Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Aklat ng Bibliya Bilang 40—Mateo
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • nag-aangking Kristiyano, ay patuloy na nagkakaproblema. Maliit na grupo lamang ng tunay na mga Kristiyano ang nagpapahalaga, nag-aaral, at nagkakapit ng Sermon sa Bundok at ng iba pang mahusay na payo ng mabuting balita ayon kay Mateo at sa gayo’y umaani ng di-masukat na pakinabang. Kapaki-pakinabang ang paulit-ulit na pag-aaral ng napakahusay na payo ni Jesus sa paghahanap ng tunay na kaligayahan, pati na sa wagas na asal at pag-aasawa, sa kapangyarihan ng pag-ibig, karapat-dapat na panalangin, espirituwal laban sa materyal na mga pamantayan, paghanap muna sa Kaharian, paggalang sa mga bagay na banal, at pagiging-mapagbantay at pagiging-masunurin. May tagubilin ang Mateo 10 para sa mga mangangarál ng mabuting balita ng “kaharian ng langit.” Mahalagang aral ang itinuturo ng mga talinghaga ni Jesus sa mga ‘may taingang nakikinig.’ Isa pa, ang mga hula ni Jesus, gaya ng detalyadong ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto,’ ay nagpapatibay ng pag-asa at tiwala sa hinaharap.​—5:1–​7:29; 10:5-42; 13:1-58; 18:1–​20:16; 21:28–​22:40; 24:3–​25:46.

      32. (a) Ilarawan kung papaano nagpapatotoo sa pagiging-Mesiyas ni Jesus ang natupad na hula. (b) Anong matibay na pagtitiwala ang inilalaan sa atin ngayon ng mga katuparang ito?

      32 Sagana ang Ebanghelyo ni Mateo sa natupad na mga hula. Ang marami niyang pagsipi sa kinasihang Kasulatang Hebreo ay nilayon upang ipakita ang katuparan nito. Naglalaan ito ng di-matututulang ebidensiya na si Jesus ang Mesiyas, sapagkat imposible na lahat ng detalye ay patiunang isaayos. Halimbawa, ihambing ang Mateo 13:14, 15 sa Isaias 6:9, 10; Mateo 21:42 sa Awit 118:22, 23; at Mateo 26:31, 56 sa Zacarias 13:7. Ang mga katuparang ito ay tumitiyak din na magkakatotoo ang lahat ng inihula ni Jesus habang natutupad ang maluwalhating layunin ni Jehova kaugnay ng “kaharian ng langit.”

      33. Sa anong kaalaman at pag-asa maaaring magalak ang mga umiibig sa katuwiran?

      33 Eksaktong-eksakto ang pagkahula ng Diyos sa buhay ng Hari ng Kaharian, hanggang sa kaliitliitang detalye! Eksaktong-eksakto ang kinasihang pag-uulat ni Mateo sa katuparan ng mga hula! Habang binubulay ang makahulang mga katuparan at pangako, lahat ng umiibig sa katuwiran ay magagalak sa kaalaman at pag-asa sa “kaharian ng mga langit” bilang kasangkapan ni Jehova sa pagbanal ng kaniyang pangalan. Sa “pagpapanibagong-lahi, kapag naupo na ang Anak ng tao sa kaniyang maluwalhating luklukan,” ang Kaharian ni Jesu-Kristo ay magdadala ng walang-katulad na pagpapala ng buhay at kaligayahan para sa mga maaamo at nagugutom-sa-espirituwal. (Mat. 19:28) Lahat ng ito ay bahagi ng nagpapasiglang mabuting balita “ayon kay Mateo.”

  • Aklat ng Bibliya Bilang 41—Marcos
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
    • Aklat ng Bibliya Bilang 41​—Marcos

      Manunulat: Si Marcos

      Saan Isinulat: Sa Roma

      Natapos Isulat: c. 60–​65 C.E.

      Panahong Saklaw: 29–​33 C.E.

