Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 1/1 p. 26-29
  • Kamuhian Natin ang Balakyot

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kamuhian Natin ang Balakyot
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pinanatiling Malinis ang Kongregasyon
  • Di-maiiwasang mga Bunga
  • Kapag Nagkasala ang Nag-alay na Kristiyano
  • Kumusta Naman ang Mang-aabuso ng Bata?
  • Inaalam ang Kahinaan, Kabalakyutan, at Pagsisisi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Saganang Nagpapatawad si Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Palaging Tanggapin ang Disiplina ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Nagkasala Ka ba Laban sa Banal na Espiritu?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 1/1 p. 26-29

Kamuhian Natin ang Balakyot

SI Jehova ay isang banal na Diyos. Siya ang “Banal na Isa ng Israel” noong sinaunang panahon, at dahil dito ay iniutos niya sa Israel na maging malinis, walang-batik. (Awit 89:18) Sinabi niya sa kaniyang piniling bayan: “Patunayan ninyong kayo’y banal, sapagkat ako ay banal.” (Levitico 11:45) Sinumang nais na “umakyat sa bundok ni Jehova” ay kailangang “inosente ang kaniyang mga kamay at malinis ang puso.” (Awit 24:3, 4) Nangangahulugan iyan ng higit pa kaysa sa pag-iwas lamang sa paggawa ng mga kasalanan. Iyan ay nangangahulugang “pagkapoot sa masama.”​—Kawikaan 8:13.

Si Jehova ay maibiging nagbigay ng detalyadong mga batas upang makilala at maiwasan ng bansang Israel ang masamang gawa. (Roma 7:7, 12) Kasali sa mga batas na ito ang istriktong mga alituntunin sa moral. Pawang ipinakilala bilang di-banal na espirituwal na dumi ang pangangalunya, homoseksuwalidad, insesto, at pagsiping sa hayop. (Levitico 18:23; 20:10-17) Yaong mga nagkasala ng gayong napakaruming gawain ay pinuksa mula sa bansang Israel.

Nang ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano ay naging “ang Israel ng Diyos,” katulad na mga pamantayang moral ang ibinigay sa kanila. (Galacia 6:16) Ang mga Kristiyano ay dapat ding ‘mamuhi sa balakyot.’ (Roma 12:9) Kumakapit din sa kanila ang mga sinabi ni Jehova sa Israel: “Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal.” (1 Pedro 1:15, 16) Hindi dapat marumihan ang Kristiyanong kongregasyon ng mga di-banal na gawain gaya ng pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad, pagsiping sa hayop, at insesto. Aalisin sa Kaharian ng Diyos yaong mga tumatangging huminto sa paggawa ng gayong mga bagay. (Roma 1:26, 27; 2:22; 1 Corinto 6:9, 10; Hebreo 13:4) Sa “mga huling araw” na ito, kumakapit ang gayunding pamantayan sa “ibang mga tupa.” (2 Timoteo 3:1; Juan 10:16) Bilang resulta, ang mga pinahirang Kristiyano at ibang tupa ay bumubuo ng isang malinis at kaayaayang bayan, na maaaring magdala sa pangalan ng kanilang Diyos bilang mga Saksi ni Jehova.​—Isaias 43:10.

Pinanatiling Malinis ang Kongregasyon

Sa kabaligtaran, pinapayagan ng sanlibutan ang lahat ng uri ng imoralidad. Bagaman ibang-iba ang mga tunay na Kristiyano, hindi nila dapat kalimutan na marami sa mga naglilingkod ngayon kay Jehova ay dating tagasanlibutan. Bago nakilala ang ating banal na Diyos, walang makitang dahilan ang marami upang di-bigyang-daan ang mga pagnanasa at guniguni ng kanilang makasalanang laman, anupat naglulubalob sa “pusali ng kabuktutan.” (1 Pedro 4:4) Matapos ilarawan ang kasuklam-suklam na mga gawain ng imoral na mga tao ng mga bansa, sinabi ni apostol Pablo: “Ganiyan ang ilan sa inyo dati.” Gayunman, sinabi pa niya: “Ngunit nahugasan na kayong malinis, ngunit pinabanal na kayo, ngunit naipahayag na kayong matuwid sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo at sa espiritu ng ating Diyos.”​—1 Corinto 6:11.

