Pagtugon sa Pangangailangan Para sa mga Kingdom Hall
1 Sa 2002 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova, pahina 17-20, isang ulat ang ibinigay hinggil sa bagong programa ng Samahan na “Pagtatayo ng Kingdom Hall para sa mga lupain na limitado ang kakayahan at pananalapi.” Naisip mo ba kung paano isasagawa ang programang ito sa Pilipinas? Sa pamamagitan ng insert na ito ay ipababatid namin sa iyo nang lalong lubusan ang hinggil sa bagong kaayusang ito.
2 Ang bagong programa ay isinasagawa sa buong daigdig, na sa kasalukuyan ay nag-aasikaso sa mga pangangailangan ng ating mga kapatid sa 92 bansa kung saan libu-libong Kingdom Hall ang itatayo. Upang matugunan ang pangangailangang ito at magamit sa matalinong paraan ang itinalagang mga pondo, isinaayos ng Lupong Tagapamahala na ang gawaing ito ay pangasiwaan ng Design/Build Department sa Brooklyn. Limang Regional Kingdom Hall Office ang binuo upang tumulong sa pag-oorganisa. Ang Sangay sa Pilipinas ay gumagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng tanggapan na matatagpuan sa Sangay sa Australia.
3 Isang Kingdom Hall Construction Desk ang isinaayos sa bawat sangay upang organisahin ang gawaing pagtatayo. Ang departamentong ito ay tumutulong sa mga kongregasyon sa proseso ng pagpili ng lote at gumagawa ito ng pamantayang mga plano batay sa lokal na mga materyales sa pagtatayo at mga pamamaraan. Ang tunguhin ng programang ito ay makapagtayo ng simple, marangal, at murang mga Kingdom Hall.
4 May pangangailangan ba para sa programang ito sa Pilipinas? Buong katiyakan nating masasagot iyan ng Oo. Noong 2001, pinunan ng lahat ng tagapangasiwa ng sirkito ang mga survey form hinggil sa kalagayan ng mga Kingdom Hall sa kanilang sirkito. Nang sumahin ang mga ulat, kailangan ang mahigit na 1,300 bago o lubusang-kinumpuning mga Kingdom Hall. Yamang kakailanganin ang mahabang panahon upang maitayo ang napakaraming Kingdom Hall, kinakailangang maghintay, yamang hindi naman mapagsasabay-sabay ang lahat ng ito. Gayundin, mahalaga na panatilihin muna nating nasa mabuting kalagayan ang ating kasalukuyang mga Kingdom Hall.—Sant. 5:7, 8.
Layunin ng Kingdom Hall Construction Desk
5 Ang Kingdom Hall Construction Desk ay tuwirang gumagawa sa ilalim ng superbisyon ng Komite sa Sangay at sa pakikipagtulungan ng Service Department. Sa ganitong paraan ay nabibigyan ng priyoridad ang mga kongregasyon na may pinakamalaking pangangailangan para sa isang bagong Kingdom Hall sa lugar kung saan nagtatrabaho ang isang Kingdom Hall Construction Group.
6 May inilaang pamantayang mga plano ng Kingdom Hall upang makapaglaan ng disenteng mga gusali. Ang mga disenyo ay nakabawas sa matrabahong mga detalye ngunit gumagamit pa rin ng lokal na mga materyales at mga pamamaraan. Pakisuyong tingnan ang dalawang larawan na nasa insert na ito. Ipinakikita ng isa ang pangunahing istrakturang bakal na ginamit upang umalalay sa gusali. Ginawa ito ng isang lokal na kompanya ngunit itinayo ng ating mga kapatid sa loob lamang ng dalawang araw. Ipinakikita naman ng isa pang larawan ang natapos nang Kingdom Hall na itinayo sa pamamagitan ng bagong programang ito. Natapos ang gusaling ito sa loob lamang ng dalawang buwan.
7 Pananagutan ng Kingdom Hall Construction Desk na pangasiwaan ang lahat ng aspekto sa proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Kabilang dito ang patiunang pakikipagpulong sa Lupon ng Matatanda, pagpili ng disenyo at laki ng Kingdom Hall, pagbili at wastong pagrerehistro ng loteng pagtatayuan ng gusali, gayundin ang aktuwal na pagtatayo ng gusali. Bago iwan ang proyekto, nagbibigay rin sila ng pagsasanay sa pagmamantini upang mapanatili sa mabuting kalagayan ang Kingdom Hall sa loob ng maraming taon ng paggamit.
Kingdom Hall Construction Group
8 Paano itatayo ang Kingdom Hall? Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagbuo ng mga Kingdom Hall Construction Group. Ang mga grupo ay tutulong sa matatanda ng kongregasyon sa paghahanda at pagtatayo ng Kingdom Hall gayundin sa pagsubaybay sa gastusin. Ang mga grupong ito ay binubuo ng mga lingkod at mga boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall. Sa susunod na mga parapo ay magbibigay kami ng maikling paglalarawan sa mga manggagawang ito at kung paano sila nakatutulong sa tagumpay ng proyekto sa pagtatayo.
