Huwag Waling Kabuluhan ang Layunin ng Bigay-Diyos na Kalayaan?
“Kung saan naroroon ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.”—2 CORINTO 3:17.
1. Bakit ang Isaias 65:13, 14 ay kumakapit sa mga Saksi ni Jehova?
SI Jehova ang Diyos ng kalayaan. At anong laking pagpapala ang bigay-Diyos na kalayaan! Dahilan sa ang kaniyang nag-alay na mga lingkod ay may gayong kalayaan, ang mga salitang ito ng Soberanong Panginoong Jehova ay kumakapit sa kanila: “Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisikain, ngunit kayo’y magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisiinom, ngunit kayo’y mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magagalak, ngunit kayo ay mapapahiya. Narito! Ang aking mga lingkod ay masayang magsisiawit dahil sa kagalakan ng puso, ngunit kayo’y magsisidaing dahil sa kapanglawan ng puso at kayo’y aangal dahil sa ganap na pagkabagabag ng kalooban.”—Isaias 65:13, 14.
2. Bakit ang bayan ni Jehova ay maunlad sa espirituwal?
2 Tinatamasa ng bayan ng Diyos ang ganitong espirituwal na kalagayan ng kaunlaran sapagkat sila’y inaakay ng kaniyang espiritu, o aktibong puwersa. Sinabi ni apostol Pablo: “Si Jehova ang Espiritu; at kung saan naroroon ang espiritu ni Jehova, doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Ano ba ang layunin ng bigay-Diyos na kalayaan? At ano ang hinihiling sa atin upang magamit ito nang lubusan?
Ang Kalayaan na Taglay ng Diyos
3. Anong uri ng kalayaan ang taglay ng Diyos, at bakit?
3 Tanging si Jehova lamang ang may lubos na kalayaan. Wala sa kaniyang mga nilalang ang makapaglalagay ng hangganan sa kaniyang kalayaan sapagkat siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat at Pansansinukob na Soberano. Tulad ng sinabi ng tapat na taong si Job, “sino ang makatututol sa kaniya? Sino ang magsasabi sa kaniya, ‘Ano ang ginagawa mo?’ ” (Job 9:12) Sa katulad na paraan, ang hari ng Babilonya na si Nabucodonosor ay napilitang umamin: “Walang makahahadlang sa kamay [ng Diyos] o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano na ba ang ginagawa mo?’ ”—Daniel 4:35.
4. Papaano nilalagyan ni Jehova ng hangganan ang kaniyang kalayaan?
4 Gayunman, dahilan sa sariling matuwid na mga simulain ni Jehova ay nilalagyan niya ng hangganan ang lubos na kalayaan. Ito’y ipinaghalimbawa nang si Abraham ay magpahayag ng pagkabahala tungkol sa mga mamamayan ng Sodoma at nagtanong: “Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong lupa?” Ang tugon ng Diyos ay nagpapakita na kaniyang kinikilala ang pananagutan na gawin ang matuwid. Disin sana’y hindi niya pinuksa ang Sodoma kung mayroong matuwid na mga tao na nanatili roon. (Genesis 18:22-33) Nilalagyan din ng Diyos ng hangganan ang kaniyang kalayaan sapagkat dahil sa kaniyang pag-ibig at karunungan ay mabagal siya sa pagkagalit at siya’y may pagpipigil sa sarili.—Isaias 42:14.
Mga Hangganan ng Kalayaan ng Tao
5. Ano ang ilang mga salik na naglalagay ng hangganan sa kalayaan ng tao?
5 Bagaman si Jehova ay may lubos na kalayaan, lahat ng iba pa ay kumikilos sa loob ng hangganan na itinakda ng kanilang kalikasan, mga kakayahan, at larangan na kinatitirhan, at gayundin ang mga salik na tulad ng kasalukuyang may hangganang haba ng buhay ng makasalanang mga tao. Nilalang ng Diyos ang tao na taglay ang sakdal na kalayaan na kumilos sa loob ng larangan na itinakda ni Jehova sa kaniya. May mga iba pa ring dahilan kung bakit ang kalayaan ng tao ay may hangganan, hindi lubusan.
