Tularan ang Katarungan ni Jehova
1 “Si Jehova ay maibigin sa katarungan.” (Awit 37:28) Kaya, bagaman itinalaga na niyang puksain ang di-matuwid na sanlibutang ito, isinasaayos niyang makapagbigay muna ng babala. (Mar. 13:10) Nagbibigay ito sa mga tao ng pagkakataong magsisi at maligtas. (2 Ped. 3:9) Sinisikap ba nating tularan ang katarungan ni Jehova? Napakikilos ba tayo ng kahapisan at pagdurusang nararanasan ng pamilya ng tao na ibahagi sa iba ang pag-asa ng Kaharian? (Kaw. 3:27) Ang pag-ibig sa katarungan ay mag-uudyok sa atin na aktibong makibahagi sa pangangaral.
2 Mangaral Nang Walang Pagtatangi: Sa pamamagitan ng paghahayag ng layunin ng Diyos sa lahat nang walang pagtatangi, tayo ay ‘nagsasagawa ng katarungan.’ (Mik. 6:8) Dapat nating labanan ang di-sakdal na hilig na husgahan ang iba salig sa kanilang panlabas na hitsura. (Sant. 2:1-4, 9) “Kalooban [ni Jehova] na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Maaaring magbunga ng kamangha-manghang pagbabago sa buhay ng mga tao ang salita ng katotohanan mula sa Diyos. (Heb. 4:12) Ang pagkaunawa sa bagay na ito ay dapat magpakilos sa atin na lumapit sa mga indibiduwal nang may pagtitiwala, maging yaong marahil ay tumangging makinig sa atin noong nakaraan.
3 Isang sister na nagtatrabaho sa tindahan ang medyo natatakot sa hitsura ng isang regular na kostumer. Gayunpaman, nang bumangon ang isang angkop na pagkakataon, sinubukan niyang magpatotoo rito hinggil sa ipinangako ng Diyos na Paraiso. May-kagaspangan itong tumugon na hindi siya naniniwala sa gawa-gawa lamang na mga kuwento at na isa siyang hippie at sugapa sa droga. Subalit hindi sumuko ang sister. Isang araw, itinanong ng lalaki kung ano ang palagay ng sister hinggil sa kaniyang mahabang buhok, kaya mataktikang ipinaliwanag ng sister kung ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa bagay na ito. (1 Cor. 11:14) Laking tuwa ng sister dahil kinabukasan, nag-ahit na ito at maigsi na ang buhok! Humiling siya ng pag-aaral sa Bibliya, na buong-lugod na idinaos ng isang kapatid na lalaki, at sumulong siya tungo sa pag-aalay at bautismo. Gaya ng lalaking ito, maraming naglilingkod sa ngayon kay Jehova ang tumatanaw ng utang na loob sa walang-pagtatangi at matiyagang pagsisikap ng mga naghatid sa kanila ng mensahe ng Kaharian.
4 Malapit nang pawiin ni Jehova ang kalikuan sa buong lupa. (2 Ped. 3:10, 13) Sa limitadong panahong natitira, tularan nawa natin ang katarungan ni Jehova sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkakataon sa lahat na maligtas sa napipintong pagpuksa sa di-matuwid na sanlibutan ni Satanas.—1 Juan 2:17.