Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 1/1 p. 23-28
  • Nagkakaisa sa Ilalim ng Isang Bandila ng Pag-ibig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagkakaisa sa Ilalim ng Isang Bandila ng Pag-ibig
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagpapahayag ng Tapat na Pag-ibig
  • Modernong-Panahong mga Kahalintulad
  • Isang Nagkakaisang “Kawan”
  • Pagpapakita ng “Maningas na Pag-iibigan”
  • Isang Tunay na Kaibigan
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Jonatan—“Siya ay Gumawang Kasama ng Diyos”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Ang Tapat at Matapang na si Jonatan
    Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya
  • Jonatan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 1/1 p. 23-28

Nagkakaisa sa Ilalim ng Isang Bandila ng Pag-ibig

“Higit sa lahat, kayo’y magkaroon ng maningas na pag-iibigan.”​—1 PEDRO 4:8.

1. Anong uri ng pag-ibig ang nakikita natin sa gitna ng bayan ng Diyos sa ngayon, at ano ang ibinabalita sapol noong 1922 ng pinahirang mga Kristiyano?

NAKIKITA ba natin ang ganiyang uri ng pag-ibig sa gitna ng bayan ng Diyos ngayon? Tunay na nakikita natin! Ito ay isang pag-iibigang nakasentro sa pagkilala at pagsuporta sa pagkasoberano ni Jehova, kung paano sinuportahan ito ni David. Lalo na sapol noong taóng 1922, ang pinahirang mga kapatid ni Jesu-Kristo, “ang Anak ni David,” ay nagbabalita sa buong lupa na ang Kaharian ng Diyos ay naririto na at na ang mga kampeon ng mapanupil na pamamahala ni Satanas ay nakaharap sa paglipol na isasagawa ng inilagay ng Diyos na Hukom, si Jesu-Kristo.​—Mateo 21:15, 42-44; Apocalipsis 19:11, 19-21.

2. Bakit si David ay matatawag na ‘isang lalaking naaayon sa puso ni Jehova’?

2 Si David ay ‘isang lalaking naaayon sa puso ni Jehova.’ Ito’y makikita sa kaniyang pag-ibig kay Jehova at sa Kaniyang katuwiran​—mga katangiang kinilala kahit na ng duwag na si Haring Saul na taglay ni David​—oo, sa kaniyang mga katangian na kawalang-takot, buong pusong debosyon kay Jehova, pangunguna, at mapagpakumbabang pagpapasakop sa kaayusang teokratiko.​—1 Samuel 13:14; 16:7, 11-13; 17:33-36; 24:9, 10, 17.

3. Ano ang naging saloobin ni Jonathan kay David, at bakit?

3 Pagkatapos ng kaniyang pagtatagumpay kay Goliat, si David ay bumalik kay Saul at nag-ulat sa kaniya. Noon lumabas ang isa pang mangingibig sa katuwiran. Siya ay si Jonathan, panganay na anak ni Haring Saul. “At nangyari na, nang [si David] ay makapagsalita na kay Saul, ang mismong kaluluwa ni Jonathan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at siya’y minahal ni Jonathan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” (1 Samuel 18:1) Imbis na dahil sa likas na katapangan at kahusayan sa paggamit ng panghilagpos, ang nagniningas na sigasig ni David na maalisan ng upasala ang pangalan ng Diyos, ang kaniyang hindi pagtingin sa sariling kapakanan, at ang kaniyang lubos na pagtitiwala kay Jehova ang pumukaw sa taus-pusong paghanga ni Jonathan.​—Ihambing ang Awit 8:1, 9; 9:1, 2.

4. Ano ang ginawa ni Jonathan bilang pagkilala na si David ang siyang pinahiran upang maging hari?

4 Bagaman si Jonathan ay mga 30 taon ang katandaan kay David, siya’y napalakip sa may kabataang mandirigmang ito sa isang walang maliw na buklod ng pagkakaibigan. “At si Jonathan at si David ay nagtibay ng isang tipan, sapagkat minahal niya siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa. At, hinubad ni Jonathan ang kasuotang walang manggas na suot niya at ibinigay iyon kay David, at pati ang kaniyang mga suot, at maging ang kaniyang tabak man at ang kaniyang búsog at ang kaniyang pamigkis.” (1 Samuel 18:3, 4) Anong husay na pagpapakita ni Jonathan ng gayong pagkakilala! Si Jonathan sana ang talagang dapat na maging tagapagmana ni Saul. Subalit siya’y nagpahayag ng isang mainit, at may prinsipyong pag-ibig kay David at nagpailalim sa kaniya bilang siyang pinahiran upang maging hari, ang isang pangunahing may layuning itaguyod ang pangalan at pagkasoberano ni Jehova.​—2 Samuel 7:18-24; 1 Cronica 29:10-13.

