Ang “Israel ng Diyos” at ang “Malaking Pulutong”
“Nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao.”—APOCALIPSIS 7:9.
1-3. (a) Anong maluwalhating pag-asa sa langit ang taglay ng pinahirang mga Kristiyano? (b) Papaano sinikap ni Satanas na sirain ang unang-siglong kongregasyon? (c) Ano ang nangyari noong 1919 na nagpakitang nabigo ang pagsisikap ni Satanas na pasamain ang kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano?
ANG pagkatatag ng “Israel ng Diyos” noong 33 C.E. ay isang malaking hakbang sa pagsasakatuparan ng mga layunin ni Jehova. (Galacia 6:16) Ang pinahirang mga miyembro nito ay may pag-asa na maging imortal na mga espiritung nilalang at mamahalang kasama ni Kristo sa makalangit na Kaharian ng Diyos. (1 Corinto 15:50, 53, 54) Sa kalagayang iyan ay may malaking bahagi sila sa pagbanal sa pangalan ni Jehova at pagdurog sa ulo ng pusakal na Kaaway, si Satanas na Diyablo. (Genesis 3:15; Roma 16:20) Hindi nga nakapagtataka na ginawa ni Satanas ang kaniyang buong makakaya upang sirain ang bagong kongregasyong ito, kapuwa sa pamamagitan ng pag-uusig dito at pagsisikap na pasamain ito!—2 Timoteo 2:18; Judas 4; Apocalipsis 2:10.
2 Noong nabubuhay pa ang mga apostol, hindi magtagumpay si Satanas. Gayunman, pagkamatay nila, hindi napigil ang paglaganap ng apostasya. Nang maglaon, sa pangmalas ng tao, ang dalisay na kongregasyong Kristiyano na itinatag ni Jesus ay waring sumamâ nang ibangon ni Satanas ang apostatang relihiyosong kalapastanganan na kilala ngayon bilang ang Sangkakristiyanuhan. (2 Tesalonica 2:3-8) Gayunpaman, nanatili pa rin ang tunay na Kristiyanismo.—Mateo 28:20.
3 Inihula ni Jesus, sa kaniyang ilustrasyon ng trigo at mga panirang-damo, na kasabay na lalago ng tunay na mga Kristiyano ang “mga panirang damo,” o huwad na mga Kristiyano; at nangyari nga ito. Ngunit sinabi rin niya na sa mga huling araw, “ang mga anak ng kaharian” ay makikitang hiwalay mula sa “mga panirang-damo.” (Mateo 13:36-43) Napatunayan ding totoo ito. Noong 1919 ang tunay na pinahirang mga Kristiyano ay lumabas mula sa pagkabihag sa Babilonya. Sila’y kinilala ng Diyos bilang “ang tapat at maingat na alipin,” at sila’y buong-tapang na humayo sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 24:14, 45-47; Apocalipsis 18:4) Karamihan sa kanila ay mga Gentil; ngunit dahil sila’y may pananampalatayang gaya ng kay Abraham, sila sa katunayan ay ‘mga supling ni Abraham.’ Sila ay mga miyembro ng “Israel ng Diyos.”—Galacia 3:7, 26-29.
Ang “Malaking Pulutong”
4. Anong grupo ng mga Kristiyano ang napansin, lalo na noong mga taon ng 1930?
4 Sa pasimula, yaong tumugon sa pangangaral ng pinahirang mga Kristiyanong ito ay naging espirituwal na mga Israelita rin, ang nalabi ng 144,000, na may makalangit na pag-asa. (Apocalipsis 12:17) Gayunman, lalo na noong mga taon ng 1930, napansin ang isa pang grupo. Ang mga ito ay nakilala bilang ang “ibang mga tupa” sa ilustrasyon ng mga kulungan ng tupa. (Juan 10:16) Sila’y mga alagad ni Kristo na may pag-asang buhay na walang-hanggan sa paraisong lupa. Sila ang espirituwal na mga supling, wika nga, ng pinahirang mga Kristiyano. (Isaias 59:21; 66:22; ihambing ang 1 Corinto 4:15, 16.) Kinilala nila ang kongregasyon ng mga pinahirang Kristiyano bilang siyang tapat at maingat na alipin, at tulad ng kanilang pinahirang mga kapatid, sila’y may matinding pag-ibig kay Jehova, pananampalataya sa hain ni Jesus, sigasig sa pagpuri sa Diyos, at pagkukusang magdusa alang-alang sa katuwiran.
