya kay Jesus. Samakatuwid, kapuwa ang Gawa 5:42 at Gawa 20:20 ay may kinalaman sa pangangaral sa mga di-kapananampalataya “sa bahay-bahay,” o sa mga tahanan.
Walang Maihahalili Rito
6. Ano ba ang sinabi tungkol sa anyo ng gawaing pangangaral ni Pablo sa Efeso?
6 Bilang komento sa mga salita ni Pablo sa Gawa 20:20, noong 1844 si Abiel Abbot Livermore ay sumulat: “Siya’y hindi nakuntento lamang sa pagpapahayag ng mga diskurso sa pangmadlang asamblea, at kinaligtaan na niya ang ibang mga pamamaraan, kundi masigasig na itinaguyod niya ang kaniyang dakilang gawain sa pribado, sa bahay-bahay, at ang katotohanan ng langit ay literal na dinala at iniuwi sa mga tahanan sa mga apuyan at mga puso ng mga taga-Efeso.” Kamakailan, napansin: “Ang bahay-bahay na pagpapalaganap ng ebanghelyo ay makikita sa unang-siglong mga Kristiyano mula pa noong una (ihambing ang Gawa 2:46; 5:42). . . . Lubusang ginanap [ni Pablo] ang kaniyang pananagutan kapuwa sa mga Judio at sa mga Gentil sa Efeso, at sila’y walang maidadahilan kung sila’y mapahamak sa kanilang mga kasalanan.”—The Wesleyan Bible Commentary, Tomo 4, pahina 642-3.
7. Bakit masasabi na sinasang-ayunan ng Diyos ang ministeryo ng mga Saksi ni Jehova sa pagbabahay-bahay?
7 Bagaman ang pagsasalita sa madla ay may kaniyang dako sa paghahayag ng mabuting balita, ito ay hindi maaaring halinhan ng personal na pakikipag-usap sa pintuan. Sa bagay na ito, sinabi ng iskolar na si Joseph Addison Alexander: “Ang simbahan ay hindi pa nakaiimbento ng anuman na kahalili o karibal ng epekto ng pangangaral sa simbahan at sa bahay-bahay.” Gaya ng pagkasabi ng iskolar na si O. A. Hills: “Ang pagtuturo sa madla at sa bahay-bahay ay kailangang magkasama.” Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtuturo sa pamamagitan ng mga diskurso sa kanilang lingguhang mga Miting Pangmadla. Sila’y may malinaw ring ebidensiya na ang apostolikong paraan ng pagpapalaganap ng katotohanan sa Bibliya sa bahay-bahay ay epektibo. At tiyak na ito’y sinasang-ayunan ni Jehova, sapagkat bilang resulta ng gayong ministeryo, kaniyang pinangyayaring libu-libo ang dumagsa sa bawat taon sa kaniyang itinaas na pagsamba. —Isaias 2:1-4; 60:8, 22.
8. (a) Ano ang sinabi tungkol sa dahilan kung bakit epektibo ang pangangaral sa bahay-bahay? (b) Papaano maihahambing kay Pablo ang mga Saksi ni Jehova sa bahay-bahay na pangangaral at sa iba pang pagpapatotoo?
8 Isa pang autoridad ang nagsabi: “Mas nadadalian ang mga tao na tandaan ang itinuturo sa kanilang pintuan kaysa sa simbahan.” Bueno, si Pablo ay palagiang nasa mga pintuan, nagpapakita ng isang mainam na halimbawa bilang isang ministro. “Siya’y hindi nakuntento sa pagtuturo at pagdidiskurso sa sinagoga at sa pamilihan,” ang isinulat ng isang iskolar ng Bibliya na si Edwin W. Rice. “Siya’y palaging masigasig sa ‘pagtuturo’ ‘sa bahay-bahay.’ Iyon ay isang bahay-bahay, kamay-sa-kamay, mukha-sa-mukha na pakikipagtunggali sa masama, at pagtatagumpay upang madala ang mga tao kay Kristo, na kaniyang isinagawa sa Efeso.” Batid ng mga Saksi ni Jehova na ang tao-sa-tao na talakayan sa bahay-bahay ay epektibo. Gayundin sila ay gumagawa ng pagdalaw-muli at natutuwa na makipag-usap kahit na sa mga mananalansang kung ang mga taong ito ay papayag na magkaroon ng makatuwirang mga talakayan. Katulad na katulad nga ni Pablo! Tungkol sa kaniya, si F. N. Peloubet ay sumulat: “Ang gawain ni Pablo ay hindi lahat sa mga pulong. Walang alinlangan na siya’y dumalaw nang personal sa maraming tao sa kanilang mga tahanan saanman na kaniyang nabalitaan na may isang nag-uusisa, o totoong interesado o kahit salungat upang pumayag na makipag-usap tungkol sa relihiyon.”
Mga Matatanda ang Mangunguna
9. Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo para sa kapuwa matatanda?
