Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Pinapayagan ba ng mga Saksi ni Jehova ang paggamit ng sariling dugo (pagsasalin ng sariling dugo), tulad halimbawa ng pag-iimbak ng kanilang sariling dugo at pagkatapos ay isasalin ito sa kanila?
Kadalasa’y kinikilala ng mga taong may kaugnayan sa panggagamot ang pagkakaiba ng dugong homologous (nanggagaling sa ibang tao) at ng dugong autologous (ang sariling dugo ng pasyente). Kilalang-kilala na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi tumatanggap ng dugo na galing sa mga ibang tao. Subalit kumusta naman ang paggamit ng dugong autologous, isang termino na ginagamit tungkol sa ilang mga paraan?
Ang iba sa mga paraang ito ay hindi sinasang-ayunan ng mga Kristiyano dahilan sa ang mga ito ay malinaw na kasalungat ng Bibliya, subalit ang iba’y nagbabangon ng mga tanong. Kung sabagay, nang sulatin ang Bibliya, ang pagsasalin ng dugo at ang iba pa ng gayung mga paggamit ng dugo sa panggagamot ay hindi pa nakikilala. Gayunman, ang Diyos ay nagbigay ng mga tagubilin na umaakay sa kaniyang mga lingkod upang magpasiya kung ang mga ilang paraan na kinasasangkutan ng dugo sa panggagamot ay hindi nakalulugod sa kaniya.
Determinado ang Diyos na ang dugo ay kumakatawan sa buhay at sa gayo’y banal. Kaniyang iniutos na hindi dapat kumain ng dugo ang tao upang mapanatili ang kaniyang buhay. Halimbawa, sinabi ng Diyos: “Bawat gumagalaw na hayop na nabubuhay ay maaari ninyong kainin. . . . Tanging ang laman na may kaluluwa niyaon—ang dugo niyaon—ay huwag ninyong kakanin.” (Genesis 9:3, 4; Levitico 7:26, 27) Ayon sa Tagapagbigay-Buhay, ang tanging maaaring paggamitan ng dugo ay sa paghahandog ng hain: “Sapagkat ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay nito sa ibabaw ng dambana upang inyong itubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ay siyang tumutubos dahil sa kaluluwang naroroon. Kaya’t aking sinabi sa mga anak ni Israel: ‘Sinumang kaluluwa sa inyo ay huwag kakain ng dugo.’”—Levitico 17:11, 12.
Bagaman ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, sinasabi ng Bibliya na “kailangan” sa atin na ‘umilag sa dugo,’ na itinuturing na ito ay banal. (Gawa 15:28, 29) Ito’y mauunawaan, sapagkat ang mga hain na inihahandog noon sa ilalim ng Kautusan ay lumarawan sa dugo ni Kristo, ang paraan ng Diyos na sa pamamagitan nito ay makapagtatamo tayo ng buhay na walang-hanggan.—Hebreo 9:11-15, 22.
Sa ilalim ng Kautusan ano ba ang ginagawa sa dugo kung ito ay hindi ginagamit sa hain? Ating mababasa na pagka ang isang mangangaso ay nakapatay ng isang hayop para gamiting pagkain, “kailangang patuluin niya ang dugo nito at tabunan iyon ng lupa.” (Levitico 17:13, 14; Deuteronomio 12:22-24) Samakatuwid ang dugo ay hindi gagamitin para pagkain o sa anumang iba pang paraan. Kung kinuha sa isang hayop at hindi naman ginagamit sa hain, ito’y kailangang ibuhos sa lupa, ang tuntungan ng Diyos.—Isaias 66:1; ihambing ang Ezekiel 24:7, 8.
Dito’y malinaw na ibinabawal ang isang karaniwang pinaggagamitan ng dugong autologous—pagtitipon ng dugo bago operahin ang isa, pag-iimbak nito, at sa bandang huli ay pagsasalin sa pasyente ng kaniyang sariling dugo. Sa gayung paraan, ay ganito ang ginagawa: Bago gawin ang pinagpasiyahang operasyon, ang mga ilang yunit ng dugo ng isang tao ay inilalagay sa sisidlan nito o ang mga pulang selula ay inihihiwalay, iniilado, at iniimbak. Pagkatapos kung waring ang pasyente ay nangangailangan ng dugo sa panahon o pagkatapos ng operasyon, ang kaniyang sariling inimbak na dugo ay maaaring maibalik sa kaniya. Dahilan sa kasalukuyang kabalisahan tungkol sa mga sakit na likha ng pagsasalin ng dugo kung kaya napatanyag ang paggamit na ito ng dugong autologous. Subalit, ang mga Saksi ni Jehova ay HINDI gumagamit ng paraang ito. Matagal nang nauunawaan natin na ang gayung inimbak na dugo ay tunay na hindi na bahagi ng taong pinagkunan niyaon. Iyon ay lubusang inalis na sa kaniya, kaya’t dapat na gawin doon ang sinasabi ng Kautusan ng Diyos: “Ibubuhos mo iyon sa lupa na gaya ng tubig.”—Deuteronomio 12:24.