5. Papaano pasulong na naunawaan ang kalagayan ng mga ibang tupa?
5 Noong una ay hindi pa maliwanag ang pagkaunawa hinggil sa kalagayan nitong mga ibang tupa, ngunit sa paglipas ng panahon, naging mas maliwanag ang mga bagay-bagay. Noong 1932 ay pinasigla ang pinahirang mga Kristiyano upang himukin ang mga ibang tupa na makibahagi sa gawaing pangangaral—isang bagay na ginagawa na noon ng marami sa mga ibang tupa. Noong 1934 ang mga ibang tupa ay pinasigla na magpabautismo sa tubig. Noong 1935 sila’y nakilala bilang ang “malaking pulutong” ng Apocalipsis kabanata 7. Noong 1938 sila’y inanyayahan na dumalo bilang mga tagapagmasid sa Memoryal ng kamatayan ni Jesu-Kristo. Noong 1950 ang maygulang na mga lalaki sa gitna nila ay naunawaan na kabilang sa “mga prinsipe” na naglilingkod gaya ng “isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo.” (Awit 45:16; Isaias 32:1, 2) Noong 1953, ang makalupang organisasyon ng Diyos—na ang mas malaking bahagi nito nang panahong iyon ay binubuo ng mga ibang tupa—ay nakita bilang ang pinaka-pundasyon ng makalupang lipunan na iiral sa bagong sanlibutan. Noong 1985 naunawaan na salig sa haing pantubos ni Jesus, ang mga ibang tupa ay ipinahahayag na matuwid bilang mga kaibigan ng Diyos at may pag-asa na makaligtas sa Armagedon.
6. Ano ang kaugnay na mga katayuan ng mga pinahiran at ng mga ibang tupa sa ngayon, na umaakay sa anong mga katanungan?
6 Ngayon, sa huling bahaging ito ng “mga huling araw,” ang karamihan sa 144,000 ay nangamatay at tumanggap na ng kanilang gantimpala sa langit. (2 Timoteo 3:1; Apocalipsis 6:9-11; 14:13) Ang mga Kristiyano na may makalupang pag-asa ang gumagawa ngayon ng kalakhang bahagi ng pangangaral ng mabuting balita, at ibinibilang nilang isang pribilehiyo na suportahan sa bagay na ito ang pinahirang mga kapatid ni Jesus. (Mateo 25:40) Gayunman, ang mga pinahirang ito ang siyang tapat at maingat na alipin na ginagamit upang ilaan ang espirituwal na pagkain sa mga huling araw na ito. Ano ang magiging kalagayan ng mga ibang tupa kapag ang lahat ng pinahiran ay tumanggap na ng kanilang gantimpala sa langit? Anong mga paglalaan ang gagawin sa panahong iyon para sa mga ibang tupa? Ang maikling pagrerepaso tungkol sa sinaunang Israel ay tutulong sa atin na masagot ang mga tanong na ito.
Isang Tipikong “Kaharian ng mga Saserdote”
7, 8. Sa anong paraan naging isang kaharian ng mga saserdote at bansang banal ang Israel sa ilalim ng tipang Batas?
7 Nang piliin ni Jehova ang Israel bilang kaniyang pantanging bansa, siya’y nakipagtipan sa kanila, anupat nagsabi: “Kung maingat na susundin ninyo ang aking tinig at iingatan nga ang aking tipan, kung gayo’y magiging aking pantanging pag-aari nga kayo higit sa lahat ng bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo mismo ay magiging isang kaharian ng mga saserdote sa akin at isang banal na bansa.” (Exodo 19:5, 6) Ang Israel ang pantanging bayan ni Jehova salig sa tipang Batas. Subalit, papaano matutupad ang pangako hinggil sa isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa?
