-
Mga Tanong Mula sa mga MambabasaAng Bantayan—2004 | Hulyo 15
-
-
Ang haing pantubos ni Jesu-Kristo ang paglalaan ng Diyos upang palayain ang sangkatauhan mula sa pagkakaalipin sa kasalanan.a (Mateo 20:28; Juan 3:16; 1 Juan 2:1, 2) Kailan mapalalaya mula sa kautusan ng kasalanan ang mga Kristiyano? Kausap ang pinahirang mga Kristiyano, sinabi ni apostol Pablo: “Ang kautusan ng espiritung iyon na nagbibigay ng buhay kaisa ni Kristo Jesus ay nagpalaya na sa iyo mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.” (Roma 8:2) Tinanggap ng mga may pag-asang mabuhay sa langit ang kalayaang ito nang pahiran sila ng banal na espiritu. Bagaman sila ay mga tao at di-sakdal, ipinahahayag silang matuwid ng Diyos at inaampon sila bilang kaniyang espirituwal na mga anak. (Roma 3:24; 8:16, 17) Para sa mga pinahiran bilang isang grupo, ang Kristiyanong Jubileo ay nagsimula noong Pentecostes 33 C.E.
Kumusta naman ang “ibang mga tupa,” na may pag-asang mabuhay magpakailanman sa lupa? (Juan 10:16) Para sa ibang mga tupa, ang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo ay magiging isang panahon ng pagsasauli at paglaya. Sa panahon ng Milenyong Jubileo na ito, ikakapit ni Jesus ang mga pakinabang ng kaniyang haing pantubos sa nananampalatayang sangkatauhan at babaligtarin ang mga epekto ng kasalanan. (Apocalipsis 21:3, 4) Sa pagtatapos ng Milenyong Paghahari ni Kristo, sasapit ang sangkatauhan sa kasakdalan ng tao at magiging lubusang malaya mula sa minanang kasalanan at kamatayan. (Roma 8:21) Kapag naisakatuparan na ito, matatapos na ang Kristiyanong Jubileo.
-
-
“Ang Bawat Matalino ay Gagawi Nang May Kaalaman”Ang Bantayan—2004 | Hulyo 15
-
-
“Ang Bawat Matalino ay Gagawi Nang May Kaalaman”
ANG patnubay mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, ‘ay higit na nanasain kaysa sa ginto—kaysa sa maraming dalisay na ginto.’ (Awit 19:7-10) Bakit? Dahil “ang kautusan ng marunong [si Jehova] ay bukal ng buhay, upang ilayo ang isa mula sa mga silo ng kamatayan.” (Kawikaan 13:14) Kapag ikinapit, hindi lamang pinasusulong ng payo mula sa Kasulatan ang kalidad ng ating buhay kundi tumutulong din ito sa atin na maiwasan ang mga silo na nagsasapanganib dito. Napakahalaga ngang saliksikin natin ang kaalaman sa Kasulatan at kumilos kasuwato ng ating natututuhan!
Gaya ng nakaulat sa Kawikaan 13:15-25, nagbigay ng payo si Haring Solomon ng sinaunang Israel na tumutulong sa atin na gumawi nang may kaalaman upang matamasa natin ang mas mainam at mas mahabang buhay.a Sa paggamit ng maiigsi subalit maliliwanag na kawikaan, ipinakita niya kung paano makatutulong sa atin ang Salita ng Diyos upang matamo ang pagsang-ayon ng iba, makapanatiling tapat sa ating ministeryo, magkaroon ng tamang saloobin sa disiplina, at makapili ng ating mga kasama nang may katalinuhan. Isinaalang-alang din niya ang katalinuhan ng pag-iiwan ng mana sa ating mga supling gayundin ang maibiging pagdidisiplina sa kanila.
Ang Mabuting Kaunawaan ay Nagtatamo ng Lingap
“Ang mabuting kaunawaan ay nagbibigay ng lingap,” ang sabi ni Solomon, “ngunit ang daan niyaong mga nakikitungo nang may kataksilan ay baku-bako.” (Kawikaan 13:15) Sa orihinal na wika, ang pananalitang “mabuting kaunawaan,” o mabuting unawa, ay “naglalarawan sa kakayahang maging maingat, gumawa ng magaling na pasiya, at magtaglay ng mahuhusay na opinyon,” ang sabi ng isang reperensiyang akda. Madaling natatamo ng taong may gayong mga katangian ang pagsang-ayon ng iba.
