Matakot kay Jehova Buong Araw
1 “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan.” (Awit 111:10) Pinasisigla tayo nito na gumawa ng mabuti at tinutulungan tayo nito na lumayo sa kasamaan. (Kaw. 16:6) Ang pagkatakot na ito ay isang malalim na pagpipitagan sa ating Maylalang, na nagpapakilos sa atin na iwasang hindi siya mapalugdan at suwayin siya. Ito ay ang isang bagay na kailangan nating linangin at ipamalas buong araw.—Kaw. 8:13.
2 Araw-araw, tayo’y labis-labis na ginigipit ng espiritu ng sanlibutan ni Satanas na umayon sa masasamang lakad nito. (Efe. 6:11, 12) Ang ating di-sakdal na laman ay makasalanan at likas na nakahilig sa masama. (Gal. 5:17) Kaya naman, upang masunod ang mga utos ni Jehova, maging maligaya, at magkamit ng buhay, kailangang matakot tayo sa kaniya buong araw.—Deut. 10:12, 13.
3 Sa Hebreo 10:24, 25, pinaaalalahanan tayo na magtipong sama-sama upang magpatibayang-loob sa isa’t isa “lalung-lalo na” sa mga panahong ito na kinabubuhayan natin. Ang palagiang pagdalo sa pulong ay mahalaga upang makaligtas tayo sa mga huling araw na ito. Ang ating pagkatakot na di-mapalugdan ang Diyos ang nag-uudyok sa atin na dumalo sa mga pulong at magpahalaga nang lubos sa layunin ng mga ito. Minamalas ng mga may-takot sa Diyos ang pakikibahagi sa Kristiyanong pagpupulong bilang isang sagradong pribilehiyo.
4 Ang pagsunod sa utos na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ay isa pang paraan na ipinamamalas natin ang ating pagkatakot sa Diyos. (Mat. 28:19, 20; Gawa 10:42) Ang pangunahing tunguhin ng ating gawaing pangangaral ay upang tulungan ang iba na linangin ang pagkatakot kay Jehova at sundin ang kaniyang kalooban. Naisasagawa natin ito sa pamamagitan ng mga pagdalaw-muli, pagsisikap na magpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya, at pagkatapos ay pagtuturo sa iba ng lahat ng mga utos ng Diyos. Sa gayong paraan ay maipapakita natin ang ating pagkatakot kay Jehova at ang ating pag-ibig sa kapuwa.—Mat. 22:37-39.
5 Nabibigong linangin niyaong mga walang takot sa Diyos ang isang mapagpahalagang saloobin sa espirituwal na mga bagay, at nagpapatangay sila sa nakamamatay na hangin ng sanlibutan, o pangkaisipang saloobin. (Efe. 2:2) Nawa’y maging matibay na pasiya natin na ‘makapag-ukol tayo sa Diyos ng sagradong paglilingkod nang may makadiyos na takot at sindak.’ (Heb. 12:28) Kung gayon ay aanihin natin ang mga pagpapala para sa mga natatakot kay Jehova buong araw.