Lubhang Pahalagahan ang Magandang Pangalan ni Jehova
1 Siniraang-puri ni Satanas ang pangalan ng Diyos nang kaniyang hikayatin ang ating unang mga magulang na magkasala. Ipinahiwatig ng Diyablo na si Jehova ay nagsinungaling kay Adan. (Gen. 3:1-5) Yamang ang banal na pangalan ay kaugnay ng kakayahan ng Diyos na tuparin ang kaniyang salita, ang pag-aangkin ni Satanas ang siyang pinakamalubhang paninirang-puri. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsasakatuparan sa kaniyang banal na layunin, nilinis ni Jehova ang kaniyang pangalan mula sa upasala at ginawa itong maganda.—Isa. 63:12-14.
2 Tayo ang bayan na ‘tinawag ni Jehova sa kaniyang pangalan.’ (Gawa 15:14, 17) Ito’y nagbibigay sa atin ng pagkakataon na maipakita ang ating nadarama hinggil sa pagpapabanal dito. Nasumpungan natin ang pangalan ni Jehova na talagang maganda, yamang ito’y kumakatawan sa lahat ng bagay na mabuti, mabait, maibigin, maawain, at matuwid. Tayo ay puspos ng pagpipitagan sa kadakilaan ng maluwalhating pangalan ng Diyos. (Awit 8:1; 99:3; 148:13) Dapat tayong mapakilos nito na gawin ang ano?
3 Pabanalin ang Pangalan ng Diyos: Ang pangalan ng Diyos ay hindi na maaari pang gawing higit na banal kaysa sa dati. Subalit sa pamamagitan ng ating malinis na paggawi at pangangaral ng Kaharian, maipakikita natin na ating lubhang pinahahalagahan ang pangalan ng Diyos. Tayo’y bumulalas: “Magpasalamat kayo kay Jehova! Tumawag kayo sa kaniyang pangalan. Ihayag ninyo sa gitna ng mga bayan ang kaniyang mga pakikitungo. Banggitin ninyo na ang kaniyang pangalan ay natanyag.” (Isa. 12:4) Paano natin magagawa ito?
4 Maaari nating samantalahin ang bawat pagkakataon na maipahayag ang pangalan ni Jehova at ang lahat ng kinakatawan nito. Maging pormal man o di-pormal, sa bahay-bahay man o sa mga tindahan, sa mga lansangan man o sa telepono, ang ating gawaing pangangaral ay nagpaparangal kay Jehova. Kapag nakasumpong tayo ng mga interesado na nakikinig, dapat tayong gumawa ng tiyak na pangakong bumalik at turuan sila nang higit pa hinggil kay Jehova. Ito’y nangangahulugang dapat nating tuparin ang mga pangakong iyon at magtiyaga sa ating pagsisikap na mapasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya. Nakaliligaya naman, bawat taon ay daan-daang libo ang kumikilala, gumagalang, at nagpapabanal sa magandang pangalan ni Jehova.
5 Ang ating buong-pusong pakikibahagi sa gawaing pagpapabanal sa pangalan ng Diyos ay maliwanag na nagpapakita kung saang panig tayo nakatayo sa isyu na ibinangon ni Satanas sa Eden. Ito ang pinakadakila at pinakamarangal na gawain na maaari nating maisagawa. Kaya lubhang pahalagahan natin at masigasig na papurihan ang magandang pangalan ni Jehova!—1 Cron. 29:13.