5. Ano ang kinilala ni Jonathan kung tungkol sa teokratikong pakikipagdigma?

5 Si Jonathan mismo ay isa ring tagapaglaban ng katuwiran. Kaniyang ipinahayag na “hindi nakasasagabal kay Jehova na magligtas sa pamamagitan nang marami o nang kakaunti.” Bakit? Sapagkat kinilala ni Jonathan na sa tuwina’y kailangang humingi ng patnubay sa Diyos para magtagumpay sa labanang teokratiko. Nang sa di-sinasadya’y nakagawa si Jonathan ng pagkakasala at sa gayu’y hinatulan siya ni Saul ng kamatayan, mapagpakumbabang tinanggap niya ang hatol na iyon. Masaya ang kinalabasan, iniligtas siya ng bayan.​—1 Samuel 14:6, 9, 10, 24, 27, 43-45.

Pagpapahayag ng Tapat na Pag-ibig

6. Paanong ang tapat na pag-ibig ni Jonathan ay nagligtas kay David?

6 Si Saul ay nanaghili sa kabantugan ni David bilang isang mandirigma at nagtangkang patayin siya, subalit ang tapat na pag-ibig ni Jonathan ang nagligtas sa kaniya! Ganito ang paglalahad: “Si Jonathan, na anak ni Saul, ay nalugod na mainam kay David. Kaya’t sinabi ni Jonathan kay David: ‘Pinagsisikapan ni Saul na aking ama na ipapatay ka. At ngayon, pakisuyo, mag-ingat ka sa kinaumagahan, at manatili ka sa isang lihim na dako at magtago.’” Sa pagkakataong iyon, pinayapa ni Jonathan si Saul, kaya naligtas si David. Subalit ang patuloy na mga tagumpay ni David sa “pakikipagbaka sa mga Filisteo at pamamaslang ng napakarami sa kanila” ay muling nagpasiklab ng galit ni Saul. Siya’y naging disidido uling patayin si David, kaya’t si David ay tumakas.​—1 Samuel 19:2-10.

7. Nang magkita si Jonathan at ang takas na si David, ano ang kanilang sinabi sa isa’t isa sa muling pagtitibay ng isang tipan?

7 Nang sumapit ang panahon, nagkitang muli ang takas na si David at si Jonathan, na nagpahayag: “Anumang sabihin ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo.” Ang dalawa ay muling nagtibay ng isang tipan sa harap ni Jehova, at nangako si David na hindi niya kailanman puputulin ang kagandahang-loob sa sambahayan ni Jonathan​—isang pangako na tinupad niya nang buong katapatan. “Kaya’t si Jonathan ay muling sumumpa kay David dahilan sa kaniyang pagmamahal sa kaniya; sapagkat kung paano ang pagmamahal niya sa kaniyang sariling kaluluwa ganoon ang pagmamahal niya sa kaniya.”​—1 Samuel 20:4-17; 2 Samuel 21:7.

8. Bakit si Jonathan at si David ay lihim na nagtagpo sa isang bukid, at ano ang naganap sa pagkakataong iyon?

8 Si Haring Saul ay naging disididong patayin si David. Aba, maging ang kaniyang sariling anak na si Jonathan ay sinibat ni Saul nang ito’y magsalita alang-alang kay David! Kaya’t si Jonathan at si David ay lihim na nagtagpo sa isang bukid. “Si David, . . . ay sumubsob sa lupa at yumukod na makaitlo; at sila’y naghalikan at iniyakan nila ang isa’t isa, hanggang sa nakahigit si David ng paggawa niyaon. At sinabi ni Jonathan kay David: ‘Yumaon kang payapa, yamang tayo’y kapuwa sumumpa sa pangalan ni Jehova, na nagsasabi, “Harinawang si Jehova’y lumagay sa pagitan nating dalawa at sa pagitan ng aking supling at ng iyong supling magpakailanman.”’” Kaya’t sila’y naghiwalay, at si David ay naging takas sa iláng ng Ziph.​—1 Samuel 20:41, 42.

