Pagdalaw sa Pangmisyonerong Teritoryo sa Aming Sariling Bayan
SA GRUPO ng mga Kristiyanong kongregasyon na aking dinadalaw ay nakararating ako sa Portugal hanggang sa Tsina—o waring gayon nga. Gayunman, kami ng aking asawang si Olive ay hindi kailanman umaalis sa Britanya.
Dinadalaw namin ang dumaraming banyaga-ang-wika na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na nakakalat sa buong bansa. Mula sa isla ng Jersey, mga 20 kilometro buhat sa baybayin ng Normandy, Pransiya, kung saan naroroon ang grupong Portuges, hanggang sa bayan ng Sunderland sa gawing hilaga ng Inglatera, na doon naman ay dinadalaw namin ang mga interesado na nagsasalita ng wikang Tsino, naglilingkod kami sa isang maunlad, masulong sa espirituwal na teritoryong may maraming wika. Paano kami nagkaroon ng ganitong di-pangkaraniwang atas? At ano ang nangyayari sa pangmisyonerong teritoryo sa aming sariling bayan? Hayaan ninyong ipaliwanag ko.
Mga 20 taon kaming naglingkod ni Olive sa gawaing paglalakbay, anupat dumadalaw sa iba’t ibang kongregasyon bawat linggo. Sa aming paglalakbay ay nakarating kami sa hilaga hanggang sa timog, sa silangan hanggang kanluran, sa buong Britanya, at kamakailan ay sa ating mga Kristiyanong kapatid sa isla ng Malta sa Mediteraneo, kung saan naranasan namin ang namumukod-tanging Kristiyanong pagkamapagpatuloy. (Ihambing ang Gawa 28:1, 2.) Pagkaraan ng tatlong taon sa Malta, nagsimula kaming mag-isip kung saan naman ang aming susunod na atas. Inakala namin na malamang ay dadalaw kami sa isang lugar ng mga Ingles sa kabukiran, at sinimulan na naming pag-isipan ang ganitong posibilidad. Laking gulat namin nang matanggap namin ang aming atas na maglingkod sa bagong sirkitong ito na binubuo ng mga grupo at mga kongregasyon na nagsasalita ng 23 iba’t ibang wika!
Inisip namin kung paano kami makababagay. Bukod sa aming karanasan sa Malta, kailanman ay hindi kami nakisalamuha nang matagal sa mga taong may iba’t ibang pinagmulan at kultura. Talaga nga kayang mapatitibay-loob namin yaong mga kakaunti ang naiintindihan sa wikang Ingles? Paano kami makikipag-usap gayong hindi kami marunong sa ibang wika? Kumusta naman ang pagkain at ang iba’t ibang kaugalian ng iba? Makababagay kaya kami? Ang mga tanong na tulad nito ay sumagi sa aming isip habang may-pananalangin naming isinasaalang-alang ang pagsagot sa panawagang ito ng taga-Macedonia.—Gawa 16:9, 10; 1 Corinto 9:19-22.
Pananagumpay sa Hadlang ng Wika
“Sa simula ay nadama kong hindi ako kuwalipikado dahil sa wala akong alam tungkol sa mga wika,” ang paliwanag ni Olive. “Hindi ko maisip kung paano ko matutulungan ang mga kapatid na babae. Nang magkagayon ay naalaala ko kung paano kami pinatibay-loob ng mag-asawa na unang nakipag-aral ng Bibliya sa amin upang huwag kailanman tanggihan ang isang atas. Itinuro nila sa amin na hindi tayo kailanman hihilingan ni Jehova na gawin ang isang bagay na hindi natin kaya.” Kaya kapuwa namin kusang-loob na tinanggap ang atas.
Sa pagbabalik-tanaw, nakita namin na ang aming kawalan ng kaalaman sa ibang wika ay tumulong sa amin na pakitunguhan ang lahat nang walang pagtatangi. Halimbawa, ang pagdalo sa mga pulong na idinaraos sa ibang wika bawat linggo ay nagpangyari sa amin na maunawaan ang nadarama ng mga kapatid kapag kinailangang dumalo sila sa wikang-Ingles na mga pagpupulong samantalang kakaunti lamang ang mauunawaan sa sinasabi. Talagang kailangang maghanda kaming mabuti para sa mga pulong upang maunawaan namin ang lahat ng presentasyon. Laging nakasasagot ng isang tanong sa pulong si Olive. Inihahanda niya ang sagot sa Ingles at ipinasasalin niya ito sa isang kapatid na babae, anupat isinusulat ang salin ayon sa tamang bigkas. Inaamin niya na naaalangan siyang magtaas ng kamay para magkomento. Kung minsan ang kaniyang pagsisikap ay nagiging dahilan ng katatawanan. Subalit hindi ito nakahadlang sa kaniya. “Alam ko na pinahahalagahan ng mga kapatid ang aking pagsisikap,” aniya. “Katunayan, ang pagsagot ko ay nakapagpapasigla doon sa mga mas nakapagsasalita ng wika upang makibahagi sa pulong.”
