IKAANIM NA KABANATA
Tulungan ang Iyong Anak na Tin-edyer na Sumulong
1, 2. Anu-anong hamon at kagalakan ang dulot ng mga taon ng pagiging tin-edyer?
ANG pagkakaroon ng isang tin-edyer sa tahanan ay ibang-iba sa pagkakaroon ng isang lilimahing-taóng-gulang o maging ng isang sasampuing-taóng-gulang. Ang mga taon ng pagiging tin-edyer ay may sarili nitong mga hamon at problema, subalit maaari rin itong magdulot ng kagalakan at mga gantimpala. Ang mga halimbawang gaya nina Jose, David, Josias, at Timoteo ay nagpapakitang ang mga kabataan ay maaari ring gumawi nang may pagka-responsable at magtaglay ng mainam na kaugnayan kay Jehova. (Genesis 37:2-11; 1 Samuel 16:11-13; 2 Hari 22:3-7; Gawa 16:1, 2) Marami sa mga tin-edyer sa ngayon ang napatutunayang ganito. Malamang, kilala mo ang ilan sa kanila.
2 Gayunman, magulo ang mga taon ng pagiging tin-edyer para sa ilan. Ang mga nagbibinata’t nagdadalaga ay may panahong sumpungin at may panahong masayahin. Maaaring hangarin ng mga tin-edyer na maging mas malaya, at baka masamain nila ang mga limitasyon na inilalagay sa kanila ng kanilang mga magulang. Magkagayon man, ang mga kabataang iyon ay kulang na kulang pa rin sa karanasan at nangangailangan ng maibigin, matiyagang pagtulong mula sa kanilang mga magulang. Oo, ang mga taon ng pagiging tin-edyer ay maaaring maging kapana-panabik, ngunit maaari ring nakalilito ang mga ito—kapuwa sa mga magulang at sa mga tin-edyer. Papaano matutulungan ang mga kabataan sa mga taóng iyon?
3. Sa anong paraan maibibigay ng mga magulang sa kanilang nagbibinata’t nagdadalagang supling ang isang mainam na pagkakataon sa buhay?
3 Ang mga magulang na sumusunod sa payo ng Bibliya ay nagbibigay sa kanilang nagbibinata’t nagdadalagang mga anak ng pinakamabuting pagkakataon upang malampasan nila ang mga pagsubok na iyon tungo sa responsableng pagkakaedad. Sa lahat ng lupain at sa lahat ng panahon, ang mga magulang at mga tin-edyer na magkasamang nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya ay pinapagtagumpay.—Awit 119:1.
TAPAT AT BUKÁS NA PAG-UUSAP
Maglaan ng panahon kapag kinailangan ng iyong anak na tin-edyer na makipag-usap
4. Bakit lalo nang mahalaga ang kompedensiyal na pag-uusap sa mga taon ng pagiging tin-edyer?
4 Sabi ng Bibliya: “Nabibigo ang mga plano kung saan walang kompedensiyal na pag-uusap.” (Kawikaan 15:22) Kung kinailangan ang kompedensiyal na pag-uusap noong maliliit pa ang mga anak, lalo nang mahalaga ito sa panahon ng pagiging tin-edyer—kapag kakaunting panahon na lamang ang ginugugol ng mga kabataan sa kanilang tahanan at higit na panahon naman sa mga kaibigan sa paaralan o sa iba pang mga kasama. Kung walang kompedensiyal na pag-uusap—walang tapat at bukás na pag-uusap ng mga anak at mga magulang—ang mga tin-edyer ay maaaring maging estranghero sa bahay. Kaya papaano mapananatiling bukás ang mga linya ng pag-uusap?
5. Papaano nararapat malasin ng mga tin-edyer ang pakikipag-usap sa kanilang mga magulang?
5 Dapat na gawin kapuwa ng mga tin-edyer at ng mga magulang ang kanilang bahagi rito. Totoo, maaaring mas mahirap para sa mga nagbibinata’t nagdadalaga na makipag-usap sa kanilang mga magulang ngayon kaysa noong sila’y bata pa. Gayunman, tandaan na “kapag walang dalubhasang patnubay, ang bayan ay nabubuwal; ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may kaligtasan.” (Kawikaan 11:14) Ang mga salitang ito ay kapit sa lahat, bata’t matanda. Ang mga tin-edyer na nakatatanto nito ay makauunawa na kailangan pa rin nila ang dalubhasang patnubay, yamang sila’y napapaharap sa higit na magugusot na suliranin kaysa noon. Dapat nilang kilalanin na ang kanilang sumasampalatayang mga magulang ay talagang karapat-dapat maging mga tagapayo sapagkat sila’y higit na may karanasan sa buhay at nakapagpatunay na ng kanilang mapagmahal na pagmamalasakit sa nakalipas na maraming taon. Kaya nga, sa yugtong ito ng kanilang buhay, ang matatalinong tin-edyer ay hindi tatalikod sa kanilang mga magulang.