6. Ang ating pagkanananagot sa Diyos ay may anong kaugnayan sa ating kalayaan?
6 Una, ang kalayaan ng tao ay may hangganan sapagkat nilalang ng Diyos ang tao upang magsilbi sa Kaniyang layunin. Si Jehova ay ‘karapat-dapat tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan sapagkat kaniyang nilalang ang lahat ng bagay at dahilan sa kaniyang kalooban ay umiral at nangalalang ang mga ito.’ (Apocalipsis 4:11) Kaya naman ang tao ay nananagot sa kaniyang Maylikha, na matuwid naman na gumawa ng mga batas na uugit sa mga tao. Sa sinaunang Israel sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, kahilingan ng Diyos na ang mga tao ay patayin kung kanilang inabuso ang kaniyang pangalan o sila’y lumabag sa kautusan ng Sabbath. (Exodo 20:7; 31:14, 15; Levitico 24:13-16; Bilang 15:32-36) Bagaman tayo bilang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusan, ang ating kalayaan ay may hangganan sapagkat tayo ay mananagot kay Jehova, na siyang ating Hukom, Tagapagbigay-Batas, at Hari.—Isaias 33:22; Roma 14:12.
7, 8. (a) Papaanong ang pisikal na mga batas ay naglalagay ng hangganan sa kalayaan ng tao? (b) Ano pang ibang mga batas ng Diyos ang naglalagay ng hangganan sa ating kalayaan bilang mga tao?
7 Ikalawa, ang kalayaan ng tao ay may hangganan dahilan sa pisikal na mga batas ng Diyos. Halimbawa, dahilan sa batas ng gravity, ang isang tao ay hindi maaaring lumundag buhat sa isang napakatayog na gusali nang hindi pinipinsala o pinapatay ang kaniyang sarili. Maliwanag, ang pisikal na mga batas ng Diyos ang naglalagay ng hangganan sa kalayaan ng tao na gumawa ng ilang bagay.
8 Ikatlo, ang ating kalayaan bilang mga tao ay may hangganan dahilan sa mga batas ng Diyos sa moral. Malamang, inyong nakita ang katuparan ng sinabi ni Pablo sa Galacia 6:7, 8: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay di-napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman, ngunit ang naghahasik ukol sa espiritu ay aani ng buhay na walang-hanggan buhat sa espiritu.” Hindi matututulan, ang mga batas ng Diyos na Jehova sa moral ay naglalagay rin ng hangganan sa ating kalayaan, ngunit ang pagsunod natin sa mga iyan ay kailangan upang tayo’y magkamit ng buhay.
9. Papaanong ang ating pagiging bahagi ng lipunan ng tao ay naglalagay ng hangganan sa ating kalayaan?
9 Ikaapat, ang kalayaan ng tao ay limitado dahilan sa siya ay bahagi ng lipunan ng tao. Sa gayon, siya’y dapat magkaroon ng kalayaan hanggang sa hangganan lamang na iyon ay hindi nanghihimasok nang walang katuwiran sa kalayaan ng iba. Ang mga Kristiyano ay kailangang pasakop sa “nakatataas na mga autoridad” ng pamahalaan, na sumusunod sa mga iyan habang ang kanilang hinihiling ay hindi labag sa mga batas ng Diyos. (Roma 13:1; Gawa 5:29) Halimbawa, tayo’y dapat sumunod sa mga batas tungkol sa pagbabayad ng mga buwis, sa bilis ng ating pagpapatakbo ng isang kotse, at iba pa. Ang bagay na tayo’y dapat sumunod sa gayong mga batas ni “Cesar” ay nagpapakita pa rin na ang ating bigay-Diyos na kalayaan ay hindi lubusan.—Marcos 12:17; Roma 13:7.
Bakit Kalayaan na May Hangganan?
10, 11. Bakit nagbigay si Jehova sa mga tao ng kalayaang may hangganan?