Tunay ngang nakaaaliw na pangungusap iyan! Anuman ang ginawa ng isang tao sa kaniyang buhay noong nakaraan, siya ay nagbabago kapag ang maluwalhating mabuting balita tungkol sa Kristo ay nagkaepekto sa kaniyang puso. Nananampalataya siya at nag-aalay ng kaniyang sarili sa Diyos na Jehova. Mula sa araw na iyon ay namumuhay siya nang may kalinisan sa moral, anupat nahugasang malinis sa paningin ng Diyos. (Hebreo 9:14) Pinatatawad ang mga kasalanang nagawa niya noong una, at maaari niyang ‘abutin ang mga bagay na nasa unahan.’a​—Filipos 3:13, 14; Roma 4:7, 8.

Pinatawad ni Jehova ang nagsising si David sa pagpatay at pangangalunya, at pinatawad Niya ang nagsising si Manases sa imoral na idolatriya at pagbububo ng maraming dugo. (2 Samuel 12:9, 13; 2 Cronica 33:2-6, 10-​13) Tunay na pinasasalamatan natin na siya ay handa ring magpatawad sa atin kung tayo ay taimtim at mapagpakumbabang magsisisi at lalapit sa kaniya. Subalit, sa kabila ng pagpapatawad ni Jehova kina David at Manases, kinailangang harapin ng dalawang lalaking ito​—at pati ng Israel​—ang bunga ng kanilang mga pagkakasala. (2 Samuel 12:11, 12; Jeremias 15:3-5) Sa gayunding paraan, bagaman pinatatawad ni Jehova ang mga nagsisising nagkasala, hindi nila maiiwasan ang posibleng bunga ng kanilang ginawa.

Di-maiiwasang mga Bunga

Halimbawa, ang isang tao na namuhay nang mahalay at nahawahan ng AIDS ay maaaring tumanggap ng katotohanan at magbago hanggang sa mag-alay at magpabautismo. Siya ngayon ay isang Kristiyanong malinis sa espirituwal na may kaugnayan sa Diyos at may kamangha-manghang pag-asa sa hinaharap; subalit may AIDS pa rin siya. Maaaring sa bandang huli ay mamatay siya dahil sa sakit, isang malungkot subalit di-maiiwasang bunga ng kaniyang dating paggawi. Para sa ilang Kristiyano ang epekto ng dating malubhang imoralidad ay maaaring magpatuloy sa ibang paraan. Sa maraming taon pagkatapos ng kanilang bautismo, marahil sa natitirang bahagi ng kanilang buhay sa sistemang ito ng mga bagay, baka kailangan nilang paglabanan ang mga pagnanasa ng kanilang laman na magbalik sa kanilang dating imoral na istilo ng pamumuhay. Sa tulong ng espiritu ni Jehova, nagtagumpay sa paglaban ang marami. Subalit kailangang makipagbaka sila nang patuluyan.​—Galacia 5:16, 17.

Hindi nagkakasala ang gayong mga tao hangga’t napipigil nila ang kanilang mga pagnanasa. Subalit kung sila’y mga lalaki, baka katalinuhan na ipasiya nilang huwag ‘umabot’ ng tungkulin sa kongregasyon samantalang nakikipaglaban pa sa masidhing mga simbuyo ng laman. (1 Timoteo 3:1) Bakit? Sapagkat batid nila ang ipinagkakatiwala ng kongregasyon sa matatanda. (Isaias 32:1, 2; Hebreo 13:17) Alam nila na kinokonsulta ang matatanda sa maraming pampribadong bagay at humaharap sa maseselang na mga situwasyon. Hindi maibigin, matalino, ni makatuwiran para sa isa na nakikipagbaka pa sa maruming mga pagnanasa ng laman na abutin ang gayong responsableng tungkulin.​—Kawikaan 14:16; Juan 15:12, 13; Roma 12:1.