Para sa akin, naiiba rin ang pagpapahayag, sapagkat kailangang bigyan ko ng panahon ang tagapagsalin pagkatapos ng bawat pangungusap. Napakadaling mawala ang balangkas sa aking isip. Nasusumpungan kong ang kailangan ay lalo akong magtuon ng pansin at magbawas ng maraming materyal. Subalit nasisiyahan ako rito.
Ang Aming Iba’t Ibang Ministeryo
Sa maraming lunsod o bayan ng Britanya, nakakalat ang mga tao na nagsasalita ng wikang banyaga, maaaring may dalawa sa isang kalye, at pagkatapos ay kailangang maglakbay ka ng malayu-layo para masumpungan ang iba. Subalit, kapag binati mo sila sa kanilang sariling wika at nakita ang kanilang reaksiyon, madarama mong sulit naman. Kung ihaharap ng kapatid na kasama ko ang mensahe ng Kaharian sa sariling wika ng maybahay, kadalasan ay lubhang kalugud-lugod ang pagtugon.
Ang totoo, ang ministeryo sa lugar ng mga may wikang banyaga ay isa sa pinakakawili-wiling naranasan namin sa aming 40 taóng paglilingkod sa Kaharian. Ang potensiyal sa pagsulong ay napakalaki. Walang alinlangan na maraming tao ang mas mabilis na natututo at mas taimtim na nagpapahalaga kapag tinuruan sila na ginagamit ang kanilang sariling wika. (Gawa 2:8, 14, 41) Talagang nakaaantig ng damdamin na makitang lumuluha sa kagalakan ang mga kapatid sa katapusan ng isang pagpupulong, sa ilang kaso ay dahil sa napakinggan at naunawaan sa unang pagkakataon ang buong programa.
Kapag nangangaral sa bahay-bahay, sinisikap naming gumawa ng kahit pambungad lamang sa wika ng maybahay, bagaman kung minsan ay nagkakaproblema kami nang kaunti. Halimbawa, ang karaniwang pagbati sa sambahayang Gujarati ay Kemcho, na sa payak ay nangangahulugang “Hello.” Lumilitaw na sa nasabi ko minsan ay para bang iniaanunsiyo ko ang isang kilalang-kilalang uri ng kape. Gayunpaman, sa isang tahanan ay nginitian ako ng mag-asawa nang batiin ko sila sa wikang Gujarati. Agad nila kaming pinatuloy at may kabaitang inalok kami ng kape—hindi dahil sa anumang maling pagbigkas. Lumalabas na kamag-anak pala sila ng ilang Saksi ni Jehova na kabilang sa grupo na aming dinadalaw, at nagpamalas sila ng tunay na interes sa katotohanan.
Isang sister na nagsasalita ng wikang Ingles ang maraming taon nang madalas na mag-iwan ng mga magasin sa isang babae na nagsasalita naman ng wikang Tsino. Paminsan-minsan ay sinusubukan niyang alukan ang babae ng walang-bayad na pag-aaral sa Bibliya, subalit ito ay tinatanggihan. Isang araw ay sumama sa kaniya ang isang kapatid na babae na nag-aaral ng wikang Tsino at nag-alok ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa sa wikang iyon, na agad namang tinanggap ng interesadong maybahay.a Ngayon na taglay na ang aklat sa kaniyang sariling wika, sumang-ayon na siya sa isang pag-aaral sa Bibliya. Ang ilang salitang iyon na sinabi sa sariling wika ng babae ang siyang dahilan ng pagbabago.
Sari-saring Kultura
Hindi namin alam na sa ilang kultura ay hindi gusto ng mga lalaki na lumabas sa gabi nang nag-iisa ang kanilang kababaihan. Dahil dito ay napakahirap para sa maraming kapatid na babae na dumalo sa mga pagpupulong kung gabi. Naniniwala ang ilang komunidad ng mga taga-Asia na ang isang kabataang babae na nagpasiyang hindi mag-asawa at patuloy na nanirahan sa tahanan ay nakaiinsulto sa pamilya. Ang ama ng isang kabataang kapatid na babae ay nagtangkang maglason nang tanggihang pakasalan ng kaniyang anak ang lalaking pinili ng pamilya para sa kaniya. Oo, ang kailangang batahin ng gayong mga kapatid na babae ay talagang di-karaniwan! Gayunpaman, kapag nakita ninyo ang epekto ng katotohanan sa buhay ng pamilya at kung paano humahanga ang mga magulang sa pagkamatapat ng mga kapatid na babae kay Jehova, ito ay totoong kamangha-mangha.
