Kung Papaano Gagamitin ang “Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan”
Ang huwaran na dapat sundin sa pagtulong sa iba na maunawaan ang Bibliya ay yaong inilaan ni Jesu-Kristo at ng kaniyang mga apostol. Bilang sagot sa mga tanong, sinipi ni Jesus ang mga Kasulatan at madalas siyang gumamit ng angkop na mga paglalarawan na tutulong sa tapat-pusong mga tao na tanggapin ang sinasabi ng Bibliya. (Mat. 12:1-12) Naging ugali ni apostol Pablo na ‘mangatuwiran mula sa Kasulatan, na nagpapaliwanag at nagpapatotoo sa pamamagitan ng mga reperensiya’ bilang pag-alalay sa kaniyang turo. (Gawa 17:2, 3) Ang materyales na nilalaman ng aklat na ito ay tutulong sa inyo sa paggawa rin ng ganito.
Sa halip na gumawa ng isang malawak, panlahatang pagsaklaw sa bawa’t paksa, ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan ay umaakay ng pansin sa mga tanong na kasalukuyang ibinabangon ng maraming tao.
Ang lathalaing ito ay hindi inihanda sa layuning tulungan ang sinoman upang “magwagi sa pakikipagtalo” sa mga tao na hindi nagpapakita ng paggalang sa katotohanan. Sa halip, ito’y naglalaan ng mahalagang impormasyon na nilayong gamitin sa pakikipagkatuwiranan sa mga indibiduwal na handang gumawa ng ganito. Ang ilan sa kanila ay maaaring magbangon ng mga tanong na humihiling ng kasiyasiyang mga sagot. Ang iba, sa panahon ng pag-uusap, ay maaaring maglahad lamang ng kanilang sariling paniwala at maaaring gawin nila ito nang may pagtitiwala. Subali’t sila ba’y mga taong makatuwiran at handang makinig sa isang naiibang pangmalas? Kung gayon, maibabahagi ninyo sa kanila ang sinasabi ng Bibliya, taglay ang pagtitiwala na ito ay makakasumpong ng mabuting pagtugon sa puso ng mga umiibig sa katotohanan.
Papaano ninyo masusumpungan ang ispesipikong materyales na kailangan ninyo sa aklat na ito? Madalas na agad ninyong makikita ito sa tuwirang pagbaling sa pangunahing paksa na kumakatawan sa temang pinag-uusapan. Sa ilalim ng bawa’t pangunahing paksa, ang mahahalagang tanong ay madaling makilala; ang mga ito ay nakalimbag sa malalaking titik na nagsisimula sa kaliwang gilid ng pahina. Kung hindi ninyo agad masumpungan ang inyong hinahanap, sumangguni sa Indise na nasa hulihan ng aklat.
Ang patiunang paghahanda sa isang pag-uusap ay laging kapakipakinabang. Subali’t kung hindi pa kayo pamilyar sa ilang bahagi ng aklat, magagamit pa rin ninyo ito sa mabuting paraan. Papaano? Kapag nasumpungan ninyo ang tanong na malapit-na-malapit sa punto na nais ninyong ipakipag-usap, hanapin ang alinmang subtitulo na nasa ilalim nito. Ang mga subtitulong ito ay inilimbag sa malalaking titik na nakasulat nang pahilis at nakaurong nang pakanan sa ilalim ng mga tanong na kanilang kinabibilangan. Kung may bahagya na kayong kaalaman sa paksa, baka ang kakailanganin lamang ninyo ay ang pagrerepaso sa mga subtitulong yaon at ang mabilis na pagbasa sa mga katotohanang nilalaman nito, sapagka’t binabalangkas ng mga ito ang isang nakatutulong na paraan ng pangangatuwiran na maaari ninyong gamitin. Huwag mag-atubili na gumamit ng inyong sariling mga pananalita sa pagpapahayag ng mga katotohanang ito.
