-
Ipaalam ang Katotohanan Tungkol kay JesusMinisteryo sa Kaharian—2002 | Nobyembre
-
-
Ipaalam ang Katotohanan Tungkol kay Jesus
1 Ang mga pinahirang Kristiyano, na tinutulungan ng kanilang kasamang ibang mga tupa, ay “may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus.” (Apoc. 12:17) Isa itong mahalagang atas, yamang ang kaligtasan ay posible lamang sa pamamagitan niya.—Juan 17:3; Gawa 4:12.
2 ‘Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay’: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay,” sabi ni Jesus. “Walang sinumang makaparoroon sa Ama kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:6) Sa pamamagitan lamang ni Jesus, “ang daan,” maaari tayong makalapit sa Diyos sa panalangin at magkaroon ng sinang-ayunang kaugnayan sa Kaniya. (Juan 15:16) Si Jesus “ang katotohanan” sapagkat ang mga hula at mga anino na nilalaman ng Hebreong Kasulatan ay natupad sa kaniya. (Juan 1:17; Col. 2:16, 17) Sa katunayan, ang pangunahing layunin ng tunay na hula ay upang bigyang-liwanag ang kaniyang napakahalagang papel sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos. (Apoc. 19:10) Karagdagan pa, si Jesus “ang buhay.” Upang matamo ang pagpapala na buhay na walang hanggan, ang lahat ay kailangang sumampalataya sa kaniyang haing pantubos.—Juan 3:16, 36; Heb. 2:9.
3 Ulo at Nagpupunong Hari: Kailangan ding kilalanin ng mga tao ang malawak na awtoridad na ipinagkatiwala ni Jehova sa kaniyang Anak upang magpatupad ng batas. Si Jesus ay iniluklok bilang Hari ng Kaharian ng Diyos—‘sa kaniya nauukol ang pagkamasunurin ng mga bayan.’ (Gen. 49:10) Isa pa, itinalaga siya ni Jehova bilang Ulo ng kongregasyon. (Efe. 1:22, 23) Kailangan nating tulungan ang ating mga estudyante sa Bibliya na pahalagahan kung paano pinangangasiwaan ni Jesus ang kongregasyon at kung paano niya ginagamit “ang tapat at maingat na alipin” upang magbigay ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon.”—Mat. 24:45-47.
4 Maawaing Mataas na Saserdote: Palibhasa’y naranasan niya ang mga pagsubok at pagdurusa bilang isang tao, “magagawa [ni Jesus na] saklolohan yaong mga nalalagay sa pagsubok.” (Heb. 2:17, 18) Tunay na nakaaantig-pusong malaman ng di-sakdal na mga tao na nakikiramay si Jesus sa kanilang mga kahinaan at may kagandahang-loob na nakikiusap para sa kanila! (Roma 8:34) Salig sa hain ni Jesus at sa pamamagitan ng kaniyang mga paglilingkod bilang Mataas na Saserdote, makalalapit tayo kay Jehova “nang may kalayaan sa pagsasalita” upang makahingi ng “tulong sa tamang panahon.”—Heb. 4:15, 16.
5 Ang atin nawang mga pagsisikap na ipaalam sa iba ang katotohanan tungkol kay Jesus ay magpakilos sa kanila na sundin at paglingkuran siya na kaisa natin.—Juan 14:15, 21.
-
-
Tulungan ang Iyong Tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa AklatMinisteryo sa Kaharian—2002 | Nobyembre
-
-
Tulungan ang Iyong Tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
1 Bawat isa sa atin ay nagtatamo ng maraming pakinabang mula sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Noong nakaraang buwan ay tinalakay natin kung paano ginagampanan ng tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ang kaniyang papel. Ngunit ano naman ang magagawa natin upang matulungan siya at sa gayo’y makinabang tayo at ang iba?
2 Dumalo Linggu-linggo: Dahil pinananatiling maliit ang bawat grupo sa pag-aaral, mahalaga ang iyong pagdalo. Gawin mong tunguhin na dumalo linggu-linggo. Makatutulong ka rin sa pamamagitan ng pagdating sa tamang oras, yamang ito ang magpapangyari sa tagapangasiwa na mapasimulan ang pulong sa maayos na paraan.—1 Cor. 14:40.
3 Nakapagpapatibay na mga Komento: Ang isa pang paraan upang makatulong ka ay sa pamamagitan ng paghahandang mabuti at pagbibigay ng nakapagpapatibay na mga komento. Ang pagkokomento hinggil sa isang punto lamang ang kadalasang pinakamainam, at pinasisigla rin nito ang iba na magkomento. Iwasang saklawin ang buong parapo. Kung nakaantig sa iyong damdamin ang isang punto sa materyal, patingkarin ang pagtalakay sa pamamagitan ng pagkokomento sa kung ano ang niloloob mo hinggil dito.—1 Ped. 4:10.
4 Kung may pribilehiyo kang magbasa ng mga parapo para sa kapakinabangan ng grupo, maging masikap sa pagganap sa atas na iyan. Ang mahusay na pagbasa ay nakatutulong sa tagumpay ng pag-aaral.—1 Tim. 4:13.
5 Panggrupong Pagpapatotoo: Ang mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan ay ginaganap sa maraming lugar na pinagdarausan ng pag-aaral sa aklat, at ang iyong pagsuporta sa mga kaayusang ito ay nakatutulong sa tagapangasiwa sa kaniyang pangunguna sa gawaing pag-eebanghelyo. Ituring ang mga kaayusang ito bilang mga pagkakataon upang mapalapit sa iyong mga kapatid at upang mapatibay sila.
6 Mga Ulat sa Paglilingkod sa Larangan: Ang pagbibigay ng iyong ulat sa paglilingkod sa larangan nang nasa panahon sa katapusan ng bawat buwan ay isa pang paraan upang matulungan ang tagapangasiwa. Maaari mong ibigay nang tuwiran sa kaniya ang iyong ulat o ihulog ito sa kahon para sa mga ulat ng paglilingkod sa Kingdom Hall. Magagamit ng kalihim ang kahon upang tipunin ang mga ulat ng paglilingkod sa larangan na kinolekta ng mga tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat.
7 Ang pakikipagtulungan mo sa iyong tagapangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat ay pahahalagahan. Higit sa lahat, makatitiyak ka na si Jehova ay ‘sasaiyo sa espiritu na iyong ipinakikita.’—Fil. 4:23.
-