6. Anong saloobin ang tataglayin ng matalino at mapagmahal na mga magulang tungkol sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak na tin-edyer?
6 Ang bukás na pag-uusap ay nangangahulugang sisikapin ng magulang na palagi siyang may panahon kapag nadarama ng tin-edyer ang pangangailangan na makipag-usap. Kung ikaw ay isang magulang, tiyakin mong bukás ang pag-uusap kahit man lamang sa iyong panig. Maaaring ito’y hindi madali. Sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) Kapag nadarama ng iyong anak na tin-edyer na panahon ito ng pagsasalita, baka iyon naman ang panahon ng pagtahimik para sa iyo. Maaaring inilaan mo na ang panahong iyon para sa personal na pag-aaral, pagpapahingalay, o pagtatrabaho sa bahay. Magkagayon man, kung ibig ng bata na makipag-usap sa iyo, sikaping baguhin ang iyong mga plano at makinig. Kung hindi, baka hindi na siya umulit. Tandaan ang halimbawa ni Jesus. Minsan, naisaayos na niya ang panahon upang magpahingalay. Ngunit nang magdatingan ang mga tao upang makinig sa kaniya, ipinagpaliban muna niya ang pagpapahinga at tinuruan niya sila. (Marcos 6:30-34) Alam ng karamihan sa mga tin-edyer na ang kanilang mga magulang ay totoong abala, subalit kailangan nila ang katiyakan na naririyan lamang ang kanilang mga magulang kung kakailanganin nila. Kaya nga, maglaan ng panahon at maging maunawain.
7. Ano ang dapat iwasan ng mga magulang?
7 Sikapin mong balikan ang panahon nang ikaw ay tin-edyer pa, at huwag sanang mawala sa iyo ang ugaling mapagpatawa! Kailangang mawili ang mga magulang ng pakikisama sa kanilang mga anak. Kapag may libreng panahon, papaano ito ginugugol ng mga magulang? Kung ibig nilang laging gamitin ang kanilang libreng panahon sa paggawa ng mga bagay na hindi isinasali ang kanilang pamilya, mapapansin agad ito ng kanilang mga anak na tin-edyer. Kapag nadarama ng mga nagbibinata’t nagdadalaga na mas nagpapahalaga sa kanila ang mga kaibigan sa paaralan kaysa sa kanilang mga magulang, tiyak na magkakaproblema sila.
KUNG ANO ANG DAPAT PAG-USAPAN
8. Papaano maikikintal sa mga anak ang pagpapahalaga sa katapatan, kasipagan, at wastong paggawi?
8 Kung hindi pa naikikintal ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pagpapahalaga sa katapatan at kasipagan, dapat nilang tiyakin na magawa ito sa panahon ng pagiging tin-edyer. (1 Tesalonica 4:11; 2 Tesalonica 3:10) Mahalaga rin para sa kanila na tiyaking ang kanilang mga anak ay buong-pusong naniniwala sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mabuting asal at malinis na pamumuhay. (Kawikaan 20:11) Malaki ang maipahahatid ng isang magulang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng halimbawa. Kung papaanong ang di-sumasampalatayang asawa ay maaaring “mawagi . . . nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga asawang babae,” gayundin naman matututuhan ng mga tin-edyer ang mga tamang simulain sa pamamagitan ng paggawi ng kanilang mga magulang. (1 Pedro 3:1) Magkagayon man, ang basta halimbawa lamang ay hindi kailanman magiging sapat, yamang ang mga bata ay nakalantad din naman sa maraming masasamang halimbawa at sa dumaragsang mapang-akit na propaganda sa labas ng tahanan. Kung gayon, kailangang malaman ng nagmamalasakit na mga magulang ang pananaw ng kanilang mga anak na tin-edyer sa kanilang nakikita at naririnig, at ito’y nangangailangan ng makabuluhang pag-uusap.—Kawikaan 20:5.