9 Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo para sa kapuwa matatanda? Kaniyang ipinakita na sila’y dapat na may lakas ng loob at walang-sawang mga tagapaghayag ng mabuting balita sa bahay-bahay. Noong 1879, si J. Glentworth Butler ay sumulat: “[Ang matatanda sa Efeso] ay nakababatid na sa pangangaral [ni Pablo] siya’y lubos na hindi naaapektuhan ng pag-iisip ng personal na panganib o katanyagan; na wala siyang ipinagkait na anumang kinakailangang katotohanan; na, taglay ang pagtatangi sa isang panig, hindi ang tinalakay niya’y ang kakatuwa o naiibang mga pitak ng katotohanan, kundi ang kaniyang inirekomenda ay yaon lamang at lahat ng mapapakinabangan ‘na gamitin upang magpatibay,’ o magpalakas: ang buong payo ng Diyos na dalisay at ganap! At ang ganitong tapat na ‘pagpapakita,’ itong masugid na ‘pagtuturo’ ng katotohanang Kristiyano ang kaniyang ginagawa sa tuwina, hindi lamang sa paaralan ni Tiranno at sa iba pang pinagtitipunang mga dako ng mga alagad, kundi sa bawat sambahayan na maaaring makausap. Sa bawat bahay, at sa bawat kaluluwa, sa araw-araw ay kaniyang dinala ang masayang balita taglay ang tulad-Kristong hangarin at pagnanasa. Sa lahat ng uri at mga lahi, sa napopoot na mga Judio at sa nanlilibak na mga Griego, ang kaniyang nag-iisang tema—na, lubusang pinalawak, na sumasaklaw sa lahat ng iba pang mahahalagang katotohanan na nagliligtas—ay pagsisisi sa harap ng Diyos, at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo.”
10, 11. (a) Tungkol sa ministeryong Kristiyano, ano ang inasahan ni Pablo sa matatanda sa Efeso? (b) Katulad ni Pablo, sa anong uri ng pangangaral nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova, kasali na ang mga matatanda?
10 Kung gayon, sa pinakadiwa, ano ba ang inasahan ni Pablo sa matatanda sa Efeso? Binigyang-linaw ng iskolar na si E. S. Young ang mga salita ng apostol sa ganitong paraan: “Ako’y hindi lamang nagsalita sa madla, kundi ako’y gumawa sa bahay-bahay, sa lahat ng uri, kapuwa sa mga Judio at mga Gentil. Ang tema ng aking ministeryo sa lahat ng uri ay ‘pagsisisi sa harap ng Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo.’ ” Kung ang mga salita ni Pablo ay ipangangahulugan sa iba pang paraan, si W. B. Riley ay sumulat: “Ang malinaw na kahulugan ay: ‘Inaasahan kong ipagpapatuloy ninyo ang aking sinimulan, upang gawin at upang ituro at aking inaasahan na paglalabanan ninyo ang gaya ng pinaglabanan ko; upang magturo kapuwa sa pribado at sa madla gaya ng ginawa ko sa mga lansangan at sa bahay-bahay, upang magpatotoo kapuwa sa mga Judio at sa mga Griego tungkol sa pagsisisi sa harap ng Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Kristo sapagkat ang mga ito ang mga pangunahin!’ ”
11 Maliwanag, sa Gawa kabanata 20, ipinakikita ni Pablo sa mga kapuwa matatanda na sila’y inaasahang magiging bahay-bahay na mga Saksi ni Jehova. Tungkol dito, ang matatanda noong unang siglo ang siyang mangunguna, magpapakita ng wastong halimbawa para sa ibang mga miyembro ng kongregasyon. (Ihambing ang Hebreo 13:17.) Kung gayon, katulad ni Pablo, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral sa bahay-bahay, ibinabalita sa mga tao ng lahat ng bansa ang tungkol sa Kaharian ng Diyos, pagsisisi sa harap Niya, at pananampalataya kay Jesu-Kristo. (Marcos 13:10; Lucas 24:45-48) At sa gayong gawaing pagbabahay-bahay, ang hinirang na matatanda sa modernong-panahong mga Saksi ang inaasahan na mangunguna.—Gawa 20:28.
12. Ano ang tinanggihang gawin ng ilang dating matatanda, subalit sa anong gawain nangunguna ang mga matatanda sa ngayon?
12 Noong 1879, sinimulan ni Charles Taze Russell ang paglalathala ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence, ngayo’y tinatawag na Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Si Russell at ang iba pang mga Estudyante ng Bibliya ay naghayag ng balita ng Kaharian sa apostolikong paraan. Gayunman, nang lumipas na mga taon, ang ibang matatanda sa kongregasyon ay hindi tumupad ng kanilang mga pananagutan sa pagpapatotoo. Halimbawa, isang Saksi ang sumulat: “Lahat ay ayos naman hanggang sa dumating ang patalastas na lahat ay makikibahagi sa bahay-bahay na pagpapatotoo sa pamamagitan ng literatura at lalo na sa gawaing pagbabahay-bahay kung Linggo—ito’y noong 1927. Ang aming halal na matatanda ay sumalungat at kanilang sinubukang sirain ang loob ng buong klase sa paglahok o pakikibahagi sa anumang bahagi ng gayong gawain.” Nang sumapit ang panahon, ang mga lalaking ayaw na lumahok sa pangangaral sa bahay-bahay ay binawian ng pribilehiyo na maglingkod bilang matatanda. Sa ngayon, din naman, ang naglilingkod bilang matatanda at ministeryal na mga lingkod ay inaasahan na mangunguna sa pagpapatotoo sa bahay-bahay at sa iba pang anyo ng ministeryong Kristiyano.
Bawat Isa ay Saksi
13. (a) Ano ang dapat nating gawin kahit na kung ang mga tao ay hindi nakikinig sa balita ng Kaharian? (b) Papaano inihambing si Pablo kay Ezekiel?