      1. Ano ang nababatid tungkol kay Marcos at sa kaniyang pamilya?

      NANG madakip si Jesus at tumakas ang mga alagad, sinundan siya ng “isang binata na ang hubad na katawan ay nasusuotan ng mamahaling kasuotang lino.” Nang darakpin din ito ng karamihan, “iniwan [nito] ang kasuotang lino at tumakas na hubo’t hubad.” Karaniwang kinikilala na ang binatang ito ay si Marcos. Sa Mga Gawa binabanggit siya bilang si “Juan na may apelyidong Marcos” at maaaring mula sa mariwasang pamilya sa Jerusalem pagkat may sarili silang bahay at mga utusan. Kristiyano rin ang kaniyang ina, si Maria, at sa kanilang bahay nagpulong ang sinaunang kongregasyon. Nang si Pedro ay palayain ng anghel sa bilangguan, nagpunta siya sa bahay na ito at nakitang nagkakatipon doon ang mga kapatid.​—Mar. 14:51, 52; Gawa 12:12, 13.

      2, 3. (a) Ano ang tiyak na pumukaw kay Marcos upang maging misyonero? (b) Anong pakikisama ang naranasan niya sa mga misyonero, lalo na kina Pedro at Pablo?

      2 Pinsan ni Marcos ang misyonerong si Bernabe, isang Levita mula sa Chipre. (Gawa 4:36; Col. 4:10) Nang magpunta sa Jerusalem sina Bernabe at Pablo na may dalang abuloy sa taggutom, nakilala ni Marcos si Pablo. Ang pagsasamahang ito at ang masisigasig na ministrong dumadalaw ay tiyak na pumukaw kay Marcos ng pagnanais na maging misyonero. Kaya siya’y naging kasama at katulong nina Pablo at Bernabe sa una nilang paglalakbay-misyonero. Sa di-matiyak na dahilan, iniwan sila ni Marcos sa Perga, Pamfilia, at nagbalik sa Jerusalem. (Gawa 11:29, 30; 12:25; 13:5, 13) Kaya ayaw nang isama ni Pablo si Marcos sa ikalawang paglalakbay, at humantong ito sa pagkakasira ni Pablo at ni Bernabe. Isinama ni Pablo si Silas, at isinama naman ni Bernabe si Marcos patungong Chipre.​—Gawa 15:36-41.

      3 Masikap si Marcos sa ministeryo at nakatulong nang malaki hindi lamang kay Bernabe kundi maging kina apostol Pedro at Pablo. Kasama ni Pablo si Marcos (c. 60-61 C.E.) nang una siyang mabilanggo sa Roma. (Filem. 1, 24) Sumama rin si Marcos kay Pedro sa Babilonya sa pagitan ng 62 at 64 C.E. (1 Ped. 5:13) Nabilanggo uli si Pablo sa Roma noong mga 65 C.E., at sa liham ay hiniling niya kay Timoteo na isama si Marcos, “pagkat siya’y mapapakinabangan ko sa ministeryo.” (2 Tim. 1:8; 4:11) Ito ang huling pagbanggit ng Bibliya kay Marcos.

      4-6. (a) Papaano nakamit ni Marcos ang detalye para sa kaniyang Ebanghelyo? (b) Ano ang nagpapahiwatig ng matalik niyang pakikisama kay Pedro? (c) Magbigay ng mga halimbawa sa Ebanghelyo hinggil sa mga katangian ni Pedro.

