Kailangan ba Natin ang Bibliya?
NATUWA si Oxana, isang dalagang Ruso, nang kaniyang masulyapan ang isang Bibliyang ipinagbibili ng isang tagapaglako ng mga aklat sa tabi ng isang kalye sa Moscow. Ang kaniyang kasama, si John, na buhat sa isang bansa na palasak ang mga sipi ng Bibliya, ay namangha sa gayong interes ni Oxana. “Ako—isang ateyista—ay nagnais na bilhin iyon para sa kaniya,” inamin niya. Bagaman sa simula ay tumutol si Oxana, sa wakas ay tinanggap niya ang regalo ni John.
Marami, tulad ni Oxana, ang may matinding hangaring mag-ari ng Bibliya. Ito ay totoo lalo na sa mga bansa na kung saan ito ay ipinagbawal nang maraming taon. Halimbawa, ang mga tagapaglathala ng magasing ito ay puspusang gumagawa upang matugunan ang napakaraming nangangailangan ng Bibliya sa dating mga republikang Sobyet, gayundin sa ibang panig ng daigdig. Sa kauna-unahang pagkakataon, maraming tao sa mga lugar na ito ang nagkaroon ng pagkakataon na gumawa ng nararapat na pagsusuri sa Bibliya—at marami ang naaakit ng mabisang mensahe nito.
Mga Kritiko at mga Di-Naniniwala
Sa kabilang banda naman, lalo na sa Hilagang Europa, ang Bibliya ay naroroon sa lagayan ng mga aklat at sumasahod lamang ng alikabok. “Patay na kasaysayan!” ang sabi ng iba, na isinususog pa, “Iyan ay isinulat para sa ibang panahon. Walang kinalaman iyan sa tao sa ngayon.” Kahit ang prominenteng mga klerigo ay nagpahayag sa madla ng mga pangungusap na naninira sa Bibliya. Ang Anglikanong arsobispo na si Desmond Tutu ay iniulat sa The Star, isang pahayagan sa Timog Aprika, na nagsabi: “May mga parte ang Bibliya na hindi nagbibigay ng permanenteng pakinabang.” Ang mga pangungusap na katulad nito ay nag-udyok sa marami na alamin kung gaano kalaking pananampalataya ang dapat nilang ilagak sa Bibliya.
Ang Pangangailangan ng Patnubay
Ang mga kritiko at mga naniniwala ay parehong umaamin na, higit kailanman, ang daigdig ay nangangailangan ng mabibisang lunas. “Maliban sa dagling matutuhan ng tao na kontrolin ang bilis ng nangyayaring mga pagbabago sa kaniyang personal na buhay at gayundin sa lipunan sa pangkalahatan,” isinulat ni Alvin Toffler sa kaniyang aklat na Future Shock, “tayo ay nakaharap sa isang malawakang . . . kapahamakan.” Ang babalang iyan ay noon pang mahigit na 20 taon na ang lumipas. Ang kapahamakan na tinukoy ni Toffler ay lumilitaw na nagaganap na ngayon.
Samantalang patapos na ang siglong ito, ang mga tuklas ng teknolohiya at ang mga pilosopiya ng tao ay nabigong magdulot ng katatagan sa daigdig. Ang kamakailang mga pag-asa ukol sa isang bagong sanlibutang kaayusan ay hinalinhan ng pagkasiphayo, at ang buhay ng marami ay nauwi na lamang sa araw-araw na pagpupunyagi upang mabuhay.
Ipinakikita ng mga estadistika na ang agwat ng kabuhayan sa pagitan ng mayaman at mahirap ay naging isang malalim na bangin. Isang pag-aaral kamakailan ang nagpapakita na 82.7 porsiyento ng kayamanan ng daigdig ay pag-aari ng 20 porsiyento lamang ng populasyon nito. Nakapagtataka ba kung ang digmaan, taggutom, sakit, kaguluhan, at anarkiya ay palasak sa maraming bansa? Ang panggigipit upang mapagtagumpayan ang umuurong na uri ng pamumuhay ay nagdudulot ng matinding kaigtingan sa emosyon ng mga tao. Kaya naman, kahit na ang pinakasaligang yunit ng lipunan, ang pamilya, ay dumaranas ng pagkabulok.
Bagaman marami, tulad ni Toffler, ang nagsasabi na pananagutan ng tao na “humanap ng ganap na bagong mga paraan upang siya’y makatayong matatag,” pinatutunayan ng mga ebidensiya na ang mga tao ay walang kakayahan na maglaan ng lunas.
Ang Tanging Lunas
Ang Banal na Bibliya, na sinimulang isulat mga 3,500 taon na ang lumipas, ay hindi nagbago sa nakalipas na daan-daang taon. Ang mga simulain nito ay walang pagbabago. Halimbawa, ang mga salita ng Jeremias 10:23 ay napatunayang totoo ngayon higit kailanman: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” Kung hindi makayang pamahalaan ng mga tao ang kanilang landasin, sino ang makagagawa nito? Itinuturo ng Bibliya ang tunay na Pinagmumulan ng patnubay: “Ako, si Jehova, ang iyong Diyos, ang Isa na nagtuturo sa iyo ng mapapakinabangan, na pumapatnubay sa iyo sa daan na iyong marapat lakaran.”—Isaias 48:17.
Sa pamamagitan ng mga pahina ng Bibliya, tinuturuan tayo ng Diyos na Jehova upang tulungan ang ating mga sarili. Ang mga ito ay punô ng payo na umaakay sa atin sa landas na dapat nating lakaran. Ang payo nito ay kapit sa ngayon gaya rin noong araw na ito’y isinulat. Ang susunod na artikulo ay susuri sa pagkapraktikal ng Bibliya para sa ating modernong panahon. Sa sari-saring mga bagay, mula sa kalusugan hanggang sa kayamanan, buhay pampamilya, at personal na paggawi, makikita mo na ang Bibliya ay tunay na matatag na gaya ng isang malaking bato sa gitna ng walang-katatagang mga kalagayan sa kasalukuyang daigdig.
[Larawan sa pahina 4]
Ang Bibliya ay isang sinipete ng katatagan sa kasalukuyang magulong sanlibutan