Ikalawang Kabanata
Isang Ama at ang Kaniyang Rebelyosong mga Anak
1, 2. Ipaliwanag kung paano nagkaroon si Jehova ng rebelyosong mga anak.
SIYA’Y naglaang mabuti para sa kaniyang mga anak, gaya ng ginagawa ng sinumang maibiging magulang. Sa loob ng maraming taon tiniyak niyang sila’y mapaglaanan ng pagkain, pananamit, at tirahan. Kung kinakailangan, sila’y kaniyang dinidisiplina. Subalit hindi kailanman naging sobra ang pagpaparusa sa kanila; iyo’y laging inilalapat “sa wastong antas.” (Jeremias 30:11) Kung gayon, mahihinuha lamang natin ang kirot na nadarama ng maibiging amang ito sa pagsasabing: “Ako ay nagpalaki at nag-alaga ng mga anak, ngunit sila ay naghimagsik laban sa akin.”—Isaias 1:2b.
2 Ang rebelyosong mga anak na tinutukoy rito ay ang mga mamamayan ng Juda, at ang naghihinanakit na ama ay ang Diyos na Jehova. Kay lungkot! Pinakain ni Jehova ang mga taga-Judea at itinaas sila sa gitna ng mga bansa. “Dinamtan kita ng burdadong kasuutan at sinapatusan kita ng balat ng poka at binalutan kita ng mainam na lino at tinakpan kita ng mamahaling tela,” ang paalaala niya sa kanila nang dakong huli sa pamamagitan ni propeta Ezekiel. (Ezekiel 16:10) Subalit, sa kalakhang bahagi, ang mga mamamayan ng Juda ay hindi nagpahalaga sa ginawa sa kanila ni Jehova. Bagkus, sila’y nagrebelde, o naghimagsik.
3. Bakit nanawagan si Jehova sa langit at sa lupa upang maging saksi sa paghihimagsik ng Juda?
3 Taglay ang mabuting dahilan, pinasimulan ni Jehova ang mga salitang ito hinggil sa kaniyang rebelyosong mga anak sa ganitong pananalita: “Dinggin mo, O langit, at pakinggan mo, O lupa, sapagkat si Jehova ay nagsalita.” (Isaias 1:2a) Mga ilang siglo ang kaagahan narinig ng mga langit at ng lupa, wika nga, nang tanggapin ng mga Israelita ang maliwanag na mga babala hinggil sa kahihinatnan ng pagsuway. Sinabi ni Moises: “Kinukuha ko bilang mga saksi laban sa inyo ngayon ang langit at ang lupa, na kayo ay talagang malilipol nang madali mula sa lupain na tatawirin ninyo sa Jordan upang ariin.” (Deuteronomio 4:26) Ngayon sa kaarawan ni Isaias, nanawagan si Jehova sa di-nakikitang mga langit at sa nakikitang lupa upang maging saksi sa paghihimagsik ng Juda.
4. Paano iniharap ni Jehova ang kaniyang sarili sa Juda?
4 Ang kalubhaan ng situwasyon ay humihiling ng tuwirang pagharap dito. Gayunman, kahit na sa harap ng ganitong mahirap na mga kalagayan, kapansin-pansin—at nakakaantig-puso—na iniharap ni Jehova ang kaniyang sarili sa Juda bilang isang maibiging magulang sa halip na isa lamang may-ari na bumili sa kanila. Sa diwa, si Jehova ay nagsusumamo sa kaniyang bayan na isaalang-alang ang bagay na ito buhat sa pangmalas ng isang ama na nahahapis dahilan sa kaniyang suwail na mga anak. Marahil ang ilang magulang sa Juda ay personal na nakaranas ng gayong suliranin at napakilos ng ilustrasyong iyon. Anuman ang kalagayan, ihaharap ngayon ni Jehova ang kaniyang usapin laban sa Juda.