Isaalang-alang ang may-kaunawaang paraan ng pakikitungo ni apostol Pablo sa kaniyang kapuwa Kristiyanong si Filemon nang pabalikin niya ang takas na alipin ni Filemon na si Onesimo, na naging isa nang Kristiyano. Pinayuhan ni Pablo si Filemon na tanggaping muli si Onesimo sa mabait na paraan, gaya ng gagawin niyang pagtanggap sa apostol mismo. Sa katunayan, iminungkahi pa nga ni Pablo na siya ang magbabayad kung may anumang utang si Onesimo kay Filemon. Oo, maaaring gamitin ni Pablo ang kaniyang awtoridad at utusan si Filemon na gawin kung ano ang tama. Subalit ipinasiya ng apostol na lutasin ang mga bagay-bagay sa mataktika at maibiging paraan. Sa paggawa nito, may tiwala si Pablo na mawawagi niya ang pakikipagtulungan ni Filemon, anupat mauudyukan itong gawin ang higit pa sa hinihiling sa kaniya. Hindi ba’t ganito rin ang dapat na pakikitungo natin sa ating mga kapananampalataya?—Filemon 8-21.
Sa kabilang dako, ang daan ng mga taksil ay baku-bako, o matigas. Sa anong diwa? Ayon sa isang iskolar, ang salitang ginamit dito ay nangangahulugang “mahigpit o mapagmatigas, na tumutukoy sa manhid na asal ng mga taong balakyot. . . . Ang isang tao na determinado sa kaniyang masasamang daan, manhid at mapagwalang-bahala sa matalinong tagubilin ng iba, ay patungo sa kapahamakan.”
Nagpapatuloy si Solomon: “Ang bawat matalino ay gagawi nang may kaalaman, ngunit ang hangal ay magkakalat ng kamangmangan.” (Kawikaan 13:16) Ang katalinuhan na binabanggit dito ay may kaugnayan sa kaalaman at iniuugnay sa isang taong maingat, na nag-iisip muna bago kumilos. Kapag napapaharap sa di-makatuwirang pamumuna o pang-iinsulto pa nga, sinusupil ng isang matalinong tao ang kaniyang mga labi. May-pananalangin niyang sinisikap na ipamalas ang mga bunga ng banal na espiritu upang hindi siya labis na mayamot. (Galacia 5:22, 23) Hindi pinahihintulutan ng isang taong maingat na kontrolin siya ng ibang tao o ng situwasyon. Sa halip, nagpipigil siya at iniiwasan ang mga pag-aaway na malimit mangyari sa isang indibiduwal na madaling magalit kapag nasaktan ang damdamin.
Gumagawi rin nang may kaalaman ang isang taong maingat kapag nagpapasiya. Alam niya na ang matatalinong pagkilos ay bihirang resulta ng pala-palagay, pagkilos bugso ng emosyon, o basta pagtulad lamang sa ginagawa ng nakararami. Kaya, gumugugol siya ng panahon upang suriin ang kaniyang kalagayan. Sinusuri niya ang lahat ng bagay at inaalam ang kaniyang mga mapagpipilian. Pagkatapos ay sinasaliksik niya ang Kasulatan at inaalam kung aling kautusan o simulain ng Bibliya ang kumakapit sa kaniyang situwasyon. Nananatiling tuwid ang landas ng gayong tao.—Kawikaan 3:5, 6.
“Ang Tapat na Sugo ay Kagalingan”
Bilang mga Saksi ni Jehova, inatasan tayo na ihayag ang bigay-Diyos na mensahe. Ang pananalita ng kasunod na kawikaan ay tumutulong sa atin na manatiling tapat sa pagtupad ng ating atas. Sinasabi nito: “Ang mensaherong balakyot ay mahuhulog sa kasamaan, ngunit ang tapat na sugo ay kagalingan.”—Kawikaan 13:17.
Idiniriin dito ang mga katangian ng mensahero. Paano kung ang mensahe ay buong-kabalakyutang pinipilipit o binabago ng maydala ng mensahe? Hindi
-