9, 10. Bakit dapat tiyakin ng mga magulang na maturuan ang kanilang mga anak tungkol sa seksuwal na mga bagay, at papaano nila ito magagawa?
9 Lalo nang totoo ito kung tungkol sa seksuwal na mga bagay. Mga magulang, kayo ba’y nahihiyang ipakipag-usap sa inyong mga anak ang tungkol sa sekso? Magkagayon man, sikapin pa ring magawa ito, sapagkat tiyak na ito’y matututuhan din ng inyong kabataang mga anak mula sa ibang tao. Kung sila’y hindi matututo mula sa inyo, sino ang makaaalam kung anong baluktot na impormasyon ang makukuha nila? Sa Bibliya, hindi iniwasan ni Jehova ang pagbanggit hinggil sa sekso, at dapat na gayundin ang mga magulang.—Kawikaan 4:1-4; 5:1-21.
10 Salamat na lamang, ang Bibliya ay naglalaman ng maliwanag na patnubay sa larangan ng seksuwal na paggawi, at naglathala ang Samahang Watchtower ng maraming nakatutulong na impormasyon na nagpapakitang ang mga patnubay na ito ay kapit pa rin sa modernong daigdig. Bakit hindi gamitin ang tulong na ito? Halimbawa, bakit hindi repasuhin sa iyong anak ang bahaging “Ang Sekso at Moralidad” sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas? Magugulat ka sa mga nakasisiyang resulta nito.
11. Ano ang pinakamabisang paraan para sa mga magulang na ituro sa kanilang mga anak kung papaano paglilingkuran si Jehova?
11 Ano ang pinakamahalagang paksa na dapat pag-usapan ng mga magulang at mga anak? Tinukoy ito ni apostol Pablo nang isulat niya: “Patuloy na palakihin [ang inyong mga anak] sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova.” (Efeso 6:4) Kailangang patuloy na matutuhan ng mga anak ang tungkol kay Jehova. Higit sa lahat, kailangang matutuhan nilang ibigin siya, at dapat na hangarin nilang paglingkuran siya. Dito man ay malaki ang maituturo ng halimbawa. Kung makikita ng mga nagbibinata’t nagdadalaga na ang kanilang mga magulang ay umiibig sa Diyos ‘nang buong puso nila at nang buong kaluluwa nila at nang buong pag-iisip nila’ at na ito’y nagluluwal ng mabubuting bunga sa buhay ng kanilang mga magulang, malamang na maiimpluwensiyahan sila na gayundin ang gawin. (Mateo 22:37) Gayundin naman, kung makikita ng mga kabataan na ang kanilang mga magulang ay may makatuwirang pangmalas sa materyal na mga bagay, anupat inuuna ang Kaharian ng Diyos, sila’y matutulungang magkaroon ng gayunding pag-iisip.—Eclesiastes 7:12; Mateo 6:31-33.
Kailangang-kailangan ng pamilya ang regular na pag-aaral ng Bibliya
12, 13. Anu-anong punto ang dapat tandaan upang magtagumpay ang pampamilyang pag-aaral?
12 Ang lingguhang pampamilyang pag-aaral ng Bibliya ay isang mahalagang pantulong sa pagpapahatid ng espirituwal na mga simulain sa mga kabataan. (Awit 119:33, 34; Kawikaan 4:20-23) Napakahalaga na maging regular ang gayong pag-aaral. (Awit 1:1-3) Kailangang mapagtanto ng mga magulang at ng kanilang mga anak na ang ibang mga bagay ay dapat na gawing pangalawahin lamang sa pag-aaral ng pamilya, hindi ang kabaligtaran. Isa pa, kailangan ang tamang saloobin upang maging mabisa ang pag-aaral ng pamilya. Sabi ng isang ama: “Ang lihim ay ang pairalin ng nangangasiwa ang palagay-loob ngunit may-paggalang na espiritu sa panahon ng pampamilyang pag-aaral—impormal ngunit hindi naman sa walang-kapararakan. Ang tamang pagkatimbang ay maaaring hindi laging madaling maabot, at ang mga kabataan ay maaaring mangailangan ng malimit na pagtutuwid ng saloobin. Kung hindi nagiging maayos ang mga bagay-bagay minsan makalawa, magtiyaga at umasa sa susunod na pagkakataon.” Ang ama ring ito ay nagsabi na sa kaniyang panalangin bago ang bawat pag-aaral, espesipikong humihiling siya ng tulong mula kay Jehova para sa tamang pangmalas sa bahagi ng lahat ng naroroon.—Awit 119:66.