Mas Nakaiintindi Pa ang mga Ganid na Hayop
5. Di-kagaya ng Israel, sa paanong paraan nagpapamalas ng katapatan ang toro at ang asno?
5 Sa pamamagitan ni Isaias, si Jehova ay nagsabi: “Lubos na kilala ng toro ang bumili sa kaniya, at ng asno ang sabsaban ng nagmamay-ari sa kaniya; ang Israel ay hindi nakakakilala, ang aking sariling bayan ay hindi gumagawi nang may unawa.” (Isaias 1:3)a Ang toro at ang asno ay mga hayop na pantrabaho na kilalang-kilala niyaong mga nakatira sa Gitnang Silangan. Sa katunayan, hindi maitatatwa ng mga taga-Judea na maging ang mga hamak na hayop na ito ay nagpapamalas ng katapatan, na may maliwanag na kabatiran na sila’y pag-aari ng isang panginoon. Hinggil dito, isaalang-alang kung ano ang nasaksihan ng isang mananaliksik ng Bibliya isang dapit-hapon sa isang lunsod sa Gitnang Silangan: “Pagdating na pagdating ng kawan sa loob ng mga pader ang mga ito’y nagsimulang maghiwa-hiwalay. Lubos na kilala ng bawat toro ang may-ari sa kaniya, pati ang daan patungo sa kaniyang bahay, ni hindi man lamang ito nalito kahit sa isang sandali sa masalimuot na makitid at liku-likong mga eskinita. Kung tungkol sa asno, ito’y tuluy-tuloy na naglakad patungo sa pintuan hanggang sa ‘pasabsaban ng kaniyang amo.’”
6. Paanong ang mga mamamayan ng Juda ay hindi gumawi nang may unawa?
6 Yamang ang ganitong mga eksena ay walang pagsalang karaniwan na noong kaarawan ni Isaias, ang buod ng mensahe ni Jehova ay maliwanag: Yamang kahit na ang isang ganid na hayop ay nakakakilala sa kaniyang panginoon at sa sarili nitong sabsaban, ano ang maidadahilan ng mga mamamayan ng Juda sa pag-iwan nila kay Jehova? Tunay, sila’y “hindi gumagawi nang may unawa.” Waring hindi nila nababatid ang bagay na ang kanilang kasaganaan at ang kanila mismong pag-iral ay nakadepende kay Jehova. Tunay na isang tanda ng kaawaan na tinutukoy pa rin ni Jehova ang mga taga-Judea bilang “aking sariling bayan”!
7. Ano ang ilang paraan na doo’y maipakikita natin na tayo’y nagpapahalaga sa mga paglalaan ni Jehova?
7 Kailanma’y huwag nawa tayong kumilos nang walang unawa sa pamamagitan ng hindi pagpapakita ng pagpapahalaga sa lahat ng ginawa ni Jehova para sa atin! Bagkus, dapat nating tularan ang salmistang si David, na nagsabi: “Pupurihin kita, O Jehova, nang aking buong puso; ipahahayag ko ang lahat ng iyong mga kamangha-manghang gawa.” (Awit 9:1) Ang patuloy na pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova ay magpapasigla sa atin sa bagay na ito, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “ang kaalaman sa Kabanal-banalan ay siyang pagkaunawa.” (Kawikaan 9:10) Ang pagbubulay-bulay araw-araw sa mga pagpapala ni Jehova ay tutulong sa atin na maging mapagpasalamat at huwag ipagwalang-bahala ang ating makalangit na Ama. (Colosas 3:15) “Ang naghahandog ng pasasalamat bilang kaniyang hain ang siyang lumuluwalhati sa akin,” sabi ni Jehova, “at sa isa namang nananatili sa takdang daan, ipakikita ko sa kaniya ang pagliligtas ng Diyos.”—Awit 50:23.
