-
Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
taimtim na naglilingkod. Ang patotoo niya ay ang bunga ng kaniyang ministeryo, hindi isang nasusulat na katibayan. Subalit, bagaman ang ministeryo ay maluwalhati, hindi ito sanhi ng pagpapalalo. Ang kayamanan ng paglilingkod ay taglay ng di-sakdal na lingkod ng Diyos sa marupok na sisidlang-lupa upang buong-linaw na makilala ang kapangyarihan ng Diyos. Mahalaga ang pagpapakumbaba sa pagtanggap ng maluwalhating pribilehiyo ng pagiging-ministro ng Diyos, at isang di-sana-nararapat na kabaitan ang maglingkod bilang “mga embahador na kumakatawan kay Kristo”! Kaya angkop ang payo ni Pablo “na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at waling-halaga ang layunin nito”!—2:14-17; 3:1-5; 4:7; 5:18-20; 6:1.
19. Sa anong iba’t-ibang paraan namumukod-tanging halimbawa si Pablo para sa mga Kristiyano ngayon, lalo na sa mga tagapangasiwa?
19 Tiyak na si Pablo ay mahusay na halimbawa para sa mga ministrong Kristiyano. Sabihin pa, pinahalagahan at pinag-aralan niya ang kinasihang Kasulatang Hebreo, at paulit-ulit na sumipi, tumukoy, at nagkapit dito. (2 Cor. 6:2, 16-18; 7:1; 8:15; 9:9; 13:1; Isa. 49:8; Lev. 26:12; Isa. 52:11; Ezek. 20:41; 2 Sam. 7:14; Ose. 1:10) Bilang tagapangasiwa ay nagpamalas din siya ng taimtim na pagmamalasakit sa kawan, at nagsabi: “Malulugod akong gumugol at handang magpagugol alang-alang sa inyong kaluluwa.” Lubusan niyang inihandog ang sarili sa kapakanan ng mga kapatid, gaya ng malinaw na makikita sa ulat. (2 Cor. 12:15; 6:3-10) Hindi siya nanghimagod sa pagtuturo, pagpapayo, at pagtutuwid sa kongregasyon sa Corinto. Buong-linaw siyang nagbabala laban sa pakikisama sa kadiliman, at nagsabi: “Huwag makipamatok nang kabilan sa di-sumasampalataya.” Dahil sa maibiging pagmamalasakit ayaw niyang sumamâ ang kanilang isipan, “kung papaano tinukso ng Ahas si Eba sa pamamagitan ng katusuhan,” kaya buong-sigla siyang nagpayo: “Patuloy na suriin kung kayo’y nasa pananampalataya, subukin ninyo ang sarili.” Pinukaw niya sila sa pagiging bukas-palad at sinabing “iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya,” at nagpahayag siya ng malaking pasasalamat sa Diyos sa Kaniyang di-masayod na walang-bayad na kaloob. Tunay na ang mga taga-Corinto ay iniukit ng pag-ibig sa puso ni Pablo at ang walang-imbot na paglilingkod sa kapakanan nila ay tanda ng isang masigasig, gisíng na tagapangasiwa. Siya’y bukod-tanging halimbawa sa atin ngayon!—6:14; 11:3; 13:5; 9:7, 15; 3:2.
20. (a) Papaano itinutuon ni Pablo ang ating isipan sa wastong direksiyon? (b) Anong maluwalhating pag-asa ang itinuturo ng Ikalawang Corinto?
20 Itinutuon ni apostol Pablo ang ating isipan sa tamang direksiyon sa pagsasabing ang “Ama ng kaawaan at Diyos ng buong kaaliwan” ang tunay na bukal ng kalakasan sa panahon ng pagsubok. Siya ang “umaaliw sa lahat ng ating kapighatian” upang makapagtiis tayo ukol sa kaligtasan sa bagong sanlibutan. Itinuturo rin ni Pablo ang maluwalhating pag-asa ng “isang gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi ginawa ng kamay, walang-hanggan sa mga langit” at nagsabi pa: “Kung ang sinoman ay kaisa ni Kristo, siya’y bagong nilalang; ang luma ay lumipas na, narito! lahat ay naging bago.” Tunay na kagila-gilalas ang pangako ng Ikalawang Corinto para sa mangagmamana ng Kaharian sa langit, gaya ni Pablo.—1:3, 4; 5:1, 17.
