-
Ang Pagkakautang Natin sa IbaMinisteryo sa Kaharian—2005 | Hulyo
-
-
Ang Pagkakautang Natin sa Iba
1 Si apostol Pablo ay nakadama ng pananagutan na mangaral sa mga tao. Alam niya na ginawang posible ni Jehova na ang lahat ng uri ng tao ay maligtas sa pamamagitan ng mahalagang dugo ng Kaniyang Anak. (1 Tim. 2:3-6) Kaya, sinabi ni Pablo: “Kapuwa sa mga Griego at sa mga Barbaro, kapuwa sa marurunong at sa mga hangal ay may utang ako.” May-pananabik at walang-kapaguran siyang nagpagal upang bayaran ang pagkakautang niya sa kaniyang kapuwa-tao sa pamamagitan ng pagbabahagi sa kanila ng mabuting balita.—Roma 1:14, 15.
2 Katulad ni Pablo, hinahangad ng mga Kristiyano sa ngayon na ibahagi ang mabuting balita sa kanilang kapuwa sa bawat pagkakataon. Dahil papalapit na nang papalapit ang “malaking kapighatian,” apurahan ang ating paghahanap sa tapat-pusong mga tao. Pakilusin nawa tayo ng tunay na pag-ibig sa mga tao na maging masikap sa nagliligtas-buhay na gawaing ito.—Mat. 24:21; Ezek. 33:8.
3 Pagbabayad ng Ating Pagkakautang: Ang pangunahing paraan upang maabot natin ang mga tao ay sa pamamagitan ng pangangaral sa bahay-bahay. Sa mga teritoryong marami ang wala sa tahanan, ang pag-iingat ng tumpak na mga rekord at pagbabalik sa iba’t ibang panahon ay tutulong sa atin na makausap ang mas maraming tao. (1 Cor. 10:33) Maaabot din natin ang mga indibiduwal sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga dako ng negosyo, sa mga lansangan, sa mga parke, sa mga paradahan, at sa telepono. Maaari nating tanungin ang ating sarili, ‘Ginagawa ko ba ang aking buong makakaya upang makibahagi sa lahat ng paraan ng pangangaral para maihatid ang mensahe ng buhay?’—Mat. 10:11.
4 Nadama ng isang payunir ang matinding pananagutan na abutin ang lahat ng tao sa kaniyang teritoryo. Sa isang bahay, laging nakasara ang mga persiyana (window blinds) nito at walang tao. Gayunman, isang araw noong hindi naglilingkod sa larangan ang payunir, napansin niyang may kotse sa harap ng bahay na ito na laging walang tao. Palibhasa’y ayaw niyang palampasin ang pagkakataon, tumimbre siya. Isang lalaki ang tumugon, at ang unang pag-uusap ay humantong sa ilang pagdalaw-muli ng sister na ito at ng kaniyang asawa. Nang maglaon, tinanggap ng lalaki ang isang pag-aaral sa Bibliya, at siya ngayon ay isa nang bautisadong kapatid. Nagpapasalamat siya sa sister na ito na nakadamang pananagutan niyang mangaral sa iba.
5 Palibhasa’y napakalapit na ng wakas, ngayon na ang panahon upang bayaran ang ating pagkakautang sa ating kapuwa-tao sa pamamagitan ng puspusang pagsisikap natin sa gawaing pangangaral.—2 Cor. 6:1, 2.
-
-
Bahagi 10—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa BibliyaMinisteryo sa Kaharian—2005 | Hulyo
-
-
Bahagi 10—Pagdaraos ng Progresibong mga Pag-aaral sa Bibliya
Pagsasanay sa mga Estudyante Para sa Ministeryo sa Bahay-bahay
1 Kapag natiyak ng matatanda na kuwalipikado nang maging di-bautisadong mamamahayag ang isang estudyante sa Bibliya, maaari na siyang magsimulang makibahagi sa pangmadlang pangangaral kasama ng kongregasyon. (Tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, p. 79-81.) Paano natin matutulungan ang estudyante na maabot ang tunguhing mangaral sa bahay-bahay?
2 Magkasamang Maghanda: Walang kapalit ang mahusay na paghahanda. Ipakita sa estudyante kung saan siya makasusumpong ng mungkahing mga presentasyon sa Ating Ministeryo sa Kaharian at sa aklat na Nangangatuwiran, at tulungan siyang pumili ng isang simpleng presentasyon na praktikal sa inyong teritoryo. Sa simula pa lamang, pasiglahin na siyang itampok ang Bibliya sa kaniyang ministeryo.—2 Tim. 4:2.
3 Lubhang kapaki-pakinabang para sa isang bagong mamamahayag ang mga pag-eensayo. Habang ineensayo ng estudyante ang presentasyon, ipakita sa kaniya kung paano mataktikang haharapin ang karaniwang mga tugon sa inyong teritoryo. (Col. 4:6) Bigyan siya ng katiyakan na hindi naman kailangang alam ng mga ministrong Kristiyano ang sagot sa bawat tanong na maaaring ibangon ng may-bahay. Kadalasan nang pinakamabuting harapin ang gayong mga tanong sa pagsasabing ikaw ay magsasaliksik at babalik upang talakayin pa nang higit ang bagay na iyon.—Kaw. 15:28.
4 Magkasamang Mangaral: Sa unang pagkakataon na makibahagi ang estudyante sa ministeryo sa bahay-bahay, hayaan siyang magmasid habang inihaharap mo ang presentasyon na inihanda ninyong dalawa. Pagkatapos ay isali siya. Sa ilang kalagayan, baka mas mabuti kung ang ihaharap lamang ng bagong mamamahayag ay isang bahagi ng presentasyon, gaya ng pagbabasa at pagkokomento sa isang teksto. Isaalang-alang ang personalidad at mga kakayahan ng estudyante. (Fil. 4:5) Maging mabilis sa pagbibigay ng komendasyon habang unti-unti mo siyang sinasanay sa iba’t ibang aspekto ng pangangaral.
5 Mahalagang tulungan ang isang bagong mamamahayag na magtatag ng regular na iskedyul sa pakikibahagi sa ministeryo, anupat ginagawa ito linggu-linggo kung posible. (Fil. 3:16) Bumuo ng espesipikong mga kaayusan na gumawang magkasama sa paglilingkod, at pasiglahin siyang gumawang kasama rin ng iba pang masisigasig na mamamahayag. Ang kanilang halimbawa at pakikisama ay tutulong sa kaniya na magkaroon ng kasanayan at makasumpong ng kagalakan sa pangangaral sa bahay-bahay.
-