Isang Nakapangingilabot na Lantarang Paghamak sa “Banal ng Israel”
8. Bakit ang mga mamamayan ng Juda ay matatawag na “makasalanang bansa”?
8 Ipinagpatuloy ni Isaias ang kaniyang mensahe sa mapuwersang mga salita para sa bansa ng Juda: “Sa aba ng makasalanang bansa, ang bayan na napabibigatan ng kamalian, isang binhi na gumagawa ng kasamaan, mapagpahamak na mga anak! Iniwan nila si Jehova, pinakitunguhan nila nang walang galang ang Banal ng Israel, sila ay tumalikod.” (Isaias 1:4) Ang balakyot na mga gawa ay maaaring maipon hanggang sa ang mga ito ay maging gaya ng isang napakabigat na pasanin. Noong kaarawan ni Abraham inilarawan ni Jehova ang mga kasalanan ng Sodoma at Gomorra na “napakabigat.” (Genesis 18:20) Kahawig nito ang nakikita ngayon sa mga mamamayan ng Juda, anupat si Isaias ay nagsabi na sila ay “napabibigatan ng kamalian.” Karagdagan pa, sila’y tinawag niya na “isang binhi na gumagawa ng kasamaan, mapagpahamak na mga anak.” Oo, ang mga taga-Judea ay gaya ng suwail na mga anak. Sila’y “tumalikod,” o gaya ng salin ng New Revised Standard Version, sila’y “ganap na humiwalay” sa kanilang Ama.
9. Ano ang kahulugan ng pariralang “ang Banal ng Israel”?
9 Sa pamamagitan ng kanilang masuwaying landasin, ang mga mamamayan ng Juda ay nagpapakita ng hayagang kawalang-galang sa “Banal ng Israel.” Ano ang kahulugan ng pariralang ito, na 25 ulit na masusumpungan sa aklat ng Isaias? Ang pagiging banal ay nangangahulugan ng pagiging malinis at dalisay. Si Jehova ay banal sa sukdulang antas. (Apocalipsis 4:8) Napaaalalahanan ang mga Israelita ng bagay na ito sa tuwing makikita nila ang mga salitang nakaukit sa kumikinang na laminang ginto sa turbante ng mataas na saserdote: “Ang kabanalan ay kay Jehova.” (Exodo 39:30) Kaya, sa pagtukoy kay Jehova bilang “ang Banal ng Israel,” idiniriin ni Isaias ang bigat ng kasalanan ng Juda. Aba, ang mga rebeldeng ito ay tuwirang lumalabag sa utos na ibinigay sa kanilang mga ninuno: “Pabanalin ninyo ang inyong sarili at magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal”!—Levitico 11:44.
10. Paano natin maiiwasan na magpakita ng kawalang-galang sa “Banal ng Israel”?
10 Dapat gawin ng mga Kristiyano ngayon ang kanilang buong makakaya upang iwasan ang pagsunod sa halimbawa ng Juda ng kawalang-galang sa “Banal ng Israel.” Kailangang tularan nila ang kabanalan ni Jehova. (1 Pedro 1:15, 16) At kailangan nilang ‘kapootan ang kasamaan.’ (Awit 97:10) Ang maruruming gawain tulad ng seksuwal na imoralidad, idolatriya, pagnanakaw, at paglalasing ay maaaring magpasama sa Kristiyanong kongregasyon. Kaya yaong mga ayaw tumigil sa pagsasagawa ng mga bagay na ito ay itinitiwalag sa kongregasyon. Sa dakong huli, yaong mga walang pagsisising tumatahak sa landasin ng karumihan ay hindi magtatamasa ng mga pagpapala ng pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. Tunay nga, ang lahat ng gayong balakyot na mga gawa ay bumubuo ng isang nakapangingilabot na lantarang paghamak sa “Banal ng Israel.”—Roma 1:26, 27; 1 Corinto 5:6-11; 6:9, 10.
May Sakit Mula Ulo Hanggang Paa
11, 12. (a) Ilarawan ang masamang kalagayan ng Juda. (b) Bakit hindi natin dapat kahabagan ang Juda?