9 Mga lingkod sa pagtatayo ng Kingdom Hall: Ang mga ito ay pangunahin nang espirituwal na mga lalaki na may kaalaman sa pagtatayo. Nagtatrabaho rin ang ilan sa kanilang asawa bilang bahagi ng mga grupo sa pagtatayo. Isang lingkod sa pagtatayo ng Kingdom Hall ang magsisilbing tagapangasiwa kasama ang isa pang kuwalipikadong kapatid na lalaki na hihirangin bilang kaniyang katulong. Sila ang nag-iiskedyul, naghahanda, at sumusubaybay sa bawat proyekto. Ang kahilingan para sa ganitong uri ng paglilingkod ay: bautisado nang di-bababa sa isang taon, makapaglilingkod nang pangmatagalan, nasa pagitan ng edad 19 at 55, malusog, kayang magtrabaho nang mabigat, lalong mabuti kung nasa buong-panahong paglilingkod bilang payunir, at nakapaglingkod nang di-kukulangin sa dalawang buwan bilang isang boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall. Paglalaanan ang mga lingkod sa pagtatayo ng Kingdom Hall na gaya ng paglalaan sa ibang pantanging buong-panahong mga lingkod tulad ng mga Bethelite, naglalakbay na mga tagapangasiwa, at mga special pioneer.
10 Mga boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall: Noong Nobyembre 2001, ipinaalam sa lahat ng kongregasyon ang tungkol sa gawaing ito at tumanggap sila ng ilang application form (A-25) na maaaring punan ng mga indibiduwal na interesado sa gawaing ito. Hanggang sa kasalukuyan ay nakatanggap na kami ng mahigit na 400 aplikasyon at lubos naming pinahahalagahan ang interes na ipinakita para sa paglilingkod na ito ng mga kapatid na lalaki at babae rito sa Pilipinas. Ang mga kahilingan para sa mga boluntaryo sa pagtatayo ng Kingdom Hall ay pareho sa kahilingan sa mga lingkod sa pagtatayo ng Kingdom Hall. Ang pagkakaiba ay temporaryo ang mga boluntaryo sa pagtatayo, na naglilingkod lamang sa loob ng limitadong yugto ng panahon. Kung posible, kukunin sila malapit sa lugar ng proyekto upang makatipid sa mga gastusin para sa mga tutuluyan at transportasyon.
Ang Pagtatayo ng Kingdom Hall ay Proyekto ng Kongregasyon
11 Ang pagtatayo ng Kingdom Hall ay proyekto talaga ng kongregasyon. Mula pa sa simula ay kasangkot na ang matatanda sa pagpapasidhi ng pananabik para sa bagong Kingdom Hall. Pinipili ang magiging laki ng gusali at inaalam ng matatanda kung anong suporta ang maibibigay ng kongregasyon sa pinansiyal na paraan at sa pagboboluntaryo.
12 Pinasisigla ang lahat sa kongregasyon na lubusang suportahan ang kanilang sariling proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall. Ang ilan ay maaaring magboluntaryo araw-araw hanggang sa matapos ang proyekto. Ang iba naman ay makapagboboluntaryo lamang nang isa o dalawang araw bawat linggo. Ano ang magiging trabaho nila? Makatutulong sila sa paghahanda ng pagkain, paglalaba para sa mga trabahador, pagpapanatiling malinis ng lugar na pinagtatayuan, pagbabantay sa gabi, at pagtulong sa aktuwal na gawaing pagtatayo. Ang mga indibiduwal na magboboluntaryo ay gagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng responsableng mga kapatid sa Kingdom Hall Construction Group. Hindi na kailangang punan ang anumang aplikasyon para sa mga boluntaryo ng kongregasyon ngunit kailangang sila ay mga mamamahayag na may mahusay na katayuan sa kongregasyon, di-bababa sa 17 taóng gulang, at inaprobahan ng komite sa paglilingkod ng kongregasyon.
Mga Hakbang sa Pagtatayo ng Bagong Kingdom Hall
13 Anong mga hakbang ang maaaring gawin ng isang kongregasyon kung nais nilang magkaroon ng bagong Kingdom Hall? Una ay gumagawa ng liham ng kahilingan sa tanggapang pansangay. Yamang itinagubilin ng Lupong Tagapamahala na maaari lamang magtayo ng mga Kingdom Hall para sa mga kongregasyon na may 30 o higit pang mamamahayag, maaaring kailanganin sa ilang kalagayan na tingnan kung posible na makisama sa ibang kongregasyon sa isang pinagsamang proyekto. Sa ilang lugar, ang paggamit ng ilang kongregasyon sa isang Kingdom Hall ay matalinong paggamit ng ating limitadong kakayahan at pananalapi. Uunahin ang mga proyekto na pakikinabangan ng pinakamalaking bilang ng mamamahayag. Kung posible ang gayong pinagsamang kaayusan, dapat itong banggitin sa unang liham ng kahilingan at dapat lagdaan ng mga komite sa paglilingkod ng bawat nasasangkot na kongregasyon ang liham ng kahilingan.