13 Sa tulong ni Jehova, ang mga Kristiyano ay dapat maghayag ng balita ng Kaharian sa bahay-bahay, kahit na kung iyon ay hindi tinatanggap nang may pagpapahalaga. Bilang bantay ng Diyos, si Ezekiel ay inutusan na magbigay ng babala sa mga tao bilang bantay ng Diyos sa makinig man sila o hindi. (Ezekiel 2:5-7; 3:11, 27; 33:1-6) Sa paghahambing kay Ezekiel at kay Pablo, si E. M. Blaiklock ay sumulat: “Buhat [sa pahayag ni Pablo sa Gawa kabanata 20] ay lumilitaw ang isang malinaw na larawan ng ministeryo sa Efeso. Pansinin ang sumusunod: Una, ang katapatan ni Pablo na nag-uudyok sa madaliang pagkilos. Siya’y hindi naghahangad ng katanyagan o pagsang-ayon ng madla. Pagkatapos na ilagay na gaya ng isang bantay na tulad ni Ezekiel, ang kaniyang tungkulin ay ginanap niya na may tunay na sigasig at kataimtiman upang patunayan ang kaniyang sinasabi. Ikalawa, ang kaniyang maibiging simpatiya. Hindi siya ang taong magsasalita tungkol sa kapahamakan nang hindi kasama ang damdamin. Ikatlo, ang kaniyang walang-pagod na pag-eebanghelyo. Sa madla at sa bahay, sa lunsod at sa buong lalawigan, kaniyang ipinangaral ang ebanghelyo.”
14. Bakit ang pagpapatotoo ay pananagutan ng bawat isa na nag-alay sa Diyos na Jehova sa panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo?
14 Ang saganang pagpapala ng Diyos sa kaniyang kasalukuyang mga lingkod ay hindi nag-iiwan ng anumang alinlangan na siya’y nalulugod na makitang taglay nila ang pangalang mga Saksi ni Jehova. (Isaias 43:10-12) Isa pa, sila ay mga saksi rin ni Kristo, sapagkat sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Kayo’y tatanggap ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko kapuwa sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Kaya’t ang pagpapatotoo ay pananagutan ng bawat isa na gumagawa ng pag-aalay sa Diyos na Jehova sa panalangin sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
15. Ano ang sinabi tungkol sa gawaing pagpapatotoo ng sinaunang mga Kristiyano?
15 Sinabi tungkol sa pagpapatotoo: “Dito’y kasangkot ang buong iglesiya. Ang misyonerong gawain ng sinaunang iglesiya ay hindi pananagutan ng Women’s Missionary Society o ng Foreign Mission Board. Ni ang gawain man na pagpapatotoo ay ipinaubaya sa mga propesyonal na katulad ng mga matatanda, diakono, o maging mga apostol. . . . Noong sinaunang mga araw na iyon ang iglesiya ay misyon. Ang misyonerong programa ng sinaunang iglesiya ay nakasalig sa dalawang palagay: (1) Ang pangunahing gawain ng iglesiya ay pandaigdig na pag-eebanghelyo. (2) Ang pananagutan ng pagganap ng gawaing ito ay nakasalalay sa buong komunidad Kristiyano.”—J. Herbert Kane.
16. Tungkol sa mga Kristiyano at sa pagpapatotoo, ano ang kinilala kahit ng mga manunulat sa Sangkakristiyanuhan?
16 Bagaman ang modernong-panahong mga manunulat ng Sangkakristiyanuhan ay hindi sang-ayon sa balita ng Kaharian, may mga iba na kumikilala na may obligasyon ang mga Kristiyano na magpatotoo. Halimbawa, sa aklat na Everyone a Minister, ganito ang puna ni Oscar E. Feucht: “Walang pastor ang makagaganap ng ministeryo na ibinigay ng Diyos sa bawat mananampalataya. Nakalulungkot naman na sa daan-daang taon ng maling kaisipan sa iglesiya ang gawain ng 500 tagaparokya ay gawain ng iisang pastor. Hindi ganiyan sa sinaunang iglesiya. Ang mga naniniwala ay naparoon sa lahat ng dako sa pangangaral ng Salita.”
17. Ano ang masasabi tungkol sa dako ng pagpapatotoo sa buhay ng sinaunang mga Kristiyano?
17 Ang pagpapatotoo ay napakahalaga sa buhay ng sinaunang mga Kristiyano, gaya rin ng kung papaanong ito’y gayon sa bayan ni Jehova sa ngayon. “Sa malawakang pagsasalita,” ang isinulat ni Edward Caldwell Moore ng Harvard University, “sa unang tatlong siglo ng kilusang Kristiyano ay makikita ang malaking kasiglahan para sa pagpapalaganap ng pananampalataya. Ang kinahuhumalingan ng Kristiyano ay ebanghelismo, ang paghahayag ng balita ng katubusan. . . . Gayunman, ang paglaganap ng impluwensiya at mga turo ni Jesus ay, sa pinakamaagang panahon, utang ang maliit na bahagi sa mga taong ating tatawaging mga misyonero. Iyon ang tagumpay ng mga lalaki ng bawat hanapbuhay at opisyo at bawat kalakaran sa lipunan. [Kanilang] dinala sa pinakamalalayong hangganan ng imperyong [Romano] ang mga lihim ng panloob na buhay, yaong bagong saloobin tungkol sa sanlibutan, na sa kanilang karanasan ay siyang kaligtasan. . . . [Ang sinaunang Kristiyanismo] ay mahigpit na kumbinsido tungkol sa napipintong wakas ng kasalukuyang pansanlibutang-kalakaran. Ito’y naniniwala sa bigla at kahima-himalang pagtatayo ng isang bagong sanlibutang-kalakaran.”
