Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 2/22 p. 17-19
  • Anong Masama sa Tsismis?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Masama sa Tsismis?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Natin Ginagawa Iyon
  • Ang mga Patibong ng Nakapipinsalang Tsismis
  • Pagsugpo sa Malisyosong Tsismis
  • Pakikinig​—Ang Kabilang Panig ng Tsismis
  • Paano Ko Mapahihinto ang Tsismis?
    Gumising!—2007
  • Ano’ng Masama sa Tsismis?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
  • Tsismis—Ano ang Pinsalang Nagagawa Nito?
    Gumising!—1989
  • Tsismis—Bakit ang Pang-akit?
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 2/22 p. 17-19

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Anong Masama sa Tsismis?

“Sa amin sa haiskul, iyon ay parang epidemya. Wala kaming droga, o mga baril, o labanan​—mayroon kaming tsismis. Iyan ang malaking problema.”​—16-na-taong-gulang na si Michelle.a

SABI ng ilan, nakawiwili ito. Sabi naman ng iba, ito’y lason. Marami nito ang patuloy na makikita sa mga magasin, pahayagan, at mga programa sa telebisyon. Ito rin ang nagbibigay ng kulay sa maraming usapan. Ano ba ito? Ang karaniwang usapan tungkol sa mga tao at sa kanilang personal na buhay, na kilala bilang tsismis.

Marahil ay wala nang nakatatawag kaagad ng ating pansin kaysa sa mga salitang, “Narinig mo na ba ang pinakabagong balita?” Ang kasunod sa mga salitang ito ay maaaring totoo o gawa-gawa lamang​—o marahil kombinasyon ng bawat isa. Anuman ang kalagayan, maaaring matindi ang tukso na makitsismis. “Napakahirap ang maging hindi interesado sa buhay ng ibang tao,” sabi ng 17-taong-gulang na si Lori. “Nariyan ang tahimik na kasunduan sa pagitan mo at ng iyong mga kaibigan na kapag may nalaman kang isang bagay na masarap pag-usapan, kailangan mong sabihin iyon sa kanila.”

Kung Bakit Natin Ginagawa Iyon

Bakit ba tayo lubhang naiintriga sa tsismis? Una, ang mga tao ay mga nilalang na mahilig makisalamuha. Sa ibang salita, ang mga tao ay interesado sa mga tao. Kung gayon, natural lamang na sa malao’t madali ay babaling ang ating usapan sa pinakahuling pangyayari sa buhay ng mga kaibigan at kakilala.

Masama ba ito? Hindi naman palagi. Kadalasan, ang pangkaraniwang usapan ay naglalaan ng kapaki-pakinabang na impormasyon, tulad ng kung sino ang malapit nang ikasal, sino ang kapapanganak lamang, at kung sino ang may sakit. Kahit ang mga Kristiyano noong unang siglo ay nag-uusap din tungkol sa mga pinakahuling pangyayari sa buhay ng mga kapananampalataya. (Efeso 6:21, 22; Colosas 4:8, 9) Ang totoo, ang karaniwang pag-uusap tungkol sa mga kaibigan at kakilala ay isang mahalagang bahagi ng paraan ng pakikipagtalastasan natin at pagpapanatili ng mabubuting ugnayan.

Ang mga Patibong ng Nakapipinsalang Tsismis

Subalit kung minsan, hindi pagmamalasakit ang motibo sa pag-uusap tungkol sa buhay ng iba. Halimbawa, ganito ang sabi ng 18-taong-gulang na si Deidra: “Ang mga tao ay nagtsitsismis upang maging popular. Iniisip nilang magiging [sikat] sila sa pagkaalam ng isang kuwento na mas maganda kaysa sa kasasabi lamang sa kanila.” Ang hangarin na pahangain ang iba ay maaari pa ngang mag-udyok sa tsismoso o tsismosa para pilipitin ang mga katotohanan. “Kung alam mo ang istorya, kaya mong baguhin iyon,” paliwanag ng 17-taong-gulang na si Rachel. “Iyon ay parang kanbas mo, at magagawa mong hindi totoo ang istorya hangga’t gusto mo.”

Kung minsan, ang di-totoong tsismis ay ginagamit upang makaganti. “Nagkalat ako minsan ng di-totoong tsismis tungkol sa aking kaibigan,” sabi ng 12-taong-gulang na si Amy. “Ginawa ko iyon dahil mayroon siyang sinabi tungkol sa akin.” Ang resulta? “Sa una ay naisip ko, Wow, nakaganti rin ako sa kaniya.” Pero itinuloy ni Amy ang paliwanag: “Di-nagtagal at lumaki iyon at lalo akong nasaktan sa paggawa nito kaysa sa kung hindi na lamang sana ako kumibo.”

