Nabunyag ang Sangkakristiyanuhan Bilang Promotor ng Huwad na Pagsamba
“Ito ang bansang ang mga mamamayan ay hindi nakinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos, at hindi tumanggap sa disiplina.”—JEREMIAS 7:28.
1, 2. Paano naapektuhan si Jeremias ng kaniyang bigay-Diyos na atas?
“ANG apoy ng tunay na kombiksiyon ay nagningas sa loob niya; mayroong isang umuudyok na lakas na salitain ang katotohanan, manumbat ngunit umayon din.” Sa mga salitang iyan dalawang iskolar na Hebreo ang naglarawan ng papel na ginagampanan ni Jeremias. Bagama’t ang kaniyang atas na galing sa Diyos ay totoong mabigat, batid niya na kailangang tupdin niya ang kaniyang pananagutan may kinalaman sa bansang Juda. Gaya ng pagkasabi niya tungkol doon: “Sapagkat ang salita ni Jehova ay naging sanhi ng aking kakutyaan at kadustaan sa maghapong araw. At sinabi ko: ‘Hindi ko na siya babanggitin, at hindi na ako magsasalita sa kaniyang pangalan.’” Oo, ang panggigipit at ang pag-uusig ay halos hindi na niya makayanan. Subalit siya ba ay huminto?—Jeremias 20:8, 9a.
2 Si Jeremias ay nagpatuloy: “At sa aking puso ay naging parang nag-aalab na apoy iyon na nakakulong sa aking mga buto; at ako’y napagod nang kapipigil, at hindi ko na mapigil.” (Jeremias 20:9b) Si Jeremias ay hindi lumihis sa pagkaatas sa kaniya na ibalita ang mga kahatulan ng Diyos sa Juda.—Jeremias 6:10, 11.
Ang Modernong Jeremias
3. Anong pagkilos ang ipinakita ni Jesus at ng mga alagad tungkol sa kanilang atas?
3 Tulad ni Jeremias, si Kristo Jesus at ang mga sinaunang alagad na Kristiyano ay walang-takot na naghayag ng di-popular na mensahe ng Kaharian ng Diyos sa mga Judio at sa mga bansa. Bagama’t ibinilanggo noong nakaraan dahil sa pangangaral, si Pedro at ang mga ibang apostol ay may tibay-loob na sumagot sa mga relihiyosong umaakusa sa kanila: “Kailangang magsitalima muna kami sa Diyos bilang pinuno bago sa mga tao.” Sa utos ng mga pinunong relihiyoso, sila’y ginulpi dahilan sa kanilang katapangan. Pagkatapos ay paano kumilos ang mga apostol? “Sa araw-araw sa templo at sa bahay-bahay ay nagpatuloy sila nang walang lubay sa pagtuturo at paghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kristo, si Jesus.”—Gawa 5:29, 40-42; Mateo 23:13-33.
4. Sino ang sumunod sa halimbawa ni Jeremias sa ika-20 siglo, at papaano nila ginawa ito?
4 Samakatuwid ang sinaunang pinahirang mga Kristiyano ay kumilos na katulad ni Jeremias. Bagaman sila’y napaharap sa totoong maraming balakid at matitigas na relihiyosong mga kaaway, kanilang ibinalita ang mga kahatulan ng Diyos. Ngayon, sino sa ika-20 siglong ito ang sumunod sa halimbawa ring iyan? Sino ang nagbabalita sa madla at sa bahay-bahay ng mga kahatulan ng Diyos sa sistemang ito ng mga bagay at lalo na sa katumbas ng Jerusalem, ang Sangkakristiyanuhan? Parami nang parami ang patotoo ng kasaysayan sa loob ng 68 taon na nagpapakitang ang uring modernong Jeremias ay yaong munti ngunit may tibay-loob na grupo ng pinahirang mga saksi ni Jehova. Sa mga ito ay naparagdag at tumutulong sapol noong 1935 ang dumaraming “malaking pulutong” ng milyun-milyon na mga handang kasamahan, na kilala rin bilang mga Saksi ni Jehova. Taglay ang nagkakaisang tinig, sila ay tumutupad ng kanilang ginagampanang papel na katulad ng kay Jeremias sa pamamagitan ng pagbubunyag sa huwad na relihiyon bilang isang silo at isang pandaraya.—Apocalipsis 7:9, 10; 14:1-5.