9, 10. (a) Paano patuloy na pinalakas-loob ni Jonathan si David noong marahil ay huling pagkikita nilang dalawa? (b) Nang si Jonathan at si Saul ay paslangin ng mga Filisteo, anong panaghoy ang nilikha ni David, at paano ito nagtatapos?

9 Buong pagmamahal na patuloy na pinalakas-loob ni Jonathan si David. Ayon sa salaysay: “At si Jonathan na anak ni Saul ay bumangon at naparoon kay David sa Horesh, upang kaniyang mapatibay ang kaniyang kamay kung tungkol sa Diyos. At sinabi niya sa kaniya: ‘Huwag kang matakot; sapagkat hindi ka masusumpungan ng kamay ni Saul na aking ama, at ikaw mismo ay magiging hari sa Israel, at ako naman ay magiging pangalawa mo; at gayun nga ang alam ni Saul na aking ama.’ At silang dalawa ay nagtibay ng isang tipan sa harap ni Jehova.”​—1 Samuel 23:15-18.

10 Marahil, iyon ang huling pagkikita ni David at ng kaniyang tapat na kasamang si Jonathan. Nang bandang huli, nang si Jonathan at si Saul ay kapuwa napaslang sa pakikidigma sa mga Filisteo, si David ay lumikha ng isang panaghoy, “Ang Búsog.” Dito’y ipinahayag niya ang paggalang kay Saul bilang pinahiran ni Jehova subalit tinapos ang kaniyang awit sa mga salitang: “Ikaw Jonathan ay napatay sa iyong matataas na dako! Ako’y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan, na naging totoong kalugud-lugod sa akin. Ang iyong pag-ibig sa akin ay lalong kagila-gilalas kaysa pag-ibig buhat sa mga babae. Ano’t nangabuwal ang mga makapangyarihan at nangalipol ang mga sandata na pandigma!” (2 Samuel 1:18, 21, 25-27) Nang magkagayu’y pinahiran si David sa ikalawang pagkakataon, bilang hari sa Juda.

Modernong-Panahong mga Kahalintulad

11, 12. (a) Halimbawa ng anong uri ng pag-ibig ang ipinakita ni David at ni Jonathan? (b) Ano ang inilarawan ng maningas na pag-iibigan ni David at ni Jonathan?

11 Yamang “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapakikinabangan sa pagtuturo,” ano ba ang ating matututuhan buhat sa paglalahad tungkol kay David at kay Jonathan? (2 Timoteo 3:16) Mapapansin natin na may pag-ibig na “lalong kagila-gilalas . . . kaysa pag-ibig buhat sa mga babae.” Totoo, ang “pag-ibig buhat sa mga babae” ay nakaliligaya at katuparan ng layunin ni Jehova pagka ang kaniyang mga batas tungkol sa pag-aasawa ay sinunod. (Mateo 19:6, 9; Hebreo 13:4) Subalit si David at si Jonathan ay naglarawan ng isang lalong mainam na pitak ng pag-ibig, kasuwato ng utos na: “Dinggin mo, Oh Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova. At iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong lakas mo.”​—Deuteronomio 6:4, 5.

12 Si David at si Jonathan ay nagkaisa sa pagpapahayag ng pag-ibig na iyan samantalang sila’y nakikipagbaka upang ang pangalan ni Jehova ay maalisan ng lahat ng upasala na ibinunton doon ng Kaniyang mga kaaway. Sa paggawa ng ganito, kanila ring pinagyaman ang ‘maningas na pag-ibig sa isa’t isa.’ (1 Pedro 4:8) Ang pagsasamahan na kanilang tinamasa sa ganitong paraan ay nakahigit pa sa utos na nasa Levitico 19:18: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” Oo, inilarawan niyaon ang uri ng pag-ibig na tinutukoy ni Jesus na “bagong utos, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; gaya ng pag-ibig ko sa inyo, kayo ay mag-ibigan din sa isa’t-isa.” Ang pag-ibig ni Jesus ay isang pagsasakripisyo sa sarili hindi lamang sa kaniyang lubos na pagpapasakop sa kalooban ni Jehova kundi rin sa kaniyang pagsang-ayon na “ibigay ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan.”​—Juan 13:34; 15:13.

Isang Nagkakaisang “Kawan”

13. Anong grupo ng mga tagapagbalita ng Kaharian ang lumitaw sa tanawin lalu na mula noong 1935, at anong pagkakaisa ang taglay ng pinahirang mga Kristiyano?