11 Sumunod ay pinagsikapan ni Isaias na mangatuwiran sa mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila na sila’y may sakit. Sinabi niya: “Saan pa kayo sasaktan, anupat magdaragdag kayo ng higit pang paghihimagsik?” Sa diwa, tinatanong sila ni Isaias: ‘Hindi ba’t sapat na ang inyong pagdurusa? Bakit kailangan pang higit na pinsalain ninyo ang inyong sarili sa pamamagitan ng patuloy na paghihimagsik?’ Si Isaias ay nagpatuloy: “Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay mahina. Mula sa talampakan ng paa at maging hanggang sa ulo ay wala ritong bahaging malusog.” (Isaias 1:5, 6a) Ang Juda ay may nakaririmarim na sakit—may sakit sa espirituwal mula ulo hanggang paa. Isa ngang nakapanghihilakbot na diyagnosis!
12 Dapat ba nating kahabagan ang Juda? Tunay na hindi! Mga ilang siglo bago nito, ang buong bansang Israel ay nabigyan ng kaukulang babala hinggil sa ilalapat na parusa kapag sumuway. Sa isang bahagi, sila ay pinagsabihan: “Pasasapitan ka ni Jehova ng malubhang bukol sa iyong magkabilang tuhod at magkabilang binti, na mula roon ay hindi ka mapagagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa tuktok ng iyong ulo.” (Deuteronomio 28:35) Sa makasagisag na diwa, ang Juda ngayon ay dumaranas ng mismong mga kahihinatnan ng kaniyang katigasan ng ulo. At ang lahat ng ito ay maaari sanang naiwasan kung ang mga mamamayan ng Juda ay sumunod lamang kay Jehova.
13, 14. (a) Anong mga pinsala ang dinanas ng Juda? (b) Ang pagdurusa ba ng Juda ay nagpangyari sa kaniya na talikuran ang kaniyang rebelyosong landasin?
13 Nagpatuloy si Isaias sa paglalarawan sa kahabag-habag na kalagayan ng Juda: “Mga sugat at mga pasa at sariwa pang mga latay—hindi pa napipisil ang mga ito o natatalian, ni napalambot man ng langis.” (Isaias 1:6b) Tinutukoy rito ng propeta ang tatlong uri ng pinsala: mga sugat (hiwa, gaya niyaong dulot ng isang tabak o ng isang kutsilyo), mga pasa (mga lamog dulot ng palo), at sariwa pang mga latay (mga bagong sugat na nakabuka at waring hindi na gagaling pa). Ang ideyang inihaharap dito ay tungkol sa isang tao na dumanas ng lahat ng klase ng matinding parusa, anupat walang bahagi ng kaniyang katawan ang hindi napinsala. Tunay na ang Juda ay nasa isang malubhang kalagayan.
14 Ang kahabag-habag na kalagayan ba ng Juda ay mag-uudyok sa kaniya na manumbalik kay Jehova? Hindi! Ang Juda ay gaya ng rebelde na inilarawan sa Kawikaan 29:1: “Ang taong paulit-ulit na sinasaway ngunit nagpapatigas ng kaniyang leeg ay biglang mababali, at wala nang kagalingan.” Ang bansa ay waring hindi na gagaling pa. Gaya ng sinabi ni Isaias, ang kaniyang mga sugat ay ‘hindi pa napipisil o natatalian, ni napalambot man ng langis.’b Sa diwa, ang Juda ay nakakatulad ng sugat na nakabuka, hindi natalian at laganap sa buong katawan.