18. Ano ang dakilang pag-asa na lubhang nakahihigit sa mga pangarap ng makapulitikang mga lider?
18 Sa bahay-bahay na pagpapatotoo at sa iba pang mga pitak ng kanilang ministeryo, ang kanilang mga tagapakinig ay may kagalakang inaakay ng mga Saksi ni Jehova upang mapabaling sa bagong sanlibutan na ipinangako ng Diyos. Ito’y humula ng mga pagpapala sa buhay na walang-hanggan na lubhang nakahihigit sa pinakamimithing pangarap ng kasalukuyang mga tagapagtayo ng isang bagong sanlibutang kaayusan sa hinaharap. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Bagaman waring bawat isa’y nagnanais mabuhay sa kahanga-hangang bagong sanlibutan ng Diyos, hindi nga gayon ang totoo. Gayunman, isaalang-alang natin pagkatapos ang ilang epektibong paraan na magagamit ng mga lingkod ni Jehova sa pagtuturo sa mga taong naghahanap ng buhay na walang-hanggan.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit natin masasabi na ang Gawa 5:42 at Gawa 20:20 ay nangangahulugan na dapat mangaral sa bahay-bahay ang mga tagasunod ni Jesus?
◻ Papaano natin malalaman na sumasang-ayon ang Diyos sa ministeryo ng pagbabahay-bahay ng mga Saksi ni Jehova?
◻ Tungkol sa ministeryo, ano ang hinihiling sa matatanda at ministeryal na mga lingkod?
◻ Ang pagpapatotoo ay dapat magkaroon ng anong dako sa buhay ng mga Kristiyano?
[Larawan sa pahina 10]
Noong 33 C.E., ang mga alagad ni Jesus ay nagpatotoo sa bahay-bahay nang walang lubay
[Larawan sa pahina 13]
Si Pablo ay nagturo “sa bahay-bahay.” Ang ganitong uri ng ministeryo ay isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon
-
-
Hanapin ang mga Wastong Nakahilig sa Buhay na Walang-hangganAng Bantayan—1991 | Enero 15
-
-
Hanapin ang mga Wastong Nakahilig sa Buhay na Walang-hanggan
“Ang lahat ng mga wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay naging mga mananampalataya.”—GAWA 13:48.
1. Tungkol sa puso ng tao, ano ang kayang gawin dito ni Jehova?
NABABASA ng Diyos na Jehova ang puso. Ito’y nilinaw nang ang propetang si Samuel ay humayo upang buhusan ng langis ang isang anak ni Jesse bilang hari ng Israel. Pagkakitang-pagkakita kay Eliab, si Samuel ay “agad nagsabi: ‘Tunay na ang kaniyang pinahiran ay nasa harap ni Jehova.’ Ngunit sinabi ni Jehova kay Samuel: ‘Huwag mong tingnan ang kaniyang mukha at ang kaniyang taas, sapagkat aking itinakuwil siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Diyos na gaya ng pagtingin ng tao, sapagkat ang tao ay tumitingin sa mukha; ngunit kung para kay Jehova, siya’y tumitingin sa puso.’ ” Kaya naman, iniutos kay Samuel na buhusan ng langis si David, na napatunayang ‘kalugud-lugod sa puso ng Diyos.’—1 Samuel 13:13, 14; 16:4-13.
2. Ano ang nag-uugat sa makasagisag na puso ng isang tao, at sa gayon ano ang ating mababasa sa Kasulatan tungkol dito?
2 Ang isang tao ay makikitaan ng isang ugaling dominante. Siya’y may partikular na ugali na nag-uugat sa kaniyang makasagisag na puso. (Mateo 12:34, 35; 15:18-20) Sa gayon, mayroon tayong mababasa na ang isang tao ay “may puso na mahilig sa away.” (Awit 55:21) Sa atin ay sinasabi na “sinumang magagalitin ay maraming pagsalansang.” At ating mababasa: “May magkakasama na handang magpahamak sa isa’t isa, ngunit may kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” (Kawikaan 18:24; 29:22) Nakatutuwa naman, marami ang katulad ng mga ibang Gentil sa sinaunang Antioquia sa Pisidia. Pagkarinig nila tungkol sa paglalaan ni Jehova ukol sa kaligtasan, “sila’y nangagalak at niluwalhati nila ang salita ni Jehova, at ang lahat ng mga wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay naging mga mananampalataya.”—Gawa 13:44-48.
Ang mga Mananampalataya ay “Dalisay ang Puso”
3, 4. (a) Sino ang mga dalisay ang puso? (b) Papaanong nakikita ang Diyos ng mga taong dalisay ang puso?
3 Yaong mga mananampalataya na nasa Antioquia ay naging bautismadong mga Kristiyano, at ang mga tapat sa kanila ay makapagkakapit sa kanilang sarili ng mga salita ni Jesus: “Maligaya ang mga dalisay ang puso, sapagkat kanilang makikita ang Diyos.” (Mateo 5:8) Subalit sino ba “ang mga dalisay ang puso”? At papaano nila ‘nakikita ang Diyos’?