13 Ang pinahirang mga Kristiyano ng “munting kawan” ang bumalikat ng pinakamahirap na bahagi ng labanan sa pakikipagbaka sa modernong-panahong Goliat. Subalit, sapol noong 1935, sila’y may nakasamang mga tagapagbalita ng Kaharian na bahagi ng isa pang “kulungan” na lalong malaki. Ang “mga ibang tupa” na ito ay nakaisa ng natitira pang pinahirang “mga tupa” bilang “isang kawan” sa ilalim ng “isang pastol,” “ang Anak ni David,” sa isang napakatibay na buklod ng may pag-iibigang pagkakaisa​—katulad ng namagitan kay Jonathan at David.​—Lucas 12:32; Juan 10:16; Ezekiel 37:24.

14. Ano ang katulad ng mga pagtatangka ni Saul na patayin si David, at ng mapagmahal na pakikiisa ni Jonathan kay David?

14 Samantalang itong grupo ng mga uring Jonathan ay nagsisimulang dumami tungo sa pagiging isang malaking pulutong, sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II, kung kaya’t ang pinahiran at ang kanilang mga kasamahan ay kapuwa dumaan sa mahigpit na pagsubok. Ang mga taóng iyon ay lipos ng malupit na pag-uusig, kadalasa’y ang klero ang may pakana. Ito’y katulad ng mga pagtatangka ni Saul na patayin ang pinahirang si David at, sa dakong huli, si Jonathan nang siya’y mapagmahal na sumanib kay David. Anong tindi ng pag-iibigan ng mga nasa uring David at nasa uring Jonathan noong panahong iyon! Ang ilustrasyong ginamit ni Jesus sa Mateo 25:35-40 ay kadalasan nagkaroon ng literal na katuparan.a

15. (a) Anong ikinilos ng mga Saksi ang ibang-iba sa ikinilos naman ng modernong uring Saul? (b) Ano sa ating kaarawan ang maaaring katulad ng “masamang espiritu buhat kay Jehova” na bumagabag kay Haring Saul?

15 Anong laki ng pagkakaiba ng ikinilos ng tapat na mga Saksi ni Jehova sa ikinilos naman ng modernong uring Saul! Ang mga Saksi, na “hindi bahagi ng sanlibutan,” ay sumusunod sa utos ni Jesus na “mag-ibigan sa isa’t isa” sa buong globo. (Juan 15:17-19) Sa kabilang dako, sa dalawang digmaang pandaigdig ang klero ng Sangkakristiyanuhan sa magkabilang panig ay nanalangin sa kanilang “diyos” para bigyan sila ng tagumpay, samantalang angaw-angaw na mga sundalo ang pinapatay ng kanilang mga kapuwa relihiyonista sa mga ibang bansa. Ang “masamang espiritu buhat kay Jehova” na bumagabag kay Saul ay maaaring katulad ng resulta ng pagbubuhos ng mga anghel ng mga salot na tinutukoy sa Apocalipsis kabanata 8. Maliwanag na hindi taglay ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang banal na espiritu ni Jehova.​—1 Samuel 16:14; 18:10-12; 19:10; 20:32-34.

16. (a) Paano ginamit ng klero ang dalawang digmaang pandaigdig upang apihin ang bayan ni Jehova? (b) Sa nakalipas na mga taon, bakit masasabing isang modernong-panahong Saul ang nagpatuloy ng pagtugis sa bayan ng Diyos?

16 Noong 1918 ginamit ng klero ang krisis ng digmaan upang hikayatin ang mga may kapangyarihang pulitikal sa Estados Unidos upang tugisin ang responsableng mga opisyal ng Watch Tower Society at sa wakas ibilanggo sila. (Ang mga estudyanteng ito sa Bibliya nang malaunan ay lubusang pinawalang-sala.) Noong ikalawang digmaang pandaigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay pinagbawalan na magpatuloy sa kanilang gawain sa nasasakupan ng mga bansang Axis at sa karamihan ng mga lupaing sakop ng Commonwealth ng Britanya, kadalasa’y resulta ng mga relihiyosong panggigipit. Halimbawa, pansinin ang nasa itaas na kopya ng isang liham na isinulat ng Arsobispo ng Sydney (ginawang kardinal nang malaunan) bago ibinawal ang mga Saksi ni Jehova sa Australya. Nang ang gayung pagbabawal ay maging usapin sa Mataas na Hukuman ng Australya, ang lumitis na hukom, si Ginoong Mahistrado Starke, ay nagsabi na iyon ay “di-makatuwiran, makapritso at mapang-api.” Ang pagbabawal na iyon ay iniurong noong Hunyo 14, 1943, at sa gobyerno ipinataw ang mga pinsala. Sa nakalipas na mga taon, ang panggigipit ng klero sa mga ilang pamahalaan sa Aprika at sa Asia ay nagbunga ng malupit na pang-aapi sa mga Saksi ni Jehova. Sa gayon ang modernong-panahong Saul​—ang klero ng Sangkakristiyanuhan​—ay nagpatuloy ng pagtugis sa bayan ng Diyos.