Sa isang medyo naiibang paraan, ang dugong autologous ay maaaring kunin sa isang pasyente at paagusin tungo sa hemodialysis device (artipisyal na kidni) o isang pambomba para sa puso at baga. Ang dugo ay umaagos palabas sa pamamagitan ng isang tubo na nakakabit sa artipisyal na kidni na nagbobomba at sumasala (o nag-o-oxygenate) nito, at pagkatapos ito’y bumabalik sa sistema ng sirkulasyon ng pasyente. May mga Kristiyanong pumayag na gamitin sa kanila ang ganitong paraan kung ang aparato’y hindi pa ginagamitan ng imbak na dugo. Kanilang minalas na ang tubong nasa labas ay karugtong ng kanilang sistema ng sirkulasyon upang ang dugo ay dumaan sa isang artipisyal na kidni. Sila’y naniniwala na ang dugong nasa saradong sirkito ay bahagi pa rin nila at hindi kailangang ‘ibuhos sa lupa.’a
Subalit, ano kaya kung ang pag-agos ng gayung dugong autologous ay sandaling huminto, tulad halimbawa kung ang isang makina para sa puso at baga ay pinahihinto ang andar samantalang tinitingnan ng siruhano kung ayos ang coronary-bypass grafts?
Sa aktuwal, ang idiniriin ng Bibliya ay hindi ang tungkol sa isyu ng patuluyang pag-agos. Kahit na kung hindi sa operasyon, ang puso ng isang tao ay maaaring huminto sandali at pagkatapos ay saka muling magpatuloy.b Ang sistema ng kaniyang sirkulasyon ay hindi kailangang alisan ng dugo at ang kaniyang dugo’y itapon na dahil sa huminto ang pag-agos ng dugo sa panahong siya’y may atake sa puso. Kung gayon, ang pagpapasiya ng isang Kristiyano kung baga papayagan niyang ang kaniyang dugo’y paraanin sa isang aparato sa labas ay nararapat na magtutok ng pansin, hindi pangunahin sa kung baka may mangyaring sandaling paghinto ng agos ng dugo, kundi sa kung maaamin ng kaniyang budhi na ang pinalabas na dugo ay ituring na bahagi pa rin ng kaniyang sistema ng sirkulasyon.—Galacia 6:5.
Kumusta naman ang artipisyal na hemodilution? Ang ibang mga siruhano ay naniniwala na mabuti para sa dugo ng isang pasyente na haluan sa panahon ng operasyon. Kaya, sa pasimula ng isang operasyon, ang ibang dugo ay pinaaagos nila tungo sa mga supot na imbakan sa labas ng katawan ng isang pasyente at ang gayon ay hinahalinhan ng mga likidong hindi dugo; maya-maya, ang dugo ay pinaaagos buhat sa mga pinaglagyang supot tungo sa pasyente uli. Yamang hindi pumapayag ang mga Kristiyano na imbakin ang kanilang dugo, may mga manggagamot na ang ganitong paraan ang sinunod, anupat ang aparato’y isinaayos nila sa isang sirkito na palaging nakakabit sa sistema ng sirkulasyon ng pasyente. May mga Kristiyanong pumayag na gamitin sa kanila ang ganito, ang iba ay tumanggi. Muli na naman, bawat isa ang kailangang magpasiya kung ang dugong pinaagos sa gayung hemodilution circuit ay ituturing niya na nakakatulad sa dugong umagos sa isang makina ng puso at baga, o iisipin niyang iyon ay dugo na lumabas sa kaniyang katawan at samakatuwid dapat na ibuhos sa lupa.
