Diligin ang Iyong mga Kamag-anak ng Nakarerepreskong Tubig ng Katotohanan
“KUNG papaano ang malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa, ganoon ang mabuting balita mula sa malayong lupain,” ang sabi ni Solomon. (Kawikaan 25:25) Anong nakapagpapasiglang karanasan na ang isang nauuhaw na kaluluwa’y makinig sa iyong mabuting balita tungkol sa buhay na walang-hanggan sa dumarating na Paraiso! Sa ganitong paraan, ang iyong bibig ay nagsisilbing “isang bukal ng buhay.”—Kawikaan 10:11; Isaias 52:7.
Ang tubig ay bumabasa sa lupa at pinangyayari nito ang paglaki, samantalang ang isang pagbaha ay maaaring makapinsala. Gayundin, ang tubig sa anyo ng isang pinalamig na inumin ay nakarerepresko, subalit sino ba ang may ibig na siya’y abutin ng isang malakas na bagyo ng yelo o ng niyebe? Yamang ang lumalabas sa ating bibig ay inihahalintulad sa tubig, kailangan ang mata ng pansin sa ating pagtuturo. (1 Timoteo 4:16) Kailangang tayo’y higit na palaisip ng iba’t ibang epekto ng “tubig” na ito pagka tayo’y nangangaral lalo na sa mga kamag-anak.
‘Pagdidilig’ sa mga Kamag-anak
Noong sinaunang panahon, si Rahab ang nagbukas ng daan sa kaligtasan para sa kaniyang pamilya, at si Cornelio ay nagbigay ng patotoo sa harap ng kaniyang mga kamag-anak. (Josue 2:13; 6:23; Gawa 10:24, 30-33) Ang kapatid ni Pedro na si Andres ang tumulong sa kaniya na maging isang alagad ni Jesus. (Juan 1:40-42) At sa ngayon marami sa mga Saksi ni Jehova ang nagbibigay-daan sa katotohanan ng Bibliya upang umagos patungo sa kanilang mga kamag-anak. Ang Kawikaan 11:25 ay nangangako: “Ang taong saganang nagdidilig sa iba ay saganang didiligin din.”
Isang babae sa Europa ang may hangaring ang kaniyang bagong pananampalataya ay ibahagi sa kaniyang mga magulang, mga kapatid na babae at lalaki na naninirahan sa Pilipinas. Ganito ang kaniyang pag-uulat: “Ginawa ko nga iyon sa bawat liham na isinulat ko sa kanila. Bago ako mabautismuhan, ako’y nagpadala ng mga aklat sa kanila at tinanong ko kung ibig nilang sila’y dalawin ng mga Saksi ni Jehova.” Sa kaniyang malaking kagalakan, sila’y pumayag na dalawin, at ngayon walo sa kanila ang sumasamba kay Jehova. Ang mga ilang Saksi ay nagtamo ng mabubuting resulta sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga regalong suskripsiyon ng Ang Bantayan at Gumising! sa kanilang mga kamag-anak.
Subalit kumusta naman kung ang mga miyembro ay hindi nagpapakita ng interes? Si Jesus ay napaharap sa ganitong situwasyon, sapagkat minsan “ang kaniyang mga kapatid ay, sa katunayan, hindi sumasampalataya sa kaniya.” Datapuwat, nang malaunan, “nangagkakaisang” sila’y nanatili sa pananalangin, kasama ng mga apostol. (Juan 7:5; Gawa 1:14) Bakit nagkaroon ng pagbabago ng kanilang kalooban? Maliwanag na tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga kamag-anak bago siya umakyat sa langit. Sa papaano nga? Kaniyang tinulungan sila na magkaroon ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapakita sa kaniyang kapatid sa ina na si Santiago. (1 Corinto 15:7) Sa gayon, huwag kang magsawa sa pagsisikap na tulungan ang iyong mga kamag-anak. Maraming Saksi ang nagkaroon ng pagkakataon na makipag-usap sa kanilang di-sumasampalatayang mga kamag-anak upang paliwanagan sila sa Bibliya pagkatapos na matiyagang maghintay para sa tamang sandali.
Datapuwat, ang ‘pagdidilig’ sa mga kamag-anak ay hindi nangangahulugan na sila’y iyong lulunurin sa mga salita. Ganito ang sabi ng isang mag-asawang Yugoslavian: “Nariyan lagi ang panganib na sumobra ka nang pangangaral sa kanila.” Ganito ang sabi ng isang naglalakbay na tagapangasiwa: “Malimit na sumusobra ang mga kapatid, nagpapakita ng panatikong pagkamasigasig.” Naaalaala pa ni Ludwig ang panahon nang siya’y magsimulang mag-aral ng Bibliya: “Noon ay pinaulanan ko ang aking ina ng kung ilang mga oras sa pagpapaliwanag tungkol sa halos lahat ng natutuhan ko na buhat sa Bibliya, at ito kadalasan ay humahantong sa mga pagtatalo, lalo na sa pakikipagtalo sa aking ama.