13 Ang pagdaraos ng pampamilyang pag-aaral ay pananagutan ng sumasampalatayang mga magulang. Totoo, ang ilang magulang ay maaaring hindi likas na mahuhusay na guro, at maaaring mahirapan silang gumawa ng paraan upang maging kawili-wili ang pag-aaral ng pamilya. Gayunman, kung mahal mo ang iyong mga anak na tin-edyer “sa gawa at katotohanan,” hahangarin mong matulungan sila sa mapagpakumbaba at tapat na paraan upang sumulong sa espirituwal. (1 Juan 3:18) Maaaring magreklamo sila paminsan-minsan, ngunit malamang na madarama nila ang iyong matinding interes sa kanilang kapakanan.
14. Papaano maikakapit ang Deuteronomio 11:18, 19 kapag ipinakikipag-usap ang espirituwal na mga bagay sa mga tin-edyer?
14 Hindi lamang ang pampamilyang pag-aaral ang tanging pagkakataon upang ipakipag-usap ang mahahalagang espirituwal na bagay. Naaalaala mo ba ang utos ni Jehova sa mga magulang? Sabi niya: “Dapat mong ikapit ang aking pananalitang ito sa iyong puso at sa iyong kaluluwa at itali ang mga ito sa iyong kamay bilang tanda, at ang mga ito’y dapat magsilbing panali sa harapan sa pagitan ng iyong mga mata. Dapat mo ring ituro ang mga ito sa iyong mga anak, upang sabihin ang mga ito kapag ikaw ay nauupo sa iyong bahay at kapag ikaw ay lumalakad sa lansangan at kapag ikaw ay nahihiga at kapag ikaw ay bumabangon.” (Deuteronomio 11:18, 19; tingnan din ang Deuteronomio 6:6, 7.) Hindi naman ito nangangahulugan na ang mga magulang ay dapat na palaging nangangaral sa kanilang mga anak. Ngunit ang maibiging ulo ng pamilya ay dapat na maging laging listo sa mga pagkakataon na mapatibay ang espirituwal na pangmalas ng kaniyang pamilya.
DISIPLINA AT PAGGALANG
15, 16. (a) Ano ang disiplina? (b) Sino ang may responsibilidad sa paglalapat ng disiplina, at sino ang may pananagutan sa pagtiyak na ito’y masusunod?
15 Ang disiplina ay pagsasanay na nagtutuwid, at kasali rito ang pakikipag-usap. Ang disiplina ay higit na may diwa ng pagwawasto kaysa pagpaparusa—bagaman maaaring kailanganin ang pagpaparusa. Kinailangan ng iyong mga anak ang disiplina noong sila’y mga bata pa, at ngayong sila’y mga tin-edyer na, kailangan pa rin nila ang isang partikular na anyo nito, marahil higit pa nga. Batid ng matatalinong tin-edyer na ito’y totoo.
16 Sabi ng Bibliya: “Ang sinumang mangmang ay hindi gumagalang sa disiplina ng kaniyang ama, ngunit ang sinumang nagsasaalang-alang ng saway ay matalas ang isip.” (Kawikaan 15:5) Malaki ang ating natututuhan sa kasulatang ito. Ipinahihiwatig nito na ibibigay ang disiplina. Ang isang tin-edyer ay hindi ‘makapagsasaalang-alang ng saway’ kung hindi ito ibinigay. Ibinibigay ni Jehova sa mga magulang, lalo na sa ama, ang pananagutan na maglapat ng disiplina. Gayunman, pananagutan naman ng tin-edyer na makinig sa disiplinang iyan. Higit siyang matututo at hindi palaging magkakamali kung susundin niya ang matalinong disiplina ng kaniyang ama at ina. (Kawikaan 1:8) Sabi ng Bibliya: “Ang isa na nagpapabaya sa disiplina ay sumasapit sa karalitaan at kasiraang-puri, ngunit ang isa na nakikinig sa saway ay siyang ipinagkakapuri.”—Kawikaan 13:18.