      4 Si Marcos ang kumatha ng pinakamaikling Ebanghelyo. Kamanggagawa siya ng mga apostol at inihandog ang kaniyang buhay sa kapakanan ng mabuting balita. Hindi siya kabilang sa 12 apostol, at hindi siya naging matalik na kasama ni Jesus. Saan niya nakuha ang mga detalye ng ministeryo ni Jesus na gumawang buháy sa kaniyang ulat mula pasimula hanggang wakas? Ayon sa pinakamaagang tradisyon nina Papias, Origen, at Tertullian, ito ay mula kay Pedro na naging matalik na kasama ni Marcos.a Hindi ba tinawag siya ni Pedro na “aking anak”? (1 Ped. 5:13) Nasaksihan ni Pedro ang lahat ng isinulat ni Marcos, kaya malamang na kay Pedro niya natutuhan ang maraming makukulay na punto na wala sa ibang Ebanghelyo. Halimbawa, binanggit ni Marcos ang “mga taong upahan” na naglingkod kay Zebedeo, ang ketongin na “tiklop-tuhod” na nagsumamo kay Jesus, ang lalaking inaalihan-ng-demonyo na “sinusugatan ng bato ang sarili,” at ang paghula ni Jesus sa ‘pagdating ng Anak ng tao na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian’ nang nakaupo sa Bundok ng Olibo “sa tapat ng templo.”​—Mar. 1:20, 40; 5:5; 13:3, 26.

      5 Si Pedro ay taong emosyonal, kaya mapahahalagahan at mailalarawan niya kay Marcos ang mga damdamin at emosyon ni Jesus. Si Marcos ang malimit mag-ulat ng nadama o naging reaksiyon ni Jesus; halimbawa, kaniyang tiningnan “sila na may galit, na lubhang nalulungkot,” siya’y “nagbuntong-hininga,” at “naghinagpis sa kaniyang espiritu.” (3:5; 7:34; 8:12) Si Marcos ang nagsasalaysay sa nadama ni Jesus sa mayamang pinunò, at sinabi na siya’y “nakadama ng pagmamahal dito.” (10:21) Napakainit ng ulat na nagsasabing si Jesus ay hindi lamang naglagay ng isang bata sa harap ng mga alagad kundi kaniya pang “kinalong ito,” at sa isa pang okasyon ay “niyapos niya ang mga bata”!​—9:36; 10:13-16.

      6 Maaaninaw sa estilo ni Marcos ang ilang katangian ni Pedro, ang pagiging mapusok, buháy, masigla, dibdiban, at makulay. Waring lagi siyang nag-aapura sa pagsasalaysay. Halimbawa, ang salitang “karaka-raka” ay paulit-ulit na lumilitaw, at nagbibigay ng madulang estilo sa salaysay.

      7. Ano ang nagtatangi sa Ebanghelyo ni Marcos mula sa kay Mateo?

      7 Bagaman maaaring nabasa ni Marcos ang Ebanghelyo ni Mateo at 7 porsiyento lamang ng aklat ang wala sa ibang Ebanghelyo, mali ang palagay na pinaikli lamang ni Marcos ang Ebanghelyo ni Mateo at dinagdagan ito ng ilang pantanging detalye. Inilarawan ni Mateo si Jesus bilang ipinangakong Mesiyas at Hari, ngunit tinatalakay ni Marcos ang kaniyang buhay at gawain mula sa ibang anggulo. Si Jesus ay inilalarawan niya bilang mapaghimalang Anak ng Diyos, ang matagumpay na Tagapagligtas. Idiniriin ni Marcos ang mga gawain ni Kristo sa halip na ang mga sermon at turo niya. Iilang talinghaga at isa lamang mahabang diskurso ni Jesus ang iniuulat, at wala ang Sermon sa Bundok. Kaya mas maigsi ang Ebanghelyo ni Marcos, bagaman punung-punô ito ng aksiyon na gaya ng iba. Hindi kukulangin sa 19 na himala ang espisipikong tinutukoy.