17. (a) Paano hinarap ng mga Saksi ni Jehova ang patuloy na panggigipit buhat sa bahaging pulitiko-relihiyoso? (b) Ano ang ipinakikita ng pagiging nagkakaisa ng mga Saksi sa buong daigdig?

17 Noong mga taon ng 1980, paano hinarap ng mga Saksi ni Jehova ang patuloy na panggigipit buhat sa bahaging pulitiko-relihiyoso? Aba, katulad ng pagharap ni David kay Goliat, at nina David at Jonathan kay Haring Saul! Sila’y walang takot at disididong manatiling tapat kung tungkol sa isyu ng pagkasoberano, sapagkat batid nila na magtatagumpay ang Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44) Sa harap ng pag-uusig, sila’y isang nagkakaisang pangkat, na nagpapatibay-loob sa isa’t isa sa isang pambuong daigdig na buklod ng pag-iibigan na noon pa lamang nasaksihan ng daigdig. Yamang sila’y mga neutral sa panahon ng digmaan, sila’y hindi nagbububo ng dugo ng kanilang mga kapananampalataya sa mga ibang bansa. (Mikas 4:3, 5) Sa gayu’y kanilang ipinakikita na sila ang grupo na tinutukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin: “Sa pamamagitan nito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Bilang isang pagkakapatiran sa buong globo, ang mga Saksi ni Jehova ay ‘nagbihis ng pag-ibig, ang sakdal na buklod ng pagkakaisa,’ isang buklod na nagtatagumpay sa lahat ng mga balakid na likha ng pagkakaiba-iba ng lahi, tribo, at bansa.​—Colosas 3:14.

Pagpapakita ng “Maningas na Pag-iibigan”

18. (a) Ano ang kahalintulad sa ngayon ng pag-ibig ni Jonathan kay David, at paano ito mapatutunayan? (b) Ano ang naging resulta sa buong daigdig ng walang-pakikipagkompromisong paninindigan ng uring David?

18 Alalahanin na “ang mismong kaluluwa ni Jonathan ay napalakip sa kaluluwa ni David, at siya’y minahal ni Jonathan na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.” Anong kapansin-pansing kahalintulad mayroon ito sa “mga huling araw” na ito! (2 Timoteo 3:1, 14) Sa buong marahas na panahong ito ng walang-saysay na kaligaligan, may iisang grupo, ang mga Saksi ni Jehova, na nananatiling may pagkakaisa at pag-iibigan sa buong globo. Bilang mga Kristiyanong walang pinapanigan, kanilang pinararangalan ang kanilang Maylikha bilang Soberanong Panginoon ng buong sangkatauhan. (Awit 100:3) Oh, ang modernong-panahong Refaim​—ang pulitikal na mga kamag-anakan ni “Goliat”​—ay marahil patuloy na tumutuya sa espirituwal na Israel. (2 Samuel 21:21, 22) At ang modernong-panahong Saul​—ang klero ng Sangkakristiyanuhan​—ay marahil patuloy na manggugulo sa mga uring David at Jonathan. (1 Samuel 20:32, 33) Subalit “kay Jehova ang pakikipagbaka.” Bilang Soberanong Panginoon, kaniyang ipagtatagumpay sa wakas ang kaniyang tapat na mga lingkod. Sa pagkakita sa walang-pakikipagkompromisong paninindigan ng uring David, milyun-milyon​—sa lahat ng bansa​—ng mga nasa grupong Jonathan, may kasali pang mga dating mang-uusig ang sumama na sa kanila sa ilalim ng ‘bandila ng pag-ibig’ ni Kristo.b​—1 Samuel 17:47; Awit ni Solomon 2:4.