15. Sa anong mga paraan maipagsasanggalang natin ang ating sarili buhat sa espirituwal na karamdaman?
15 Sa pagkatuto mula sa karanasan ng Juda, kailangang tayo’y maging mapagbantay laban sa espirituwal na karamdaman. Tulad ng pisikal na sakit, ito ay makaaapekto sa sinuman sa atin. Kung sa bagay, sino ba sa atin ang hindi naapektuhan ng mga pita ng laman? Ang kasakiman at ang pagnanais ng labis na kasiyahan ay maaaring mag-ugat sa ating mga puso. Kaya, kailangan nating sanayin ang ating sarili upang “kamuhian ang balakyot” at ‘kumapit sa mabuti.’ (Roma 12:9) Kailangan din nating linangin ang mga bunga ng espiritu ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. (Galacia 5:22, 23) Sa paggawa nito, ating maiiwasan ang kalagayang sumalot sa Juda—ang pagiging may sakit sa espirituwal mula ulo hanggang paa.
Isang Tiwangwang na Lupain
16. (a) Paano inilarawan ni Isaias ang kalagayan ng lupain ng Juda? (b) Bakit sinasabi ng ilan na ang mga salitang ito ay malamang na binigkas sa panahon ng paghahari ni Ahaz, subalit paano natin uunawain ang mga ito?
16 Iniwan ngayon ni Isaias ang kaniyang medikal na paghahalintulad at bumaling sa kalagayan ng lupain ng Juda. Para bang siya’y nagmamasid sa isang kapatagang sinira ng digmaan, sinabi niya: “Ang inyong lupain ay tiwangwang, ang inyong mga lunsod ay sunóg sa apoy; ang inyong lupa—mismong sa harap ninyo ay nilalamon ito ng mga taga-ibang bayan, at ang pagkatiwangwang ay gaya ng paggiba ng mga taga-ibang bayan.” (Isaias 1:7) Ang ilang iskolar ay nagsasabi na bagaman ang mga salitang ito ay masusumpungan sa unang bahagi ng aklat ni Isaias, ang mga ito ay malamang na binigkas sa bandang huli ng kaniyang mga kaarawan bilang propeta, kaypala’y sa panahon ng paghahari ng balakyot na si Haring Ahaz. Iginigiit nila na ang paghahari ni Uzias ay lubhang maunlad anupat hindi magiging makatuwiran ang gayong madilim na paglalarawan. Kung sa bagay, hindi masasabi nang may katiyakan kung ang aklat ni Isaias ay tinipon ayon sa pagkakasunud-sunod ng pangyayari. Gayunman, ang mga salita ni Isaias hinggil sa pagkatiwangwang ay malamang na makahula. Sa pagbigkas sa mga salita sa itaas, malamang na gumagamit si Isaias ng isang pamamaraan na masusumpungan sa ibang bahagi ng Bibliya—ang paglalarawan sa isang panghinaharap na pangyayari na para bang ito ay nangyari na, anupat idiniriin ang pagiging tiyak ng katuparan ng isang hula.—Ihambing ang Apocalipsis 11:15.
17. Bakit ang makahulang paglalarawan ng pagkatiwangwang ay hindi dapat ikabigla ng mga mamamayan ng Juda?
17 Anuman ang mangyari, ang makahulang paglalarawan ng pagkatiwangwang ng Juda ay hindi dapat ikabigla ng matigas-ang-ulo at masuwaying mga taong ito. Ilang siglo bago nito si Jehova ay nagbabala sa kanila sa mangyayari kung sila’y maghihimagsik. Sinabi niya: “At akin namang ititiwangwang ang lupain, at ang inyong mga kaaway na tumatahan doon ay tititig nga sa pagkamangha dahil doon. At kayo ay pangangalatin ko sa gitna ng mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo; at ang inyong lupain ay magiging tiwangwang, at ang inyong mga lunsod ay magiging tiwangwang na kaguhuan.”—Levitico 26:32, 33; 1 Hari 9:6-8.
18-20. Kailan natupad ang mga salita sa Isaias 1:7, 8, at sa anong paraan ‘nag-iwan si Jehova ng ilang nakaligtas’ sa panahong ito?