14 Kapag inatasan ang isang Kingdom Hall Construction Group sa inyong lugar, magsasaayos ang Kingdom Hall Construction Desk ng isang pagpupulong kasama ang lokal na lupon ng matatanda, ang tagapangasiwa ng sirkito kung posible, at ang mga lupon ng matatanda sa karatig na lugar kung mahigit sa isang kongregasyon ang makikinabang sa proyekto. Ang mga kinatawang ito ay maaaring mula sa tanggapang pansangay o lokal na mga kapatid gaya ng tagapangasiwa ng isang Kingdom Hall Construction Group na sinanay upang tulungan ang mga lupon ng matatanda na tiyakin ang pangangailangan nila para sa isang bagong Kingdom Hall gayundin tulungang maunawaan ang nakapaloob na mga simulain sa Bibliya na nagsisilbing gabay sa gawaing ito.
15 Mahalaga ring malaman kung anong pinansiyal na tulong ang makukuha para sa proyekto. Sinabi ni Jesus sa Lucas 14:28: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” Ang simulain ding ito ang nagsisilbing gabay ng Kingdom Hall Construction desk. Upang mabatid kung ano ang maitutulong ng kongregasyon sa proyekto ng pagtatayo ng Kingdom Hall, isang surbey ang gagawin ng matatanda. Kailangang maging makatotohanan ang mga pamilya at mga indibiduwal sa pagsasaalang-alang kung ano ang kaya nilang ibigay. Ang halagang ilalagay ay dapat maging bahagi ng regular na badyet ng pamilya.
16 Paano magbibigay ang bawat isa ng kontribusyon sa kongregasyon? Ganito ang sinasabi ng 1 Corinto 16:1 at 2: “Ngayon may kinalaman sa paglikom na para sa mga banal . . . Sa bawat unang araw ng sanlinggo ay magbukod ang bawat isa sa inyo sa kaniyang sariling bahay ng anumang maiipon ayon sa kaniyang kasaganaan, upang pagdating ko ay hindi gagawin sa pagkakataong iyon ang paglikom.” Kasuwato nito, lahat ng kongregasyon na nagnanais magkaroon ng bagong mga Kingdom Hall ay dapat gumawa ng isang kahon ng kontribusyon para sa kanilang pondo sa pagtatayo. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng matatanda at ministeryal na mga lingkod ng halimbawa, nakatitiyak kami na susuportahang mabuti ng kongregasyon ang proyekto.
17 Kapag nagsimulang magtrabaho ang Kingdom Hall Construction Group sa inyong lugar at naging posible na tugunan ang inyong kahilingan para sa isang Kingdom Hall, higit pang tagubilin ang ibibigay sa panahong iyon.
Kapansin-pansing mga Resulta Mula sa Bagong Programa
18 Sa kasalukuyan ay may anim na Kingdom Hall Construction Group na gumagawa sa Pilipinas. Hanggang nitong Abril 2003, 13 bagong gusali na ang naitayo. Napakainam na pasimula nito at umaasa kami na 24 pa ang makukumpleto bago matapos ang taon. Gayunman, palibhasa’y mahigit sa 1,300 Kingdom Hall ang kailangan, muling ipinaaalaala sa atin na kailangang maghintay ang lahat habang gumagawa kami ng paraan upang matugunan ang pangangailangan para sa higit pang mga Kingdom Hall.
19 Magmula nang pasimulan ang programa ng pagtatayo ng Kingdom Hall sa ibang lupain na may limitadong kakayahan at pananalapi noong Nobyembre 1999, 5,542 bagong Kingdom Hall ang naitayo na sa 88 lupain. Ang maibiging mga kontribusyon ng ating pambuong-daigdig na kapatiran ang gumagawang posible sa “pagpapantay-pantay” na ito, upang “ang [kongregasyong] nagtataglay ng marami ay hindi nagkaroon ng napakarami, at ang [kongregasyong] nagtataglay ng kaunti ay hindi nagkaroon ng napakakaunti.” (2 Cor. 8:14, 15) Malaki pa ang gawain at nagsisimula pa lamang ito sa Pilipinas. Nakasalalay nang malaki ang takbo ng programang ito sa makukuhang pinansiyal na tulong at kuwalipikadong pangangasiwa. Umaasa kaming makita kung paano pagpapalain ni Jehova ang programang ito sa Pilipinas.
[Larawan sa pahina 4]
Balangkas ng Kingdom Hall
[Larawan sa pahina 5]
Isang naitayo nang Kingdom Hall sa Angat, Bulacan