ARALIN 19
Paghimok na Gamitin ang Bibliya
NAIS nating akayin ang pansin ng lahat sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang sagradong aklat na iyan ang siyang saligan ng mensaheng ating ipinangangaral, at nais nating malaman ng mga tao na ang ating sinasabi ay, hindi mula sa ating sarili, kundi mula sa Diyos. Ang mga tao ay kailangang magtiwala sa Bibliya.
Sa Ministeryo sa Larangan. Kapag naghahanda para sa ministeryo sa larangan, laging pumili ng isa o higit pang kasulatan upang ibahagi sa mga taong handang makinig. Kahit na nagpaplano kang gumawa ng isang mas maikling presentasyon sa literatura ng Bibliya, kadalasang kapaki-pakinabang na bumasa ng isang angkop na teksto sa Bibliya. Ang Bibliya ay may nakahihigit na kapangyarihan upang maakay ang tulad-tupang mga tao kaysa sa anumang maaari nating personal na sabihin. Kung talagang hindi posibleng bumasa mula sa Bibliya, maaaring sumipi ka mula rito. Noong unang siglo, hindi madaling magkaroon ng mga kopya ng mga balumbon ng Kasulatan. Subalit, si Jesus at ang kaniyang mga apostol ay malawakang sumipi mula sa Kasulatan. Kailangan din nating pagsikapang isaulo ang mga kasulatan at gamitin ang mga ito nang angkop sa ating ministeryo, kahit na kung minsan ay sinisipi lamang ang mga ito.
Kapag maaari kang bumasa mula sa Bibliya, hawakan ito upang makasubaybay ang may-bahay habang nagbabasa ka. Kapag sumusubaybay ang may-bahay sa kaniyang sariling kopya ng Bibliya, ang pagtugon niya sa kaniyang binabasa ay maaaring maging higit pang kaayaaya.
Gayunman, dapat mong mabatid na ilang tagapagsalin ng Bibliya ang nagmalabis sa pagsasalin sa Salita ng Diyos. Ang kanilang salin ay maaaring naging di-kasuwato ng lahat ng nasa orihinal na mga wika ng Bibliya. Inalis ng ilang makabagong salin ang personal na pangalan ng Diyos, pinalabo kung ano ang sinasabi ng teksto sa orihinal na wika hinggil sa kalagayan ng mga patay, at ikinubli ang mensahe ng Bibliya hinggil sa layunin ng Diyos para sa lupa. Upang ipakita sa isang tao kung ano ang kanilang ginawa, baka kailangan mong paghambingin ang mga susing teksto mula sa iba’t ibang Bibliya o mula sa mas naunang mga salin sa gayunding wika. Sa ilang paksa, pinaghahambing ng Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan ang mga paraan ng pagsasalin ng iba’t ibang bersiyon sa mga susing pananalita sa mga talatang malimit na ginagamit. Ang sinumang umiibig sa katotohanan ay magpapasalamat na malaman kung ano ang totoo.
Sa mga Pulong ng Kongregasyon. Kailangang pasiglahin ang lahat na gumamit ng kanilang mga Bibliya sa mga pulong ng kongregasyon. May nagagawa itong kabutihan sa maraming paraan. Ito ay tumutulong upang mapanatili ang atensiyon ng tagapakinig sa tinatalakay. Pinatitindi nito ang epekto ng bibigang tagubilin ng tagapagsalita dahil sa pagkakita nito. At ikinikintal nito sa isipan ng mga bagong interesado na talagang ang Bibliya ang pinagmumulan ng ating mga paniniwala.
Ang aktuwal na pagsubaybay ng iyong tagapakinig sa kanilang sariling Bibliya habang binabasa mo ang mga teksto sa Kasulatan ay nakadepende nang malaki sa pampasiglang ibinibigay mo. Ang tuwirang paanyaya ang isa sa pinakamabubuting paraan.
Pananagutan mo, bilang tagapagsalita, na magpasiya kung aling teksto ang nais mong idiin sa pamamagitan ng paghiling sa tagapakinig na tingnan ang mga ito. Pinakamabuting basahin ang mga kasulatang makatutulong sa iyo na mabuo ang iyong mga pangunahing punto. Pagkatapos, habang ipinahihintulot ng panahon, idagdag ang ilan pa na susuporta sa iyong pangangatuwiran.
Sabihin pa, ang basta pagbanggit sa teksto o ang pag-aanyaya sa tagapakinig na tingnan ang isang kasulatan ay kadalasang hindi sapat. Kapag bumasa ka ng isang teksto at pagkatapos ay tumungo sa iba bago pa magkaroon ng pagkakataon ang iyong tagapakinig na makita ang nauna, di-magtatagal at sila’y masisiraan ng loob at hihinto na sa pagsisikap na sumubaybay sa Bibliya. Maging mapagmasid. Kapag ang teksto ay nakita na ng karamihan, basahin ito.
Mag-isip nang patiuna. Magbigay ng sapat na panahon bago basahin ang iyong binanggit na kasulatan. Mababawasan nito ang pagkawala ng panahon dahil sa paghihintay na makita muna ng tagapakinig ang teksto. Bagaman mas kakaunting materyal ang masasaklaw kung magbibigay ka ng panahon para hanapin ng tagapakinig ang mga kasulatan, magiging sulit naman dahil sa mga kapakinabangan na matatamo.