Madaling makita, gaya ng pagkakasabi ng isang dalubhasa sa kalusugan ng isip, kung paanong ang tsismis ay maaaring maging “gaya ng apoy na mabilis ang paglaki anupat hindi maapula.” (Ihambing ang Santiago 3:5, 6.) Kapag nangyari ito, kapaha-pahamak ang resulta. Halimbawa, paano kung kumalat ang isang bagay na dapat sana’y nanatiling kompidensiyal? O paano kaya kung hindi totoo ang tsismis at sa pagkakalat mo nito ay nasira mo tuloy ang mabuting reputasyon ng isang tao? “Ipinagsabi ng isa kong kaibigan na ako ay gumagamit ng droga, na hindi naman totoo,” sabi ng 12-taong-gulang na si Bill. “Talagang masakit iyon.”

Pagsugpo sa Malisyosong Tsismis

May mabuting dahilan na sinasabi ng Bibliya na “ang kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila.” (Kawikaan 18:21) Oo, ang ating mga salita ay maaaring maging gaya ng mga kasangkapan sa pagtatayo o gaya ng mga sandata sa pagpuksa. Nakalulungkot sabihin, marami sa ngayon ang gumagamit ng kanilang dila sa huling dahilang nabanggit. Sila’y tulad ng ilan na inilarawan ng salmistang si David na “nagpatalas ng kanilang dila gaya ng isang tabak, na nagtudla ng kanilang palaso, ang mapait na pananalita, upang humilagpos mula sa kubling mga dako tungo sa isa na walang kapintasan.”​—Awit 64:2-4.

Yaong nagnanais makalugod sa Diyos ay hindi dapat magkalat ng mga maling report, sapagkat sinasabi ng Bibliya na ang “mga sinungaling na labi ay kasuklam-suklam kay Jehova.” (Kawikaan 12:22) Ang kusang pagpapasimula o paghahatid ng isang tsismis na alam mong di-totoo ay pagsisinungaling, at sinasabi ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat na ‘mag-alis ng kabulaanan’ at “magsalita ng katotohanan ang bawat isa . . . sa kaniyang kapuwa.”​—Efeso 4:25.

Kaya bago magsabi ng isang bagay tungkol sa ibang tao, tanungin ang iyong sarili: ‘Talaga bang alam ko ang buong pangyayari? Ang sasabihin ko kaya ay mag-aalis ng paggalang ng nakikinig sa akin sa taong binabanggit ko? Kung gayon, ano ang motibo ko sa pagsasabi nito?’ Tandaan ito: Ang pagiging totoo ng isang bagay ay hindi sa ganang sarili nagbibigay-matuwid upang ipagsabi iyon​—lalo na kung ang impormasyon ay makasisira sa reputasyon ng isang tao.

Ang isa pang dapat itanong ay, ‘Paano maaapektuhan ng aking pagtsitsismis ang aking reputasyon?’ Oo, sa pamamagitan ng pagtsitsismis ay may sinasabi ka tungkol sa iyong sarili. Halimbawa, ganito ang sabi ni Kristen: “Kung nagagawa mong gumugol ng malaking panahon para pag-usapan ang ibang tao, kung gayo’y tiyak na nakababagot ang iyong sariling buhay.” Natuklasan ni Lisa na ang kaniyang reputasyon bilang isang tsismosa ang siyang dahilan kung bakit nawalan ng tiwala sa kaniya ang kaniyang pinakamatalik na kaibigan. “Umabot ito sa punto na nag-aalinlangan na siya kung ako’y puwede pang pagkatiwalaan,” sabi niya. “Napakahirap iyon​—kinailangan kong patunayan na maaasahan niya ako.”

Kung kilala ka bilang isang tsismoso o tsismosa, baka ituring ka ng mga tao bilang isa na makagagawa ng pinsala, at baka iwasan ka na nila. Sinabi ng isang kawikaan sa Bibliya: “Ang isang tsismosa ay naglilibot at nagsasabi ng mga lihim; huwag magkaroon ng anumang kaugnayan sa isang tao na ang bibig ay laging nakabukas.” (Kawikaan 20:19, Beck) Ngunit alam mo ba na maaari kang makadagdag sa isang nakapipinsalang tsismis kahit hindi ka umiimik?

