Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Pagtulong ng mga Payunir sa Iba
    Ministeryo sa Kaharian—1998 | Setyembre
    • Pagtulong ng mga Payunir sa Iba

      1 Sinabi ni Jesus: “Ang pag-aani, tunay nga, ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” Palibhasa’y kakaunti ang bilang ng mga mang-aani noong unang siglo at malaki ang teritoryong kanilang kukubrehan, maaari sanang magtagubilin sa kanila si Jesus na ipaabot ang mabuting balita sa marami hangga’t maaari sa pamamagitan ng pagsusugo sa kanila nang isahan. Sa halip, kaniyang “isinugo sila nang dala-dalawa.” (Luc. 10:1, 2) Bakit dala-dalawa?

      2 Ang mga alagad na yaon ay mga baguhan at walang karanasan. Sa paggawang magkakasama maaari silang matuto at magpatibayan sa isa’t isa. Gaya ng pagkasabi ni Solomon, ang “dalawa ay maigi kaysa isa.” (Ecles. 4:9, 10) Kahit na pagkatapos ibuhos ang banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E., si Pablo, si Bernabe, at ang iba pa ay sumama sa mga kapananampalataya sa ministeryo. (Gawa 15:35) Kay inam na pribilehiyo para sa ilan na masanay nang personal ng gayong may-kakayahang mga lalaki!

      3 Isang Mainam na Programa ng Pagsasanay: Kagaya ng katumbas nito noong unang siglo, ang makabagong kongregasyong Kristiyano ay isang organisasyon para sa pangangaral. Ito ay naglalaan din sa atin ng pagsasanay. Bilang mga indibiduwal, dapat na ang maging taos-puso nating hangarin ay maiharap ang mabuting balita nang mabisa hangga’t maaari. Upang ang mas maraming mamamahayag ay maging higit pang mabisa, may tulong na inilaan.

      4 Sa Kingdom Ministry School na idinaos kamakailan, ipinatalastas ng Samahan ang isang programa para matulungan ng mga payunir ang iba pa sa ministeryo sa larangan. May pangangailangan ba para dito? Oo, mayroon. Mahigit sa isang milyong mamamahayag ang nabautismuhan sa nakaraang tatlong taon, at marami sa mga ito ang nangangailangan ng tulong upang maging higit na mabisa sa gawaing pangangaral. Sino ang maaaring gamitin upang matugunan ang pangangailangang ito?

      5 Ang buong-panahong mga payunir ay makatutulong. Sila’y binibigyan ng organisasyon ni Jehova ng maraming payo at pagsasanay. Ang mga payunir ay tumatanggap ng tagubiling angkop sa kanilang pangangailangan sa dalawang linggong Pioneer Service School. Sila’y nakikinabang din sa mga pulong na kasama ang mga tagapangasiwa ng sirkito at distrito, at sa patnubay ng matatanda. Bagaman hindi lahat ng payunir ay makaranasan gaya nina Pablo at Bernabe, sila’y tumanggap ng mahahalagang pagsasanay, na may kagalakan nilang ibinabahagi sa iba.

      6 Sino ang Makikinabang? Ang pakikibahagi ba sa programang ito ay para lamang sa mga baguhang mamamahayag o sa mga bagong nabautismuhan? Tunay na hindi! May mga kabataan at matatanda na ilang taon nang nakaalam ng katotohanan subalit nagagalak na matulungan sa ilang bahagi ng ministeryo. Ang ilan ay napakahusay sa pagpapasakamay ng literatura subalit nahihirapan sa paggawa ng mga pagdalaw-muli o sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang iba naman ay madaling makapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya subalit napapansin na ang kanilang mga estudyante ay hindi sumusulong. Ano ang nakapipigil sa kanila? Ang makaranasang mga payunir ay maaaring hilingan ng tulong sa mga larangang ito. Ang ilang payunir ay mabisa sa paglinang ng interes, sa pagpapasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, at sa pag-akay sa mga bagong estudyante tungo sa organisasyon. Ang kanilang karanasan ay makatutulong sa bagong programang ito.

      7 Nasusumpungan ba ninyo na ang inyong iskedyul ay hindi nagpapahintulot sa inyo na masuportahan ang regular na mga pagtitipon ng kongregasyon bago maglingkod kagaya ng nais ninyo? Ang isang payunir ay maaaring makasama ninyo sa mga panahong hindi puwede ang ibang mamamahayag.

