Maliligtas ang Lahat ng Uri ng mga Tao
1. Sa ano nakadepende ang ating katayuan sa harap ng Diyos?
1 Nabuksan ang daan tungo sa kaligtasan dahil sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Kalooban ni Jehova na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:3, 4) Ang katayuan natin sa harap ng Diyos ay nakadepende, hindi sa ating lahi, katayuan sa lipunan, mga kakayahan, o panlabas na hitsura, kundi sa pananampalataya natin sa haing pantubos ni Jesus. (Juan 3:16, 36) Bilang mga kamanggagawa ng Diyos, dapat nating iwaksi ang anumang pagtatangi, na maaaring mag-udyok sa atin na tanggihan ang mga taong handang tanggapin ni Jehova.
2, 3. Ano ang makatutulong sa atin na huwag humatol sa mga tao batay sa kanilang panlabas na hitsura?
2 Iwasang Humatol: Si Jehova ay tumitingin sa pagkatao ng isa, nang walang masamang hangarin o pagtatangi. (1 Sam. 16:7) Nakikita rin niya ang kanilang potensiyal. Kaya naman itinuturing niyang kanais-nais ang mga taong gusto siyang palugdan. (Hag. 2:7) Tinutularan ba natin ang pangmalas ng Diyos sa mga tao?
3 Baka matakot o masuklam tayo sa ilang tao na nasusumpungan natin sa ministeryo dahil sa kanilang hitsura. Baka sila’y marungis o hindi mahinhin sa kanilang pananamit, balbas-sarado, o may mga singsing sa kanilang ilong o labi. Ang ilan ay maaaring walang tahanan. Baka magaspang naman ang pakikitungo sa atin ng iba. Sa halip na isiping hindi kailanman magiging mga mananamba ni Jehova ang mga taong iyon, dapat tayong magkaroon ng positibong saloobin, “sapagkat tayo man ay dating hangal, masuwayin, [at] naililigaw.” (Tito 3:3) Palibhasa’y batid ito, mananabik tayong mangaral sa lahat, maging sa mga taong waring di-karapat-dapat dahil sa kanilang panlabas na hitsura.
4, 5. Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa nina Jesus at Pablo?
4 Mga Halimbawa Noong Unang Siglo: Handang tumulong si Jesu-Kristo sa mga tao na maaaring ituring ng iba na imposibleng maging mga mananamba ni Jehova. (Luc. 8:26-39) Bagaman hindi niya kailanman kinunsinti ang maling mga gawain, batid niya na maaaring masadlak ang mga tao sa maling paraan ng pamumuhay. (Luc. 7:37, 38, 44-48) Kaya naman naging maunawain siya, anupat “nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay gaya ng mga tupang walang pastol.” (Mar. 6:34) Matutularan kaya natin nang mas lubusan ang kaniyang halimbawa?
5 Si apostol Pablo ay binato, hinampas, at ibinilanggo. (Gawa 14:19; 16:22, 23) Dahil ba sa masasaklap na karanasang iyon ay naghinanakit siya at nag-isip na sinasayang lamang niya ang kaniyang panahon kasama ng mga tao ng ilang bansa at etnikong grupo? Hinding-hindi. Alam niya na masusumpungan sa lahat ng etnikong grupo ang tapat-pusong mga indibiduwal, at determinado siyang hanapin ang mga ito. Gayundin ba ang pangmalas natin sa mga tao sa ating teritoryo na may naiibang pinagmulan at kultura?
6. Ano ang maaaring maging epekto ng ating saloobin sa mga baguhan sa mga pulong ng kongregasyon?
6 Malugod na Tanggapin ang Iba sa Ngayon: Marami sa bayan ng Diyos ang maligaya sapagkat tinanggap sila sa kongregasyon ng mga kapatid na hindi tumitingin sa panlabas na hitsura. Dumating sa Kingdom Hall sa Alemanya ang isang lalaking balbas-sarado, hanggang balikat ang buhok, at marungis ang pananamit. Masama ang kaniyang reputasyon. Sa kabila nito, malugod siyang tinanggap sa pagpupulong. Hangang-hanga siya anupat nagbalik siya pagkalipas ng isang linggo. Sa loob ng maikling panahon, inayos niya ang kaniyang hitsura, inihinto ang paninigarilyo, at ginawang legal ang relasyon niya sa kaniyang kinakasama. Di-nagtagal, sila at ang kanilang mga anak ay naglilingkod na kay Jehova bilang isang nagkakaisang pamilya.
7. Paano natin matutularan ang ating di-nagtatanging Diyos?
7 Bilang pagtulad sa ating di-nagtatanging Diyos, ipaabot nawa natin sa lahat ang paanyaya na makinabang mula sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos.
[Larawan sa pahina 3]
“Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.