Pakikinig​—Ang Kabilang Panig ng Tsismis

Kailangan ang dalawang tao para makapagtsismisan​—isang nagsasalita at isang nakikinig. Samantalang ang nakikinig ay waring hindi gaanong responsable na gaya ng nagsasalita, naghaharap ang Bibliya ng isang naiibang pananaw sa bagay na ito. Sa Kawikaan 17:4, mababasa natin: “Ang manggagawa ng kasamaan ay nagbibigay-pansin sa labi ng kapinsalaan. Ang nagpapabulaan ay nakikinig sa dila ng lumilikha ng paghihirap.” Kaya ang nakikinig sa tsismis ay may mabigat na pananagutan. “Sa ilang paraan, masahol pa nga ang makinig sa tsismis kaysa magsalita nito,” sabi ng manunulat na si Stephen M. Wylen. Bakit nagkagayon? “Sa pagiging isang sabik na tagapakinig,” patuloy ni Wylen, “pinasisigla mo ang nagsasalita na ipagpatuloy iyon.”

Kung gayon, ano ang dapat mong gawin kapag nakarinig ka ng nakapipinsalang tsismis? Sa paraang hindi mukhang nagmamatuwid-sa-sarili, maaari mong sabihin na lamang: ‘Baguhin na lang natin ang paksa’ o, ‘Talagang asiwa akong pag-usapan ito. Tutal, wala siya rito para ipagtanggol ang kaniyang sarili.’

Ngunit paano kung layuan ka ng mga tao dahil ayaw mong makisali sa kanilang usap-usapan? Sa isang diwa ay magiging proteksiyon ito sa iyo. Paano? Buweno, tandaan na ang taong nagtsitsismis sa iyo ng tungkol sa iba ay malamang na magtsismis sa iba ng tungkol sa iyo. Samakatuwid, maiiwasan mo ang malaking hinagpis sa pamamagitan ng pagiging malapit sa mga kabataan at adulto na hindi naninirang-puri sa iba sa pamamagitan ng kanilang pananalita. Sabi ni Wylen: “Anuman ang mawala sa iyo dahil sa hindi pagtsitsismis, agad mong matatanto na walang nawala sa iyo kundi ang pagkakataong gawing miserable ang iyong sarili. Sa dakong huli, makikinabang ka dahil magkakaroon ka ng reputasyon bilang isang taong mapagkakatiwalaan.”

Higit sa lahat, magkakaroon ka ng mabuting pangalan sa Diyos. Interesado siya sa paraan ng pagsasalita natin tungkol sa iba, sapagkat nagbabala si Jesu-Kristo: “Bawat pananalitang hindi mapakikinabangan na sinasalita ng mga tao, sila ay magsusulit may kinalaman dito sa Araw ng Paghuhukom; sapagkat sa iyong mga salita ikaw ay ipahahayag na matuwid, at sa iyong mga salita ikaw ay papatawan ng hatol.”​—Mateo 12:36, 37.

Kung gayon, isang landasin ng karunungan na sundin ang payo ni apostol Pablo: “Gawing inyong tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang inyong sariling gawain.” (1 Tesalonica 4:11) Ang paggawa nito ay tutulong sa iyo na maingatan ang mabuting kaugnayan sa iba at isang mabuting katayuan sa Diyos.

[Talababa]

a Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

[Kahon sa pahina 19]

“Ang Pinakamalaking Kasangkapan ng Daigdig sa Tsismis”

Narinig mo na ba ang pinakabagong balita? Sa pagdating ng elektronikong koreo, ang E-mail, ang tsismis ngayon ay naging high tech na. Sa katunayan, tinawag ng manunulat na si Seth Godin ang E-mail na “ang pinakamalaking kasangkapan ng daigdig sa tsismis.” Bagaman kinikilala ang mga pakinabang nito, nagbabala siya: “Ang isa ay maaaring magsimula ng isang bagay na totoo o hindi totoo, at biglang-bigla, libu-libong tao ang maaaring makaalam nito.”

Maaaring maabot ng E-mail ang napakaraming tao​—at agad silang naaabot nito. Sabi ni Godin: “Ito ang unang bagong anyo ng komunikasyon na pinagsasama ang kahalagahan at tinatayang ideya ng isang bagay na isinulat nang mabilis at may pagkaapurahan sa isang tawag sa telepono.” Isang katalinuhan kung gayon, na kapag nagpapadala ng E-mail, tiyaking maliwanag ang layunin ng iyong mensahe. At sa anumang paraan, huwag mong ipasa sa mga kaibigan ang di-tiyak na impormasyon.

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang taong nagtsitsismis sa iyo ng tungkol sa iba . . . ay malamang na magtsismis sa iba ng tungkol sa iyo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share