      8. Ano ang nagpapahiwatig na ang Ebanghelyo ni Marcos ay malamang na isinulat para sa mga Romano?

      8 Kung ang Ebanghelyo ni Mateo ay para sa mga Judio, maliwanag na si Marcos ay sumulat para sa mga Romano. Paano natin nalaman? Nabanggit lamang ang Kautusan ni Moises nang iniuulat ang pag-uusap tungkol dito, at ang talaangkanan ni Jesus ay inalis. Ipinakikita ang pansansinukob na halaga ng ebanghelyo ni Kristo. Ipinaliliwanag niya ang mga kaugalian at turong Judio na maaaring hindi pamilyar sa mga di-Judio. (2:18; 7:3, 4; 14:12; 15:42) Isinasalin ang mga salitang Aramaiko. (3:17; 5:41; 7:11, 34; 14:36; 15:22, 34) Ipinaliliwanag niya ang mga pangalan ng lugar at halaman sa Palestina. (1:5, 13; 11:13; 13:3) Ang Romanong katumbas ng perang Judio ay ibinibigay. (12:42, talababa) Mas marami siyang ginagamit na salitang Latin kaysa ibang manunulat ng Ebanghelyo, halimbawa’y speculator (tanod-buhay), praetorium (palasyo ng gobernador), at centurio (pinunò ng hukbo).​—6:27; 15:16, 39.

      9. Saan at kailan isinulat ang aklat ni Marcos, at ano ang patotoo ng pagiging-tunay nito?

      9 Yamang maliwanag na sumulat si Marcos para sa mga Romano, malamang na sa Roma niya ito isinulat. Kapuwa ang pinakamaagang tradisyon at ang nilalaman ng aklat ay nagpapatotoo na ito ay isinulat sa Roma noong una o ikalawang pagkabilanggo ni apostol Pablo, 60-65 C.E. Nang mga taóng yaon si Marcos ay napunta sa Roma, kung hindi minsan ay makalawa. Lahat ng pangunahing autoridad noong ikalawa at ikatlong siglo ay nagpapatotoo na si Marcos ang sumulat. Laganap na sa mga Kristiyano ang Ebanghelyo noong kalagitnaan ng ikalawang siglo. Ang paglitaw nito sa lahat ng sinaunang katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay tumitiyak sa pagiging-tunay ng Ebanghelyo ni Marcos.

      10. Papaano dapat ituring ang mahaba at maigsing konklusyon ng Marcos, at bakit?

      10 Gayunman, ang mahaba at maikling konklusyon na kung minsa’y idinaragdag sa Marcos kabanata 16, talata 8, ay hindi dapat ituring na tunay. Wala ito sa pinakamatatandang manuskrito, gaya ng Sinaitic at ng Vatican No. 1209. Sang-ayon ang ikaapat-na-siglong mga iskolar na sina Eusebius at Jerome na ang tunay na ulat ay nagwawakas sa mga salitang “sila’y nangatatakot.” Ang ibang konklusyon ay malamang na idinagdag upang pakinisin ang biglang paghinto ng Ebanghelyo.

      11. (a) Ano ang patotoo ng kawastuan ng Ebanghelyo ni Marcos, at anong kapamahalaan ang idiniriin? (b) Bakit “mabuting balita” ito, at anong yugto ang saklaw ng Ebanghelyo?

      11 Ang kawastuan ng Marcos ay makikita sa pagkakasuwato nito hindi lamang sa ibang Ebanghelyo kundi sa buong Banal na Kasulatan mula Genesis hanggang Apocalipsis. Bukod dito, ipinakikita ang kapangyarihan ni Jesus hindi lamang sa salita kundi maging sa mga puwersa ng kalikasan, kay Satanas at sa mga demonyo, sa sakit at karamdaman, oo, maging sa kamatayan man. Kaya binubuksan ni Marcos ang salaysay sa ganitong pambungad: “Ang pasimula ng mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo.” Ang pagparito at ministeryo ni Jesus ay “mabuting balita,” Kaya kapaki-pakinabang ang pag-aaral ng Ebanghelyo ni Marcos. Ang mga kaganapang inilalarawan niya ay nagsisimula sa tagsibol ng 29 C.E. hanggang sa tagsibol ng 33 C.E.

