Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • gm kab. 14 p. 184-189
  • Ang Bibliya at Kayo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bibliya at Kayo
  • Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tumanggap ng Tulong
  • Ikapit ang Payo ng Bibliya
  • Tanggapin ang Autoridad Nito
  • Walang Sinumang Sakdal
  • Mamuhay Ayon sa Salita ng Diyos
  • Ang Salita ng Diyos ay Katotohanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Manghawakang Mahigpit sa Salita ng Diyos
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
  • Makinabang sa Araw-araw na Pagbabasa ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Isang Nakatataas na Bukal ng Karunungan
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
Iba Pa
Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
gm kab. 14 p. 184-189

Kabanata 14

Ang Bibliya at Kayo

Sinasabi ng makabagong mga kritiko na ang Bibliya ay hindi makasiyentipiko at may salungatan, na ito’y kalipunan lamang ng mga alamat. Subali’t sinabi ni Jesus: “Ang salita mo [ng Diyos] ay katotohanan.” (Juan 17:17) Ang katibayan ay umaalalay kay Jesus sa halip na sa mga kritiko. Ipinakikita ng mga katotohanan na ang Bibliya ay wasto ayon sa kasaysayan. Isa pa, ang kamanghamanghang pagkakasuwato nito, ang tunay na mga hula nito, ang malalim na karunungan nito, at ang kapangyarihan nito sa pagpapabuti sa buhay ng mga tao ay pawang nagpapatotoo na ang Bibliya ay ang nasusulat na Salita ng Diyos. Gaya ng isinulat ni apostol Pablo: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapakipakinabang.”​—2 Timoteo 3:16.

1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Ano ang pinatutunayan ng mga katotohanan hinggil sa Bibliya? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng bagay na ang Bibliya ay ang kinasihang salita ng Diyos?

MARAMING ipinahihiwatig ang bagay na ang Bibliya ay salita ng Diyos, hindi ng tao. Nangangahulugan ito na ang Diyos ay talagang nakipagtalastasan sa tao. Sinagot niya ang napakarami nating tanong at ipinakita ang lunas sa napakarami nating suliranin. At ito rin ay nangangahulugan na totoo ang mga pag-asa na inilalarawan ng Bibliya para sa hinaharap. Ang Kaharian ng Diyos ay talagang nagpupuno na at malapit na itong kumilos upang alisin sa lupa ang lahat ng kawalang-katarungan, pang-aapi at kahirapan.

2. Ang kaalaman na ang Bibliya ay Salita ng Diyos ay dapat magpakilos sa inyo na gawin ang ano?

2 Kaya, ang tanong ay: Ano ang gagawin ninyo sa impormasyong ito? Kahit papaano, ang pagkaalam na ang Bibliya ay Salita ng Diyos ay dapat magpakilos sa inyo upang suriin ito. Nangako ang mang-aawit na magiging maligaya ang gagawa nito: “Maligaya ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama . . . kundi ang kasiyahan ay nasa kautusan ni Jehova, at sa kautusan niya ay nagbubulaybulay siya araw at gabi.”​—Awit 1:1, 2.

Tumanggap ng Tulong

3, 4. (a) Gaya ng ipinakikita mismo ng Bibliya, ano ang dapat nating gawin kung makakasumpong tayo sa Bibliya ng mga bagay na hindi natin maunawaan? (b) Sino ang laging handa na tumulong sa mga tao upang higit pa nilang maunawaan ang Bibliya?

3 Malamang, sa pagbabasa ng Bibliya, may mga bagay na hindi ninyo mauunawaan. (2 Pedro 3:16) Ipinakikita ng isang pangyayari sa aklat ng Bibliya na Mga Gawa na ito ang dapat asahan. Di pa nagtatagal pagkamatay ni Jesus, isang Etiopiyano ang nagbabasa ng hula mula sa aklat ni Isaias sa Bibliya. Sinalubong siya ng Kristiyanong ebanghelisador na si Felipe at tinanong: “Nauunawaan mo ba ang iyong binabasa?” Hindi nga, kaya inanyayahan ng Etiope si Felipe na tulungan siya.​—Gawa 8:30, 31.

4 Isang babae sa Estados Unidos ang nakaranas din nito. Palagian siyang bumabasa ng Bibliya, subali’t maraming turo ang hindi niya maunawaan sa kaniyang pagbabasa. Noong makausap niya ang mga Saksi ni Jehova at saka lamang niya natutuhan ang saligang katotohanan ng Bibliya, lakip na ang kahalagahan ng Kaharian ng Diyos at ang maraming pagpapala na idudulot ng Kaharian sa sangkatauhan. Kung aanyayahan ninyo sila, magagalak ang mga Saksi ni Jehova na tumulong sa inyo upang maunawaan ang binabasa ninyo sa Bibliya.