Nadarama ba ninyo na higit pa ang inyong kailangan—marahil ay ang aktuwal na mga kasulatan, ang pangangatuwiran na dapat gamitin kaugnay ng mga kasulatang ito, ilang paglalarawan na tutulong sa inyo sa pagpapaliwanag ng pagiging-makatuwiran ng Bibliya, at iba pa? Kung gayon, maaaring ipakita ninyo sa kausap ang nilalaman ng aklat na ito at pagkatapos ay magkasamang basahin ang bahagi na may kinalaman sa tanong na kaniyang ibinangon. Kahit na hindi pa ninyo napag-aaralan nang patiuna ang materyales, magagamit ninyo ito upang makapagbigay ng kasiyasiyang sagot. Lahat ay naririto mismo sa aklat, isinasaad sa isang payak at maikling paraan.
Tandaan na ang aklat na ito ay isa lamang pantulong. Ang Bibliya ang siyang autoridad. Yaon ang Salita ng Diyos. Kapag ang mga pagsipi sa aklat ay nanggaling sa Bibliya, idiin ang bagay na ito sa inyong kausap. Kailanma’t maaari, hilingin sa kanila na gamitin ang sarili nilang Bibliya sa pagbasa ng mga kasulatan upang makita nila na ang inyong sinasabi ay aktuwal na nasa kanilang sariling sipi ng mga Kasulatan. Kung ang pangunahing mga bahagi ng ilang teksto ay isinasaad ng ilang tanyag na salin ng Bibliya sa naiibang paraan, kalimita’y itinatawag ito ng pansin, at ang mga pagsipi mula sa iba’t-ibang salin ay inilalaan bilang paghahambing.
Kasuwato ng halimbawa na inilaan ni apostol Pablo sa pagtukoy sa dambanang nauukol sa “Isang Diyos na Hindi Kilala” at sa pagsipi sa ilang kinikilalang sekular na reperensiya nang nangangaral sa mga taga-Atenas (Gawa 17:22-28), sa limitadong paraan ang aklat na ito ay gumagamit ng mga pagsipi mula sa sekular na kasaysayan, mga encyclopedia, mga relihiyosong aklat-reperensiya, at mga lexicon ng mga wika ng Bibliya. Kaya, sa halip na gumawa ng sariling pagpapahayag hinggil sa pinagmulan ng huwad na mga relihiyosong kaugalian, sa pag-unlad ng ilang doktrina, at sa kahulugan ng mga salitang Hebreo at Griyego, ipinakikita ng aklat ang saligan ng bawa’t pangungusap na ginagamit. Gayumpaman, inaakay nito ang pansin sa Bibliya bilang saligang pinagmumulan ng katotohanan.
Bilang karagdagang tulong upang mapadali ang pamamahagi ng katotohanan ng Bibliya sa iba, ang pambukas na mga seksiyon ng aklat na ito ay naglalaan ng isang talaan ng “Mga Pambungad na Magagamit sa Ministeryo sa Larangan” at isang katipunan ng mga mungkahi hinggil sa “Kung Paano Ninyo Maaaring Sagutin ang mga Pagtutol.” Marami pang ibang posibleng “pagtutol” ang maaaring bumangon kaugnay ng ilang paniniwala, at ang mga ito ay isinasaalang-alang sa dulo ng pangunahing mga paksa na tumatalakay sa mga paniwalang ito. Hindi inaasahan na isasaulo ninyo ang mga sagot na ito, subali’t walang alinlangan na makakatulong kung susuriin ninyo ang dahilan kung bakit natuklasan ng iba na ito ay mabisa; pagkatapos ay maaari ninyong ipahayag ang mga ideya sa sarili ninyong pananalita.
Ang paggamit sa aklat na ito ay makatutulong sa inyo sa pagpapasulong ng kakayahan na mangatuwiran mula sa Kasulatan at sa mabisang paggamit ng mga ito sa pagtulong sa iba na matuto hinggil sa “dakilang mga bagay ng Diyos.”—Gawa 2:11.