Ang Espiritu ni Jehova ay Sumasaatin
1 Bilang mga Saksi ni Jehova, mayroon tayong pagkalaki-laking atas na gawain. Sinabi ni Jesus: “Sa lahat ng mga bansa ay kailangang ipangaral muna ang mabuting balita.” (Mar. 13:10) Mula sa pangmalas ng tao, waring ito ay imposible, subalit hindi gayon. Inaalalayan tayo ng pinakamalakas na puwersa sa sansinukob—ang espiritu ng Diyos!—Mat. 19:26.
2 Patotoo Noong Unang Siglo: Sa pagkakapit ng hula ni Isaias sa kaniyang sarili, sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ni Jehova ay nasa akin . . . upang ipahayag ang mabuting balita.” (Luc. 4:17, 18) Bago umakyat sa langit, sinabi niya sa kaniyang mga apostol na sila rin ay palalakasin ng kapangyarihan ng banal na espiritu upang makapagpatotoo sa “pinakamalayong bahagi ng lupa.” Pagkatapos noon, si Felipe ay inakay ng banal na espiritu upang mangaral sa isang opisyal ng palasyo ng Etiopia, ang espiritu ay nagsugo kay Pedro sa isang Romanong senturion, at ito’y nagsugo kina Pablo at Bernabe upang mangaral sa paganong mga bansa. Sino ang mag-iisip na ang mga tao na may gayong pinagmulan ay tutugon sa katotohanan? Subalit ginawa nila iyon!—Gawa 1:8; 8:29-38; 10:19, 20, 44-48; 13:2-4, 46-48.
3 Patotoo sa Makabagong Panahon: Binibigyang-diin ng aklat ng Apocalipsis na ang banal na espiritu ay may bahagi sa gawaing pangangaral ngayon sa pagsasabing: “Ang espiritu at ang kasintahang babae ay patuloy na nagsasabi: ‘Halika!’ . . . Ang sinumang nagnanais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.” (Apoc. 22:17) Ang espiritu ang gumanyak sa uring kasintahan ni Kristo at sa kanilang mga kasamang “ibang tupa” upang mangaral ng mabuting balita sa lahat ng tao. (Juan 10:16) Dapat tayong maging matapang sa ating pangangaral, hindi kailanman nag-aatubiling lumapit sa lahat ng uri ng tao, na laging nagtitiwala na tayo’y tutulungan ng espiritu ng Diyos. Ang 1998 Yearbook ay nagbibigay sa atin ng kapani-paniwalang patotoo na ang espiritu ng Diyos ay sumasakaniyang mga lingkod. Isaalang-alang ang naging resulta! Sa nakaraang dalawang taon ng paglilingkod, ang aberids ng nabautismuhan ay mahigit sa 1,000 bawat araw!
4 Manalig tayong ang espiritu ng Diyos ay patuloy na sasaatin habang ipinangangaral natin ang mensahe ng Kaharian hangga’t nais ni Jehova. Ang kaalamang ito ay dapat na magpasigla at gumanyak sa atin upang tayo’y patuloy na puspusang magsikap sa pinakamahalagang gawaing pang-Kaharian.—1 Tim. 4:10.