4 Ang mga dalisay ang puso ay malinis ang kalooban. Nasa kanila ang kadalisayan ng pagpapahalaga, pagmamahal, pagnanasa, at mga motibo. (1 Timoteo 1:5) Kanilang nakikita ang Diyos ngayon sapagkat kanilang nauobserbahan siya na kumikilos sa kapakanan ng mga tapat. (Ihambing ang Exodo 33:20; Job 19:26; 42:5.) Ang salitang Griego na isinalin dito na “makikita” ay nangangahulugan din ng “makakita sa pamamagitan ng isip, ng pandamdam, ng pagkakilala.” Yamang si Jesus ay lubusang larawan ng personalidad ng Diyos, ang matalinong unawa tungkol sa personalidad na iyan ay tinatamasa ng “mga dalisay ang puso,” na sumasampalataya kay Kristo at sa kaniyang nagtatakip-kasalanang hain, nagtatamo ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, at naghahandog sa Diyos ng kalugud-lugod na pagsamba. (Juan 14:7-9; Efeso 1:7) Para sa mga pinahiran, ang tugatog ng kanilang pagkakita sa Diyos ay nagaganap pagka sila’y binuhay-muli sa langit, na kung saan aktuwal na makikita nila ang Diyos at si Kristo. (2 Corinto 1:21, 22; 1 Juan 3:2) Ngunit ang pagkakita sa Diyos sa pamamagitan ng tumpak na kaalaman at ng tunay na pagsamba ay posible para sa lahat ng mga dalisay ang puso. (Awit 24:3, 4; 1 Juan 3:6; 3 Juan 11) Sila ay wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan sa langit o sa isang lupang paraiso.—Lucas 23:43; 1 Corinto 15:50-57; 1 Pedro 1:3-5.
5. Papaano lamang magiging mananampalataya at tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo ang isang tao?
5 Yaong hindi wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ay hindi magiging mga mananampalataya. Imposible na sila’y sumampalataya. (2 Tesalonica 3:2) Isa pa, walang sinuman na maaaring maging isang tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo maliban sa siya’y natuturuan at si Jehova, na nakakakita sa kung ano ang nasa puso, ang maglapit sa taong iyon. (Juan 6:41-47) Mangyari pa, sa pangangaral sa bahay-bahay, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi naman patiunang humahatol sa kaninuman. Sila’y hindi makabasa ng puso kundi kanilang ipinauubaya sa maibiging mga kamay ng Diyos ang resulta.
6. (a) Ano ang sinabi tungkol sa personal na pakikipag-usap sa ministeryo sa bahay-bahay? (b) Anong mga paglalaan ang ginawa upang matulungan ang mga Saksi ni Jehova na hanapin ang mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan?
6 Isang iskolar ang angkop na nagsabi: “[Si Pablo] ay nagturo ng katotohanan sa madla at sa bahay-bahay. Hindi lamang buhat sa plataporma, kundi sa personal na pakikipag-usap sa mga tao ay ipinangaral niya si Kristo. Kalimitan, ang personal na pakikipag-usap ay higit na epektibo kaysa anumang ibang uri o paraan upang marating ang mga kaluluwa.” (August Van Ryn) Ang mga publikasyon na gaya ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, at Ang Ating Ministeryo ng Kaharian ay tumutulong sa mga Saksi ni Jehova upang magbigay ng mga pahayag at samantalahing lubusan ang personal na pakikipag-usap sa kanilang paglilingkod sa larangan. Tumutulong din ang mga pagtatanghal sa Pulong Ukol sa Paglilingkod at ang payo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro. Yaong mga dumadalo sa paaralan ay tumatanggap ng mahalagang pagsasanay sa mga katangiang kailangan sa pagsasalita tulad baga ng maiinam na pambungad, tumpak na paggamit sa Kasulatan, may lohikong pagbuo ng paksa, nakakukumbinsing argumento, paggamit ng mga ilustrasyon, at epektibong mga konklusyon. Tingnan natin kung papaano pinalalawak ng Bibliya ang pagtuturong ito na gumagawa upang ang bayan ng Diyos ay maging lalong mabisa sa kanilang paghahanap sa mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan.
Mga Pambungad na Pumupukaw Upang Mag-isip
7. Ang pasimulang mga salita ni Jesus sa Sermon sa Bundok ay nagtuturo ng ano tungkol sa mga pambungad?
7 Buhat sa halimbawa ni Jesus, yaong mga naghahanda para sa pagpapatotoo sa bahay-bahay ay maaaring matuto tungkol sa mga pambungad na pumupukaw ng interes. Sa pasimula ng kaniyang Sermon sa Bundok, ginamit niya ang salitang “maligaya” nang siyam na ulit. Halimbawa, sinabi niya: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay sa kanila. . . . Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:3-12) Ang mga pangungusap ay tuwiran at malinaw. At tiyak na ang pambungad na iyan ay pumukaw ng interes at ang kaniyang tagapakinig ay napasangkot, sapagkat sino nga naman ang hindi gustong lumigaya?
8. Sa ministeryo sa pagbabahay-bahay, papaano dapat ipasok ang isang paksang mapag-uusapan?
8 Ano mang paksang mapag-uusapan na ginagamit sa ministeryo sa pagbabahay-bahay ay dapat ipasok sa isang positibo, kalugud-lugod na paraan. Subalit walang sinuman na dapat gumamit ng isang nakabibiglang pambungad, tulad baga ng, “Ako po’y may balita para sa inyo buhat sa malayong kalawakan.” Ang mabuting balita ay nagmula sa langit, ngunit ang gayong pambungad ay maaaring magpadama sa isang maybahay kung ang Saksi’y dapat paniwalaan sa kaniyang sinasabi o dili kaya’y agad-agad na paalisin.