Para sa isang tao na dating mang-aabuso ng bata bago nabautismuhan, baka may iba pang masamang bunga. Nang matutuhan niya ang katotohanan, siya’y nagsisi at nanumbalik, anupat hindi dinala sa kongregasyon ang gayong mapaminsalang pagkakasala. Pagkatapos noon ay maaaring sumulong siya nang mabilis, anupat lubusang napananagumpayan ang kaniyang maling mga simbuyo, at naghahangad pa nga na ‘umabot’ ng responsableng tungkulin sa kongregasyon. Subalit kumusta kung kilala pa rin siya sa komunidad bilang dating mang-aabuso ng bata? Siya ba ay “di-mapupulaan, . . . may mainam na testimonyo mula sa mga tao sa labas, . . . malaya mula sa akusasyon”? (1 Timoteo 3:1-7, 10; Tito 1:7) Hindi, tiyak na hindi. Kung gayon, hindi siya kuwalipikadong magkapribilehiyo sa kongregasyon.

Kapag Nagkasala ang Nag-alay na Kristiyano

Nauunawaan ni Jehova na tayo ay mahina at maaaring magkasala kahit pagkatapos nating mabautismuhan. Sumulat si apostol Juan sa mga Kristiyano noong kaniyang kaarawan: “Isinusulat ko sa inyo ang mga bagay na ito upang hindi kayo makagawa ng kasalanan. At gayunman, kung ang sinuman ay makagawa ng kasalanan, tayo ay may katulong sa Ama, si Jesu-Kristo, isa na matuwid. At siya ay pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan, gayunma’y hindi para sa atin lamang kundi para sa buong sanlibutan din naman.” (1 Juan 2:1, 2) Oo, salig sa hain ni Jesus, patatawarin ni Jehova ang mga bautisadong Kristiyano na nagkasala​—kung sila ay tunay na magsisisi at iiwan ang kanilang maling landasin.

Ang isang halimbawa nito ay nangyari sa unang-siglong kongregasyon sa Corinto. Nabalitaan ni apostol Pablo ang isang kaso hinggil sa insesto sa bagong kongregasyong iyon, at itinagubilin niya na itiwalag ang lalaking kasangkot. Nang maglaon, nagsisi ang nagkasala, at pinayuhan ni Pablo ang kongregasyon na ibalik siya. (1 Corinto 5:1, 13; 2 Corinto 2:5-9) Sa gayon, sa pamamagitan ng nagpapagaling na kapangyarihan ng maibiging kabaitan ni Jehova at ng dakilang halaga ng haing pantubos ni Jesus, nalinis ang lalaki mula sa kaniyang kasalanan. Gayundin ang maaaring mangyari sa ngayon. Muli, magkagayunman, kahit nagsisi at pinatawad sa paningin ni Jehova ang isang bautisado na malubhang nagkasala, baka magkaroon pa rin ng namamalaging epekto ang kaniyang pagkakasala.​—Kawikaan 10:16, 17; Galacia 6:7.

Halimbawa, kung nagkasala ng pakikiapid ang isang nag-alay na kabataang babae, maaaring may kapaitang pagsisisihan niya ang kaniyang ginawa at sa wakas ay maibalik sa espirituwal na kalusugan sa tulong ng kongregasyon. Subalit paano kung siya ay nagdalang-tao dahil sa kaniyang imoralidad? Kung gayon ang buong buhay niya ay walang pagsalang binago ng kaniyang ginawa. Ang isang lalaki na nangalunya ay maaaring magsisi at hindi matiwalag. Subalit ang kaniyang di-nagkasalang asawa ay may maka-Kasulatang dahilan upang diborsiyuhin siya, at maaari niyang gawin ito. (Mateo 19:9) Kapag ginawa niya iyon, daranasin ng lalaki ang mapait na bunga ng kaniyang pagkakasala habang siya’y nabubuhay, bagaman pinatawad siya ni Jehova.​—1 Juan 1:9.