8 Ang Israel, nang ito’y tapat, ay kumilala sa soberanya ni Jehova at tumanggap sa kaniya bilang kanilang Hari. (Isaias 33:22) Kaya naman, sila’y isang kaharian. Subalit, gaya ng isiniwalat nang dakong huli, higit pa riyan ang kahulugan ng pangako hinggil sa “isang kaharian.” Isa pa, nang sundin nila ang Batas ni Jehova, sila’y malinis, hiwalay sa mga bansang nakapalibot sa kanila. Sila’y isang banal na bansa. (Deuteronomio 7:5, 6) Sila ba’y isang kaharian ng mga saserdote? Buweno, sa Israel ang tribo ni Levi ang inilaan para sa paglilingkod sa templo, at sa loob ng tribong iyan ay naroroon ang Levitikong pagkasaserdote. Nang pasinayaan ang Batas Mosaiko, ang mga lalaking Levita ay ibinukod bilang kapalit ng panganay ng bawat di-Levitang pamilya.a (Exodo 22:29; Bilang 3:11-16, 40-51) Kaya, ang bawat pamilya sa Israel, wika nga, ay may kinatawan sa paglilingkod sa templo. Ito ang siyang pinakamalapit na paraan na doon ang isang bansa ay naging isang pagkasaserdote. Gayunpaman, kinakatawan nila si Jehova sa harap ng mga bansa. Sinumang banyaga na ibig sumamba sa tunay na Diyos ay kailangang gawin iyon na kasama ng Israel.—2 Cronica 6:32, 33; Isaias 60:10.
9. Ano ang dahilan ng pagtatakwil ni Jehova sa hilagang kaharian ng Israel ‘mula sa paglilingkod bilang isang saserdote sa kaniya’?
9 Pagkamatay ni Solomon, nahati ang bayan ng Diyos tungo sa hilagang bansa ng Israel sa ilalim ni Haring Jeroboam at sa timugang bansa ng Juda sa ilalim naman ni Haring Rehoboam. Yamang ang templo, na siyang sentro ng dalisay na pagsamba, ay nasa teritoryo ng Juda, nagtatag si Jeroboam ng isang ilegal na anyo ng pagsamba sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga imahen ng mga guya sa kaniyang sariling pambansang teritoryo. Isa pa, “siya’y gumawa ng bahay sa matataas na dako at humirang ng mga saserdote mula sa mga tao sa pangkalahatan, na hindi sa mga anak ni Levi.” (1 Hari 12:31) Ang hilagang bansa ay napabaon nang malalim sa huwad na pagsamba nang payagan ni Haring Ahab ang kaniyang banyagang asawa, si Jezebel, na magtatag ng pagsamba kay Baal sa lupain. Sa wakas, ipinahayag ni Jehova ang kahatulan sa mapaghimagsik na kaharian. Sa pamamagitan ni Oseas, sinabi niya: “Ang aking bayan ay tiyak na mapatatahimik, dahil sa kawalan ng kaalaman. Sapagkat ikaw ay nagtakwil ng kaalaman, akin namang itatakwil ka upang ikaw ay huwag maging saserdote ko.” (Oseas 4:6) Di-nagtagal pagkatapos, nilipol ng mga Asiriano ang hilagang kaharian ng Israel.
10. Nang ito’y tapat, papaano kumakatawan kay Jehova ang timugang kaharian ng Juda sa harap ng mga bansa?
10 Kumusta naman ang timugang bansa, ang Juda? Noong mga kaarawan ni Ezekias, sinabi sa kanila ni Jehova sa pamamagitan ni Isaias: “Kayo’y aking mga saksi, . . . samakatuwid ay aking lingkod na aking pinili, . . . ang bayan na aking inanyuan para sa aking sarili, upang kanilang maihayag ang aking kapurihan.” (Isaias 43:10, 21; 44:21) Nang ito’y tapat, ang timugang kaharian ay nagsilbi upang ipahayag sa mga bansa ang kaluwalhatian ni Jehova at upang maakit ang mga taong may matuwid na puso na sambahin siya sa kaniyang templo at paglingkuran ng lehitimong mga saserdoteng Levita.