      NILALAMAN NG MARCOS

      12. Ano ang nakasiksik sa unang 13 talata ng Marcos?

      12 Bautismo at pagtukso kay Jesus (1:1-13). Sa pasimula ay ipinakikilala si Juan na Tagapagbautismo. Siya ang inihulang sugo na magpapahayag: “Ihanda ang daan ni Jehova, tuwirin ang kaniyang mga landas.” Sinasabi ni Juan tungkol sa Isa na darating, ‘Siya’y makapangyarihan kaysa akin.’ Oo, magbabautismo siya, hindi ng tubig, kundi ng espiritu. Dumating si Jesus mula sa Nazaret at binautismuhan siya ni Juan. Bumaba kay Jesus ang espiritu sa anyong kalapati, at sinabi ng tinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak, ang sinisinta; nalulugod ako sa iyo.” (1:3, 7, 11) Tinukso siya ni Satanas sa ilang, at pinaglingkuran siya ng mga anghel. Lahat ng madulang pangyayaring ito’y isiniksik sa unang 13 talata ni Marcos.

      13. Sa anong mga paraan ipinakilala agad ni Jesus ang kapamahalaan niya bilang “ang Banal ng Diyos”?

      13 Sinimulan ni Jesus ang ministeryo sa Galilea (1:14–​6:6). Nang madakip si Juan, nangaral si Jesus sa Galilea. Nakapupukaw ang mensahe niya! “Malapit na ang kaharian ng Diyos. Magsisi kayo, at manampalataya sa mabuting balita.” (1:15) Sinabi niya kina Simon, Andres, Santiago, at Juan na iwan ang kanilang lambat at maging alagad niya. Pagsapit ng Sabbath ay nagturo siya sa sinagoga sa Capernaum. Humanga ang mga tao, pagkat nagtuturo siya “na gaya ng isa na may kapamahalaan, at di-gaya ng mga eskriba.” Ipinakita niya ang kapamahalaan bilang “ang Banal ng Diyos” nang palayasin niya ang maruming espiritu mula sa isang inaalihan at nang pagalingin niya ang lagnat ng biyenang babae ni Simon. Lumaganap ang balita na parang apoy, at kinagabihan “ang buong lungsod” ay nasa labas ng bahay ni Simon. Pinagaling ni Jesus ang mga maysakit at nagpalayas siya ng mga demonyo.​—1:22, 24, 33.

      14. Papaano pinatunayan ni Jesus ang kapamahalaan niya na magpatawad ng kasalanan?

      14 Inihayag ni Jesus ang kaniyang misyon: “Upang mangaral.” (1:38) Nangaral siya sa buong Galilea. Nagpalayas siya ng mga demonyo at nagpagaling ng mga sakit, gaya ng isang ketongin at isang paralitiko na sinabihan niya: “Pinatawad na ang iyong kasalanan.” Inisip ng mga eskriba, ‘Ito’y pamumusong. Sino ang makapagpapatawad ng kasalanan kundi ang Diyos?’ Pinatunayan ni Jesus na “ang Anak ng tao ay may kapamahalaan na magpatawad ng kasalanan” kaya sinabi niya sa paralitiko na tumayo at umuwi. Niluwalhati ng mga tao ang Diyos. Nang maging alagad ang maniningil ng buwis na si Levi (Mateo), sinabi ni Jesus sa mga eskriba: “Tinatawag ko, hindi ang matuwid, kundi ang makasalanan.” Ipinakita niya na siya’y “Panginoon maging ng sabbath.”​—2:5, 7, 10, 17, 28.

      15. Ano ang ipinahayag ni Jesus tungkol sa mga nagkakaila sa kaniyang mga himala, at ano ang sinabi niya tungkol sa ugnayang pampamilya?

      15 Binuo ni Jesus ang 12 apostol. Bahagyang sumalansang ang mga kamag-anak niya, at nagparatang ang mga eskriba na siya’y nagpapalayas ng demonyo sa pangalan ng pinunò ng mga demonyo. Tinanong niya sila, “Papaano mapalalayas ni Satanas si Satanas?” at saka nagbabala: “Ang mamusong laban sa banal na espiritu ay hindi patatawarin kailanman, kundi nagkakasala nang walang-hanggan.” Dumating ang naghahanap niyang ina at mga kapatid, at sinabi niya: “Sinomang gumagawa ng kalooban ng Diyos, siya ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.”​—3:23, 29, 35.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share