10 Bakit binigyan ng Diyos ang mga tao ng kalayaan na may hangganan? Ang isang dahilan ay upang magkaroon ang Maylikha ng matalinong mga nilalang sa lupa na magdadala sa kaniya ng karangalan at kapurihan sa pamamagitan ng kanilang mainam na mga salita at asal. Ito’y magagawa ng mga tao, ngunit hindi magagawa ng mga hayop. Ang mga hayop, yamang inuugitan ng likas na paggawi, ay walang alam na anuman tungkol sa moral na paggawi. Maaari mong sanayin ang isang aso na huwag kumuha ng isang bagay, ngunit hindi mo matuturuan iyon kung bakit mali ang magnakaw. Ang isang hayop na ang mga kilos ay isinaprograma, wika nga, ay hindi makagagawa ng pasiya na nagdadala ng kapurihan at karangalan sa Diyos, samantalang ang tao ay malayang pumili na maglingkod sa kaniyang Maylikha dahil sa pag-ibig at pagpapahalaga.
11 Ang Diyos ay nagbibigay rin sa mga tao ng kalayaang ito ukol sa kanilang kapakinabangan at kaligayahan. Maaari nilang gamitin ang kanilang may hangganang kalayaan sa pamamagitan ng pagiging mapanlikha, mapagkawanggawa at matulungin. Ang mga tao ay mayroon ding kalayaang pumili sa mga bagay na gaya ng hanapbuhay at dakong titirhan. Sa ngayon, ang pangkabuhayan at pulitikal na mga bagay ang kalimitang naglalagay ng hangganan sa kalayaang iyan na pumili, ngunit ito’y maaaring dahilan sa kasakiman na tao, hindi dahilan sa paraan ng pagkalikha ng Diyos sa tao noong una pa.
12. Bakit ang karamihan ng sangkatauhan ay nasa pagkaalipin?
12 Bagaman binigyan ni Jehova ang mga tao ng malaking kalayaan, ang lubhang karamihan ngayon ng tao ay nasa nakasisiphayong pagkaalipin. Ano ba ang nangyari? Ang unang mag-asawa, si Adan at si Eva, ang sumira sa layunin ng bigay-Diyos na kalayaan. Sila’y lumampas sa mga hangganan na itinakda ng Diyos sa kanilang kalayaan at hinamon ang matuwid na pamamahala sa kanila ng Diyos bilang ang Soberanong Panginoon, si Jehova. (Genesis 3:1-7; Jeremias 10:10; 50:31) Palibhasa’y hindi nakontento na gamitin ang kanilang kalayaan upang magparangal sa Diyos, kanilang ginamit iyon nang may pag-iimbot, upang gumawa ng sariling pasiya kung ano ang tama at kung ano ang mali, sa gayon ay nakikisanib kay Satanas sa kaniyang paghihimagsik laban kay Jehova. Subalit, sa halip na kamtin ang higit pang kalayaan, ang makasalanang si Adan at si Eva ay ipinailalim sa mahirap na mga paghihigpit at pagkaalipin, na isang pagbabawas sa kanilang kalayaan, at sa wakas ay kamatayan ang hantungan. Ang kanilang mga supling ang nagmana ng pagkawalang ito ng kalayaan. “Sapagkat lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” “Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.”—Roma 3:23; 5:12; 6:23.
13. Bakit nagawa ni Satanas na gawing alipin ang mga tao?
13 Dahilan sa paghihimagsik sa Eden, si Adan at ang kaniyang mga supling ay sumailalim din ng pagkaalipin kay Satanas na Diyablo. Aba, “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng isang balakyot”! (1 Juan 5:19) Dahilan sa kaniyang nakahihigit na kapangyarihan at abilidad kung kaya nagawa ni Satanas na dayain at gawing alipin ang lahat ng taong humiwalay sa Diyos. Isa pa, ang kanilang mga kapuwa tao ay naging dominado ng mapag-imbot na mga tao sa kanilang ikapipinsala. (Eclesiastes 8:9) Kaya naman, ang sangkatauhan sa pangkalahatan ay alipin ngayon ng kasalanan at kamatayan, ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo, at ng makapulitika, pangkabuhayan, at relihiyosong mga pamamalakad ng sanlibutan.