Ang Sangkakristiyanuhan—Bakit ang Modernong Katulad ng Jerusalem?
5. Sa anu-anong paraan nakakatulad ang Sangkakristiyanuhan ng sinaunang Jerusalem?
5 ‘Subalit,’ baka itanong ng isang tao, ‘saan ba tayo makakasumpong ng pagiging magkatulad ng sinaunang Jerusalem at ng Sangkakristiyanuhan?’ Dahilan sa magkakahawig na saloobin at mga kalagayan na umiiral sa palalong Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Kanilang inilalagak ang kanilang tiwala sa kanilang ‘mga banal na lunsod’ at mga sambahan, tulad baga ng Roma, Jerusalem, Canterbury, Fatima, Guadalupe, at Zaragoza, bilang ilan lamang. Mahilig sila na dakilain ang kanilang mga katedral, basilika, templo, at mga simbahan, anupa’t kanilang ipinangangalandakan ang pagiging antigo ng mga ito at ang kanilang arkitektura, na para bagang ang mga ito’y nagbibigay sa kanila ng natatanging kadakilaan sa harap ng Diyos. Sinasabi pa mandin nila na ang kanilang mga bahay sambahan ay itinayo ‘sa ikaluluwalhati ng Diyos.’ Subalit, ilan sa mga gusaling ito ang aktuwal na may taglay ng pangalan ng Diyos na Jehova? Bagkus pa nga, ang palaging nagugunita ng isang tao ay ang mga arkitekto na nagdisenyo ng mga ito, pati ang mga pintor at iskultor na gumawa ng mga dekorasyon nito, ang mayayamang parokyano na gumastos sa mga ito, o ang “mga santo” na sa kanila inialay ang mga ito. Ang pagtitiwala ng Sangkakristiyanuhan sa pagka-antigo at sa tradisyon ay walang kabuluhan gaya ng pagtitiwala ng Juda sa kaniyang banal na templo na nawalang kabuluhan.—Jeremias 7:4.
6. Paanong ang pagbubunyag ni Jesus sa klerong Judio ay kapit sa Sangkakristiyanuhan?
6 Kasuwato ng pagbubunyag ni Jeremias sa mga Judiong saserdote at mga propeta, ano ang masasabi tungkol sa relihiyosong mga lider ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon? Taglay ang pagkaprangka na katulad ng kay Jeremias, si Jesus ay nagbigay ng paglalarawan ng klerong Judio na kapit sa klero ng Sangkakristiyanuhan hanggang sa araw na ito: “Hindi nila ginagawa ang kanilang ipinangangaral . . . Lahat ng ginagawa nila ay upang makatawag-pansin . . . tulad ng paghahangad na mapalagay sa mga dako ng karangalan sa mga bangkete at sa pambungad na mga upuan sa mga sinagoga.” (Mateo 23:3-7, The Jerusalem Bible) Anong dalas na tayo’y nakakakita ng prominenteng mga klerigo at mga predikador na kasa-kasama sa pulitikal at nasyonalistikong mga miting at rally—at kaagapay ng mga pulitiko sa mga larawan sa media!
7. (a) Paanong ang karamihan ng mga tao ay inililigaw ng mga ibang mangangaral? (b) Anong hamon ang iniiwasan ng klero?