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 48—Mga Taga-Galacia“Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
-
-
Aklat ng Bibliya Bilang 48—Mga Taga-Galacia
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Corinto o Antioquia ng Sirya
Natapos Isulat: c. 50–52 C.E.
1. Aling mga kongregasyon sa Galacia ang sinulatan, at papaano at kailan natatag ang mga ito?
SA MGA kongregasyon sa Galacia na tinukoy ni Pablo sa Galacia 1:2 ay malamang na kasama ang Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe—mga dako sa iba’t-ibang distrito ngunit pawang nasa Romanong lalawigang ito. Binabanggit ng Mga Gawa kabanata 13 at 14 ang unang paglalakbay-misyonero ni Pablo at ni Bernabe na umakay sa pagkatatag ng mga kongregasyon sa Galacia. Binuo ito ng mga Judio at di-Judio, at tiyak na kabilang din ang mga Celt, o mga Gaul. Kagagaling ni Pablo sa Jerusalem noong mga 46 C.E.—Gawa 12:25.
2. (a) Ano ang resulta ng ikalawang paglalakbay ni Pablo sa Galacia, ngunit ano ang sumunod dito? (b) Samantala, papaano nagpatuloy si Pablo sa paglalakbay?
2 Noong 49 C.E., sinimulan nina Pablo at Silas ang ikalawang paglalakbay-misyonero ni Pablo sa Galacia, na umakay sa ‘pagtatag sa pananampalataya at paglago sa bilang ng mga kongregasyon araw- araw.’ (Gawa 16:5; 15:40, 41; 16:1, 2) Sinundan agad sila ng mga bulaang guro, mga mangungumberte sa Judaismo, na humikayat sa ilang taga-Galacia na maniwalang ang pagtutuli at pagsunod sa Kautusan ni Moises ay bahagi ng tunay na Kristiyanismo. Samantala nagpatuloy si Pablo sa paglalakbay sa kabila ng Mysia hanggang Macedonia at Gresya, at nang maglao’y sa Corinto kung saan nakisama siya nang 18 buwan sa mga kapatid. Noong 52 C.E., umalis siya at dumaan sa Efeso patungong Antioquia ng Sirya na kaniyang himpilan, at dumating siya nang taon ding yaon.—Gawa 16:8, 11, 12; 17:15; 18:1, 11, 18-22.
3. Mula saan at kailan malamang na napasulat ang Mga Taga-Galacia?
3 Saan at kailan sumulat si Pablo sa mga taga-Galacia? Tiyak na karaka-rakang mabalitaan niya ang tungkol sa mga mangungumberte sa Judaismo. Waring ito’y sa Corinto, Efeso, o Antioquia ng Sirya. Maaaring ito ay sa 18-buwang pamamalagi sa Corinto, 50-52 C.E., at sapat ang panahon upang makarating ang balita mula sa Galacia. Malamang na hindi sa Efeso, pagkat hindi siya nagtagal doon nang pabalik siya sa paglalakbay. Gayunman, “nagpalipas siya ng ilang panahon” sa kaniyang himpilan sa Antioquia ng Sirya, malamang na noong tag-araw ng 52 C.E., at yamang madaling makipagtalastasan sa Asya Minor, posible na nabalitaan niya ang tungkol sa mga mangungumberte at nasulatan niya ang mga taga-Galacia mula sa Antioquia ng Sirya sa panahong ito.—Gawa 18:23.
4. Ano ang isinisiwalat ng Mga Taga-Galacia tungkol sa pagka-apostol ni Pablo?
4 Si Pablo ay inilalarawan ng liham bilang “apostol, hindi mula sa tao o sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng Diyos na Ama.” Marami rin itong masasabi tungkol sa buhay at pagka-apostol ni Pablo upang patunayan na gumawa siya kasuwato ng mga apostol sa Jerusalem at na may kapamahalaan upang ituwid ang isa pang apostol, si Pedro.—Gal. 1:1, 13-24; 2:1-14.
5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay at pagiging-kanonikal ng Mga Taga-Galacia?