18 Ang mga salita sa Isaias 1:7, 8 ay maliwanag na natupad noong panahon ng pananalakay ng Asirya na nagdulot ng pagkalipol sa Israel at ng malawakang pagkawasak at pagdurusa sa Juda. (2 Hari 17:5, 18; 18:11, 13; 2 Cronica 29:8, 9) Gayunman, ang Juda ay hindi lubusang napawi. Sinasabi ni Isaias: “Ang anak na babae ng Sion ay naiwang gaya ng isang kubol sa ubasan, gaya ng isang kubong bantayan sa bukid ng mga pipino, gaya ng isang lunsod na nakukubkob.”—Isaias 1:8.
19 Sa gitna ng lahat ng pagkawasak na ito, “ang anak na babae ng Sion,” ang Jerusalem, ay mananatiling nakatayo. Subalit siya’y magmumukhang madaling salakayin—gaya ng isang kubol sa ubasan o gaya ng isang kubong bantayan sa bukid ng pipino. Sa isang paglalakbay sa Nilo, isang iskolar noong ika-19 na siglo ang nakaalaala sa mga salita ni Isaias nang makita niya ang kahawig na mga kubol, na kaniyang inilalarawan bilang “mabuti-buti lamang kaysa sa isang bakod laban sa hanging hilaga.” Sa Juda kapag tapos na ang pag-aani, ang mga kubol na ito ay hinahayaang magkawatak-watak at bumagsak. Gayunman, gaano mang karupok ang sa wari’y kalagayan ng Jerusalem sa harapan ng manlulupig na hukbo ng Asirya, siya’y makaliligtas.
20 Winakasan ni Isaias ang makahulang pananalitang ito: “Malibang si Jehova ng mga hukbo ang nag-iwan sa atin ng iilang nakaligtas, naging gaya na sana tayo ng Sodoma, nakahalintulad na sana tayo ng Gomorra.” (Isaias 1:9)c Laban sa kapangyarihan ng Asirya, si Jehova sa wakas ay tutulong sa Juda. Di-gaya ng Sodoma at Gomorra, ang Juda ay hindi malilipol. Ito’y makaliligtas.
21. Pagkatapos wasakin ng Babilonya ang Jerusalem, bakit ‘nag-iwan si Jehova ng ilang nakaligtas’?
21 Makalipas ang mahigit sa 100 taon, ang Juda ay napasailalim muli ng pagbabanta. Ang bayan ay hindi natuto mula sa disiplinang inilapat sa pamamagitan ng Asirya. “Patuloy nilang kinakantiyawan ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita at nililibak ang kaniyang mga propeta.” Bilang resulta, “ang pagngangalit ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagalingan.” (2 Cronica 36:16) Ang Juda ay nilupig ng monarka ng Babilonya na si Nabucodonosor at sa pagkakataong ito, wala nang natira pa “gaya ng isang kubol sa ubasan.” Maging ang Jerusalem ay nawasak. (2 Cronica 36:17-21) Gayunman, ‘nag-iwan si Jehova ng ilang nakaligtas.’ Bagaman ang Juda ay nagbata ng 70 taon sa pagkakatapon, tiniyak ni Jehova na magpapatuloy ang bansa at lalo na ang linya ni David, na siyang magluluwal ng ipinangakong Mesiyas.
22, 23. Noong unang siglo, bakit ‘nag-iwan si Jehova ng ilang nakaligtas’?
22 Noong unang siglo, dumanas ang Israel ng huling krisis nito bilang tipang-bayan ng Diyos. Nang iharap ni Jesus ang sarili bilang ang ipinangakong Mesiyas, siya’y itinakwil ng bansa, at bilang resulta, itinakwil sila ni Jehova. (Mateo 21:43; 23:37-39; Juan 1:11) Dito ba nagtatapos ang pagkakaroon ni Jehova ng isang pantanging bansa sa lupa? Hindi. Ipinakita ni apostol Pablo na ang Isaias 1:9 ay may isa pang katuparan. Bilang pagsipi mula sa bersiyong Septuagint, isinulat niya: “Gaya nga ng sinabi ni Isaias noong una: ‘Malibang si Jehova ng mga hukbo ang nag-iwan ng isang binhi sa atin, naging gaya na sana tayo ng Sodoma, at ginawa na sana tayong katulad ng Gomorra.’”—Roma 9:29.