Maging Isang “Balon ng Karunungan”
Ating mababasa na “ang dila ng mga pantas ay nagbabadya ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan,” at “ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot.” (Kawikaan 15:2, 28) Ang katinuan ng isip, karunungan, at pagkaunawa ay kailangan kung gayon upang ang ating mga salita ay maging nakarerepresko at nakapagpapatibay sa iba. Kailan, ano, at kung gaano ang ating sasabihin ay mahalaga.
Halimbawa, sa isang araw na mainit, lubhang nakarerepresko ang isang baso ng malamig na tubig para sa taong nauuhaw! (Mateo 10:42) Subalit walang sinumang mangangarap ng pagbubuhos ng isang timbang tubig sa kaniyang ulo! Ang tagapangasiwa ng sirkitong ang mga salita’y sinipi sa itaas ay may ganitong komento: “Ang pinakamabubuting resulta ay nakakamit niyaong mga nagsisikap na panabikin ang kanilang mga kamag-anak sa pamamagitan ng pagpapatotoo nang baha-bahagya lamang.” Pagka ang isang sumasalansang na kamag-anak ang nauhaw, wika nga, at nagsimulang magtanong, mabisang mga talakayan sa Bibliya ang kalimitang nagiging resulta.
Ganiyan ang naranasan ni Huriye, isang Saksing Turko, nang sa kanilang tahanan ay nag-iiwan siya ng nakabukas na mga publikasyon sa Bibliya sa materyal na maaaring makatawag ng pansin ng kaniyang asawang lalaki na di-sumasampalataya. Siya’y bumasa ng mga istorya sa Bibliya sa mga anak niya, at—kung ang asawang lalaki ay nakikinig—siya’y nagbibigay ng mga paliwanag na pakikinabangan niya. Kung minsan ay basta magtatanong lamang siya: “Natutuhan ko ang ganoo’t ganiyan sa aking pag-aaral sa araw na ito. Ano ba ang palagay mo tungkol diyan?” Kaniya ring binibigyang-pansin ang mga alituntunin ng asal na kaniyang isinasaisip: “Ikaw ay maging mahinahon, at huwag kang madaling magalit o magdamdam. Huwag kang umasta na parang alam mo ang lahat. Basta maging mapakumbaba ka at diyan ka lamang sa upuan sa likuran.” Sa wakas tinanggap ng kaniyang asawa ang katotohanan ng Kaharian at ngayon ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro.
Si Marijan ay tumulong sa maraming kamag-anak niya na tumanggap ng kaniyang pananampalataya. “Huwag kang magpilit kundi maghintay ka ng tamang sandali,” ang payo niya. “Nararapat na igalang natin pagka hiniling nila na sila’y huwag nating kausapin tungkol sa katotohanan. Tayo’y kailangang matiyaga at mapagmahal.” Lalung-lalo na pagka ang kamag-anak ay sumasalansang angkop ang Eclesiastes 3:7. Sinasabi nito na may “panahon upang tumahimik at panahon upang magsalita.” Ipinagpapalagay niyan na ang isa’y papayag na makinig nang may katiyagaan, hindi niya pahihintuin ang nagsasalita at siya naman ang sisingit ng pagsasalita, at kaniyang igagalang ang opinyon ng iba. “Walang kabuluhan ang ikaw ay mabugnot pagka nakikipag-usap ka sa iyong mga kamag-anak,” ang sabi ni Petar, na dati-rati’y mahigpit na sumasalungat ngunit binago niya ang kaniyang katayuan.
Hayaang ang Mabuting Asal ang Mangaral
Kung ilang taon din na isang di-sumasampalatayang asawang lalaki ang nagbigay ng suliranin sa kaniyang maybahay na Kristiyano, kung minsan ay ikinakandado ang pinto upang huwag siyang makapasok sa bahay. Minsan ay galit na galit ang lalaki na anupa’t pinagpunit-punit niya ang isang aklat na nakalimutan ng asawang babae na iligpit. Ano ba ang nagbago sa saloobin ng lalaki? Ganito ang kaniyang paliwanag: “Patuloy na tinatanong ko ang aking sarili kung bakit ang aking maybahay ay ganiyan na lang katatag at patuloy na umaasa kay Jehova. Wala akong makitang maipipintas sa kaniya, yamang mahusay naman siyang magpalakad ng bahay, at siya’y isang mabuting maybahay at ina ng aming mga anak.” Isang araw ang asawang lalaki ay naghahanap ng mabuting materyal upang maiharap sa isang limang-minutong seminar, kaya’t binigyan siya ng kaniyang maybahay ng dalawang labas ng Gumising! Nag-aatubiling tinunghayan niya ang mga iyon, at sa laki ng kaniyang pagkamangha siya’y nakakita ng isang magagamit na paksa tungkol sa paggawa ng mga lapis. Sa ganitong paraan ang kaniyang interes sa mga magasing ito ay napukaw. Sa ngayon, ang pamilyang ito ay nagkakaisa sa pagsamba kay Jehova.