7 Ngayon, sa panahon na uso ang telebisyon, mayroon tayong mga predikador sa TV na nagsasamantala sa medium na iyan sa pamamagitan ng paggamit ng lahat ng uri ng pamamaraan ng pagdaraya sa pagtatanghal at panlilinlang ng kaisipan upang iligáw ang karamihan ng mga tao at limasin ang bulsa ng kawan. Anong pagkaangkup-angkop nga ang ginawa ni Jeremias na pagbubunyag na kapit hanggang sa ngayon, mga 2,600 taon na ang nakalipas! “Mula sa kaliit-liitan hanggang sa kalaki-lakihan nila, bawat isa ay gumagawa para sa kaniyang sariling sakim na pakinabang; at mula sa propeta hanggang sa saserdote, bawat isa ay gumagawang may kasinungalingan.” Kasabay nito, wala sa kanila ang nagnanais na tanggapin ang hamon ng tunay na ministeryong Kristiyano, humarap sa mga tao, sa bahay-bahay. Tanging ang mga Saksi ni Jehova—ang pinahirang uring Jeremias at ang “malaking pulutong” ang tumanggap sa pananagutang iyan.—Jeremias 6:13; Gawa 20:20, 21.
Ligtas ba ang Sangkakristiyanuhan?
8. Bakit naniniwala ang Sangkakristiyanuhan na siya’y hindi maaabot ng Armagedon?
8 Ang madla ay pinapayapa ng mga predikador ding ito sa TV upang maniwala na sila’y ligtas sa pamamagitan ng walang patumanggang paggamit ng mga salawikain at teolohiya na “born again” (ipinanganak-muli) at “minsang ligtas, laging ligtas.” Angaw-angaw na mga tao sa halos bawat relihiyon at sekta ng Sangkakristiyanuhan ay naakay na maniwalang sila’y “ipinanganak-muli” at “ligtas.” Di-nahihiyang mga pulitiko ang walang kaanu-anuman na nag-aangkin din ng ganiyan. Oo, ang kanilang paboritong mga predikador ay nagsasabi sa kanila na sila’y may pakikipagpayapaan sa Diyos dahil sa sila’y “ligtas”—at ito’y sa kabila ng kanilang mga pagkakabaha-bahaging panrelihiyon, pampulitika, at pambansa! At gusto naman iyon ng mga tao, gaya rin noong kaarawan ni Jeremias! (Jeremias 5:31; 14:14) Sila’y naniniwala na hindi sila maaabot ng hatol ng Diyos sa Armagedon.—Jeremias 6:14; 23:17; 1 Corinto 1:10; Apocalipsis 16:14, 16.
9. (a) Sino talaga ang may pribilehiyo na ‘ipanganak-muli’? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaluluwa? (Para sa dalawang katanungang iyan, magbigay ng iba pang suporta buhat sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan.)
9 Subalit, ang maingat na pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng mga turo ni Kristo ay nagpapakita na isang limitadong bilang lamang ang may pribilehiyo na ipanganak-muli, ipanganak ‘ng tubig at ng espiritu,’ upang sa ganoo’y makibahagi sa makalangit na paghahari kasama ni Kristo. (Juan 3:3-5; Roma 8:16, 17; Apocalipsis 14:1-3) Ang “malaking pulutong” ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon ay hindi na kailangang maipanganak-muli, yamang ang kanilang pag-asa na buhay na walang-hanggan ay dito sa lupa, hindi sa langit. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:3, 4) Isa pa, mali ang batayan ng turo ng Sangkakristiyanuhan—na ang tao ay may walang-kamatayang kaluluwa na nangangailangan ng kaligtasan. Walang makikita sa Bibliya na suporta para sa gayong doktrina, at ang totoo’y kinuha iyon sa sinaunang pilosopyang Griego.a
Walang Kaluguran sa Kaniyang Salita o Pangalan
10. Ano ang pakikitungo sa Bibliya ng marami sa klero?
10 Mayroong mga iba pang punto ng pagkakahawig ang sinaunang Jerusalem at ang modernong Sangkakristiyanuhan. Sinabi ni Jeremias: “Narito! Ang mismong salita ni Jehova ay naging sa kanila’y isang kadustaan, na sa salitang iyan ay wala silang kaluguran.” (Jeremias 6:10) Mas gusto ng klero na sumipi sa mga pilosopo at mga siyentipiko, imbis na sa Salita ni Jehova. Ikinahihiya ng marami sa kanila ang Bibliya; kanila manding dinudusta ito sa pamamagitan ng kanilang “higher criticism.” Kanilang sinasabi na ito’y mga pabula at alamat na inihaharap bilang mabuting literatura. (Jeremias 7:28) At kung tungkol naman sa pangalan ng awtor nito, kanilang hinahamak-hamak ito. Ano ang aming patotoo sa ganitong sinabi namin?