Posible Nang Kamtin ang Tunay na Kalayaan
14. Ang pag-asa ng sangkatauhan ukol sa tunay na kalayaan ay may kaugnayan sa ano?
14 Ang pagkakamit ng kalayaan buhat sa kasalanan, kamatayan, at sa Diyablo at sa kaniyang sanlibutan ay may malapit na kaugnayan sa ipinasiya ng Diyos na lutasin ang isyu tungkol sa pagkamatuwid ng kaniyang sariling pansansinukob na soberanya. Dahilan sa ibinangon ni Satanas ang isyung ito, siya’y pinayagan ni Jehova na manatili nang pag-iral, gaya rin ng kung papaano Niya pinayagan na si Faraon ay manatiling buháy sa loob ng isang panahon. Ito’y upang lubusang maipakilala ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang pangalan ay maipahayag sa buong lupa. (Exodo 9:15, 16) Kaylapit nang ipagbangong-puri ng Diyos ang kaniyang sarili bilang Pansansinukob na Soberano at pakabanalin ang kaniyang sagradong pangalan sa pamamagitan ng pag-aalis sa upasala na idinulot dito ng paghihimagsik ni Satanas, ni Adan, at ni Eva. Sa gayon, yaong mga natatakot kay Jehova ay makalalaya na buhat sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan at dadalhin sa isang bagong sanlibutan ng bigay-Diyos na kalayaan.—Roma 8:19-23.
15. Anong bahagi ang ginampanan ni Jesus sa pagsasauli ng kalayaan ng sangkatauhan?
15 Upang mapasauli ang kalayaan sa sangkatauhan, ang kaniyang Anak ay sinugo ng Diyos sa lupa bilang isang tao. Sa pamamagitan ng kusang pagbibigay ng kaniyang sakdal na buhay bilang isang tao, ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nagbigay ng haing pantubos, ang saligan ng pagpapalaya sa sangkatauhan. (Mateo 20:28) Siya ay naghayag din ng isang mensahe ng kalayaan. Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, ikinapit niya sa kaniyang sarili ang mga salitang: “Ang espiritu ng Soberanong Panginoong Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran ako ni Jehova upang ipangaral ang mabuting balita sa maaamo. Kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang maghayag ng kalayaan sa mga bihag at magbukas ng mga mata ng kahit mga bilanggo.”—Isaias 61:1; Lucas 4:16-21.
16. Anong mga hakbang ang ginawa ng mga Judio noong unang siglo upang kamtin ang tunay na kalayaan?
16 Papaano kakamtin ng mga tao ang kalayaang iyan? Sinabi ni Jesus: “Kung kayo’y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo ay aking mga alagad, at inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sa gayon, ang mga tagasunod ni Jesus ay nagtamasa ng espirituwal na kalayaan. (Juan 8:31, 32, 36) At, sinabi ni Jesus sa gobernador Romanong si Poncio Pilato: “Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan. Bawat isang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.” (Juan 18:37) Ang mga Judio na tumanggap sa katotohanan na ipinangaral at nakita sa halimbawa ni Jesus ay nangagsisi sa kanilang mga kasalanan, kanilang itinuwid ang kanilang maling landas, inihandog ang kanilang sarili kay Jehova, at nabautismuhan gaya ni Jesus. (Mateo 3:13-17; Gawa 3:19) Sa ganitong paraan sila ay nagtamasa ng may hangganang bigay-Diyos na kalayaan.
17. Bakit ang kaniyang mga lingkod ay binibigyan ni Jehova ng kalayaan?
17 Ang kaniyang tapat na mga lingkod ay binibigyan ni Jehova ng kalayaan unang-una sa ikapagbabangong-puri ng kaniyang sariling pagkasoberano ngunit gayundin para sa kanilang kaaliwan o kapakinabangan. Kaniyang pinalaya ang mga Israelita buhat sa pagkaalipin sa Ehipto upang kanilang maluwalhati siya bilang isang kaharian ng mga saserdote, ang kaniyang mga saksi. (Exodo 19:5, 6; Isaias 43:10-12) Sa katulad na dahilan, ang kaniyang bayan ay inilabas ni Jehova sa pagkabihag sa Babilonya unang-una upang muling itayo ang kaniyang templo at isauli ang tunay na pagsamba. (Ezra 1:2-4) Nang ang mga bihag ay walang pinagkaabalahan kundi ang kanilang sariling materyal na mga kaaliwan, sinugo ni Jehova ang kaniyang mga propetang sina Hagai at Zacarias upang ipaalaala sa kanila ang kanilang mga obligasyon sa harap ng Diyos. Yamang ang kanilang bigay-Diyos na kalayaan sa gayon ay minalas ayon sa nararapat na punto de vista ang resulta ay ang pagkatapos ng templo, sa ikaluluwalhati ng Diyos, at gayundin sa kaaliwan at ikabubuti ng kaniyang bayan.