23 Sa pagkakataong ito ang mga nakaligtas ay ang mga pinahirang Kristiyano, na naglagak ng pananampalataya kay Jesu-Kristo. Ang mga ito, una sa lahat, ay ang sumasampalatayang mga Judio. Sa dakong huli, sumama sa kanila ang mga sumasampalatayang Gentil. Magkasama silang bumuo ng isang bagong Israel, “ang Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Roma 2:29) Ang “binhi” na ito ay nakaligtas sa pagkawasak ng Judiong sistema ng mga bagay noong 70 C.E. Sa katunayan, “ang Israel ng Diyos” ay kasama pa rin natin ngayon. Kasama nito ngayon ang milyun-milyong sumasampalatayang indibiduwal ng mga bansa, na bumubuo ng “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.”—Apocalipsis 7:9.
24. Ano ang dapat bigyang-pansin ng lahat kung sila’y nagnanais na makaligtas sa pinakamalaking krisis ng sangkatauhan?
24 Hindi na magtatagal at mapapaharap ang sanlibutang ito sa digmaan ng Armagedon. (Apocalipsis 16:14, 16) Bagaman ito ay magiging isang krisis na mas malaki pa kaysa sa pananalakay ng Asirya o ng Babilonya sa Juda, at mas malaki pa maging sa pagwasak ng Roma sa Judea noong 70 C.E., may mga makaliligtas. (Apocalipsis 7:14) Napakahalaga, kung gayon, na maingat na isaalang-alang ng lahat ang mga salita ni Isaias sa Juda! Ang mga ito’y nangahulugan ng kaligtasan para sa mga tapat noon. At ang mga ito’y maaaring mangahulugan ng kaligtasan para sa mga sumasampalataya ngayon.
[Mga talababa]
a Sa kontekstong ito, ang “Israel” ay tumutukoy sa dalawang-tribong kaharian ng Juda.
b Ang mga salita ni Isaias ay nagpapaaninag sa klase ng panggagamot noong kaniyang kaarawan. Ang mananaliksik sa Bibliya na si E. H. Plumptre ay nagsabi: “Ang ‘pagsasara’ o ‘pagpisil’ sa nagnanaknak na sugat ang siyang pamamaraan noon upang alisin ang nanà; pagkatapos, gaya sa kaso ni Hezekias (kab. xxxviii. Isa 38:21), ito ay ‘tinatalian,’ kasama ng isang panapal, pagkatapos ay hinahaplasan ng nakagiginhawang langis o unguento, kaypala’y gaya ng sa Lucas x. 34, na doo’y langis at alak ang ginamit, upang linisin ang sugat.”
c Ang Commentary on the Old Testament, nina C. F. Keil at F. Delitzsch ay nagsasabi: “Ang pahayag ng propeta ay nagtatapos dito pansamantala. Ang bagay na ito’y hinati sa dalawang magkahiwalay na seksiyon, ay ipinapakita ng teksto sa pamamagitan ng espasyong iniwan sa pagitan ng mga Isa 1 tal. 9 at 10. Ang paraang ito ng pagbubukod ng malalaki o maliliit na seksiyon, maging sa pamamagitan ng pag-iiwan ng mga espasyo o sa pamamagitan ng pagputol ng linya, ay mas matagal nang umiiral kaysa sa mga punto ng patinig at mga tuldik, at ito’y nakasalig sa isang kaugalian mula pa noong sinaunang panahon.”
[Larawan sa pahina 20]
Di-tulad ng Sodoma at Gomorra, ang Juda ay hindi mawawalan ng naninirahan magpakailanman