17. Anong pagkatimbang ang kailangang taglayin ng mga magulang kapag naglalapat ng disiplina?
17 Kapag nagdidisiplina ng mga tin-edyer, kailangang maging timbang ang mga magulang. Dapat nilang iwasan na maging napakaistrikto anupat iniinis nila ang kanilang mga supling, marahil ay nasisira pa nga ang pagtitiwala ng kanilang mga anak sa kanilang sarili. (Colosas 3:21) Ngunit ayaw din naman ng mga magulang na maging pabaya anupat hindi na nabibigyan ang mga kabataan ng mahalagang pagsasanay. Ang gayong pagpapabaya ay mapanganib. Sabi ng Kawikaan 29:17: “Lapatan mo ng parusa ang iyong anak at magdadala siya sa iyo ng kapahingahan at magbibigay ng malaking kaluguran sa iyong kaluluwa.” Gayunman, sabi ng talatang 21: “Kung pinalalayaw ng isa ang kaniyang lingkod mula sa kabataan patuloy, sa bandang huli ng kaniyang buhay ay magiging isa nga siyang di-mapagpasalamat.” Bagaman ang pinag-uusapan sa talatang ito ay tungkol sa isang lingkod, ito’y kumakapit din sa sinumang kabataan sa sambahayan.
18. Katunayan ng ano ang disiplina, at ano ang naiiwasan kapag ang mga magulang ay naglalapat ng patuluyang disiplina?
18 Ang totoo, ang angkop na disiplina ay katunayan ng pagmamahal ng magulang sa kaniyang anak. (Hebreo 12:6, 11) Kung ikaw ay isang magulang, alam mong hindi madaling mapanatili ang patuluyan at makatuwirang disiplina. Kung isasaalang-alang ang kapayapaan, waring magiging mas madali kung pababayaan na lamang ang suwail na tin-edyer na gawin ang gusto niya. Gayunman, pagsapit ng panahon, ang magulang na gumawa ng kababanggit na landasin ay mag-aani ng isang sambahayang di na kayang supilin.—Kawikaan 29:15; Galacia 6:9.
PAGTATRABAHO AT PAGLALARO
19, 20. Papaano may-katalinuhang pinangangasiwaan ng mga magulang ang libangan para sa kanilang mga anak na tin-edyer?
19 Noong sinaunang panahon ang mga anak ay karaniwan nang inaasahan na tumulong sa tahanan o sa bukid. Sa ngayon ang mga tin-edyer ay napakaraming libreng panahon na doo’y hindi sila nababantayan. Upang may magawa sa panahong iyan, naglaan ang daigdig ng komersiyo ng pagkarami-raming mapaglilibangan. Idagdag pa rito ang bagay na bahagyang-bahagya lamang ang pagpapahalaga ng sanlibutan sa mga pamantayan ng Bibliya tungkol sa moralidad, at malamang na ang kahahantungan nito ay kapahamakan.
20 Kaya nga, hindi binibitiwan ng matalinong magulang ang karapatan na gumawa ng pangwakas na pasiya hinggil sa paglilibang. Gayunman, huwag kalilimutang lumalaki ang anak na tin-edyer. Sa bawat taóng lumilipas, siya’y malamang na umasang pakikitunguhan na gaya ng isang nasa hustong gulang na. Kung gayon, isang katalinuhan para sa magulang na magbigay ng higit na kalayaan sa pagpili ng libangan habang lumalaki ang anak na tin-edyer—hangga’t ang mga napipiling iyon ay nagpapaaninag ng pagsulong tungo sa espirituwal na pagkamaygulang. Kung minsan, maaaring magkamali ang tin-edyer sa pagpili ng musika, mga kasama, at iba pa. Kapag nagkaganito, dapat itong ipakipag-usap sa tin-edyer upang mapagbuti ang pagpili sa hinaharap.
21. Papaanong ang pagiging makatuwiran sa laki ng panahong ginugugol sa paglilibang ay makapag-iingat sa isang tin-edyer?
21 Gaanong panahon ang dapat ilaan sa paglilibang? Sa ibang lupain ang mga tin-edyer ay inaakay na maniwalang sila’y may karapatan sa patuluyang paglilibang. Kaya nga, ang nagbibinata’t nagdadalaga ay baka magsaplano ng kaniyang iskedyul anupat wala na siyang ginawa kundi ang sunud-sunod na “pagpapasarap sa buhay.” Pananagutan ng magulang na iturong dapat din namang gamitin ang panahon sa ibang bagay, gaya ng pamilya, personal na pag-aaral, pakikisalamuha sa mga maygulang sa espirituwal, mga Kristiyanong pagpupulong, at gawaing bahay. Maiingatan nito na huwag sakalin ng “mga kaluguran sa buhay na ito” ang Salita ng Diyos.—Lucas 8:11-15.