19, 20. (a) Ano ang ilan sa mga tampok na bahagi ng gawain ng mga Saksi ayon sa ipinakikita ng tsart sa mga pahina 4-7? (b) Gaanong kabilis ang pagsulong ng bilang ng mga Saksi sa loob ng dekada ng 1979-88? (c) Bakit masasabi na ang mga Saksi ay isang bayan na tunay na nagkakaisa sa buong daigdig, at anong tanong samakatuwid ang bumabangon?

19 Maaari mong repasuhin ang mabilis na lumalagong gawain ng milyun-milyung mga Saksing ito sa pamamagitan ng pagkunsulta sa mga pahina 4-7 ng magasing ito. Sa loob ng dekada ng 1979-88, ang bilang ng mga mangangaral ng mabuting balita ng tatag na Kaharian ng Diyos ay sumulong mula sa 2,186,075 tungo sa 3,592,654, isang 64.3-porsiyentong pagsulong. Sa buong daigdig, sila ay isang bayan na talagang nagkakaisa sa pagkakaroon ng isang pangkalahatang paniniwala, isang pangkalahatang paglilingkod sa Diyos, at isang walang ipinagbabagong debosyon sa moral na mga simulain ng Bibliya. Sa mahigpit na pinagkaisang internasyonal na grupong ito kumakapit sa ngayon ang mga salita ni Jesus: “Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, kayo’y magsisipanahan sa aking pag-ibig, gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng Ama at ako’y nanatili sa kaniyang pag-ibig.”​—Juan 15:10; ihambing ang 1 Corinto 1:10.

20 Bagaman sila’y nangangaral sa mahigit na 200 iba’t ibang wika, ang mga saksing ito ni Jehova ay nagsasalita ng “dalisay na wika” ng katotohanan sa kanilang paglilingkod sa Diyos “nang balikatan.” Dito, kanilang tinutularan ang halimbawa ng nagmamahalang si David at si Jonathan. (Zefanias 3:9; 1 Samuel 20:17; Kawikaan 18:24) Kung ikaw ay hindi pa kasamang kaisa ng bayan ng Diyos, hindi mo ba ibig na maging bahagi ng modernong-panahong uring Jonathan? Magagawa mong iyan ang iyong maging tunguhin, at ang mga Saksi ni Jehova ay magpapakita ng maningas na pag-ibig sa pagtulong sa iyo na marating iyan.

[Mga talababa]

a Ang isang mainam na halimbawa nito ay inilalahad sa 1972 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, mula sa pahina 216, parapo 3, hanggang pahina 217, parapo 3.

b Tingnan ang 1988 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 150-4.

Mga Tanong sa Repaso

◻ Paano nagpahayag si Jonathan ng tapat na pag-ibig kay David?

◻ Anong uri ng pag-ibig ang inilarawan ng pag-iibigan ni David at ni Jonathan?

◻ Paanong ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay kumilos na gaya ni Haring Saul nang kaniyang tugisin si David?

◻ Ano sa ngayon ang kahalintulad ng pag-ibig ni Jonathan kay David?

◻ Ano ang ipinakikita ng pagiging nagkakaisa ng mga Saksi sa buong daigdig?

[Kahon sa pahina 27]

St. Mary’s Cathedral

Sydney

August 20, 1940.

The Rt. Hon. W. M. Hughes, M.H.R.,K.C.,

Attorney General,

CANBERRA.

Dear Mr. Hughes:

Salamat sa iyong liham noong ika-9 ng buwan tungkol sa reklamo sa iyo ni Mr. Jennings. M.P.

Mahalaga na magpakaingat ka sa ganiyang maselang na bagay may kaugnayan sa reklamong iniharap.

Gayunman, kung ang tanging duda mo’y dahil sa ang mga taong ito’y nag-aangking nagpapalaganap ng mga turo ng Kristiyanismo, iminumungkahi ko na ang iyong paghatol ay isalig, hindi sa kanilang pag-aangkin, kundi sa katotohanan. Tungkol sa katotohanan, ihaharap ko ang kanilang sariling mga publikasyon at ang kanilang sariling mga salita at gawa, na pinagtitibay ng Pulisya ng New South Wales. Anumang higit na labag sa Kristiyanismo, iyon ay mahirap na gunigunihin.

Ang komisyonado ng Pulisya sa N.S.W. ay nagpahayag ng kaniyang pag-asang ang mga maykapangyarihan ng Komonwelt ay magdidiklarang ang masabing samahan at labag sa batas upang ang Pulisya ay lalong epektibong makakilos tungkol dito.

With every good wish, I remain,

Yours faithfully,

ARCHBISHOP OF SYDNEY

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share