5 Papaano mapatutunayan ang pagiging-totoo at pagiging-kanonikal ng Mga Taga-Galacia? Ang mga sulat nina Irenaeus, Clement ng Aleksandriya, Tertullian, at Origen ay tumutukoy rito sa pangalan. Kalakip din ito sa sumusunod na mahahalagang manuskrito ng Bibliya: Sinaitic, Alexandrine, Vatican No. 1209, Codex Ephraemi Syri rescriptus, Codex Bezae, at Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46). Isa pa, kasuwatong-kasuwato ito ng iba pang aklat ng Kasulatang Griyego, at pati na ng Kasulatang Hebreo na malimit nitong tukuyin.
6. (a) Anong dalawang punto ang pinatutunayan ng liham sa Mga Taga-Galacia? (b) Ano ang kakaiba sa pagsulat ng liham na ito, at ano ang idiniriin nito?
6 Sa mapuwersa at matulis na liham ni Pablo “sa mga kongregasyon sa Galacia,” pinatutunayan niya (1) na siya ay tunay na apostol (bagay na pinabubulaanan ng mga mangungumberte sa Judaismo) at (2) na ang pag-aaring-matuwid ay sa pananampalataya kay Kristo Jesus, hindi sa mga gawa ng Kautusan, kaya ang pagtutuli ay hindi kailangan ng mga Kristiyano. Bagaman naging ugali ni Pablo na gumamit ng kalihim, siya mismo ang sumulat ng Mga Taga-Galacia sa ‘malalaking titik sa sarili niyang kamay.’ (6:11) Napakahalaga ang nilalaman ng aklat, kapuwa kay Pablo at sa mga taga-Galacia. Idiniriin nito ang pagpapahalaga sa kalayaan na nakamit ng mga tunay na Kristiyano sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.
NILALAMAN NG MGA TAGA-GALACIA
7, 8. (a) Papaano nangatuwiran si Pablo tungkol sa mabuting balita? (b) Papaano pinagtibay ang pagka-apostol ni Pablo sa mga di-tuli, at papaano niya ipinamalas ang kaniyang kapamahalaan kaugnay ni Cefas?
7 Ipinagtatanggol ni Pablo ang pagka-apostol niya (1:1–2:14). Matapos batiin ang mga kongregasyon, nagtataka si Pablo kung bakit agad silang nailihis ng ibang uri ng ebanghelyo, kaya idiniin niya: “Kahima’t kami o isang anghel sa langit ang magpahayag sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa aming naipahayag na, ay hayaan siyang matakwil.” Ang mabuting balitang ito ay hindi mula sa tao, ni itinuro ito sa kaniya, “kundi sa pamamagitan ng kapahayagan ni Jesu-Kristo.” Noong una, bilang masigasig na tagapagtaguyod ng Judaismo, ay pinag-usig ni Pablo ang kongregasyon ng Diyos, ngunit sa di-sana-nararapat na kabaitan ay tinawag siya ng Diyos upang ipahayag sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa kaniyang Anak. Narating niya ang Jerusalem tatlong taon pa lamang mula nang siya ay makumberte, at wala pa siyang nakitang apostol kundi si Pedro, at si Santiago na kapatid-sa-ina ng Panginoon. Hindi siya personal na nakilala ng mga kongregasyon sa Judea, bagaman sila ay nakabalita at “nagsimulang lumuwalhati sa Diyos” dahil sa kaniya.—1:8, 12, 24.
8 Pagkaraan ng 14 na taon bumalik si Pablo sa Jerusalem at ipinaliwanag nang sarilinan ang mabuting balita na ipinangangaral niya. Si Tito na kasama niya ay hindi tinuli bagaman ito’y Griyego. Nang makita nina Santiago at Cefas at Juan na ipinagkatiwala kay Pablo ang mabuting balita sa mga di-tuli, gaya ni Pedro sa mga nasa pagtutuli, ibinigay nila kay Pablo at Bernabe ang kanang kamay ng pakikisama upang humayo sa mga bansa, ngunit sila ay sa mga nasa pagtutuli. Dumating si Cefas sa Antioquia at nang hindi siya lumakad “ayon sa mabuting balita” dahil sa takot sa mga nasa pagtutuli, pinagwikaan siya ni Pablo sa harapan ng lahat.—2:14.
9. Salig sa ano inaaring-matuwid ang isang Kristiyano?
9 Inaring-matuwid ng pananampalataya, hindi ng kautusan (2:15–3:29). Batid nating mga Judio, ani Pablo, “na ang tao ay inaaring-matuwid, hindi sa mga gawa ng kautusan, kundi sa pananampalataya kay Kristo Jesus.” Namumuhay siya na kaisa ni
-