22. Ang paglilibang ay dapat timbangan ng ano sa buhay ng isang tin-edyer?
22 Sabi ni Haring Solomon: “Nalaman ko na walang anumang lalong mabuti para sa kanila kaysa magsaya at gumawa ng mabuti habang sila’y nabubuhay; at gayundin na ang bawat tao ay nararapat kumain at tunay na uminom at makita ang mabuti para sa lahat ng kaniyang masikap na paggawa. Ito ang kaloob ng Diyos.” (Eclesiastes 3:12, 13) Oo, ang pagsasaya ay bahagi ng isang timbang na pamumuhay. Ngunit gayundin naman ang masikap na paggawa. Marami sa mga tin-edyer ngayon ang hindi nagtatamasa ng kasiyahang dulot ng masikap na paggawa o ng pagkadama ng paggalang sa sarili dahil sa pagharap sa isang suliranin at paglutas nito. Ang ilan ay hindi nabibigyan ng pagkakataong matuto ng isang kasanayan o isang gawaing susuporta sa kanila sa bandang huli. Narito ang isang tunay na hamon para sa magulang. Titiyakin mo ba na ang iyong kabataang anak ay magkakaroon ng gayong pagkakataon? Kung magtatagumpay ka sa pagtuturo sa iyong anak na tin-edyer na magpahalaga at masiyahan pa nga sa masikap na paggawa, siya’y magkakaroon ng malusog na pangmalas na magdadala ng habang-buhay na pakinabang.
MULA SA TIN-EDYER TUNGO SA HUSTONG GULANG
Magpakita ng pag-ibig at pagpapahalaga sa iyong mga anak
23. Papaano mapatitibay ng mga magulang ang kanilang mga anak na tin-edyer?
23 Kahit na kayo’y may suliranin sa inyong anak na tin-edyer, totoo pa rin ang kasulatan: “Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:8) Huwag kailanman manghihinawa sa pagpapakita ng pag-ibig na walang-alinlangang nadarama mo. Tanungin ang sarili, ‘Pinupuri ko ba ang bawat isa kong anak sa kaniyang tagumpay sa pagharap sa mga suliranin o pananagumpay sa mga balakid? Sinasamantala ko ba ang mga pagkakataon na maipakita ang aking pag-ibig at pagpapahalaga sa aking mga anak, bago lumipas ang mga pagkakataong iyon?’ Bagaman kung minsan ay may di-pagkakaunawaan, kung nakatitiyak ang mga tin-edyer sa iyong pagmamahal sa kanila, mas malamang na gantihan ka rin ng pagmamahal.
24. Anong maka-Kasulatang simulain ang totoo pa rin bilang pangkalahatang tuntunin sa pagpapalaki ng mga anak, ngunit ano ang dapat tandaan?
24 Mangyari pa, habang nagkakaedad ang mga anak, darating ang panahon na sila’y gagawa ng mabibigat na pasiya para sa kanilang sarili. Sa ilang pagkakataon ay maaaring hindi magustuhan ng mga magulang ang mga pasiyang iyon. Papaano kaya kung magpasiya ang kanilang anak na huminto na sa paglilingkod kay Jehova? Maaari itong mangyari. Maging ang ilan sa sariling mga espiritung anak ni Jehova ay tumanggi sa kaniyang payo at lumabas na rebelde. (Genesis 6:2; Judas 6) Ang mga bata’y hindi mga computer, na maaaring iprograma upang kumilos sa paraang gusto natin. Sila’y mga nilalang na may sariling kalooban, na may pananagutan sa harapan ni Jehova sa pagpapasiyang ginagawa nila. Magkagayon man, ang Kawikaan 22:6 ay totoo pa rin bilang pangkalahatang tuntunin: “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.”
25. Para sa mga magulang, ano ang pinakamainam na paraan ng pagpapasalamat kay Jehova dahil sa pribilehiyo ng pagpapalaki ng anak?
25 Kung gayon, ipakita mo sa iyong mga anak ang saganang pag-ibig. Gawin mo ang iyong buong makakaya na masunod ang mga simulain ng Bibliya sa pagpapalaki sa kanila. Magpakita ng mainam na halimbawa ng maka-Diyos na paggawi. Sa gayon ay maibibigay mo sa iyong mga anak ang pinakamabuting pagkakataon na lumaking responsable, may-takot sa Diyos na mga indibiduwal. Para sa mga magulang, ito ang pinakamainam na paraan ng pagpapasalamat kay Jehova dahil sa pribilehiyo ng pagpapalaki ng anak.