Tamang Paggamit sa Salita ng Diyos
9. (a) Papaano dapat ipasok, basahin, at ikapit sa ministeryo ang mga kasulatan? (b) Anong halimbawa ang binabanggit upang ipakita kung papaanong gumamit si Jesus ng mga tanong?
9 Sa ministeryo sa larangan, tulad din sa plataporma, ang mga kasulatan ay dapat ipasok sa wastong paraan, basahin iyon na may tamang pagdiriin, at ikapit sa isang malinaw, tumpak na paraan. Ang mga tanong na tumutulong sa maybahay upang mag-isip tungkol sa mga punto sa Kasulatan ay makatutulong din. Muli, ang mga paraan ni Jesus ay nakapagtuturo. Minsan, isang tao na may kaalaman sa Kautusang Mosaiko ang nagtanong sa kaniya: “Guro, sa paggawa po ba ng ano magmamana ako ng buhay na walang-hanggan?” Bilang tugon si Jesus ay nagtanong: “Ano baga ang nasusulat sa Kautusan? Papaano mo binabasa?” Walang alinlangan, batid ni Jesus na ito ay isang tanong na masasagot ng tao. Siya’y tumugon nang tama, na ang sabi: “ ‘Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo at nang buong isip mo,’ at, ‘ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’ ” Ito’y umakay upang siya’y papurihan ni Jesus, at nagpatuloy ang talakayan.—Lucas 10:25-37.
10. Ano ang dapat isaisip kung tungkol sa paksang pinag-uusapan, at ano ang dapat iwasan pagka nagtatanong sa mga maybahay ng mga katanungan?
10 Ang mga nagpapatotoo sa bahay-bahay ay dapat magdiin sa tema ng paksang pinag-uusapan at kanilang dapat liwanagin ang dahilan ng pagbabasa sa mga teksto sa Bibliya na bumubuo sa paksa. Yamang ang Saksi ay nagsisikap na maabot ang puso ng maybahay, siya’y nararapat na umiwas sa pagtatanong ng mga bagay na maglalagay sa kahihiyan sa maybahay. Sa paggamit sa Salita ng Diyos, ‘sana ang ating pananalita ay laging may biyaya, may timplang asin.’—Colosas 4:6.
11. Sa paggamit ng Kasulatan upang ituwid ang maling paniniwala, anong halimbawa mayroon tayo buhat sa pagtukso ni Satanas kay Jesus?
11 Lalo na sa mga pagdalaw muli marahil ay kakailanganin na ituwid ang mga maling paniwala sa pamamagitan ng pagpapakita ng kung ano ang aktuwal na sinasabi o ibig ipakahulugan ng Kasulatan. Si Jesus ay gumawa ng isang nahahawig na bagay sa tahasang pagtanggi kay Satanas, na nagsabi: “Kung ikaw ay Anak ng Diyos, magpatihulog ka [mula sa taluktok ng templo, tulad ng isang nagpapatiwakal]; sapagkat nasusulat, ‘Siya’y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, at kanilang aalalayan ka ng kanilang mga kamay, upang kailanma’y huwag matisod sa isang bato ang iyong paa.’ ” Ang Awit 91:11, 12, na sinipi ni Satanas, ay hindi nagbibigay-matuwid sa pagsasapanganib ng buhay, na isang regalo buhat sa Diyos. Sa pagkatanto na maling subukin si Jehova sa pamamagitan ng pagbabakasakali sa kaniyang buhay, sinabi ni Jesus kay Satanas: “Nasusulat din, ‘Huwag mong ilalagay sa pagsubok si Jehova mong Diyos.’ ” (Mateo 4:5-7) Mangyari pa, si Satanas ay hindi isang humahanap ng katotohanan. Subalit pagka ang rasonableng mga tao’y nagpahayag ng mga maling paniwala na hahadlang sa kanilang espirituwal na pagsulong, ang ministro ng Salita ng Diyos ay dapat mataktikang magpaliwanag kung ano talaga ang sinasabi at pakahulugan ng Kasulatan. Ito ay pawang bahagi ng ‘tamang paggamit sa salita ng katotohanan’—isa sa mahalagang aral na itinuturo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro.—2 Timoteo 2:15.
Ang Panghihikayat ay May Kaniyang Dako
12, 13. Bakit tama naman na gumamit ng panghihikayat sa ministeryo?
12 Ang panghihikayat ay may wastong dako sa ministeryong Kristiyano. Halimbawa, sa kaniyang kamanggagawang si Timoteo ay ipinayo ni Pablo na magpatuloy sa mga bagay na kaniyang natutuhan at “nahikayat na paniwalaan.” (2 Timoteo 3:14) Sa Corinto, si Pablo ay “nagbibigay ng pahayag sa sinagoga tuwing sabbath at nanghihikayat ng mga Judio at mga Griego.” (Gawa 18:1-4) Sa Efeso, siya’y matagumpay na ‘nagbigay ng mga pahayag at gumamit ng panghihikayat tungkol sa kaharian ng Diyos.’ (Gawa 19:8) At nang siya’y arestuhin at ikulong sa bahay sa Roma, tinawag ng apostol ang mga tao at binigyan sila ng patotoo na, “gumagamit ng panghihikayat,” at ang iba’y naging mga mananampalataya.—Gawa 28:23, 24.
