Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • Ano ang Inuuna Mo?
    Ministeryo sa Kaharian—2006 | Oktubre
    • Ano ang Inuuna Mo?

      1 Paano mo sasagutin ang tanong na iyan? Mangyari pa, gusto nating lahat na unahin ang kapakanan ng Kaharian. (Mat. 6:33) Ngunit maitatanong natin sa ating sarili, ‘Nakikita ba ito sa mga pinipili kong gawin?’ Pinasisigla tayo ng Bibliya: “Patuloy na patunayan kung ano nga kayo.” (2 Cor. 13:5) Paano natin mapatutunayan sa ating sarili na inuuna nga natin ang Kaharian?

      2 Ang Ating Panahon: Makapagsisimula tayo sa pamamagitan ng pagsusuri kung paano natin ginugugol ang ating panahon. (Efe. 5:15, 16) Gaano karaming panahon ang nagugugol bawat linggo sa pakikisalamuha, panonood ng telebisyon, paggamit ng Internet, o paglilibang? Kung ililista natin ang panahong ginugugol natin sa gayong mga bagay at ihahambing ito sa panahong ginugugol natin sa espirituwal na mga gawain, baka magulat tayo. Nag-oobertaym ba tayo para lamang sa ating mga luho kapalit ng sagradong paglilingkod? Gaano kadalas natin isinasakripisyo ang mga pulong o ministeryo kapalit ng paglilibang kung dulo ng sanlinggo?

      3 Magtakda ng Priyoridad: Karamihan sa atin ay walang sapat na panahon para gawin ang lahat ng gusto natin. Kaya para mauna ang kapakanan ng Kaharian, kailangan nating pag-aralan ang ating mga priyoridad at pagkatapos ay mag-iskedyul ng panahon para sa “mga bagay na higit na mahalaga.” (Fil. 1:10) Kalakip dito ang pag-aaral ng Salita ng Diyos, pakikibahagi sa ministeryo, pag-aasikaso sa pamilya, at pagdalo sa mga pulong Kristiyano. (Awit 1:1, 2; Roma 10:13, 14; 1 Tim. 5:8; Heb. 10:24, 25) Ang ibang gawain, gaya ng katamtamang pag-eehersisyo at kaayaayang paglilibang, ay kapaki-pakinabang. (Mar. 6:31; 1 Tim. 4:8) Subalit dapat na nasa lugar ang ganitong di-gaanong mahahalagang bagay.

      4 Nagsikap ang isang kabataang brother na unahin ang kapakanan ng Kaharian sa pamamagitan ng pagpasok sa buong-panahong ministeryo sa halip na kumuha ng mas mataas na edukasyon para magkaroon ng sekular na karera. Nag-aral siya ng ibang wika at lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan. Ang sabi niya: “Masayang-masaya ako rito. Nakagiginhawa ang ministeryo! Sana’y ganito rin ang gawin ng bawat kabataan at madama rin nila ang aking nadarama. Wala nang hihigit pa sa paglilingkod kay Jehova nang ating buong makakaya.” Oo, ang pag-una sa Kaharian ay nagdudulot sa atin ng mga pagpapala, ngunit ang higit na mahalaga, nalulugod dito ang ating makalangit na Ama, si Jehova.—Heb. 6:10.

  • Paano Kaya Kami Makatutulong?
    Ministeryo sa Kaharian—2006 | Oktubre
    • Paano Kaya Kami Makatutulong?

      1 Kapag nababalitaan ng mga Saksi ni Jehova na may sakunang nangyari sa isang bahagi ng daigdig, ang madalas nilang itinatanong ay, “Paano kaya kami makatutulong?” Gaya ng ipinakikita ng ulat sa Gawa 11:27-30, nagbigay ng tulong ang mga Kristiyano noong unang siglo sa mga kapatid na nakatira sa Judea na naapektuhan ng taggutom doon.

      2 Sa makabagong panahon, ipinahihintulot ng karta ng ating organisasyon ang paggamit ng salapi para sa pagkakawanggawa sa mga dumaranas ng mga sakuna na likha ng kalikasan o ng mga tao, at para sa iba pang panahon ng kagipitan.

      3 Halimbawa, nitong nakaraang dalawang taon, maraming kapatid ang nag-abuloy upang tulungan ang mga naapektuhan ng tsunami sa Timog Asia at ng bagyong Katrina sa gawing timog ng Estados Unidos. Ang ganitong taos-pusong pagtugon sa pamamagitan ng pag-aabuloy sa pondo ng organisasyon para sa pagtulong ay lubos na pinasasalamatan. Gayunman, kapag ang mga donasyon ay espesipikong itinalaga para sa isang partikular na sakuna, legal na kahilingan sa ilang bansa na gamitin ang gayong mga pondo para lamang sa layunin na binanggit ng nagbigay ng donasyon at sa loob ng partikular na panahon, kahit na natugunan na ang pangangailangan ng ating mga kapatid.

      4 Dahil dito, inirerekomenda na ibigay sa pambuong-daigdig na gawain ang mga donasyon para sa pagkakawanggawa at pagtulong. Ginagamit ang pondong ito sa pagkakawanggawa at sa pagtugon sa espirituwal na mga pangangailangan ng Kristiyanong kapatiran. Kung sa isang partikular na kadahilanan ay nais ng isang tao na magbigay ng donasyon para sa pagkakawanggawa nang hiwalay sa mga kontribusyon para sa pambuong-daigdig na gawain, tatanggapin pa rin ito at gagamitin saanman kailanganin ang pagkakawanggawa. Gayunman, pahahalagahan kung ang ibibigay na mga donasyon ay hindi espesipikong itatalaga para lamang sa isang partikular na layunin.

      5 Kung itatalaga natin ang ating mga donasyon pangunahin na para sa pambuong-daigdig na gawain, mas maraming pondo ang magagamit may kaugnayan sa lahat ng pitak ng gawaing pang-Kaharian sa halip na gawing pondo lamang ito para sa pagkakawanggawa sa hinaharap. Kasuwato ito ng diwa ng Efeso 4:16 na magtulungan tayo na maibigay ang kinakailangan “sa ikalalaki ng katawan sa ikatitibay nito sa pag-ibig.”

Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
Mag-Log Out
Mag-Log In
  • Tagalog
  • I-share
  • Gusto Mong Setting
  • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
  • Kasunduan sa Paggamit
  • Patakaran sa Privacy
  • Privacy Settings
  • JW.ORG
  • Mag-Log In
I-share