Masikap na Nagpapastol sa Kawan ng Diyos ang “mga Kaloob na mga Tao”
1 Tunay na isang maibiging paglalaan ang ginawa ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Anak sa pagbibigay ng “mga kaloob na mga tao”! (Efe. 4:8, 11, 12) Sila’y nagtataglay ng maraming pananagutan, lakip na ang aktibo at masikap na pagpapastol sa kawan ng Diyos. (1 Ped. 5:2, 3) Tayong lahat ay nakikinabang mula sa paglalaang ito na lubhang kailangan. Ang ilan man ay nakararanas ng mga kahirapan, baguhang nakikisama sa kongregasyon, may ilang kahinaan, o naliligaw ng landas, ang mga taong ito ay may masidhing personal na interes sa espirituwal na kapakanan ng lahat.—Fil. 2:4; 1 Tes. 5:12-14.
2 Kapag ang nakababalisang mga pangyayari sa daigdig ay sukat na ipangamba, ang mga katulong na pastol na ito ay nagiging “gaya ng taguang dako sa hangin at dakong kublihan sa bagyong maulan.” Kapag tayo ay nanghihimagod o nabibigatan at nakadarama ng pangangailangan ukol sa kaaliwan, sila ay nagpapaginhawa sa atin, “gaya ng mga bukal ng tubig sa lupaing walang tubig” o “gaya ng lilim ng malaking bato sa lupaypay na lupain.”—Isa. 32:2.
3 Pagpapasigla sa mga Di-aktibo: Ang matatanda ay gumagawa ng pantanging pagsisikap upang mapasigla ang mga naging di-palagian o di-aktibo, na tinutulungan silang makabalik sa regular na pakikibahagi sa lahat ng gawain ng kongregasyon. Ang maibiging pagpapastol ay nakatulong sa marami na makadalo nang regular sa mga pulong ng kongregasyon at mapalakas sa espirituwal hanggang sa punto na muling nakikibahagi ang mga ito sa ministeryo sa larangan. Ang lahat ng gayong pagsisikap sa bahagi ng matatanda ay nagpapakita ng maibiging pangangalaga ni Jehova at aktibong pangunguna ni Jesu-Kristo. Siya ay nagtakda ng parisan sa pagpapakita ng gayong pagkabahala sa sinuman sa kaniyang tupa na maaaring naliligaw o nawawala.—Mat. 18:12-14; Juan 10:16, 27-29.
4 Ang mga katulong na pastol ay tumitingin sa mga palatandaan na nagpapahiwatig na ang ilan ay maaaring nanghihina sa espirituwal. Ang sinumang nagpapakita ng mga tanda ng pagkasira ng loob, pagka-di-palagian sa pagdalo sa mga pulong, o paghina ng paglilingkod sa larangan ay malamang na nangangailangan ng tulong sa espirituwal. Ang matatanda ay sabik na tumulong sa sinumang nag-uumpisang magpamalas ng hilig sa makasanlibutang pananamit at pag-aayos o nagkakaroon ng isang mapamunang saloobin sa kongregasyon. Taglay ang tunay na interes at magiliw na pagmamahal, may pagkukusang ‘ibinabahagi ang kanilang sariling mga kaluluwa’ ng mga nababahalang tagapangasiwa sa pagsisikap na matulungan ang mga ito na muling mapaningas ang kanilang pag-ibig kay Jehova.—1 Tes. 2:8.
5 Sa nakalipas na panahon, ang ilang nakaalay na mga Kristiyano ay nawalan ng pakikipag-ugnayan sa kongregasyon at naging di-aktibo sa espirituwal, palibhasa’y nadaig sila ng mga suliranin sa kalusugan, paghina ng ekonomiya, o mga panggigipit ng pamilya. Sa paraang hindi naman nagiging mapamuna, ang matatanda ay may-kabaitang nagbibigay ng katiyakan na si Jehova ay nagmamalasakit sa lahat ng kaniyang mga tupa at magpapalakas sa kanila sa mahihirap na panahon. (Awit 55:22; 1 Ped. 5:7) Ang alistong mga pastol ng kawan ay makatutulong upang kanilang matanto na kung sila ay ‘lalapit sa Diyos, siya ay lalapit sa kanila,’ sa gayo’y nagbibigay ng kaaliwan at kaginhawahan.—Sant. 4:8; Awit 23:3, 4.
6 Pagpapahalaga sa mga Mahihina Na: Ang maibiging mga katulong na pastol ay nababahala rin hinggil doon sa mga maaaring makaligtaan. Kaugnay sa bawat kongregasyon ang ilang mahihina na, namamalagi sa mga nursing home, o kaya’y baldado. Mauunawaan naman na ang kanilang bahagi sa paghahayag ng mensahe ng Kaharian ay limitado dahil sa kanilang mga kalagayan. Kaipala’y nagkakaroon lamang sila ng pagkakataong makapagpatotoo sa mga panauhin, ibang mga pasyente, o mga tagapag-alaga. Subalit anuman ang kanilang nagagawa, ito ay minamalas bilang isang mahalagang tulong sa pangkalahatang gawaing pangangaral. (Mat. 25:15) Kahit na sila’y nakapagpapatotoo lamang ng 15 minuto, ito ay dapat na iulat, at sila’y patuloy na ibibilang na regular na mga mamamahayag ng Kaharian.
7 Ang “mga kaloob na mga tao” ay gising lalo na sa espirituwal na mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid sa yugtong ito ng taon—sa panahon ng Memoryal. Kay-angkop ngang panahon para sa matatanda na gumawa ng pantanging pagsisikap na matulungan ang lahat ng naliligaw na muling magtamasa ng kagalakan at kapayapaan ng isip na nagmumula sa masiglang pakikipagsamahan sa kongregasyon! Tayo ay nagagalak kapag nakikita natin ang mga ito na “may kaugnayan sa atin sa pananampalataya” na naroroon sa mga pulong ng kongregasyon at nakikibahagi sa ministeryo, anupat muling pinagtitibay ang kanilang pananampalataya sa haing pantubos.—Gal. 6:10; Luc. 15:4-7; Juan 10:11, 14.