Turuan ang Iba Upang Makinabang Sila
1 Nais ni Jehova na makinabang ang lahat ng tao. (Isa. 48:17) Nalalaman niya kung ano ang magdudulot sa atin ng tunay na kaligayahan. Marubdob niyang hangarin na maiwasan ng mga tao ang kalamidad at tamasahin ang buhay sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa kaniyang mga utos. Tayo ay nakikinabang nang malaki sa pamamagitan ng pamumuhay natin ayon sa daan ng Diyos. (Awit 34:8) Paano natin matuturuan ang iba na gayon din ang gawin?
2 Ano ang Nais ng mga Tao? Ano ba ang ikinababahala ng mga maybahay sa lugar na inyong tinitirahan? Hindi ba’t ang seguridad ng kanilang tahanan, ang tibay ng kanilang pag-aasawa, ang kinabukasan ng kanilang mga anak, at mga bagay na katulad nito? Kung mayroon silang mga suliranin, saan sila humihingi ng tulong? Maaari silang manalig sa kanilang sarili, sa mga programa para sa pagtulong sa sarili, o sa patnubay ng iba. Sa pagsasagawa nito, marami ang nasadlak sa kalituhan dahil sa di-magkakatulad at di-praktikal na mga ideya kung paano makikinabang sila. Dapat nating kumbinsihin sila na ang iniaalok na patnubay ng Salita ng Diyos ang siyang pinakamabuti. (Awit 119:98) Magagawa natin ito sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila kung paano nila mapasusulong ang uri ng kanilang pamumuhay kahit na ngayon kung gagawa sila ng pagsisikap na pag-aralan ang Bibliya at ikapit ang sinasabi nito.—2 Tim. 3:16, 17.
3 Mas Mabuting Buhay Pampamilya: Iilang tao ang nakababatid kung paanong ang kinasihang payo sa Efeso 5:22–6:4 ay nakatutulong nang malaki sa paglutas sa mga suliranin ng pamilya. Ito ang nangyari sa mag-asawa, na pagkaraan ng sampung taóng pagsasama ay nagpasiya na sila’y maghiwalay. Gayunman, isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan sa asawang-babae, na naturuan ng maka-Kasulatang mga simulain hinggil sa buhay may-asawa. Di-natagalan at napansin ng asawang-lalaki ang mga pagbabago na kaniyang isinasagawa habang ikinakapit niya ang mga simulain sa Bibliya, anupat siya’y sumali na rin sa pag-aaral. Nang maglaon ay sinabi niya: “Ngayo’y nasumpungan namin ang saligan para sa isang tunay na maligayang buhay pampamilya.”
4 Tunay na Layunin sa Buhay: Nang ang isang kabataang sugapa sa droga ay humingi ng tulong sa mga Saksi, itinuro sa kaniya na siya’y personal na minamahal ni Jehova. Sinabi niya: ‘Natutuhan ko na ang Maylalang ay may layunin para sa tao at ipagkakaloob niya ang buhay na walang hanggan sa mga sinang-ayunan niya. Mahirap guni-gunihin kung anong sayá ng nadama ko hinggil dito. Sa ngayon ako’y nagtatamasa ng mabuting kalusugan, mapayapang isipan, at malapit na kaugnayan sa Diyos.’
5 Ang lahat ay maaaring makinabang mula sa praktikal na tulong na masusumpungan sa Salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng paggamit nito bilang ating giya, pinatutunayan natin na ang daan ni Jehova ay mas nakahihigit kaysa sa mga daan ng sanlibutan. (Awit 116:12) Pribilehiyo nating ihatid ang mensaheng ito sa iba, na tinuturuang makinabang sila. Habang ginagawa natin ito, makikita natin ang maraming maiinam na resulta.