Kumusta naman ang isang lalaki na basta na lamang diniborsiyo ang kaniyang asawa upang makapag-asawa ng ibang babae? Marahil sa wakas ay magsisisi siya at maibabalik sa kongregasyon. Baka umunlad siya at ‘sumulong tungo sa pagkamaygulang’ sa paglipas ng panahon. (Hebreo 6:1) Subalit hangga’t ang kaniyang unang kabiyak ay nabubuhay nang walang asawa, hindi siya magiging kuwalipikadong maglingkod sa isang responsableng tungkulin sa kongregasyon. Siya ay hindi “asawa ng isang asawang babae” dahil wala siyang maka-Kasulatang saligan upang hiwalayan ang kaniyang unang asawa.​—1 Timoteo 3:2, 12.

Hindi ba matitibay na dahilan ito upang linangin ng isang Kristiyano ang pagkamuhi sa balakyot?

Kumusta Naman ang Mang-aabuso ng Bata?

Paano kung ang isang bata ay seksuwal na inabuso ng isang nasa hustong gulang na bautisadong Kristiyano? Ang nagkasala ba ay napakabalakyot na anupat hindi na siya mapatatawad ni Jehova? Hindi naman palagi. Sinabi ni Jesus na ang ‘pamumusong laban sa banal na espiritu’ ay walang kapatawaran. At sinabi ni Pablo na wala nang natitira pang hain ukol sa mga kasalanan para sa isa na sinasadya ang pamimihasa sa kasalanan bagama’t nalalaman ang katotohanan. (Lucas 12:10; Hebreo 10:26, 27) Ngunit walang sinasabi ang Bibliya na hindi na mapatatawad ang isang nasa hustong gulang na Kristiyano na seksuwal na nang-abuso ng bata​—ito man ay insesto o hindi. Sa katunayan, malilinis ang kaniyang mga kasalanan kung taos-puso siyang magsisisi at babaguhin ang kaniyang paggawi. Gayunman, baka kailangan pa rin niyang paglabanan ang mga maling simbuyo ng laman na kaniyang pinagyaman. (Efeso 1:7) At may mga masamang bunga na hindi niya maiiwasan.

Depende sa batas ng lupain na kaniyang tinitirahan, malamang na mabilanggo ang mang-aabuso o mapaharap sa ibang paghihigpit buhat sa Estado. Hindi siya ipagsasanggalang ng kongregasyon mula rito. Isa pa, inihayag ng lalaki ang isang malubhang kahinaan na dapat isaalang-alang simula ngayon. Kung waring siya’y nagsisisi, pasisiglahin siyang sumulong sa espirituwal, makibahagi sa paglilingkod sa larangan, magkaroon pa nga ng mga bahagi sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro at sa ibang bahagi sa Pulong sa Paglilingkod na walang kinalaman sa pagtuturo. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na magiging kuwalipikado na siya upang maglingkod sa isang responsableng tungkulin sa kongregasyon. Ano ang mga maka-Kasulatang dahilan hinggil dito?

Una, ang isang matanda ay dapat na “mapagpigil-sa-sarili.” (Tito 1:8) Totoo, walang isa man sa atin ang may ganap na pagpipigil-sa-sarili. (Roma 7:21-25) Subalit ang isang nasa hustong gulang na nag-alay na Kristiyano na seksuwal na nang-abuso ng bata ay nagsisiwalat ng di-likas na kahinaan sa laman. Pinatutunayan ng karanasan na maaaring mang-abuso ng ibang bata ang gayong tao. Totoo, hindi lahat ng nang-abuso ng bata ay muling nang-aabuso, subalit marami ang gumagawa ng gayon. At ang kongregasyon ay hindi nakababasa ng puso para tiyakin kung sino ang posibleng muling mang-abuso o hindi na mang-abuso ng bata. (Jeremias 17:9) Kaya naman, ang payo ni Pablo kay Timoteo ay lalong kumakapit sa kaso ng mga bautisadong nasa hustong gulang na nang-abuso ng bata: “Huwag mong ipatong kailanman ang iyong mga kamay nang madalian sa sinumang tao; ni maging isang kabahagi sa mga kasalanan ng iba.” (1 Timoteo 5:22) Para sa kaligtasan ng ating mga anak, ang isang lalaki na kilala sa pag-abuso ng bata ay hindi kuwalipikado para sa isang responsableng tungkulin sa kongregasyon. Isa pa, hindi siya maaaring maging payunir o maglingkod sa ibang pantangi at buong-panahong paglilingkuran.​—Ihambing ang simulain sa Exodo 21:28, 29.