Ikapit ang Payo ng Bibliya

5. Ayon sa Bibliya, anong landasin ang nagdudulot ng kaligayahan?

5 Pinasisigla tayo hindi lamang upang basahin ang Bibliya kundi kumilos nang naaayon sa nababasa natin. (Awit 119:2) Karagdagan, pinasisigla tayo ng Bibliya: “Lasapin at tingnan kung gaano kabuti si Jehova, O kayong mga tao; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.” (Awit 34:8) Sabihin pa, inaanyayahan tayo nito na subukin ang Diyos. Subukang mamuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya, at ipakitang may tiwala kayo na alam ng Diyos kung ano ang pinakamabuti sa inyo. Sa paraang ito lamang ninyo matutuklasan ang wastong landas. Totoong maligaya ang may ganitong tiwala sa Diyos.

6. Praktikal ba ang mamuhay ngayon ayon sa mga pamantayan ng Bibliya? Ipaliwanag.

6 Inaangkin ng iba na walang makapamumuhay ayon sa mga simulain ng Bibliya sa gitna ng di-tapat, mahalay, marahas na daigdig na ito. Ang totoo’y, marami na ang nakagawa nito. Sino? Isang binata sa Aprika ang nakasumpong ng isang grupo ng mga ito. Sumulat siya: “Maraming taon ko nang napagmamasdan na dito sa Zimbabwe kayo, mga Saksi ni Jehova, ang talagang nagsisikap na sumunod sa sariling halimbawa ni Kristo . . . Hanggang sa ngayon kayo ang tanging grupo na nakakumbinse sa akin hinggil sa pag-ibig ng Diyos at sa puwersa ng Kaniyang ebanghelyo, sa pamamagitan ng inyong pamumuhay at hindi lamang sa inyong mga talumpati at babasahin. Kayo ay namumuhay at nangangaral ng ebanghelyo samantalang marami, napakaraming tao ang nangangaral ng ebanghelyo nguni’t hindi namumuhay ayon doon.”

Tanggapin ang Autoridad Nito

7. Anong mga kaugalian ngayon ang salungat sa sinasabi ng Bibliya?

7 Sinabi ni apostol Pablo na ang Bibliya ay “kapakipakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid.” (2 Timoteo 3:16) Subali’t, kung minsan, hindi popular ang sinasabi ng Bibliya. Halimbawa, hinahatulan ng Bibliya ang mga gawaing homoseksuwal, nguni’t ang homoseksuwalidad ay tinatanggap na bilang isang angkop na estilo ng buhay. (Roma 1:24-27; 1 Corinto 6:9-11; 1 Timoteo 1:9-11) Sinasabi rin ng Bibliya na mahalaga ang buhay ng di-pa-naisisilang na sanggol at hindi dapat kusang kitlin, subali’t mga 50 milyong aborsiyon ang ginagawa sa buong daigdig taun-taon. (Exodo 21:22, 23; Awit 36:9; 139:14-16; Jeremias 1:5) Papaano kung tayo mismo ay nahihirapang tumanggap sa sinasabi rito ng Bibliya?

8, 9. Kung sa pasimula’y nahihirapan tayong tumanggap sa isang punto sa Bibliya, ano ang dapat nating tandaan, at kaninong mga pamantayan ang dapat nating laging tanggapin?

8 Buweno, natuklasan ng mga Kristiyano na laging matalino ang sumunod sa Salita ng Diyos. Bakit? Sapagka’t sa katagalan, ang pagsunod sa sinasabi ng Bibliya ay laging nagbubunga ng pinakamabuti para sa lahat. (Kawikaan 2:1-11) Ang totoo’y, napakakitid ang karunungan ng tao. Bihira niyang makinikinita ang pangwakas na resulta ng kaniyang kilos. Umamin si propeta Jeremias: “Talastas ko, O Jehova, na ang lakad ng tao ay hindi ukol sa kaniya. Hindi ukol sa taong lumalakad ang magtuwid ng kaniyang hakbang.”​—Jeremias 10:23.

9 Kailangan lamang tumingin sa paligid upang mapatunayan ang kawastuan nito. Karamihan ng suliranin na sumasalot sa daigdig ay tuwirang resulta ng pagsuway ng tao sa payo ng Salita ng Diyos. Ipinakita ng mahaba, maligalig na kasaysayan ng sangkatauhan na ang tao ay hindi makapagpapasiya nang matagumpay hinggil sa wagas na paggawi. Kung ihahambing sa atin tiyak na ang talino ng Diyos ay walang-hanggan. Kaya bakit hindi tanggapin ang sinasabi niya, at huwag magtiwala sa sariling talino?​—Kawikaan 28:26; Jeremias 17:9.