13 Mangyari pa, gaano man ang gawing pagsisikap ng Saksi na makahikayat, yaon lamang mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan ang magiging mga mananampalataya. Ang nakakukumbinsing mga argumento at malinaw na mga paliwanag, na mataktikang iniharap, ang maaaring humikayat sa kanila na maniwala. Subalit ano pa ang makatutulong upang mahikayat sila?
Gumamit ng Lohika at Mangumbinsi
14. (a) Ano ang ibig sabihin ng may lohika, ugnay-ugnay na pahayag? (b) Ano ang kailangan upang makakumbinsi ang argumento?
14 Isa sa mga katangian sa pagsasalita na idiniin sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay ang may lohika, ugnay-ugnay na pahayag. Kasali rito ang paglalagay sa mga pangunahing ideya at kaugnay na materyal sa kaayusan na rasonable. Kailangan din ang nakakukumbinsing argumento, na nangangailangang maglatag ng mabuting pundasyon at magbigay ng matatag na pruweba. Kaugnay nito ay ang pagtulong sa mga tagapakinig na mangatuwiran sa pamamagitan ng pananatiling kaisa nila sa isang bagay na hindi matututulan, pagbuo nang husto sa mga punto, at epektibong pagkakapit sa mga iyon. Muli, ang Kasulatan ay nagbibigay ng mga alituntuning pinakagiya.
15. (a) Papaano nakaakit ng pansin si Pablo at nagtatag ng isang bagay na pagkakaisahan nila ng kaniyang mga tagapakinig nang siya’y magpahayag sa Buról ng Mars? (b) Sa pagpapahayag ni Pablo, anong ebidensiya mayroon tayo ng may lohika, ugnay-ugnay na pahayag?
15 Ang mga katangiang ito sa pagpapahayag ay mahahalata sa kilaláng pahayag ni apostol Pablo sa Buról ng Mars sa sinaunang Atenas. (Gawa 17:22-31) Ang kaniyang pambungad ay nakatawag ng pansin at nagtatag ng isang bagay na hindi matututulan, sapagkat kaniyang sinabi: “Kayong mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay ay waring higit sa mga iba’y kayo ang lalong malaki ang takot sa mga diyus-diyusan.” Sa kanila, walang alinlangan na ito’y waring isang pagpuri pa nga. Pagkatapos na banggitin ang isang dambana na nakatalaga “Sa Isang Di-kilalang Diyos,” si Pablo’y nagpatuloy sa kaniyang may lohika, ugnay-ugnay na pagpapahayag at nakakukumbinsing argumento. Kaniyang binanggit na ang Diyos na ito na hindi nila nakikilala ang “gumawa ng sanlibutan at lahat ng mga bagay na naririto.” Di-tulad ni Atena o ng iba pang mga diyos na Griego, ‘siya’y hindi tumatahan sa gawang-kamay na mga templo, ni kinakailangan mang siya’y paglingkuran ng mga kamay ng tao.’ Pagkatapos ay binanggit ng apostol na ang Diyos na ito ang nagbigay sa atin ng buhay at hindi niya pinangyayari na tayo’y mag-apuhap sa kaniya na para bang tayo’y bulag. Pagkatapos ay nangatuwiran si Pablo na ang ating Maylikha, yamang nilimot na niya ang mga panahon ng kawalang-alam, ‘ay sinasabihan niya ang sangkatauhan sa lahat ng dako na magsisi.’ Ito ay makatuwirang lohika na umakay hanggang sa punto na ‘hahatulan ng Diyos ang mga nananahan sa lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang hinirang na lalaking kaniyang binuhay-muli buhat sa mga patay.’ Yamang si Pablo’y “naghahayag ng mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli,” ang mga taga-Atenas na iyon ay nakababatid na ang Hukom na ito ay si Jesu-Kristo.—Gawa 17:18.
16. Papaanong ang ministeryo ng isa ay maaapektuhan ng pahayag ni Pablo sa Buról ng Mars at ng pagsasanay sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro?
16 Totoo, si Pablo ay hindi nagpatotoo sa bahay-bahay sa Buról ng Mars. Subalit buhat sa kaniyang pahayag at sa pagsasanay na ibinibigay sa kanila sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, malaki ang matututuhan ng mga Saksi ni Jehova na makapagpapasulong sa kanilang ministeryo sa larangan. Oo, lahat na ito ay tutulong upang sila’y gawing lalong epektibong mga ministro, gaya ng kung papaanong ang may lohikang pagpapahayag at nakakukumbinsing argumento ni Pablo ay nakahikayat sa ilan sa mga taga-Atenas na iyon na maging mga mananampalataya.—Gawa 17:32-34.
Gumamit ng Nakapagtuturong mga Ilustrasyon
17. Anong klase ng mga ilustrasyon ang dapat gamitin sa ministeryo?
17 Ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay tumutulong din sa mga ministro ng Diyos na gumamit ng maiinam na ilustrasyon sa pagpapatotoo sa bahay-bahay at sa iba pang mga pitak ng kanilang ministeryo. Upang idiin ang mahahalagang punto, ang simpleng mga ilustrasyon na angkop ang dapat na gamitin. Ang mga ito ay dapat kunin ng Saksi sa palasak na mga kalagayan at magpakaingat na ang mga ito’y ikapit nang malinaw. Ang mga ilustrasyon na ibinigay ni Jesus ay nakatugon sa lahat ng mga kahilingang ito.