Mga Banyaga sa Israel
11, 12. Bumanggit ng ilang banyaga na naglingkod kay Jehova kasama ng Israel.
11 Kung tungkol sa mga banyagang tumugon sa pambansang patotoong ito, gumawa ng paglalaan para sa kanila sa Batas na ibinigay sa pamamagitan ni Moises—na ang asawa, si Zipora, ay isang Midianita. “Isang haluang karamihan” ng mga di-Israelita ang umalis sa Ehipto kasama ng Israel at naroroon nang ibigay ang Batas. (Exodo 2:16-22; 12:38; Bilang 11:4) Si Rahab at ang kaniyang pamilya ay iniligtas mula sa Jerico at nang maglaon ay tinanggap sa kongregasyong Judio. (Josue 6:23-25) Di-nagtagal pagkaraan, nakipagpayapaan ang mga Gabaonita sa Israel at naatasan sa ilang gawain sa tabernakulo.—Josue 9:3-27; tingnan din ang 1 Hari 8:41-43; Esther 8:17.
12 Nang maglaon, ang mga banyaga ay nanungkulan sa matataas na posisyon. Si Urias na Hiteo, ang asawa ni Bath-sheba, ay ibinilang sa “makapangyarihang mga lalaki” ni David, gayundin si Zelek na Amonita. (1 Cronica 11:26, 39, 41; 2 Samuel 11:3, 4) Si Ebed-melec, na isang Etiope, ay naglingkod sa palasyo at nakalalapit sa hari. (Jeremias 38:7-9) Nang makabalik na ang mga Israelita matapos mapatapon sa Babilonya, ang di-Israelitang mga Netineo ay binigyan ng malaking pananagutan na tumulong sa mga saserdote. (Ezra 7:24) Yamang ang ilan sa tapat na mga banyagang ito, o naninirahang dayuhan, ay minamalas na lumalarawan sa malaking pulutong ngayon, interesado tayo sa kanilang kalagayan.
13, 14. (a) Ano ang mga pribilehiyo at pananagutan ng mga proselita sa Israel? (b) Papaano dapat malasin ng mga Israelita ang tapat na mga proselita?
13 Ang mga ito ay mga proselita, nakaalay na mananamba ni Jehova sa ilalim ng Batas Mosaiko na humiwalay sa mga bansa kasama ng mga Israelita. (Levitico 24:22) Sila’y naghandog ng mga hain, lumayo sa huwad na pagsamba, at umiwas sa dugo, gaya ng ginawa ng mga Israelita. (Levitico 17:10-14; 20:2) Sila’y tumulong sa pagtatayo ng templo ni Solomon at nakisama sa pagsasauli ng tunay na pagsamba sa ilalim ni Haring Asa at Haring Ezekias. (1 Cronica 22:2; 2 Cronica 15:8-14; 30:25) Nang gamitin ni Pedro ang unang susi ng Kaharian noong Pentecostes 33 C.E., ang kaniyang mga salita ay narinig ng “mga Judio at [di-Judiong] mga proselita.” Marahil, ang ilan sa tatlong libong nabautismuhan nang araw na iyon ay mga proselita. (Gawa 2:10, 41) Di-nagtagal, isang Etiopeng proselita ang binautismuhan ni Felipe—bago gamitin ni Pedro ang huling susi ng Kaharian kay Cornelio at sa kaniyang pamilya. (Mateo 16:19; Gawa 8:26-40; 10:30-48) Maliwanag, ang mga proselita ay hindi minamalas bilang mga Gentil.