Walang Sinumang Sakdal

10, 11. (a) Anong mga katotohanan hinggil sa kayarian natin at ng daigdig na pinamumuhayan natin ang lumilikha ng problema kapag sinisikap nating mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya? (b) Pinasisigla tayo ng Bibliya na hanapin ang anong uri ng mga kasama, at saan natin masusumpungan ang mga kasamang ito?

10 May babala ang Bibliya sa isa pang larangan na doo’y kailangan natin ang tulong. Lahat tayo ay may minanang hilig sa pagkakasala. “Ang hilig ng puso ng tao ay masama buhat pa sa pagkabata.” (Genesis 8:21; Roma 7:21) Ang suliraning ito ay pinalulubha ng pamumuhay sa isang daigdig na hindi sumusunod sa mga simulain ng Bibliya. Kaya, kailangan natin ang tulong hindi lamang sa pag-unawa sa Bibliya kundi sa pagkakapit ng mga bagay na natututuhan. Ito ang dahilan kung bakit hinihimok tayo ng Bibliya na makisama sa iba na gusto ring mamuhay ayon sa maka-diyos na mga pamantayan. Sinabi ng mang-aawit: “Kinapopootan ko ang kapisanan ng mga masama, at hindi ako nakikiupo sa mga balakyot. . . . Sa gitna ng nagkakatipong mga pulutong ay pupurihin ko si Jehova.” At isa pang awit ang nagsasaad: “Napakabuti at napakainam sa magkakapatid na tumahang samasama sa pagkakaisa!”​—Awit 26:5, 12; 133:1.

11 Ang pakikipagtipon ay mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga Saksi ni Jehova. Bawa’t linggo sila ay may mga pagpupulong, at palagiang mga kombensiyon, na kung saan samasama silang nag-aaral ng Bibliya at nag-uusap kung papaano ikakapit ang mga simulaing ito sa kanilang buhay. Bumubuo sila ng pandaigdig na “kapatiran” na kung saan ang lahat ay pinasisigla na tumulong sa pagpapanatili sa matatayog na simulain ng Bibliya. (1 Pedro 2:17) Bakit hindi daluhan ang isa sa kanilang mga pulong at saksihan kung papaanong ang kalipunang ito ay makakatulong din sa inyo?​—Hebreo 10:24, 25.

Mamuhay Ayon sa Salita ng Diyos

12. Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga kumikilala sa Bibliya bilang Salita ng Diyos?

12 Kaya, ang pagkilala sa Bibliya bilang Salita ng Diyos ay may kaakibat na mga pagpapala at pananagutan. Pinagpala tayo sapagka’t nakakamit natin ang patnubay sa araw-araw na paggawi na hindi makukuha saanman. Bukod dito, natuto tayo hinggil sa pag-ibig ng Diyos sa paglalaan ng sarili niyang Anak bilang pantubos upang makamit natin ang pag-asa ng buhay na walang-hanggan. (Juan 3:16) Natatalos natin na si Jesus ay nagpupuno na bilang Hari at hindi na matatagalan ay aalisin na niya ang kasamaan sa lupa. At may tiwala nating hinihintay ang matuwid na “mga bagong langit at isang bagong lupa” na ipinangako mismo ng Diyos.​—2 Pedro 3:13.

13. Anong mga pananagutan ang dumarating sa atin kapag tinanggap natin ang Bibliya bilang Salita ng Diyos?

13 Gayumpaman, tandaan na pananagutan natin na mag-aral ng Bibliya at isapuso ang sinasabi nito. Ang Diyos mismo ay humihimok: “Anak ko, huwag mong kalilimutan ang aking kautusan, at ang aking mga utos ay isapuso mo.” (Kawikaan 3:1) Kahit ang Bibliya ay ituring ng karamihan bilang salita lamang ng tao, dapat ay buong-giting nating “hayaan na ang Diyos ay masumpungang tapat, bagaman ang bawa’t tao ay masumpungang sinungaling.” (Roma 3:4) Hayaang ang karunungan ng Diyos ang magsilbing patnubay sa buhay. “Magtiwala kay Jehova ng buong puso . . . Sa lahat ng iyong mga lakad ay alalahanin siya.” (Kawikaan 3:5, 6) Ang matalinong pagsunod sa Salita ng Diyos ay tutulong upang bumuti ang inyong buhay ngayon at sa walang-hanggan.

[Blurb sa pahina 187]

Hindi lamang natin dapat basahin ang Bibliya kundi dapat din tayong kumilos ayon sa nababasa natin

[Blurb sa pahina 188]

Ang pagsunod sa sinasabi ng Bibliya ay laging nagbubunga ng pinakamabuti

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share