18. Papaanong ang Mateo 13:45, 46 ay makatutulong sa ministeryo?
18 Halimbawa, isaalang-alang ang mga salita ni Jesus: “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang naglalakbay na mangangalakal na humahanap ng magagandang perlas. At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, siya’y yumaon at agad niyang ipinagbili ang lahat ng kaniyang mga ari-arian at binili iyon.” (Mateo 13:45, 46) Ang mga perlas ay mahalagang mga hiyas na matatagpuan sa loob ng mga kabibe ng talaba at ng mga iba pa. Ngunit tanging ang ilang mga perlas ang “magaganda.” Taglay ng mangangalakal ang talas ng pagkakilala na kailangan upang maunawaan niya ang nakahihigit na kamahalan ng kaisa-isang perlas na ito at sa gayo’y handa siyang ipagbili ang lahat ng kaniyang ari-arian upang mabili naman iyon. Marahil sa panahon ng pagdalaw-muli o sa isang pantahanang pag-aaral ng Bibliya, ang ilustrasyong ito ay maaaring gamitin upang ipakita na ang isang taong talagang nagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos ay kikilos na katulad ng mangangalakal na iyon. Ang gayong tao ay uunahin sa kaniyang buhay ang Kaharian, yamang batid niya na sulit naman anuman ang gawin niyang pagsasakripisyo.
Magtapos Kasabay ng Pangganyak
19. Sa ministeryo sa pagbabahay-bahay, ano ang dapat ipakita sa maybahay ng mga bahaging pagtatapos?
19 Sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, natututuhan din ng bayan ng Diyos na ang katapusan ng isang pahayag o talakayan ay dapat magkaroon ng tuwirang kaugnayan sa tema at dapat magpakita sa mga tagapakinig kung ano ang kailangang gawin at himukin sila na gawin iyon. Sa ministeryo sa pagbabahay-bahay, sa maybahay ay kailangang tiyakang ipakita kung anong hakbangin ang inaasahang kukunin niya, tulad halimbawa ng pagtanggap ng isang lathalain sa Bibliya o pagsang-ayon na siya’y muling dalawin.
20. Anong mainam na halimbawa ng isang gumaganyak na pagtatapos ang makikita natin sa Mateo 7:24-27?
20 Ang katapusang bahagi ng Sermon sa Bundok ni Jesus ay nagbibigay ng isang mainam na halimbawa. Sa pamamagitan ng isang madaling maunawaang ilustrasyon, ipinakita ni Jesus na ang matalinong hakbangin ay pakinggan ang kaniyang mga salita. Siya’y nagtapos: “Kaya’t sinumang nakakapakinig ng mga salita kong ito at ginagawa ay maihahalintulad sa isang taong pantas, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng batong-bundok. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, subalit hindi bumagsak, sapagkat nakatayo sa ibabaw ng batong-bundok. Isa pa, bawat nakakapakinig ng aking mga salitang ito at hindi ginagawa ay maihahalintulad sa isang taong mangmang, na nagtayo ng kaniyang bahay sa ibabaw ng buhanginan. At lumagpak ang ulan at bumaha at humihip ang hangin at bumayo sa bahay na iyon at bumagsak iyon, at kakila-kilabot ang pagbagsak.” (Mateo 7:24-27) Anong inam na ipinakikita nito na ang mga ministro ng Diyos ay dapat magsikap na ganyakin ang mga maybahay!
21. Ano ang ipinakita ng ating talakayan, ngunit ano ang kailangang kilalanin?
21 Ang binanggit na mga punto ay halimbawa ng kung papaanong ang Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro ay makatutulong sa marami upang maging may kakayahang mga tagapagbalita ng Kaharian. Mangyari pa, ang pagkakaroon ng sapat na kakayahan ay nanggagaling unang-una sa Diyos. (2 Corinto 3:4-6) At gaano mang kalaki ang kakayahan ng ministro, walang sinuman na makahihikayat sa mga tao na maniwala maliban na sila’y ilapit ng Diyos sa kaniya sa pamamagitan ni Kristo. (Juan 14:6) Gayunman, tiyakang dapat samantalahin ng bayan ng Diyos ang lahat ng espirituwal na mga paglalaan na ginawa ni Jehova samantalang kanilang hinahanap ang mga taong wastong nakahilig sa buhay na walang-hanggan.
Ano ba ang Iyong mga Sagot?
◻ Sino ang mga “dalisay ang puso,” at papaano nila ‘nakikita ang Diyos’?
◻ Anong mga salik ang dapat isaalang-alang pagka ipinakikilala ang balita ng Kaharian sa gawaing pagbabahay-bahay?
◻ Papaanong ang Salita ng Diyos ay tamang magagamit sa ministeryo?
◻ Ano ang tutulong upang makagawa nang may lohika, nakakukumbinsing mga presentasyon sa paglilingkod sa larangan?
◻ Ano ang dapat tandaan tungkol sa mga ilustrasyong ginagamit sa ministeryo?
◻ Ano ang dapat maisagawa ng mga konklusyon na ginagamit sa gawaing pagpapatotoo?
[Larawan sa pahina 16]
Sinabi ni Jesus na “ang dalisay ang puso” ay “makakakita sa Diyos.” Ano ba ang ibig sabihin nito?
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga kasulatan ay dapat na wastong ipinasok, binasa nang may nararapat na pagdidiin, at ikinapit sa isang malinaw, tumpak na paraan
-