      8 Ang Mabuting Pagtutulungan ay Kailangan: Dalawang ulit sa isang taon, ang matatanda ay gagawa ng mga kaayusan para ang mga mamamahayag na nagnanais ng personal na tulong ay makabahagi sa programang Pagtulong ng mga Payunir sa Iba. Kung sang-ayon kayong tumanggap ng gayong tulong, makipag-usap sa payunir na mamamahayag na inatasang tumulong sa inyo, gumawa ng isang praktikal na iskedyul sa paglilingkuran, at sundin iyon. Tuparin ang bawat tipanan. Habang kayo ay gumagawang magkasama, pansinin ang mabibisang paraan ng paghaharap ng mabuting balita. Suriin kung bakit ang ilang paglapit ay mabibisa. Isaalang-alang ang mga posibleng maimumungkahi ng payunir na mamamahayag para mapasulong ang inyong presentasyon. Habang inyong ikinakapit ang mga bagay na natututuhan, ang inyong pagsulong sa ministeryo ay mahahayag, kapuwa sa inyo at sa iba. (Tingnan ang 1 Timoteo 4:15.) Gumawang magkasama nang madalas hangga’t maaari, na nakikibahagi sa lahat ng gawain sa ministeryo, lakip na ang di-pormal na pagpapatotoo subalit nagtutuon ng pansin sa anumang partikular na bahagi kung saan kayo nangangailangan ng personal na tulong.

      9 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay interesado sa pagsulong na maisasagawa. Sa pana-panahon, aalamin niya mula sa konduktor ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat kung paano kayo nakikinabang mula sa programa. Tutulungan din kayo ng tagapangasiwa ng sirkito kapag siya’y dumadalaw sa kongregasyon.

      10 Nais ni Jehova na ang kaniyang bayan ay masanay at ‘masangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.’ (2 Tim. 3:17) Malasin ang kaayusan ng Pagtulong ng mga Payunir sa Iba bilang isang mainam na probisyon upang matulungan ang mga nagnanais na mapasulong ang kanilang kakayahan sa pangangaral ng salita. Kung pribilehiyo ninyong makibahagi rito, gawin iyon taglay ang pasasalamat, pagpapakumbaba, at kagalakan.

  • Mga Nangungunang Tagapangasiwa—Ang Tagapangasiwa sa Paglilingkod
    Ministeryo sa Kaharian—1998 | Setyembre
    • Mga Nangungunang Tagapangasiwa​—Ang Tagapangasiwa sa Paglilingkod

      1 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay lubhang interesado sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa pagsulong ng gawaing pag-eebanghelyo sa atas na teritoryo ng kongregasyon. Siya kung gayon ay gumaganap ng isang mahalagang papel sa pagtulong sa atin na tuparin ang ating pananagutang ipangaral ang mabuting balita. Bilang isang masigasig na ebanghelisador, siya’y nangunguna sa pag-oorganisa sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa paglilingkod. Bilang isang may-kakayahang guro, tinutulungan niya ang indibiduwal na mga mamamahayag na maging higit na mabisa sa ministeryo.​—Efe. 4:11, 12.

      2 Ang matandang ito ay tuwirang nangangasiwa sa gawain ng mga ministeryal na lingkod na inatasang humawak ng literatura, magasin, at mga teritoryo. Siya ang may pananagutan para tiyaking may sapat na suplay ng literatura, magasin, at mga porma sa paglilingkod para magamit natin bawat buwan.

      3 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay may pananagutang pangasiwaan ang iba’t ibang larangan ng pangangaral, lakip na ang pagpapatotoo sa mga lugar ng negosyo, lansangan, at telepono. Siya’y alisto sa pagsasagawa ng praktikal na mga kaayusan upang makapagtipon para sa paglilingkod sa buong sanlinggo, lakip na ang mga pista opisyal. Siya’y nagpapakita ng tunay na interes sa pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Humahanap siya ng pamamaraan upang mabigyan ng espirituwal na tulong ang mga nagiging di-palagian o di-aktibo sa ministeryo. Siya’y nagmamalasakit sa tuwina sa gawain ng mga payunir, at kaniyang sinusubaybayan ang programang Pagtulong ng mga Payunir sa Iba.

      4 Bilang isang miyembro ng Komite sa Paglilingkod ng Kongregasyon, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay nagmumungkahi ng anumang kailangang mga pagbabago sa mga grupo ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Kapag siya’y dumadalaw sa inyong grupo, tiyaking kayo’y naroroon sa pulong at nakikibahaging kasama niya sa paglilingkod sa larangan.

      5 Ang lahat sa kongregasyon ay dapat na may pagkukusang makipagtulungan sa patnubay na ibinibigay ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Ito’y makatutulong sa atin upang mapasulong natin ang pagiging mabisa sa gawaing paggawa ng alagad at makasumpong ng ibayong kagalakan sa ating ministeryo.

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share