-
Pagtatampok sa mga Brochure Upang Hanapin ang mga InteresadoMinisteryo sa Kaharian—1993 | Agosto
-
-
Pagtatampok sa mga Brochure Upang Hanapin ang mga Interesado
1 Ang mga brochure ay makapangyarihang mga instrumento. Sa 32 mga pahina lamang, maaaring mapagtibay ng isang brochure ang mga maka-Kasulatang katotohanan at ibuwal ang mga pangangatuwiran at mga turo na salungat sa kaalaman ng Diyos.—2 Cor. 10:5.
2 Pagkatapos basahin ang brochure na Mga Saksi ni Jehova—Nagkakaisang Paggawa ng Kalooban ng Diyos sa Buong Daigdig, isang lalake ang sumulat: “Wala pa akong nakita kailanman na gayong klaseng organisasyon. . . . Kahanga-hangang makakita ng mga taong taimtim na dinidibdib ang kalooban ng Diyos kahit na sa panahong ito na laganap ang relihiyosong pagpapaimbabaw.” Isang doktor-kulam sa Aprika ang nag-aral ng brochure na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman! Ano ang naging epekto nito sa kaniya? Itinigil niya ang pagiging doktor-kulam at pinaalis ang mga babaeng kinakasama niya maliban sa kaniyang unang asawa. Pagkatapos ay pinakasalan niya ito nang legal.
3 Ang brochure na Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? ay isang mabisang instrumento ng katotohanan. Isang manunulat para sa The Sunday Gleaner sa Jamaica ang nagkomento hinggil dito: “Ang publikasyon . . . ay isang matinding hagupit ng mga Saksi at ngayon ay walang nang makalilibre pang Trinitaryo. . . . Napakahirap makita ng manunulat na ito ng relihiyon kung papaano sasagutin ng karaniwang miyembro ng iglesiya ang . . . mga pangangatuwirang inihanay ng mga Saksi laban sa paniniwalang si Jesus ay Diyos.”
4 Gamiting Mabuti ang mga Ito: Upang maging mabisa, ang kaakit-akit na mga instrumentong ito ay kailangang ilagay sa mga tao na magbabasa nito. Yamang marami tayong iba’t ibang brochure, na bawat isa ay tumatalakay sa iba’t ibang tema, dapat nating pagsikapang ialok ang isa na sa palagay natin ay angkop na angkop sa indibiduwal na pinangangaralan natin. Ang pagiging pamilyar sa ating mga brochure at pagtataglay ng iba’t ibang klase nito ay magpapagaan sa paggamit nating mabuti ng mga ito sa paglilingkod sa larangan, sa tahanan, o kahit saanman.
5 Halimbawa, kung nakikipag-usap sa isa na nalilito sa doktrina ng Trinidad ng Sangkakristiyanuhan o kaya’y nag-iisip na si Jesus ay Diyos, anong brochure ang gagamitin ninyo? Kung may nagtatanong kung bakit ang isang maibiging Diyos ay magpapahintulot sa napakaraming pagdurusa, anong brochure ang makatutugon dito? Kung ang isang tao ay nagpapahayag ng pagkabahala hinggil sa pangangailangan ng isang pamahalaan na makatutulong sa mga tao, anong brochure ang magiging angkop para sa kaniya?
6 Bilang karagdagan sa pagkakaalam kung anong brochure ang dapat gamitin, sikaping panabikin ang tao sa nilalaman nito. Ipakita ang isang komento o ilustrasyon na maaaring umantig sa kaniyang interes na basahin ang materyal. O kaya’y maaari mong basahin sa kaniya ang isa o dalawang parapo, tingnan ang mga binanggit na teksto, at talakayin ang materyal. Maraming maiinam na pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa ganitong paraan.
7 Ang ating mga brochure ay naglalaan ng mga maka-Kasulatang kasagutan at nagkikintal ng pag-asa para doon sa mga nagbubuntong-hininga at dumaraing dahilan sa mga kasuklam-suklam na bagay na ginagawa sa sanlibutan. (Ihambing ang Ezekiel 9:4.) Ang tulad tupang mga tao ay tutugon sa pabalitang taglay ng gayong literatura. Pribilehiyo natin na gamiting mabuti ang mga brochure habang ating hinahanap ang mga taong interesado.
-
-
Gamiting Mabuti Ang Bantayan at Gumising!Ministeryo sa Kaharian—1993 | Agosto
-
-
Gamiting Mabuti Ang Bantayan at Gumising!
1 Ang Bantayan at Gumising! ang pinakamahalaga at pinakamabuting mga magasin na maaaring basahin ng mga tao sa ngayon. Bakit? Sapagkat ang mga espirituwal na katotohanang taglay nito ay maaaring makaapekto nang walang hanggan sa buhay ng mga tao. Gayunpaman, marami ang hindi ganap na palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan, o hindi nila alam kung saan titingin upang masapatan iyon. Pribilehiyo nating tularan si apostol Pablo sa pagtulong sa mga tao na mabuksan ang kanilang mga mata sa espirituwal na paraan.—Mat. 5:3; Gawa 26:18.
2 Maging Positibo at Maghandang Mabuti: Malamang na may tulad tupang mga tao sa inyong teritoryo na tutugon sa katotohanan. Maaaring kailangan lamang ng ilan ang maibiging pampatibay-loob upang basahin ang mga magasin. Kaya, maging positibo at mapanghikayat habang inyong iniaalok Ang Bantayan at Gumising! Laging magdala ng suplay ng mga magasin at samantalahin ang bawat pagkakataong maipamahagi ang mga ito, kahit may itinatampok na ibang mga publikasyon.
3 Ano ang magpapangyari sa atin na maging higit na mabisa sa pamamahagi ng mga magasin? Una, dapat nating tunay na kilalanin ang kahalagahan nito. Dapat tayong maging pamilyar sa mga artikulo ng mga magasing ating iniaalok, na magpapalaki sa ating pagtitiwala at pagnanais na iharap ang mga ito. Ingatan ito sa isipan sa pasimula pa lamang ng pagbabasa nito. Maging alisto sa pagpili ng mga puntong itatampok sa ating ministeryo. Tanungin ang sarili: ‘Kanino kaya makatatawag ng pansin ang artikulong ito? Pahahalagahan kaya ito ng isang ginang ng tahanan, ng isang kabataan, o marahil ng isang negosyante? Ang punto kayang ito ay makatatawag ng pansin sa isang estudyante, sa isang taong may asawa, sa isang nababahala sa kapaligiran?’ Upang maging tunay na mabisa, dapat nating mairekomenda ang mga magasin batay sa atin mismong personal na kaalaman at kasiyahan sa mga napapanahong artikulo nito.
4 Gamiting Mabuti ang mga Matatandang Isyu: Tandaan, hindi nawawala ang kahalagahan ng Ang Bantayan at Gumising! kahit na ang mga ito ay hindi nailalagay sa loob ng isa o dalawang buwan buhat nang ilabas ito. Hindi nababawasan ang kahalagahan ng impormasyong taglay ng mga ito sa paglipas ng panahon, anupat hindi tayo dapat mag-atubili sa pag-aalok ng mga matatandang kopya kung maayos pa ang mga ito. Ang pagpapahintulot na matambak ang mga matatandang magasin at ang hindi kailanman paggamit sa mga ito ay nagpapakita ng kakulangan ng pagkilala sa mahahalagang instrumentong ito. Ang bawat magasin ay nagtataglay ng mga katotohanan na may kakayahang gumising at makasapat sa espirituwal
-