Sa pagtanggap sa atas na ito, kinailangang gumawa kami ng ilang pagbabago. Bago kami nagsimula sa gawaing paglalakbay, ang pagkain ko ay yaon lamang lutong Ingles, subalit ngayon ay mas masarap ang pagkain kapag ito ay mas malasa. Nanghihinayang kami sa maraming taon na pinalipas namin bago namin sinimulang tikman ang gayong iba’t ibang lutuin—mula sa hilaw na isda hanggang sa mga kari.
Magandang Hinaharap
Waring lumilitaw na panahon na upang lumaganap sa maraming lugar ang teritoryong banyaga ang wika. Parami nang paraming publikasyon ang makukuha ngayon sa iba’t ibang wika. Madarama mo ang pagpapala ni Jehova habang naoorganisa ang mga bagong kongregasyon. Ang mga kapatid na may kaalaman sa ibang wika ay galing pa sa malalayo upang tumulong.
Ang isang namumukod-tanging halimbawa ay ang pagtugon sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa wikang Pranses. Maraming lumikas na nagsasalita ng wikang Pranses na galing pa sa Zaire at sa ibang bansa sa Aprika ang nagpunta sa Britanya nitong nakaraang mga taon. Nang itatag sa London ang unang kongregasyon sa wikang Pranses, mga 65 mamamahayag ng Kaharian ang napabilang. Pagkalipas ng isang taon ang bilang ay umabot sa 117, at sa mga ito, 48 ang naglingkod nang buong-panahon bilang mga regular pioneer. Di-nagtagal at naitatag ang pangalawang kongregasyon upang mangalaga sa lumalagong interes. Ngayon ay makapag-uukol na ng higit na pansin sa mga interesado, anupat 345 sa kanila ang dumalo sa pagdiriwang ng Memoryal noong 1995. Ang mga nagtapos noon sa Gilead na naglingkod sa Benin, Côte d’Ivoire, Morocco, at Zaire ay gumagamit ngayon ng kanilang karanasan upang asikasuhin ang lumalagong teritoryong ito, at kamangha-mangha ang pagtugon.
Sa isang pagdalaw sa kongregasyong Pranses, sumama ako sa isang pag-aaral sa Bibliya sa isang Aprikanong kabataang babae. Nang kailangang umalis na kami, nakiusap ang kabataang babae: “Pakisuyo, huwag kayong umalis. Manatili muna kayo.” Gusto lamang niyang matuto pa. Naalaala ko tuloy si Lydia noong unang-siglo.—Gawa 16:14, 15.
Ang una naming gawain ay ang tulungan ang maliliit na grupo na banyaga ang wika upang maging mga kongregasyon. Sa mga kapatid na nagdaraos ng lingguhang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, sinisimulan naming idaos sa kanila ang pinaikling Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro nang minsanan sa isang buwan. Tumutulong ito sa kanila na mabisang maipahayag ang kanilang sarili sa ministeryo sa larangan. Pagkatapos ay unti-unti nilang sinisikap na idaos ang lahat ng limang lingguhang pulong ng kongregasyon. Mayroon na kami ngayong bagong mga kongregasyon sa wikang Tsino (Cantonese), Pranses, Gujarati, Hapon, Portuges, Punjabi, Tamil, at Welsh.
Natamasa rin namin ang pribilehiyo na daluhan ang mga pulong ng mga kapatid na hindi nakaririnig. Ang makitang umaawit ang mga kapatid sa pamamagitan ng mga kamay ay totoong nakaaantig. Palibhasa’y batid na sa kanilang ministeryo ay nagsasalita sila sa pamamagitan ng senyas, hinahangaan ko ang kanilang pambihirang pagsisikap sa pakikibahagi sa pangangaral ng Kaharian. Mayroon pa ngang mga interprete para roon sa mga kapuwa hindi nakaririnig at bulag. Waring tinitiyak ni Jehova na walang nakaliligtaan.
Kung may partikular kaming hihilingin, makakatulad ito ng kay Jesus: “Magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Mateo 9:38) Tinatanggap ng marami sa ating mga kapatid ang hamon na pag-aralan ang wika ng mga grupong etniko na nasa teritoryo ng kanilang kongregasyon. Bagaman hindi kami makahimalang pinagkalooban ng kakayahan na makapagsalita ng iba’t ibang wika, tiyak na binubuksan ni Jehova ang ministeryo sa pangmisyonerong teritoryong ito sa aming bayan—isang teritoryo na hinog na para sa pag-aani. (Juan 4:35, 36)—Ayon sa pagkalahad ni Colin Seymour.
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.