Paghahayag ng Katotohanan sa Araw-araw Bilang Pagtulad kay Jesus
1 Si Jesus ay may espesipikong gawain na dapat isakatuparan nang siya’y magtungo sa lupa ‘upang magbigay ng patotoo sa katotohanan.’ (Juan 18:37) Ang gawaing ito ay tulad ng pagkain para sa kaniya. (Juan 4:34) Iniulat ni Lucas na si Jesus ay palaging “nagtuturo sa templo araw-araw.” Di-natagalan bago ang kaniyang kamatayan, nasabi niya sa kaniyang Ama: “Niluwalhati kita sa lupa, nang matapos ang gawa na ibinigay mo sa akin upang gawin.”—Juan 17:4.
2 Kapag ang ating puso ay puno ng pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova, tayo rin ay nauudyukang magsalita tungkol sa kaniya sa araw-araw. Tayo’y nakakatulad ng mga alagad ni Jesus na buong tapang na nagpahayag: “Hindi namin magagawang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.” (Gawa 4:20) Ang pagsasalita nila tungkol kay Jehova ay patuluyan, sapagkat ang ulat ay nagsasabing “bawat araw . . . nagpatuloy sila nang walang humpay.” (Gawa 5:42) Dapat nating tanungin ang ating sarili, ‘Ako ba’y isang tagatulad sa aking Guro, si Jesus?’
3 Pangangaral Nang Apurahan: Inihula ni Jesus na kapag ang mensahe ng Kaharian ay naipahayag na sa buong lupa, “kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mat. 24:14) Dapat na ikintal nito sa atin ang kahalagahan at pagkaapurahan ng ating gawain. Yamang malapit na ang katapusan, ang nalalabing panahon upang matapos ang gawaing ito ay nabawasan na!
4 Ang mga ulat ay nagpapakita na pinabibilis ni Jehova ang gawaing pagtitipon. (Isa. 60:22) Sa maraming lupain, ang mga tao ay humuhugos sa katotohanan, na nagsasabing: “Kami ay sasama sa inyo, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.” (Zac. 8:23) Ang mga salita ni Jesus ay totoo: “Ang pag-aani ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. . .Magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.”—Mat. 9:37, 38.
5 Ipahayag ang Katotohanan sa Araw-Araw: Dapat tayong humanap ng mga paraan araw-araw upang maibahagi ang katotohanan sa iba. Maaari ba ninyong tawagan sa telepono ang isang kaibigan? O sumulat ng isang liham? Paano naman ang pag-aalok ng isang tract sa nagtitinda kapag kayo ay namimili? Malamang na may iba pa tayong pagkakataon upang maibahagi natin ang ating pag-asa sa iba.
6 Sa araw-araw ay dapat nating tularan ang saloobin ni Jesus, na nagpaliwanag kung bakit siya ay sinugo sa lupa: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos.” (Luc. 4:43) Kung nais nating maging kagaya ng ating Guro, nanaisin nating gawin din ang gayon.—Luc. 6:40.