11. Ano ang malaking pagkakaiba ng Sangkakristiyanuhan at ni Jeremias sa kanilang paggamit ng pangalan ng Diyos?
11 Bagama’t ang Hebreong tetragrammaton (יהוה) ay lumilitaw ng halos 7,000 ulit sa Hebreong Kasulatan, ang pangalang “Jehova,” o “Yahweh,” ay pinalitan sa maraming Bibliyang Ingles ng “PANGINOON” na walang pangalan. Halimbawa, ang pangalan ay lubusang inalis sa kasalukuyang mga salin ng Bibliya sa wikang Afrikaans. Ang saling Kastila na Franquesa-Solé ay gumagamit ng pangalan sa orihinal na edisyon nito. Nang ilathala ang rebisadong bersiyon, wala na roon ang banal na pangalan, hinalinhan ito ng Señor (Panginoon). At kahit na kung sa mga salin ng Sangkakristiyanuhan ay naroroon ang pangalan ng Diyos, bihirang gamitin ito ng klero. Subalit, ang namumukod-tanging pangalan ng Diyos ay ginamit ni Jeremias ng 726 na ulit sa kaniyang makahulang mensahe!b
Ang “Reyna ng Langit” at ang Idolatriya
12-14. (a) Ano ang masigasig na ginagawa ng mga sambahayang Judio? (b) Ano ang pangmalas ni Jehova sa kanilang pagsamba?
12 Makikita natin ang isa pa ring pagkakatulad sa ating pagsusuri ng mensahe ni Jeremias sa Jerusalem. Nang sabihin ni Jehova sa kaniyang propeta na huwag idalangin ang mga mamamayan, kaniyang sinabi kung bakit. “Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? Ang mga anak ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga asawang babae ay nagmamasa ng arina.” At ano ang masigasig na ginagawa ng buong sambahayan? “Upang igawa ng handog na tinapay ang ‘reyna ng langit’”!—Jeremias 7:16-18; 44:15, 19.
13 Isang komentaryong Judio ang nagsasabi: “Ang kulto ng ‘reyna ng langit’ ay masigasig at hayagang tinatangkilik.” Di kapani-paniwala, ang bansa ng Juda ay nagsasagawa ng idolatriya, sumasamba sa isang paganong diyosa, marahil siya ang Babilonikong diyosa ng mabungang pag-aanak, si Ishtar, ang ikatlong diyos ng guniguning trinidad ng mga Babiloniko. O dili kaya ang “reyna” na ito ay maaaring yaong katumbas na diyosang Cananeo, si Ashtoreth.—1 Hari 11:5, 33.
14 Bukod sa pagsamba sa diyosang ito, sila’y nahulog sa iba pang idolatriya. Sila’y hinatulan ni Jehova, na ang sabi: “Bakit pinagalit nila ako sa pamamagitan ng kanilang mga nililok na imahen, ng kanilang walang kabuluhang mga diyus-diyosan?” Ang kahatulan ay nagpapatuloy: “Sila’y hindi sumunod sa aking tinig at hindi lumakad nang ayon doon, kundi sila’y patuloy na lumakad ayon sa katigasan ng kanilang puso at ayon sa mga larawan ni Baal, na itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang.” (Jeremias 8:19; 9:13, 14) Ang Sangkakristiyanuhan ba ay nahulog sa ganiyan ding patibong?