Baka itanong ng ilan, ‘Hindi ba’t nakagawa ang ilan ng ibang uri ng pagkakasala at tila nagsisi, pagkatapos ay inulit ang kasalanan sa bandang huli?’ Oo, nangyari nga iyan, subalit may iba pang salik na dapat isaalang-alang. Halimbawa, kung gawan ng mahalay ng isang indibiduwal ang isang nasa hustong gulang, dapat nitong labanan ang pagtatangka ng taong iyon. Mas madaling dayain, lituhin, o takutin ang mga bata. Bumabanggit ang Bibliya hinggil sa kawalang-muwang ng isang bata. (Kawikaan 22:15; 1 Corinto 13:11) Ginamit ni Jesus ang mga bata bilang halimbawa sa pagpapakumbaba at pagkainosente. (Mateo 18:4; Lucas 18:16, 17) Kasali sa pagkainosente ng isang bata ang ganap na kawalang-karanasan. Karamihan sa mga bata ay palagay, sabik na magbigay-lugod, at sa gayo’y madaling abusuhin ng isang tusong nasa hustong gulang na kanilang kilala at pinagtitiwalaan. Kaya naman, may pananagutan ang kongregasyon sa harap ni Jehova na ipagsanggalang ang mga bata.

Ang mga batang naturuan nang mabuti ay natututong sumunod at gumalang sa kanilang mga magulang, sa matatanda, at sa ibang may sapat na gulang. (Efeso 6:1, 2; 1 Timoteo 5:1, 2; Hebreo 13:7) Isang nakagigimbal na kasamaan kung ang isa sa mga kinikilalang awtoridad na ito ay magsamantala sa walang-muwang na pagtitiwala ng isang bata upang hikayatin o pilitin siya na gumawa ng kahalayan. Yaong seksuwal na inabuso sa ganitong paraan ay kadalasang nakikipagpunyagi nang maraming taon upang mapanagumpayan ang ibinungang pinsala sa emosyon. Kaya nga, ang gayong nang-abuso ng bata ay nararapat sa matinding disiplina at restriksiyon ng kongregasyon. Hindi ang kaniyang katayuan bilang kinikilalang awtoridad ang dapat na pagtuunan ng pansin kundi, sa halip, ang walang-batik na kalinisan ng kongregasyon.​—1 Corinto 5:6; 2 Pedro 3:14.

Kung taimtim na nagsisisi ang mang-aabuso ng bata, kikilalanin niya ang katalinuhan ng pagkakapit sa mga simulain ng Bibliya. Kung tunay na natuto siyang mamuhi sa balakyot, kapopootan niya ang kaniyang ginawa at magpupunyagi na iwasang ulitin ang kaniyang kasalanan. (Kawikaan 8:13; Roma 12:9) Bukod diyan, tiyak na pasasalamatan niya si Jehova dahil sa kadakilaan ng Kaniyang pag-ibig, na bunga nito ang isang nagsisising nagkasala, na gaya niya, ay makasasamba pa rin sa ating banal na Diyos at makaaasa na mapabilang sa mga “matuwid” na mananahan sa lupa magpakailanman.​—Kawikaan 2:21.

[Talababa]

a Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Mayo 1, 1996, labas ng Ang Bantayan.

[Blurb sa pahina 28]

Bagaman pinatatawad ni Jehova ang mga nagsisising nagkasala, hindi nila maiiwasan ang posibleng bunga ng kanilang ginawa

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share