Ang isang katapusang halimbawa ng paggamit ng dugong autologous ay ang pagbawi at muling paggamit sa dugo sa panahon ng operasyon. Gumagamit ng aparato upang sipsipin sa sugat ang dugo, bombahin iyon at paraanin sa isang salaan (upang alisin ang mga namumuong dugo o mga dumi) o isang centrifuge (upang alisin ang mga likido), at pagkatapos paagusin iyon pabalik sa pasyente. Maraming Kristiyano ang lubhang nabahala tungkol sa kung sa gayung pamamaraan ay magkaroon kaya ng anumang sandaling paghinto ng pag-agos ng dugo. Gayunman, gaya ng binanggit, ang lalong dapat ikabahala ayon sa Bibliya ay kung ang dugong tumatagas sa isang sugat sa operasyon ay bahagi pa rin ng taong iyon. Dahilan ba sa ang dugo ay umagos buhat sa sistema ng kaniyang sirkulasyon tungo sa sugat ay mangangahulugang iyon ay dapat ‘ibuhos sa lupa,’ tulad ng dugong binanggit sa Levitico 17:13? Kung ganoon ang paniwala ng isa, marahil hindi niya papayagang ang gayung dugo ay imbakin. Subalit, ang isa namang Kristiyano (na tutol na ang kaniyang dugo’y paagusin galing sa kaniya, imbakin nang kaunting panahon, at pagkatapos, ibalik sa kaniya) ay baka manghinuha na ang isang sirkitong may kinalaman sa dugong umaagos buhat sa sugat ng isang operasyon at ang muling pagpapasok sa kaniya ng dugong iyon ay hindi lalabag sa kaniyang sinanay na budhi.
Gaya ng makikita natin, patuloy na dumarami ang sari-saring aparato o pamamaraan na may kaugnayan sa dugong autologous. Tayo ay hindi maaari at hindi dapat sumubok na magkomento tungkol sa bawat pagkakaiba. Pagka napaharap sa isang katanungan tungkol sa bagay na ito, bawat Kristiyano ay may pananagutan na kumuha ng mga detalye buhat sa mga taong may kaugnayan sa panggagamot at pagkatapos ay gumawa ng personal na disisyon.
Bagaman marami na ang nasabi tungkol sa bahaging may kinalaman sa panggagamot, ang pinakamahalaga ay ang suliraning may kaugnayan sa relihiyon. Samantalang nalulutas ng isang Kristiyano ang anumang alinlangan o katanungan tungkol sa mga paraan sa panggagamot na kinasasangkutan ng dugo, ang dapat na mangibabaw ay ang kaniyang pagpapakita ng pananampalataya, na kaniyang iginagalang ang utos ng Diyos na ‘umilag sa dugo,’ at na siya’y manatiling may mabuting budhi. Bakit? Sapagkat ang pinakamahalagang paraan na makapagliligtas ng mga buhay sa pamamagitan ng dugo ay hindi sa pamamaraan ng teknolohiya sa panggagamot kundi sa pamamagitan ng bisa ng dugo ni Kristo na magligtas. Si apostol Pablo ay sumulat: “Sa pamamagitan niya’y may katubusan tayo dahil sa pantubos sa pamamagitan ng dugo ng isang iyon.” (Efeso 1:7; Apocalipsis 7:14, 17) Bagaman ang modernong medisina ay marahil makatutulong sa atin upang pahabain nang kaunti ang ating buhay, tunay na hindi natin ibig na pahabain ang ating kasalukuyang buhay sa pamamagitan ng paggawa ng anuman na labag sa ating budhing Kristiyano o hindi makalulugod sa Tagapagbigay-Buhay sa atin.—Mateo 16:25; 1 Timoteo 1:18, 19.
[Mga talababa]
a Tingnan ang The Watchtower, Hunyo 15, 1978, pahina 30.
b Ito’y maaaring resulta ng isang atake sa puso, isang electric shock, o labis na mababang temperatura ng katawan, halimbawa buhat sa pagkalubog sa tubig na kasinlamig ng yelo.
[Larawan sa pahina 31]
Sa isang aparato para sa puso at baga, kasali sa sirkito: (1) tubong buhat sa sistema ng sirkulasyon ng pasyente; (2) mga pambombang pansipsip ng dugo; (3) “bubble oxygenator”; (4) “hollow-fiber hemofilter”; (5) malaking “roller pump”; (6) tubong para daanan ng dugo sa pagbabalik sa sistema ng sirkulasyon ng pasyente