15. (a) Anong kalagayan tungkol sa idolatriya ang makikita natin sa Sangkakristiyanuhan ngayon? Magbigay ng mga halimbawa sa inyong lugar. (b) Tungkol kay Maria anong payo ang sinusunod ng mga tunay na Kristiyano? (Tingnan din ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 232-39.)
15 Dalawin mo ang halos anumang simbahan o katedral—Protestante, Katoliko, o Orthodoxo—at makikita mo, sa pinakakakaunti, ang mga imahen ng krus. Subalit sa mga simbahang Katoliko at Orthodoxo, mayroong mga imahen ng “kalinis-linisang birhen na ang Banal na si Maria, Ina ng Tunay na Diyos” sa walang katapusang sarisaring mga kapaligiran at ayos.c Siya’y binibigyan ng pinakamataas na titulo, kasali na ang “Reyna ng langit” at “Reyna ng uniberso”!d Sa kabilang dako, ang uring Jeremias, bagama’t kanilang iginagalang si Maria bilang ina ni Jesus at isang pinahirang mananampalataya, ay maingat na sumunod sa payo ng apostol: “Mag-ingat kayo sa mga idolo.”—1 Juan 5:21; Jeremias 10:14.
Ang Trinidad ang Humalili sa Isang Soberanong Panginoong si Jehova
16. Anong turo ang nagbigay-daan para sa pagpaparangal kay Maria, at paano?
16 ‘Subalit,’ baka itanong mo, ‘paano nangyaring nagkaroon ng pagsambang ito at pagpaparangal kay Maria?’ Sa dahilan na nagkaroon ng isa pang hakbang ang sinaunang iglesyang apostata upang mapalakip ang mga paganong mananamba. Ang turo na tatlong-diyos-sa-isa ay malaganap na pinaniniwalaan sa daigdigang pagano. Ang sinaunang mga Romano ay may mga templo na may grupu-grupo ng tatlong selda na “nakaalay sa isang trinidad ng mga diyos na kaugnay ng mga paniniwala at pagsamba. Ganiyan ang makikita sa templo ni Jupiter Optimus Maximus sa Capitolino, na konsagrado sa capitolyanong trinidad ni Jupiter-Juno-Minerva.”e
17, 18. (a) Ano ang sinugpo, sa ganoo’y tinutulutang umunlad ang turo ng Trinidad? (b) Magbigay ng karagdagang mga argumento mula sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan.
17 Upang maitaguyod ang sumisikat na doktrina ng “Santisima Trinidad” noong ikatlo at ikaapat na mga siglo, kinailangan ng Iglesya Katolika na sugpuin ang kaisipang Hebreo na nahahayag nang malinaw sa mga salita ni Jeremias: “Walang sinuman na gaya mo, Oh Jehova. Ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan. Ngunit si Jehova ay tunay na Diyos. Siya ang buháy na Diyos at walang-hanggang Hari.” Pinatunayan ni Jesus ang pagkaunawang iyan nang kaniyang sipiin ang mga salita ni Moises: “Pakinggan mo, Oh Israel, si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.”—Jeremias 10:6, 10; Marcos 12:29; Deuteronomio 6:4.
18 Nakatulong ang pamahiing Judio na hindi pagbigkas ng “Yahweh,” o “Jehova,” at ang paggamit sa pangalan ng Diyos ay inihinto na ng apostatang Sangkakristiyanuhan. Kaya naman ito’y nagpapangyari na umiral ang isang guwang na mapaglalagyan ng ‘Santisima Trinidad.’f
19. (a) Ano ang naging resulta ng pagtanggap ng Sangkakristiyanuhan sa Trinidad? (b) Anong daya ang ginamit upang pagtibayin ang argumento sa Trinidad?