14 Gayunpaman, ang kalagayan ng mga proselita sa lupain ay hindi kagaya niyaong sa likas na mga Israelita. Ang mga proselita ay hindi naglingkod bilang mga saserdote, at ang kanilang panganay ay walang kinatawan sa Levitikong pagkasaserdote.b At walang manang lupain ang mga proselita sa Israel. Datapuwâ, iniutos sa mga Israelita na isaalang-alang ang tapat na mga proselita at malasin sila bilang mga kapatid.—Levitico 19:33, 34.
Ang Espirituwal na Bansa
15. Ano ang resulta nang tanggihan ng likas na Israel ang Mesiyas?
15 Ang Batas ay dinisenyo upang panatilihing malinis ang Israel, hiwalay sa mga bansang nakapalibot sa kanila. Ngunit nagsilbi ito ukol sa isa pang layunin. Sumulat si apostol Pablo: “Ang Batas ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo, upang tayo ay maipahayag na matuwid dahil sa pananampalataya.” (Galacia 3:24) Nakalulungkot, karamihan sa mga Israelita ay hindi nagpaakay tungo kay Kristo sa pamamagitan ng Batas. (Mateo 23:15; Juan 1:11) Kaya itinakwil ng Diyos na Jehova ang bansang iyan at pinapangyaring maisilang ang “Israel ng Diyos.” Bukod dito, ipinaabot niya sa mga di-Judio ang paanyaya na maging ganap na mga mamamayan nitong bagong Israel. (Galacia 3:28; 6:16) Sa bagong bansang ito nagkaroon ng kahanga-hanga at huling katuparan ang ipinangako ni Jehova sa Exodo 19:5, 6 tungkol sa isang maharlikang pagkasaserdote. Papaano?
16, 17. Sa anong diwa ang pinahirang mga Kristiyano sa lupa ay “maharlika”? isang “pagkasaserdote”?
16 Sinipi ni Pedro ang Exodo 19:6 nang sumulat siya sa pinahirang mga Kristiyano noong kaarawan niya: “Kayo ay ‘isang lahing pinili, isang maharlikang pagkasaserdote, isang bansang banal, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.’ ” (1 Pedro 2:9) Ano ang kahulugan nito? Mga hari ba ang pinahirang mga Kristiyano sa lupa? Hindi, ang kanilang pagkahari ay sa hinaharap pa. (1 Corinto 4:8) Gayunpaman, sila’y “maharlika” sa diwa na sila’y pinili para sa maharlikang mga pribilehiyo sa hinaharap. Maging sa ngayon sila ay isang bansa sa ilalim ng isang hari, si Jesus, na hinirang ng Dakilang Soberano, ang Diyos na Jehova. Sumulat si apostol Pablo: “Iniligtas tayo [ni Jehova] mula sa awtoridad ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.”—Colosas 1:13.
17 Mga saserdote ba ang mga pinahirang Kristiyano sa lupa? Sa isang diwa ay gayon nga. Bilang isang kongregasyon, gumaganap sila ng isang di-maikakailang gawain ng saserdote. Ipinaliwanag ito ni Pedro nang sabihin niya: “Kayo rin mismo . . . ay itinatayo na isang espirituwal na bahay ukol sa layunin ng isang banal na pagkasaserdote.” (1 Pedro 2:5; 1 Corinto 3:16) Sa ngayon, ang nalabi ng pinahirang mga Kristiyano sa kabuuan ay “ang tapat at maingat na alipin,” na siyang alulod sa pamamahagi ng espirituwal na pagkain. (Mateo 24:45-47) Gaya sa sinaunang Israel, sinumang nagnanais sumamba kay Jehova ay kailangang gawin iyon na kasama ang pinahirang mga Kristiyano.
18. Bilang isang pagkasaserdote, ano ang pangunahing pananagutan ng kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano sa lupa?