Hindi Niwawalang Kabuluhan ang Layunin ng Bigay-Diyos na Kalayaan
18. Bakit masasabi na hindi niwalang kabuluhan ng mga lingkod ni Jehova sa modernong panahon ang layunin ng kanilang bigay-Diyos na kalayaan?
18 Kumusta naman ang mga lingkod ng Diyos sa modernong panahon? Bilang isang organisasyon, hindi nila niwalang kabuluhan ang layunin ng kanilang bigay-Diyos na kalayaan. Noong dekada ng 1870 sila’y nagsimulang makalaya buhat sa maka-Babilonyang mga maling turo at magtamasa ng karagdagang kalayaang Kristiyano. Ito’y kaayon ng Kawikaan 4:18, na nagsasabi: “Ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.” Gayunman, gaya ng sinaunang bayan ng Diyos na nadalang bihag sa Babilonya sa loob ng isang panahon, noong 1918 ang mga lingkod ni Jehova ay dumanas ng pagkabihag sa Babilonyang Dakila. (Apocalipsis 17:1, 2, 5) Ang mga miyembro ng pandaigdig na imperyong iyan ng huwad na relihiyon ay nagsaya nang ang makasagisag na “dalawang saksi” ay mapabulagta na mga patay sa espirituwal. Subalit sa pamamagitan ng di-sana nararapat na awa ng Diyos, noong 1919 ang kaniyang pinahirang mga lingkod ay muling napasigla, palibhasa’y nakalaya sa espirituwal. (Apocalipsis 11:3, 7-11) Sa paggamit sa kanilang bigay-Diyos na kalayaan, sila’y naging masigasig na mga saksi ng Kataas-taasan. Samakatuwid, anong pagkaangkup-angkop nga na sila, noong 1931, ay may kagalakang tumanggap sa pangalang mga Saksi ni Jehova! (Isaias 43:10-12) Lalung-lalo na magbuhat noong 1935 na ang pinahirang mga Saksi ay may nakasamang “isang malaking pulutong,” na umaasang magkakamit ng buhay na walang-hanggan sa lupa. Sila man ay hindi nagwawalang kabuluhan sa layunin ng kanilang bigay-Diyos na kalayaan.—Apocalipsis 7:9-17.
19, 20. (a) Ano ang isang kapuri-puring paraan na pinaggagamitan ng bayan ni Jehova ng kanilang bigay-Diyos na kalayaan? (b) Sa anong isa pang litaw na paraan ginagamit ng mga Saksi ni Jehova sa mabuting paraan ang kalayaan na ibinigay sa kanila ng Diyos?
19 Ang bigay-Diyos na kalayaan ng bayan ni Jehova ay ginagamit nila sa dalawang natatanging kapuri-puring mga paraan. Unang-una, kanilang ginagamit ito upang itaguyod ang isang matuwid na landasin. (1 Pedro 2:16) At anong laking karangalan ang idinudulot nito sa kanila! Halimbawa, isang lalaki ang minsan ay pumasok sa isang Kingdom Hall sa Zurich, Switzerland, at sinabing ibig niyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang tanungin kung bakit, sinabi niyang ang kaniyang kapatid na babae ay isang Saksi at tiwalag dahil sa imoralidad. Ang sabi niya: ‘Iyan ang organisasyon na ibig kong aniban—isa na hindi kunsintidor sa masamang pamumuhay.’ May mabuting dahilan na napansin ng New Catholic Encyclopedia na ang mga Saksi ni Jehova ay nagtamo ng karangalan ng pagiging “isa sa mga grupong may pinakamagaling na paggawi sa daigdig.”