19 Sa gayon, ang Sangkakristiyanuhan ay nagpasiyang ‘lumakad na kasama ng ibang diyos,’ ang diyos ng mga trinitaryo, na lubusang hindi nakikilala ng mga Judio at ni Kristo at ng mga tunay na Kristiyano. At upang pagtibayin ang ganitong misteryong tatlo-sa-isa, ang mga tagapagsalin ng Sangkakristiyanuhan ay gumamit pa ng daya sa kaniyang King James Version.g Isa pa, bilang isang makatuwirang resulta ng turo ng Trinidad, isang malaking bahagi ng Sangkakristiyanuhan ang nahulog din sa pagsamba o pagpaparangal sa kaniyang “Reyna ng Langit.”—Jeremias 7:17, 18, New International Version.
Klero ang Promotor sa Pag-uusig
20, 21. Anong landasin ang sinunod ng klero ng Sangkakristiyanuhan, at anong mga tanong ang angkop ngayon na itanong?
20 Sa liwanag ng binanggit na, angkop ang tanong ni Jeremias para sa klero ng Sangkakristiyanuhan: “Paano ninyo masasabi: ‘Kami ay pantas, at ang kautusan ni Jehova ay sumasa-amin’? Talaga naman, ngayon, ang sinungaling na panulat ng mga eskriba ay sumulat na may kasinungalingan. . . . Narito! Kanilang itinakwil ang mismong salita ni Jehova, at anong uri ng karunungan ang nasa kanila?” (Jeremias 8:8, 9) Kanilang itinakwil si Jehova at ang kaniyang mga kinatawan, ang kaniyang mga saksi. Gaya ng mga saserdote at mga propeta na nang-usig kay Jeremias, ganoon din na ang klero ng Sangkakristiyanuhan ang nasa likod ng karamihan ng malulupit na pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa buong nalakaran nang siglong ito.
21 Ngunit bakit nila ginagawa ang ganitong pag-uusig? Ano ba ang ginawa ng mga Saksi upang pukawin ang kanilang galit at sila’y magmalupit? Ang katapusang artikulo sa seryeng ito ang susuri sa mga ito at sa kaugnay na mga tanong.
[Mga talababa]
a Para sa detalyadong pagtalakay sa mga puntong ito, tingnan ang pahina 95-100, 104-5, 280-84 sa Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pag-aalis sa banal na pangalan, tingnan ang 32-pahinang brosyur na Ang Banal na Pangalan na Mananatili Magpakailanman, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c The Image of Guadalupe—Myth or Miracle?, ni Jody Brant Smith, pahina 6.
d The Glories of Mary, ni Alphonsus de Liguori, pahina 424.
e Las Grandes Religiones Ilustradas (The Great Religions Illustrated), pahina 408.
f Para sa pag-aaral ng turo ng Trinidad, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 412-34.
g Ang 1 Juan 5:7 ay huwad at idinagdag lamang, at ang Mateo 24:36, na kulang ng “kahit ang Anak,” ay isang walang batayang pagkaltas. Tingnan ang talababa ng The Emphatic Diaglott, pahina 803, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., at ang The Codex Sinaiticus and The Codex Alexandrinus, pahina 27, lathala ng Trustees of the British Museum.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano nakikilala ang modernong uring Jeremias?
◻ Ano ang ilan sa mga pagkakatulad ng sinaunang Jerusalem at ng Sangkakristiyanuhan?
◻ Paano pinayapa ng klero ang mga tao upang maniwala na sila ay may pakikipagpayapaan sa Diyos?
◻ Anong kapabayaan at idolatriya ang karaniwang umiiral sa Sangkakristiyanuhan?
[Larawan sa pahina 16]
Noong 1938 ay ibinubunyag na ng mga Saksi ang huwad na relihiyon
[Mga larawan sa pahina 17]
Ang Sangkakristiyanuhan ay tumitiwala sa kaniyang matagal nang kinikilalang mga bahay-sambahan gaya ng pagtitiwala rin ng mga Judio sa kanilang templo
[Larawan sa pahina 18]
Pinapayapa ng mga predikador ng Sangkakristiyanuhan sa TV ang angaw-angaw upang maniwala na sila ay “ligtas” o “ipinanganak-muli”