18 Bukod dito, hinalinhan ng pinahirang mga Kristiyano ang Israel sa pribilehiyo ng pagpapatotoo sa kadakilaan ni Jehova sa gitna ng mga bansa. Ipinakikita ng konteksto na nang tawagin ni Pedro ang pinahirang mga Kristiyano na maharlikang mga saserdote, nasa isip niya ang gawaing pangangaral. Oo, pinagsama niya sa isang pagsipi ang pangako ni Jehova sa Exodo 19:6 at ang Kaniyang mga salita sa Israel sa Isaias 43:21 nang sabihin niya: “Kayo ay . . . ‘isang maharlikang pagkasaserdote, . . . upang maipahayag ninyo nang malawakan ang mga kamahalan’ ng isa na tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kamangha-manghang liwanag.” (1 Pedro 2:9) Kasuwato nito, bumanggit si Pablo tungkol sa paghahayag ng kamahalan ni Jehova bilang hain sa templo. Sumulat siya: “Sa pamamagitan [ni Jesus] ay lagi tayong maghandog sa Diyos ng hain ng papuri, alalaong baga, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.”—Hebreo 13:15.
Isang Makalangit na Katuparan
19. Ano ang pinakahuli at dakilang katuparan ng pangako na ang Israel ay magiging isang kaharian ng mga saserdote?
19 Subalit, ang Exodo 19:5, 6 sa wakas ay may mas maluwalhating katuparan. Sa aklat ng Apocalipsis, naririnig ni apostol Juan na ikinakapit ang kasulatang ito ng makalangit na mga nilalang habang pinupuri nila ang binuhay-muling si Jesus: “Ikaw ay pinatay at sa pamamagitan ng iyong dugo ay bumili ka ng mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa, at ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila ay mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10) Kung gayon, sa pinakahuling diwa, ang maharlikang pagkasaserdote ay ang makalangit na Kaharian ng Diyos, ang namamahalang awtoridad na itinuro sa atin ni Jesus upang ipanalangin. (Lucas 11:2) Lahat ng 144,000 pinahirang mga Kristiyano na nagbata hanggang sa wakas ay magkakaroon ng bahagi sa kaayusan ng Kahariang iyan. (Apocalipsis 20:4, 6) Anong kamangha-manghang katuparan ng pangako na kaytagal nang ginawa sa pamamagitan ni Moises!
20. Anong tanong ang kailangan pang sagutin?
20 Ano ang kinalaman ng lahat ng ito sa kalagayan ng malaking pulutong at sa kanilang hinaharap kapag tinanggap na ng lahat ng pinahiran ang kanilang kamangha-manghang mana? Ito ay lilinawin sa huling artikulo ng seryeng ito.
[Mga talababa]
a Nang pasinayaan ang pagkasaserdote ng Israel, binilang ang panganay na mga anak na lalaki ng mga tribong di-Levita sa Israel at ang mga lalaki sa tribo ni Levi. Nakahihigit ng 273 ang bilang ng mga panganay kaysa sa mga lalaking Levita. Kaya, iniutos ni Jehova na ibayad ang halagang limang siklo para sa bawat isa sa 273 bilang pantubos sa sobrang bilang.
b Ang haluang karamihan ng mga di-Israelita ay naroroon nang pasinayaan ang Batas noong 1513 B.C.E., ngunit hindi isinali ang kanilang mga panganay nang ibukod ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel. (Tingnan ang parapo 8.) Kaya naman, ang mga Levita ay hindi ibinukod bilang kapalit ng mga panganay ng mga di-Israelitang ito.
Maipaliliwanag Mo Ba?
◻ Papaano pasulong na naunawaan ang kalagayan ng mga ibang tupa?
◻ Bakit itinakwil ni Jehova ang hilagang kaharian ng Israel mula sa paglilingkod sa kaniya bilang saserdote?
◻ Nang ito’y tapat, ano ang katayuan ng Juda sa harap ng mga bansa?
◻ Ano ang katayuan ng tapat na mga proselita sa Israel?
◻ Papaano naglilingkod bilang isang kaharian ng mga saserdote ang pinahirang kongregasyon?
[Larawan sa pahina 16]
Bilang isang maharlikang pagkasaserdote, ipinahahayag sa lupa ng pinahirang mga Kristiyano ang kaluwalhatian ni Jehova
[Larawan sa pahina 18]
Ang Kaharian ang siyang pangwakas na katuparan ng Exodo 19:6