Ang payo ni apostol Pedro na ang isang asawang babae ay maaaring makaakit sa isang di-sumasampalatayang asawa ‘nang walang isa mang salita sa pamamagitan ng malinis na asal lakip na ang matinding paggalang’ ay kumakapit din sa iba pang mga miyembro ng pamilya. (1 Pedro 3:1, 2) Nang isang mag-asawa ang umalis sa matandang tradisyon na labag sa Bibliya at sa relihiyon ng kanilang mga magulang na Romanian, ang kanilang pami-pamilya ay naging mahigpit na mananalansang. Ang asawang babae ay inatake pa ng kaniyang biyenang babae, na sumubok na patayin siya. “Hindi namin pinayagang ito’y makasira ng aming loob o makagalit sa amin. Lahat ng aming kabalisahan ay ipinapasan namin kay Jehova,” ang sabi ni Nikolic. Makalipas ang labing-isang taon, ang kaniyang mga magulang, kapuwa ang kaniyang mga kapatid na babae, at ang kaniyang mga bayaw ay mga Saksing bautismado na. Ano ba ang sumira ng kanilang pananalansang? “Ang isang mainam na halimbawa at asal-Kristiyano. Sa ibang pananalita, kami’y hindi gumugol ng malaking panahon nang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa katotohanan. Bagkus, sinikap namin na lakipan iyon ng gawa.”
Huwag Kayong Mawalan ng Pag-asa!
Samantalang malaking kagalakan ang dulot ng pagkakita na ang mga kamag-anak ay nagsisimulang sumamba sa tunay na Diyos, kumusta naman kung ang iba ay patuloy na sumasalansang? Papaano ka dapat maapektuhan? Inihula ni Jesus na ang tunay na pagsamba kung minsan ay magdadala ng malulubhang pagkakabaha-bahagi sa mga kamag-anak. (Mateo 10:34-37) Si Marica ay itinakuwil ng kaniyang buong pamilya nang siya’y maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Bagaman siya’y hindi nakipagkompromiso sa kaniyang pagsamba, gayunman ay kinilala niya na “maging ang mga kamag-anak man ay may karapatan sa kanilang sariling mga paniniwala at mga opinyon.” Ang kaniyang saloobin ay umakay sa kanila na igalang siya gaya ng dating ginagawa nila.
Natalos ni Ludwig na siya’y obligado na ibigin ang kaniyang mga magulang kahit na ang piliin nila ay isang naiibang paraan ng buhay. Paulit-ulit na ginunita niya ang may kaugnayang mga teksto sa Bibliya, tulad baga ng: “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina”; “hayaang ang iyong pagsasalita’y laging may biyaya, timplado ng asin”; [maging] handa na gumawa ng pagtatanggol . . . na may kahinahunan at matinding paggalang”; at, “ang isang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat makipagtalo.” (Efeso 6:2; Colosas 4:6; 1 Pedro 3:15; 2 Timoteo 2:24) “Kailanma’t ako’y tumetelepono sa aking mga magulang o dili kaya’y dumadalaw sa kanila, ako’y nananalangin kay Jehova at humihingi ng karunungan, at unti-unti ang aming relasyon ay naging higit na maganda, higit na palakaibigan,” ang sabi niya.
Huwag mawalan ng pag-asa na ang binhi ng katotohanan ay sa wakas mamumukadkad sa puso ng iyong mga kamag-anak. Nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova 31 taon pagkatapos na bautismuhan ang kaniyang asawang babae, isang lalaki ang may ganitong komento: “Bilang paggunita sa nakaraan, inaamin ko na ang aking maybahay ay totoong matiyaga sa pakikitungo sa akin. Alam na alam ko na siya’y malimit na nananalangin kay Jehova alang-alang sa akin.
Harinawang ang mga salitang lumalabas sa iyong bibig ay laging maging nakagiginhawa at pumapawi ng uhaw na gaya ng sariwang tubig! Oo, “ang maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos” ay ibahagi mo sa lahat ng tao, kasali na ang iyong mga kamag-anak. (1 Timoteo 1:11; Apocalipsis 22:17) Kung magkagayo’y matutupad ang mga salita ni Jesus: “Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kaniyang kaloob-looban ay aagos ang ilog ng tubig na buháy.’”—Juan 7:38.