20 Ginagamit din ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang bigay-Diyos na kalayaan sa pamamagitan ng pagtupad ng iniutos sa kanila na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian, gaya ng ginawa ni Jesus. (Mateo 4:17) Sa pamamagitan ng salita ng bibig at ng nilimbag na pahina, kapuwa sa paraang pormal at impormal, kanilang ibinabalita ang Kaharian ni Jehova. Sa paggawa nila ng gayon malaki ang napapakinabang nila sa pamamagitan ng pagpapatibay ng kanilang pananampalataya at pagpapatingkad ng kanilang pag-asa. Isa pa, ang gawaing ito ay magliligtas sa kanila at sa mga nakikinig sa kanila. (1 Timoteo 4:16) Tungkol sa gawaing ito, ang aklat na Dynamic Religious Movements ay nagsasabi: “Mahirap na makasumpong ng mga miyembro ng anumang ibang grupo na gumagawa nang puspusan sa kanilang relihiyon na gaya ng mga Saksi.”
21. Ano ang patotoo na pinagpapala ni Jehova ang ministeryo ng kaniyang bayan?
21 Anong daming pagpapala ang ibinibigay sa atin ni Jehova sa pagganap ng layunin ng ating bigay-Diyos na kalayaan! Ito’y makikita buhat sa report ng paglilingkod sa larangan noong nakaraang taon—isang pinakamataas na bilang ng mahigit na apat na milyong mga mamamahayag ng Kaharian, at mahigit na sampung milyon ang dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Sa isang surbey, ang Irlandia ay nagkaroon ng 29 na sunud-sunod na buwanang pinakamataas na bilang ng mga mamamahayag; ang Mexico ay nagkaroon ng 78 pinakamataas na bilang sa 80 buwan; at ang Hapón naman ay nagkaroon ng 153 sunud-sunod na pinakamataas na bilang!
Gamitin sa Mabuting Paraan ang Inyong Bigay-Diyos na Kalayaan
22. Ano ang pangunahing punto ng ilang pumupukaw-kaisipang katanungan na maitatanong natin sa ating sarili?
22 Kung isa ka sa nag-alay na mga Saksi ni Jehova, ginagamit mo ba sa mabuting paraan ang kalayaan na ibinigay sa iyo ng Diyos? Bawat isa sa atin ay makapagtatanong sa sarili: ‘Ako ba’y maingat sa paggamit ng aking bigay-Diyos na kalayaan upang maiwasan ang pagtisod sa kaninuman sa pamamagitan ng masamang paggawi? Akin bang maingat na sinusunod ang mga batas ni Cesar, bagaman inuuna ko ang batas ng Diyos? Ako ba’y lubusang nakikipagtulungan sa hinirang na matatanda sa kongregasyon? Ginagamit ko ba ang aking bigay-Diyos na kalayaan nang lubusan sa pangangaral ng mabuting balita? Ako ba’y laging “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon”? Ako ba’y buong sikap na nagpupursiging makatapos ng isang makasanlibutang karera gayong ang aking bigay-Diyos na kalayaan ay mas mainam na magagamit ko sa pamamagitan ng pagpapalawak ng aking ministeryo, pagsisikap na makamit ang isang lalong malaking pananagutan sa kongregasyon o sa buong-panahong paglilingkod?’—1 Corinto 15:58.
23. Ano ang dapat nating gawin upang hindi natin mawalang kabuluhan ang layunin ng bigay-Diyos na kalayaan?
23 Harinawang ating “tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Tayo’y magtiwala sa kaniya, sumunod sa kaniyang mga batas, at ating luwalhatiin ang kaniyang banal na pangalan sa pamamagitan ng masigasig na pagbabalita ng kaniyang Kaharian. Tandaan na yaong mga ‘naghahasik nang sagana ay aani rin nang sagana.’ (2 Corinto 9:6) Kung gayon, tayo’y magbigay ng buong pusong paglilingkod kay Jehova at ipakita na hindi natin niwalang kabuluhan ang layunin ng ating bigay-Diyos na kalayaan.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Anong uri ng kalayaan ang taglay ng Diyos?
◻ Ang kalayaan ng tao ay may anong mga hangganan?
◻ Papaano ginawang posible ang tunay na kalayaan?
◻ Ano ang kailangan nating gawin upang huwag mawalang kabuluhan ang layunin ng bigay-Diyos na kalayaan?
[Larawan sa pahina 9]
Ang kalayaan ng tao ay may hangganan dahilan sa mga bagay na gaya ng batas ng gravity